Kabanata 7
Ang Kawalang-Kamatayan ng Kaluluwa
Ang ating buhay ay walang-hanggan, at tinutulungan tayo ng kaalamang ito na piliin ang tama at inaaliw tayo sa panahon ng pagdadalamhati.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Si George Albert Smith ay nabiyayaan ng matibay na pagkaunawa sa layunin ng buhay, at dahil dito napalakas niya ang loob ng iba sa kanilang paghihirap. Madalas niyang paalalahanan ang mga Banal na “walang hanggan ang ating buhay”—na ang kawalang-hanggan ay hindi nagsisimula pagkamatay natin kundi ang mortalidad ay napakahalagang bahagi ng kawalang-hanggan. “Kung minsan ay sinasabi ko sa mga kaibigan ko kapag tila nahihirapan silang magdesisyon, at hindi tiyak kung saan sila pupunta, ‘Ngayon ang simula ng walang-hanggang kaligayahan o walang-hanggang kalungkutan para sa inyo.’”1
Pinatotohanan ni Pangulong Smith ang mga katotohanang ito sa libing ni Hyrum G. Smith, Patriarch sa Simbahan, na medyo bata pa nang pumanaw, at inulila ang kanyang asawa’t walong anak:
“Nadama ko, mula nang hilingan akong magsalita sa libing na ito, na baka hindi ko ito magawa. Naantig ang aking damdamin, at nalaman ko na hindi ko ito kayang pigilin, ngunit mula nang pumasok ako sa gusaling ito ay nadama ko na ang maganda at nakasisiyang diwa ng kapayapaan sa aking kaluluwa. …
“Sa halip na magdalamhati pinasalamatan ko ang ating Ama sa langit para sa Ebanghelyo ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na inihayag muli sa ating panahon. … Napakalaking pagpapala ang malaman na ang buhay ay walang hanggan,—ang malaman na sa kawalang-hanggan ang mga pagpapalang pinagsikapang matamo ng butihing lalaking ito ay mapapasakanya. Nagwakas na ang kanyang mortal na buhay ngunit bahagi lang ito ng buhay na walang-hanggan. Nakapagtatag siya ng malalim at matibay na pundasyon na kanyang pinagsaligan at patuloy na pagsasaligan sa buong kawalang-hanggan. Ang galak na kanyang naranasan dito sa lupa ay madaragdagan. …
“Kapag naiisip ko ang mga karanasan ng mga tao sa mundo, sa ganitong mga sitwasyon, namamangha ako sa labis na pagpapalang nasa atin. Wala na akong alinlangan tungkol sa buhay na walang-hanggan at kawalang-kamatayan ng kaluluwa na tulad ng pagkaalam ko na ang araw ay sumisikat sa katanghaliang tapat. … Malungkot ang mawalay sa ating mga mahal sa buhay, kahit pansamantala. Ipinadadala natin sila sa misyon, o pumupunta sila sa ibang panig ng mundo upang manirahan doon at nangungulila tayo sa kanila. Kapag may nangyayaring ganito parang mas malayo sila, ngunit ang totoo ay hindi, kung nauunawaan lamang natin. … Sa halip na magparating ng pakikiramay na kung minsan ay para sa mga naulila, mas dama kong magalak sa araw na ito dahil alam kong hindi ito ang katapusan. …
“… Kaya ngayon, habang nakatayo ako sa inyong harapan, na dapat sana ay lumuluha, ang aking kaluluwa ay puspos ng kapanatagan at kasiyahan. Dalangin ko na ang kapanatagan ay mapasabuhay ng lahat ng naulila.”2 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 85.]
Mga Turo ni George Albert Smith
Nabuhay tayo bilang mga espiritu bago tayo pumarito sa lupa, at patuloy na mabubuhay ang ating espiritu pagkamatay natin.
