Kabanata 17
Ang Nagpapalakas na Kapangyarihan ng Pananampalataya
Ang pananampalataya ay isang kaloob mula sa Panginoon na nagbibigay-kapangyarihan sa mabubuting tao na gumawa ng mga kakaibang bagay.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Noong 1919 si George Albert Smith, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay tinawag bilang pangulo ng European Mission. Sa isang mensahe sa mga Banal sa lugar pagdating niya, napuna ni Pangulong Smith ang mahirap na sitwasyon sa Europe, na umaahon pa lamang noon mula sa mga pinsalang dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig: “Natanto ko na nabubuhay tayo sa isang mahalagang panahon sa kasaysayan ng daigdig. Dahil sa bago at maigting na sitwasyong kinakaharap ng mga bansa, at sa kaguluhang dama sa lahat halos ng dako, sa mga anak ng tao, dama ko ang malaking responsibilidad na tugunan ang mga ito, at marubdob kong hangad ang banal na patnubay sa pagtupad sa aking mga tungkulin.” Nanalig si Pangulong Smith na sa kabila ng kaharap nilang mga pagsubok, gagantimpalaan ng tagumpay ang mga pagsisikap ng mga miyembro at misyonero: “Sa tulong ng mabubuti at may kakayahang mga kasamahan sa [mission] headquarters, at dahil sa matatapat na lalaki at babae sa misyon, inaasam kong makaani ng maraming tapat na kaluluwa.”1
Isa sa mabibigat na tungkulin noon ni Pangulong Smith bilang mission president ang dagdagan ang mga misyonero sa Europa. Kakaunti ang ipinadalang mga misyonero ng Simbahan sa Europa noong panahon ng giyera, at dahil sa kakulangan sa pagkain at iba pang mga problema sa ekonomiya ay ayaw nang magbigay ng mga opisyal ng pamahalaan sa Europa ng visa sa mga dayuhan. Ang mahirap na gawain ni Pangulong Smith ay hikayatin ang mga opisyal na ito na payagang makapasok ang mga misyonero sa kanilang mga bansa. Sa isang liham sa kanyang anak na si Emily, ikinuwento ni Pangulong Smith ang isang biyahe niya papuntang London para sa layuning ito.
“Napakabait ng ating Embahador ng Amerika at nagtagumpay siyang maitakda ang interbyu namin kay Sir Robert Horne, ang Minister of Labour ng Great Britain. Pagpasok namin sa kanyang opisina, iniabot namin ang liham mula sa Embahador sa sekretaryo ni Sir Robert, na nagtanong kung maaari naming ipagpaliban ang aming pakay dahil paalis ang hepe niya sa loob ng ilang minuto para magpunta sa Scotland at mawawala nang tatlong linggo. Tiniyak namin sa kanya na labis naming pasasalamatan kung mabibigyan niya kami ng limang minuto dahil hindi kami nakatira sa London at napakahalaga ng aming pakay. Pumasok ang sekretaryo kay Sir Robert at hindi nagtagal ay nagbalik dala ang impormasyon na ipagpapaliban nito ang pag-alis at makikipagkita sa amin nang alas-kuwatro sa araw na iyon. Taimtim kong ipinagdasal sa umagang iyon na mabuksan ang aming daan at nang pabalikin kami ay labis-labis ang pasasalamat ko sa ating Ama sa Langit.”
Sa takdang oras, pinapasok si Pangulong Smith at ang kanyang mga kasama sa pribadong opisina ni Sir Robert Horne. “Sinikap naming sabihin sa kanya ang kailangan namin at tiniyak sa kanya na kailangan ng Great Britain ang aming hinihiling. Sa loob ng halos isa’t kalahating oras ay pinakinggan niyang mabuti ang bahagi ng kasaysayan ng Simbahan at ang ating paniniwala, atbp.
“Nang matapos ako muli niyang itinanong kung ano ang kailangan namin sa kanya at nang sabihin namin na gusto naming mabigyan kami ng pribilehiyong dagdagan ang puwersa ng aming mga misyonero ng hanggang dalawandaan at limampu, tulad noong bago magkagiyera, sinabi niya na ikalulugod niyang pagbilinan ang kanyang departmento na payagang makapasok ang gayon karaming misyonero pagdaong na pagdaong nila. Siyempre pa tuwang-tuwa kami at tiniyak namin sa kanya na lubhang nabawasan ang aming pag-aalala.