Nauunawaan natin na ang buhay na ito ay walang-hanggan—na nabubuhay tayo sa kawalang-hanggan ngayon katulad ng mabubuhay tayo sa kawalang-hanggan. Naniniwala tayo na nabuhay tayo bago tayo pumarito; ang katalinuhang iyon, ang espiritung iyon, ay hindi nagsimula sa buhay na ito. Naniniwala tayo na tumanggap tayo ng espirituwal na tabernakulo bago tayo naparito sa mundo. Ang espirituwal na katawang iyan ay ipinadala sa mundong ito, at dito ay tumanggap ito ng pisikal na tabernakulo, ang katawang nakikita natin. Ang pisikal na bahaging nakikita natin ay sa lupa, ukol sa lupa [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:47], ngunit ang bahaging iyon na lumilisan sa ating katawan kapag pumanaw tayo ay espirituwal, at hindi ito namamatay kailanman. Ang pisikal na tabernakulo ay nakahimlay sa libingan—ito ay bahagi ng lupa at magbabalik sa lupa—ngunit ang katalinuhang inilagay ng Diyos dito, na may kakayahang mangatwiran at mag-isip, na may kakayahang umawit at magsalita, ay hindi namamatay; dumaraan lamang ito sa yugtong ito ng buhay na walang-hanggan, at hinihintay roon ang pagpapadalisay ng pisikal na tabernakulo, hanggang sa muli itong makasama ng tabernakulong ito, na luluwalhatiin, maging tulad ng niluwalhating katawan ng ating nagbangong Panginoon, kung namuhay tayo nang karapat-dapat dito.3
Sa salita ng makata, “Ang buhay ay tunay at malalim,” at “di kamatayan ang nais marating.” [Henry Wadsworth Longfellow, “A Psalm of Life.”] Ang espiritung nasa tabernakulo ay imortal. Ito ay buhay kahit patay na ang katawan. Ang katawan ay naaagnas at bumabalik sa lupa ngunit ang espiritu ay patuloy na nabubuhay.4
Nagpapasalamat ako na inihayag sa atin at malinaw na ipinaliwanag sa mga huling araw na ito na ang buhay na ito ay hindi ang wakas, na bahagi lamang ito ng kawalang-hanggan, at kung sasamantalahin natin ang ating mga pribilehiyo rito, ito ay isa lamang paraan upang umunlad tungo sa mas dakila at kanais-nais na kalagayan.5 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 86.]
Ang layunin natin dito sa lupa ay ihanda ang ating sarili na makapiling ang ating Ama sa Langit.
Naniniwala ang ilan na kapag nagtapos ang yugtong ito ng ating buhay, iyon na ang katapusan. Tila hindi ito kapani-paniwala sa akin, kapag minasdan natin ang mga gawa ng kalikasan, kapag sinuri natin ang organismo ng tao, ang kasakdalan ng kanyang katawan, ang pintig ng kanyang puso, ang paglaki at paglakas mula pagkabata hanggang pagtanda, hanggang sa unti-unting manghina at tuluyang magwakas ang buhay na ito—na posible sa sinumang anak ng ating Ama na maniwala na ang mga tao ay isinilang sa mundo upang mabuhay lamang hanggang sa mahusto ang gulang, tumanda, at mamatay, nang walang layunin sa buhay nila rito.6
Ang buhay na ito ay hindi ibinigay sa atin bilang libangan. May dakilang layunin sa paglikha sa atin, sa buhay na ibinigay ng Diyos sa atin. Pag-aralan natin kung ano ang layuning iyan, upang umunlad tayo at magtamo ng buhay na walang-hanggan.7
Walang alinlangan sa isipan ng isang Banal sa mga Huling Araw tungkol sa layunin ng ating buhay sa mundo. Narito tayo upang ihanda ang ating sarili at paunlarin at gawing marapat ang ating sarili na manirahan sa piling ng ating Ama sa Langit.8