“Natitiyak ko na naging kaibigan namin ang isa sa mga pinakamakapangyarihang tao sa England at hindi ako mag-aatubiling lumapit sa kanya anumang oras kung kailangan.”2
Sinabi kalaunan ni James Gunn McKay, isa sa mga misyonero ni Pangulong Smith na kasama noong kausapin nila si Sir Robert Horne: “Tingnan ninyo ang napakagandang nagawa niya. Iilan lang ang mga elder doon [sa mission]. Parang puno ng balakid ang aming landas, subalit dumating siyang puno ng inspirasyon ng Panginoon, at nagawa niyang kumatok sa mga pintuan ng mga opisyal, upang makuha ang kanilang tiwala; at sa huli ay nakamtan namin ang pribilehiyong hangad namin, na makapunta ang mga elder para simulan ang kanilang gawain at gampanan ang kanilang misyon sa pagsusulong ng layon ng Diyos at pagsasakatuparan ng kanyang gawain, at sa gayong paraan ay binigyan niya kami ng patotoo na ang Diyos ang namamahala sa gawaing iyon.”3 Iniugnay ni Elder McKay ang tagumpay ni Pangulong Smith sa kanyang “pananampalataya at katapatan at pagmamahal sa lahat ng nakasalamuha niya.” “Nakasama ko siya sa gawain,” wika niya. “Humingi ako ng payo sa kanya; magkasama kami sa pagdarasal, at alam ko na ang kanyang pananampalataya at katapatan ay kasinglalim ng buhay mismo.”4 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 208.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Ang kapangyarihan ng pananampalataya ay malinaw na makikita sa mga banal na kasulatan.
Ipinaalam sa atin na kung walang pananampalataya ay hindi malulugod ang Diyos sa atin [tingnan sa Mga Hebreo 11:6]. Ito ang naggaganyak sa lahat ng pagkilos, at ang Banal na Kasulatan ay puno ng mga katiyaban ng kapangyarihan ng pananampalataya. Dahil sa pananampalataya ni Noe nabuo niya ang arka, at dahil sa pagsunod sa mga utos ng Diyos siya at ang kanyang sambahayan ay naligtas, samantalang yaong mga kulang sa pananampalataya ay nangalibing sa malaking baha [tingnan sa Genesis 6:13–22; 7:1–24].
Sa pamamagitan ng pananampalataya nakaligtas si Lot at ang kanyang mga kapamilya nang lamunin ng apoy mula sa langit ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra, at nalipol ang mga naninirahan doon na walang pananampalataya [tingnan sa Genesis 19:12–25].5
Sa pagsampalataya pinamunuan ni Moises ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin, at tinawid ang dagat na Mapula sa tuyong lupa, at ang humabol na mga hukbong Egipcio ay nangalunod. Maraming tao ang pinakain ng tinapay na nagmula sa langit. Nang hampasin ni Moises ang bato sa Horeb, pumuslit ang tubig upang pawiin ang kanilang uhaw; at, sa pagtawid sa ilang, sila ay inakay patungo sa lupang pangako. [Tingnan sa Exodo 14:21–31; 16:14–15; 17:5–6.]6
Nang patuloy na nanalangin nang hayagan si Daniel sa Diyos ng Israel, na labag sa isang utos na inihanda ng kanyang mga kaaway para sirain siya, itinapon siya sa yungib ng mga leon at iniwan siya roon magdamag. Alam niyang maililigtas siya ng kanyang Ama sa Langit at hindi natinag ang kanyang tiwala. Maaga pa kinabukasan nagpunta ang hari sa yungib at nakitang buhay si Daniel. Dahil sa kanyang pananampalataya hindi siya sinaktan ng mababangis na hayop at naging tapat sa kanya ang hari. [Tingnan sa Daniel 6:4–28.]
Ang tatlong Hebreo, sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego, na tumangging sumamba sa ginintuang imaheng ipinagawa ni Nabucodonosor, ay itinapon sa nagniningas na hurno na pitong beses ang init kaysa karaniwang init nito. Nagtiwala sila sa Diyos na buhay at ginantimpalaan ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanilang buhay. [Tingnan sa Daniel 3:8–28.]
Sa pagsampalataya, nagpababa ng apoy si Propetang Elijah mula sa langit para sunugin ang kanyang alay, at nakumbinsi ang hari at mga tao na ang Diyos ng Israel ang Diyos at hindi si Baal [tingnan sa I Mga Hari 18:36–40].
Sa pagsampalataya ay napanatili ng kapatid ni Jared at ng kanyang mga alagad ang wika ng kanilang mga ninuno nang lituhin ang mga wika sa Tore ng Babel, at dinala sila sa Western Hemisphere na ito [tingnan sa Eter 1:33–43]. … Iyon din ang pananampalatayang tumulong kay Lehi para maitawid ang kanyang pamilya sa karagatan at madala sila sa lupaing ito, na pinakapili sa lahat ng lupain.