Naniniwala tayo na narito tayo dahil napanatili natin ang ating unang kalagayan at natamo ang pribilehiyong pumarito sa mundong ito. Naniniwala tayo na ang ating buhay mismo ay gantimpala sa ating katapatan bago tayo pumarito, at tinatamasa natin sa lupa ang mga bunga ng ating mga pagsisikap sa daigdig ng mga espiritu. Naniniwala rin tayo na nagtatanim tayo ng binhi ngayon para anihin natin kapag nilisan natin ang buhay na ito. Ang buhay na walang-hanggan para sa atin ay kabuuan ng buhay bago tayo isinilang, buhay sa kasalukuyan, at pagpapatuloy ng buhay sa imortalidad, na ipinagkakaloob sa atin ang kapangyarihang umunlad at sumulong nang walang katapusan. Sa damdamin at katiyakang iyan, naniniwala tayo na “Kung ano ang tao ngayon, ganoon ang Diyos noon, at kung ano ang Diyos ngayon, ang tao ay maaaring maging gayon.” [Tingnan sa Lorenzo Snow, “The Grand Destiny of Man,” Deseret Evening News, Hulyo 20, 1901, 22.] Dahil nilikha tayo sa larawan ng Diyos, naniniwala tayo na tama, na matwid, na asamin natin na maaari tayong tulutang makibahagi sa mga katangian ng Diyos at, kung tayo ay tapat, maging tulad ng Diyos; sapagkat kapag tinanggap natin at sinunod ang mga batas ng kalikasan ng ating Ama na namamahala sa buhay na ito, tayo ay nagiging higit na katulad Niya; at kapag sinamantala natin ang mga pagkakataong ibinigay sa atin, naghahanda tayong tumanggap ng mas malalaking oportunidad sa buhay na ito at sa buhay na darating. …
Dapat tayong maging masaya sa kaalaman na ang buhay na ito ng pagsubok ay hindi upang ihanda tayong mamatay, kundi upang mabuhay; na ang hangarin ng Ama para sa atin ay maiwasan natin ang bawat kamalian at matanggap ang bawat katotohanan, at sa pamumuhay sa katotohanan ay maging higit tayong katulad Niya, at maging karapat-dapat na makapiling Niya.9
Mga kapatid, napakahalagang bagay nito. Dapat natin itong pag-isipang mabuti. Dapat nating suriin ang sarili nating buhay at tuklasin kung handa tayo para sa magandang buhay na iyon sa hinaharap, kung tawagin man tayo bukas kung handa ba tayong isulit ang mga nagawa natin sa lupa; kung madarama ba natin na tatanggapin natin ang malugod na pasasalamat ng ating Ama sa Langit na “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.”10 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 86.]
Sa buhay na ito dapat nating hangarin ang mga bagay na walang-hanggan ang kahalagahan.
Maaari tayong mabigyan, sa buhay na ito, ng ilang bagay na magbibigay sa atin ng temporal na kasiyahan; ngunit ang mga bagay na walang-hanggan, mga bagay na “makabuluhan,” ay ang mga walang-hanggang bagay na pinagsisikapan nating tamuhin, at pinaghahandaang matanggap, at makamtan sa pagsisikap ng bawat isa sa atin.11
Hindi kakaibang bagay na ang pinagsikapang makamtan ng sanlibutan mula sa simula, kayamanan, kapangyarihan, lahat ng bagay na magpapaginhawa sa tao, ay laganap na ngayon—mas magaganda at mas maraming kasuotan kaysa noon, mas maraming makakain, mas marami ng lahat ng uri ng kayamanan na wala sa mundo noon. Ang ating tahanan ay mas komportable. Ang mga kaginhawahan sa buhay ay mas dumami pa mula nang dumating ang ebanghelyo sa lupa, at ngayon lahat ng pinagsikapan natin ay napasaatin na. Naabot ng edukasyon ang pinakarurok nito. Mas marami ngayong alam ang tao tungkol sa mga bagay ng mundo kaysa noon. Lahat ng pinagsikapang makamtan ng tao mula sa simula na itinuturing na pinakakanais-nais ay nasa mundo na ngayon; at sa kabila nito, naroon pa rin ang pagdududa at pangamba sa mangyayari sa hinaharap.
Ano ang ipinag-aalala natin? Iyon ay dahil hinangad natin ang kaginhawahan, ang mga papuri ng tao, hinangad natin ang mga bagay na dahilan ng pagiging sakim ng ating kaluluwa. Hinangad nating mas bigyan ng pagpapahalaga at unahin ang ating sarili kaysa sa iba pang mga anak ng ating Ama.12
Huwag tayong maging kampante, huwag tayong padaya sa kasaganaan ng magagandang bagay sa mundong ito; sapagka’t ano ang pakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa? [Tingnan sa Marcos 8:36.], Huwag kaligtaan ang layunin ng paglikha sa atin; sa halip kumilos tayo para sa kaligtasan ng ating kaluluwa.13
Ang isa sa nakalulungkot na mga bagay sa buhay ay ang makitang pumanaw ang isang lalaki o babae batid na tinanggihan nila ang mas dakilang mga pagpapalang handog ng ating Ama sa kanila, at patuloy na inaasam ang bagay na naglaho na. Kapag iniisip ko ang milyun-milyong anak ng Diyos sa mundo, at nalalaman kung gaano kaliit ang kanilang pagsisikap na makamtan ang mga bagay na tunay na makabuluhan, nalulungkot ako.14
Alalahanin na ang katalinuhang inyong natamo ang siyang walang-hanggan, ang katotohanang nalalaman ninyo rito at ipinamumuhay, ang kaalaman at karanasang inyong natamo at napakinabangan—ang mga ito ang madadala ninyo sa kabilang-buhay.15
Ang mga yamang matatagpuan natin kapag sumakabilang-buhay tayo ay ang ating mga natipon mula sa paglilingkod sa iba pang mga anak ng ating Ama na nakasalamuha natin dito. Ginawa Niyang posible ito para sa ating lahat, at habang narito tayo magiging mas masaya tayo sa paglilingkod sa ating kapwa kaysa iba pang paraan.16
Hindi mahalaga kung gaano kayo kayaman, kung gaano karami ang inyong ari-arian, at kung gaano karaming papuri ng tao ang matanggap ninyo, at lahat ng bagay na iyon na kanais-nais sa mundo. Ang bagay na ibinigay sa inyo ng Diyos na higit na mahalaga kaysa ibang bagay ay ang pagkakataong magtamo ng buhay na walang-hanggan sa kahariang selestiyal at makasama ninyo, sa buong kawalang-hanggan, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong asawa na nakasama ninyo rito sa mundo.17 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 86.]
Dahil kay Jesucristo, tayo ay mabubuhay na mag-uli.
Ang matwid na pamumuhay ng Tagapagligtas ay sakdal na halimbawa sa lahat, at ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli ang unang pagtiyak sa sangkatauhan na tayo man ay babangon mula sa libingan.18
Nang magbangon si Jesucristo mula sa mga patay Siya ang pangunahing bunga ng pagkabuhay na mag-uli. Ang espiritung anak ng Ama (ang matalinong bahagi ng Kanyang kaluluwa) ay muling pumasok sa Kanyang katawang-lupa na napadalisay, at Siya ay naging maluwalhati at selestiyal na nilalang, at lumuklok sa Kanyang lugar, sa kanang kamay ng Ama, bilang isa sa Panguluhang Diyos. May kapangyarihan Siyang daigin ang kamatayan dahil nasunod Niya ang lahat ng batas ng Kanyang Ama na sumasakop dito; at dahil nadaig niya ang kamatayan ginamit niya ang kapangyarihan upang ang buong sangkatauhan ay mabuhay na mag-uli, at lahat ay luwalhatiin din dahil sa pagsunod sa Kanyang mga turo, na napakasimple upang lahat ay makasunod kung gugustuhin nila.19
Si Jesucristo ay walang-bahid ng kasalanan. Dahil sa Kanyang kadalisayan, kabutihan at kabanalan, nabuksan Niya ang mga pintuan ng bilangguan, upang daigin ang kamatayan at libingan, at manguna sa daan … patungo sa langit na iyon na inaasahan nating patunguhan.20
Maaari nating basahin ang bahagi 88 ng Doktrina at mga Tipan at tingnan ang sinabi ng Panginoon tungkol sa ating pagkabuhay na mag-uli, hindi lamang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas, kundi sinabi Niya ang maaaring mangyari sa atin. … Ipinaalam sa atin sa bahaging ito na ang ating katawan ay ibabangon mula sa libingan, hindi ibang mga katawan, at ang mga espiritung nag-aangkin ng mga tabernakulong ito ngayon ay papasok sa mga tabernakulo ring ito matapos itong malinis at mapadalisay at magawang imortal. [Tingnan sa D at T 88:14–17, 28–33.]21
Ngayon napakaraming tao sa mundo na hindi alam kung ano ang pagkabuhay na mag-uli. Itinuturo ba ninyo sa inyong mga anak at mga kasama ang kahulugan nito? … Ang pagkabuhay na mag-uli [ng Tagapagligtas] ay malinaw sa mga Banal sa mga Huling Araw na nakauunawa sa ebanghelyo, ngunit napakaraming taong hindi nakauunawa sa kahulugan nito. … Ang layunin ng Ebanghelyo ni Jesucristo ay ihanda ang bawat lalaki, babae at bata para sa panahon na kung saan ang lahat ng namatay ay ibabangon mula sa kanilang libingan, at kung kailan itatatag na ng ating Ama sa Langit ang kanyang kaharian sa lupa at mananahan doon ang mga matwid at si Jesucristo ang ating magiging Hari at Tagapagbigay ng batas.22 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 86.]