Sa pagsampalataya natiis ng mga disipulo ni Jesus ang pang-uusig sa kanila, at sa kabila ng pagkalaban ng mga Judio, nailunsad nila ang ebanghelyong ibinigay sa kanila ng Tagapagligtas.7
Sa pagsampalataya lahat ng himala ay naisagawa ng Manunubos ng daigdig, at ng mga kasamahan Niya. Mula pa sa simula ng panahon hanggang ngayon ang tapat na tao ang may kapangyarihan ng Diyos.8 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 209.]
Ang kapangyarihan ng pananampalataya ay malinaw na makikita sa buhay ng mabubuting Banal sa dispensasyong ito.
Sa huling dispensasyong ito, dahil sa lubos na pananampalataya sa Diyos kaya nagpunta ang batang propeta [si Joseph Smith] sa kakahuyan at lumuhod at nagdasal, at tumanggap ng unang dakilang pagpapamalas ng langit sa kanya, kung saan ang pagkatao ng Panguluhang Diyos ay muling ipinaalam sa sangkatauhan. Sa pagsampalataya nakapunta siya sa burol ng Cumorah at tinanggap niya mula sa mga kamay ng anghel ang mga sagradong talaang iyon na kalaunan ay isinalin niya sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Sa pagsampalataya pinamunuan niya ang kanyang mga tao mula Kirtland hanggang Missouri at pabalik sa Illinois, at bagaman paulit-ulit na ninakawan at itinaboy mula sa kanilang mga tahanan, nanatili sa kanila ang pananampalatayang naitanim sa kanilang puso, at nalaman nila na inaalagaan sila ng Diyos. Sa pagsampalataya naitatag ang malaking lungsod ng Nauvoo, sa pamamahala ni Propetang Joseph Smith; at sa pagsampalataya natanggap niya ang maluluwalhating katotohanang nasa Doktrina at mga Tipan.
Sa pagsampalataya pinamunuan ni Brigham Young ang mga tao papunta sa lupain sa kanlurang lupaing ito [ang Salt Lake Valley]; at, pagdating niya sa tuktok ng bundok at nang tanawin niya ang lambak, pinatotohanan sa kanya ng Diyos na ito ang lugar na dapat tirhan ng Israel. … Sa pagsampalataya inilatag ng mga tao ang batong panulok ng dakilang Templong ito [ang Salt Lake Temple], sa gitna ng kanilang kahinaan at kahirapan, sa paniniwalang maghahanda ang Diyos ng daan at magbibigay ng paraan para matapos ang gusali. Sa pagsampalataya kinaawaan ng ating Ama sa Langit ang mga tao, kung kailan, sa kanilang kaligaligan, nakita nilang nilamon ng mga cricket ang kanilang mga pananim, at wala silang nagawa para hadlangan ito, at, sa awa ng Diyos, sinagot ang kanilang mga dasal, at natanggap nila ang patotoo nito nang dumating ang mga seagull upang isalba ang kanilang ani at hindi sila mamatay sa gutom. …
… Sa pagsampalataya ang kalalakihang namuno sa gawaing ito ay paulit-ulit na nabigyang-inspirasyon, na magbigay ng mga tagubiling kailangan natin. Sa pagsampalataya tayo ay napapalakas … ng mga taong naglilingkod sa ngalan ng Panginoon, at pinalilinaw ng Mang-aaliw ang kanilang pang-unawa, ipinapaalala sa kanila ang nakaraan at ipinapakita sa kanila ang hinaharap; kaya nagpapakita ito ng diwa ng paghahayag.9
Sa pagsampalataya ang mga elder ng Israel ay humayo, iniwan ang tahanan at mga mahal sa buhay, at tiniis ang pagbatikos ng mundo, upang magpatotoo na ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo, at si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon. Sa pagsampalataya gumaling ang inyong mga maysakit, muling nabuhay ang inyong mga patay. Kung may talaan lang ng mga himalang ginawa sa mga taong ito … , ito ay magiging saksi sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya, na hindi nahigitan sa alinmang panahon sa mundo.
Ang alituntuning ito, mga kapatid, ang nagtuturo sa atin sa langit, na nagbibigay sa atin ng pag-asa sa pakikibaka sa buhay. Kapag tayo ay nalilito, at nahaharap sa mga balakid na tila hindi natin kayang malampasan, sa pagsampalataya sa Manunubos ng daigdig, makakalapit tayo sa Kanya at malalaman natin na sinasagot ang ating mga dalangin para sa ating ikabubuti.10 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 209.]