Ang ating kaalaman tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ay nagbibigay ng inspirasyon, lakas ng loob, at aliw sa atin.
Mababasa natin sa Job, “Nguni’t may espiritu sa tao, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanila ng unawa.” [Job 32:8.] Ang mga hindi nakatanggap ng inspirasyong iyon ay hindi mauunawaan ang kahulugan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at kung wala ang pag-unawang iyan sa tingin ko ay kakatiting ang kaligayahan ng matatanda na naghihintay na lisanin ng espiritu ang katawan upang pumunta sa isang lugar na hindi nila alam kung saan.23
Ah, labis tayong malulungkot kung maisip natin na nagwakas sa kamatayan ang ating buhay. Kung mawalan tayo ng pagkakataong umunlad pa, pagkatapos ng ating gawain sa mundo, kakaunti na lamang ang magiging inspirasyon nating mamuhay nang nararapat dito. Ang kaalaman na lahat ng kabutihang ginagawa natin dito, at lahat ng pag-unlad na ginagawa natin, ay magdaragdag sa ating kaligayahan nang walang-hanggan, at hihikayat sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya.24
Lahat tayo ay mabilis na nagdaraan sa panahong iyan na tayo ay tatawagin mula rito. Kung hindi natin naunawaan na may kabilang-buhay, kung hindi natin nalaman na may hihigit pa sa impluwensyang natanggap na natin, kung wala nang ibang dahilan para mabuhay kundi para sa walang kabuluhan, marami, para sa akin, ang mapapagod sa pagsisikap na gagawin para mabuhay rito. Ngunit sa awa ng ating Ama sa Langit ipinagkaloob niya sa atin ang pinakamagagandang kaloob na dumarating sa tao.25
Biniyayaan tayo ng Panginoon ng kaalaman na siya ay buhay, at may katawan, at na tayo ay nilikha sa kanyang larawan. Hindi tayo naniniwala na siya ay isang uri ng diwa o hindi siya maunawaan. Kung natanggap na ninyo ang patotoong dumating sa akin at malaman tulad ko na inihayag ng Ama sa Langit ang kanyang sarili sa mga anak ng tao, na siya ay isang personal na Diyos, na tayo ay nilikha sa kanyang larawan, na ang ating espiritu ay isinilang sa kanya, na tayo ay binigyan niya ng pagkakataong manirahan sa lupa upang tumanggap ng pisikal na tabernakulo, para maging handa tayong bumalik sa kanyang piling at mabuhay na kasama niya sa walang-hanggan, sinasabi ko, kung natanggap na ninyo ang katiyakang iyan, may pundasyon na kayong mapagsasaligan ng inyong pananampalataya. Kapag inalis iyan sa inyo, ang kaalaman na talagang ang Diyos ay buhay, ang katiyakan na si Jesucristo ay Diyos na nagkatawang-tao, kapag inalis sa inyo ang katiyakan na may literal na pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at makita ninyo ang inyong sarili sa kalagayang kinasasadlakan ng mga anak ng ating Ama sa buong mundo, itatanong ko sa inyo, ano pa ang kaaliwan ninyo? Ito ang mga katotohanang napakahalaga.26
Mas marami ang mga mahal ko sa buhay na nasa kabilang-buhay na kaysa narito, at hindi magtatagal sa pagdaan ng mga panahon na pati ako ay babawian na rin ng buhay. Hindi ko inaasam ang oras na iyon nang may pighati at kalungkutan, kundi nang may pag-asa at katiyakan na ang pagbabago, kapag nangyari, ay para sa ibayong kaligayahan at kapakinabangan na hindi mapapasaatin sa buhay na ito.27
Kapag natanto natin na ang kamatayan ay isa lamang sa mga hakbang na gagawin ng mga anak ng Diyos sa buong kawalang-hanggan, at iyon ay ayon sa kanyang plano, inaalis nito ang tibo ng kamatayan at inihaharap tayo sa katotohanan ng buhay na walang-hanggan. Maraming pamilya ang pansamantala nang nagpaalam sa kanilang mga minamahal. Kapag may namamatay, nababagabag tayo, kung tutulutan natin, at sa gayon ay naghahatid ito ng kapighatian sa ating buhay. Ngunit kung mabubuksan ang ating espirituwal na mga mata at makikita natin, maaaliw tayo, natitiyak ko, sa ating makikita. Hindi tayo iniwan ng Panginoon nang walang pag-asa. Sa kabilang banda binigyan niya tayo ng buong katiyakan ng walang-hanggang kaligayahan, kung tatanggapin natin ang kanyang payo at gabay habang narito tayo sa mundo.
Hindi ito isang pangarap na walang-kabuluhan. Totoo ang mga ito. Sa inyo na mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, ang kuwentong ito ay simple, ngunit totoo. May mga sagradong banal na kasulatang ibinigay sa atin ang Ama sa Langit, na nagtuturo sa atin na tayo ay nabubuhay magpasawalang-hanggan. … Ibinigay sa atin ng Panginoon ang impormasyong ito nang buong linaw, at mula sa kaibuturan ng aking puso ay pinasasalamatan ko siya para sa kaalamang ibinigay niya sa atin, na ang mga nagdadalamhati ay maaaliw at mauunawaan natin mismo ang ating layunin sa pagparito. Kung makakausap natin ang mga sumakabilang-buhay na, sasabihin nila, “Magpatuloy, magpatuloy, para sa mithiing magdudulot sa atin ng walang-hanggang kaligayahan nang sama-sama.” Gawin ang mga ipagagawa sa inyo ng Panginoon, at mapapasainyo ang lahat ng makabuluhan; ngunit sa kabilang banda patuloy kayong magtitipon ng mga kayamanan sa langit kung saan hindi sumisira ang tanga at kalawang o nagnanakaw ang mga magnanakaw. [Tingnan sa Mateo 6:19–20.]
Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na alam ko na walang-hanggan ang ating buhay, at na ang pansamantalang paghihiwalay dahil sa kamatayan … ay isa lamang sa mga hakbang sa landas ng walang-hanggang pag-unlad at kalaunan ay magbubunga ng kaligayahan kung tayo ay tapat.28 [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 86.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Sa nabasa ninyo sa “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 75–76), isipin ang isang pagkakataon na sinikap ninyong aliwin ang isang tao nang mamatay ang isang mahal niya sa buhay. Ano ang nagdulot ng kaaliwan kay Pangulong Smith?
-
Itinuro ni Pangulong Smith na “ang [buhay na] ito ay bahagi lamang ng kawalang-hanggan” (pahina 77). Ano ang ibig sabihin nito sa inyo? Paano naiimpluwensyahan ng pagkaunawa natin sa tuntuning ito ang ating mga pasiya o desisyon?
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 77. Paano naiiba ang mga turo sa bahaging ito sa itinuturo ng mundo tungkol sa layunin ng buhay? Anong mga karanasan natin sa buhay na ito ang makakatulong sa atin na “makibahagi sa mga katangian ng Diyos”?
-
Pag-aralang muli ang bahaging nagsisimula sa pahina 79, lalo na ang huling apat na talata ng bahagi. Bakit parang “[pag-asam] sa [isang] bagay na naglaho na” ang paghahangad sa mga bagay na makamundo?
-
Sa pahina 81, tinukoy ni Pangulong Smith ang impormasyon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli sa Doktrina at mga Tipan 88. Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talata 14–17 at 28–33 sa bahaging ito tungkol sa pagkabuhay na mag-uli? Ano ang ilang epektibong paraan para maituro sa mga bata ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli?
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 83. Ano ang ilan sa mga pagsubok sa buhay na mas gumaan dahil may patotoo kayo tungkol sa mga tuntuning itinuro sa bahaging ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: I Mga Taga Corinto 15:12–26, 35–42, 53–58; 2 Nephi 9:6–13; Alma 12:24; 28:12; Doktrina at mga Tipan 93:19–20, 29–34; 130:18–19; Abraham 3:24–26
Tulong sa pagtuturo: “Papiliin ang mga kasali ng isang bahaging gusto nila at ipabasa ito sa kanila nang tahimik. Sabihing magsama sa dalawahan o tatluhang grupo ang magkakapareho ang napiling bahagi at ipatalakay ang natutuhan nila” (mula sa pahina vii ng aklat na ito).