Madalas itanong ang bagay na ito: Posible kayang handa ang mga bata, ang mga kabataang lumaki sa henerasyong ito ng Simbahan na dumanas ng mga paghihirap, kawalan at pagsubok na tiniis ng kanilang mga ama at ina alang-alang sa ebanghelyo? Iiwan ba nila ang ginhawa ng kanilang tahanan para manirahan sa isang bagong bansa alang-alang sa kanilang pananampalataya?
Sinasabi ko sa inyo na kung naitanim sa kanilang puso ang kaalaman sa kabanalan ng gawaing ito ayon sa pagkaalam natin, kung nagkaroon sila ng pananampalataya dahil sa pagsunod natin sa mga utos ng Panginoon, kung naturuan sila para malaman na si Jesus ang Cristo at na si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon, kung gayon ay sinasabi ko sa inyo, Oo! gagawin nila ang ginawa ng kanilang mga ama at ina, gagampanan nila ang kanilang tungkulin sa mga banal ng Israel sa mga huling araw.
Mangahulugan man ito ng kawalan, mangahulugan man ito ng sakit at kaligaligan, o kahit palayasin sila mula sa kanilang tahanan, daan-daan at libu-libo sa ating mga anak, na nakakaalam na ito ang ebanghelyo ni Cristo, ang magbubuwis ng buhay, kung kailangan, alang-alang sa kanilang patotoo.11 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 209.]
Bubuksan ng Panginoon ang daan upang magawa natin ang Kanyang ipinagagawa kung tayo ay sasampalataya.
Naaalala ko na isang araw ay nadama kong sabihin sa isang misyonero na papunta sa isang bayan kung saan bawal tayong magkaroon ng mga pagpupulong sa lansangan:
“Tandaan mo, bigyan mo ng pagkakataon ang Panginoon. Hihingi ka ng tulong. Bigyan mo ng pagkakataon ang Panginoon. Hilingin mong buksan niya ang daan.”
Nagpunta ang binata sa lungsod na iyon, pumasok sa opisina ng meyor, at nagtanong kung maaari niya itong makausap. Itatanong niya kung maaari nilang baguhin ang patakaran.
Pagdating niya roon, natuklasan niya na wala sa bayan ang meyor. Lumabas ang binata sa opisina, tumanaw sa bulwagan at nakita sa isang pinto sa dulo ng bulwagan, “Tanggapan ng Hepe ng Pulisya.” Nag-atubili siya sandali, at may nagsabi sa kanya: “Bigyan mo ng pagkakataon ang Panginoon.” Pumasok siya sa opisina ng hepe ng pulisya at sinabi ang pakay niya sa pagpunta. Nang matapos siya sinabi ng lalaki:
“Sandali, aling kanto ba ang gusto mo?”
Sabi niya: “Hindi ko po alam ang pasikut-sikot sa lungsod na ito na katulad ninyo. Hindi po ako hihiling ng isang kantong hindi kanais-nais, o kung saan ay makahaharang kami sa daloy ng trapiko. Maaari po bang samahan ninyo akong pumili ng kanto?”
Isipin ninyo ang isang misyonerong humihiling sa hepe ng pulisya na pumili ng kanto kung saan niya ipapangaral ang ebanghelyo!
Sabi ng pulis:
“Sige, sasamahan kita.”
Sa loob ng labinlimang minuto nakuha nila ang isa sa pinakamagagandang kanto sa bayan, na may pahintulot na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo kung saan hindi pa ito naipangaral sa lansangan simula noong bago pa magkagiyera [Unang Digmaang Pandaigdig]. …
May paraan ang Panginoon sa pagsasagawa ng mga bagay na hindi natin kayang gawin, at hindi niya tayo hihilingan kailanman na gawin ang anumang bagay nang hindi siya gumagawa ng paraan para dito. Iyan ang sinabi niya sa atin sa pamamagitan ni Nephi. Hindi niya ipagagawa ang anumang bagay nang hindi siya naghahanda ng paraan.
“At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.” [1 Nephi 3:7.]
Kung may hinihiling o inaasahan sa inyo ang Panginoon at hindi ninyo alam kung paano ito gagawin, gawin lamang ninyo ang abot-kaya ninyo. Sumulong sa direksyong dapat ninyong patunguhan; magtiwala sa Panginoon, bigyan siya ng pagkakataon, at hindi niya kayo bibiguin.12
Napakagandang malaman na magagawa natin, kung gusto natin, na hawakan ang kamay ng ating Ama sa Langit at gagabayan niya tayo. Walang ibang mga tao sa mundo na may katiyakang tulad sa grupong ito.13 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 209.]
Ang Diyos ay nagkakaloob ng pananampalataya sa mabubuti.
Ang ating pananampalataya ay nakasalalay sa mabuti nating pamumuhay. Hindi tayo maaaring mamuhay sa maling paraan at magtaglay ng pananampalatayang dapat nating taglayin, ngunit kung susundin natin ang mga utos ng Panginoon, maaari tayong sumampalataya, at lalago ito at madaragdagan habang nadaragdagan ang ating kabutihan.14
Kung mayroon man sa atin na kulang ang pananampalataya sa gawaing ito, iyon ay dahil hindi natin nasunod ang mga utos ng Diyos. Kung mayroon mang hindi nakaaalam na ito ang gawain ng ating Ama, iyon ay dahil hindi nila nagampanan ang kanilang tungkulin. Alam ko tulad ng pagkaalam ko na ako ay buhay na ito ang gawain ng Panginoon, at ang kaalamang iyan ay bunga ng pagsunod sa Kanyang mga utos.15
Alam natin na ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos; ito ang bunga ng mabuting pamumuhay. Hindi natin ito nauutusang sumaatin, kundi bunga ito ng pagsunod sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Kung kulang tayo sa pananampalataya suriin natin ang ating sarili upang makita kung nasusunod natin ang Kanyang mga utos, at agad tayong magsisi kung hindi pa natin ito nagawa. … Nawa’y palaguin ng Panginoon ang ating pananampalataya, at nawa’y mamuhay tayo nang marapat para dito.16
Nawa’y namumuhay ang mga nakatanggap ng napakagandang kaloob na ito ng pananampalataya sa paraan na mananatili ito sa kanila.17 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Hanapin ang mga katibayan ng pananampalataya ni George Albert Smith sa kuwento sa mga pahina 199–201. Sinabi ng isa sa mga misyonero ni Pangulong Smith na ang kanyang mga nagawa ay “binigyan … kami ng patotoo na ang Diyos ang namamahala sa gawaing iyon” (pahina 201). Paano kayo naimpluwensyahan ng pananampalataya ng iba, tulad ng isang kapamilya o malapit na kaibigan?
-
Repasuhin ang mga halimbawa ng pananampalataya sa mga pahina 201–206. Anong iba pang mga halimbawa ng pananampalataya ang lalong makahulugan sa inyo? Paano ninyo magagamit ang mga halimbawang ito para tulungan ang isang taong sumasampalataya ngunit hindi pa natatanggap ang hangad niyang mga pagpapala?
-
Paano kayo nabigyan ng inyong pananampalataya ng “pag-asa sa pakikibaka sa buhay”? Paano tayo matutulungan ng pananampalataya na madaig ang takot o iba pang “mga balakid na tila hindi natin kayang malampasan”? (pahina 206).
-
Basahin ang kuwentong nagsisimula sa pahina 206, at ihambing ito sa kuwento sa “Mula sa Buhay ni George Albert Smith.” Ano ang mga karanasan ninyo na katulad ng mga ito? Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “bigyan ng pagkakataon ang Panginoon”?
-
Itinuro ni Pangulong Smith na “ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos” na “hindi natin … nauutusang sumaatin” (pahina 208). Paano naiimpluwensyahan ng alituntuning ito ang paraan ng pagsisikap ninyong lumago ang inyong pananampalataya at sumampalataya ang iba? Ano ang ilang partikular na bagay na magagawa natin upang “manatili” ang kaloob na pananampalataya? (tingnan sa Alma 32:35–43).
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mga Hebreo 11:1–11, 17–34; Santiago 2:17–24; Alma 32:26–43; Eter 12:6–22; Moroni 7:27–39; Doktrina at mga Tipan 136:42
Tulong sa pagtuturo: “Upang matulungan ang mga mag-aaral na maghandang sumagot sa mga tanong, maaari ninyong sabihin sa kanila bago mabasa o mailahad ang isang bagay na hihingin ninyo ang kanilang mga sagot… . Halimbawa, masasabi ninyong, ‘Makinig habang binabasa ko ang talatang ito nang sa gayon ay makapagbahagi kayo ng mga bagay na nakapagbigay-interes sa inyo hinggil dito’ o ‘Habang binabasa ang banal na kasulatang ito, tingnan kung mauunawaan ninyo kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa atin hinggil sa pananampalataya’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 86).