Kabanata 12
Masigasig na Hangaring Ibahagi ang Ebanghelyo
Kailangan ng ating mga kapatid sa buong mundo ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at pribilehiyo nating ibahagi ito sa kanila.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Isinulat ng isang malapit na kaibigan ni George Albert Smith: “Si Pangulong George Albert Smith ay likas na misyonero. Binatilyo pa lang siya ay matindi na ang hangarin niyang ibahagi ang mga turo ng ebanghelyo sa kanyang kapwa, upang ipaalam sa ‘mga anak ng Diyos,’ na itinuturing niyang lahat na mga kapatid, ang mga katotohanang inihayag kay Propetang Joseph Smith.
“Sa ilang pagkakataon nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama sa paglalakbay sakay ng tren si Pangulong Smith. Sa bawat pagkakataon naobserbahan ko na kapag umandar na ang tren, kumukuha siya ng ilang gospel tract mula sa kanyang bag, inilalagay ito sa kanyang bulsa, at lumilibot siya sa mga pasahero. Sa kanyang magiliw at nakalulugod na paraan maya-maya ay makikipagkilala na siya sa kapwa pasahero, at hindi magtatagal ay maririnig ko na siyang nagkukuwento tungkol sa pagtatatag ni Propetang Joseph Smith sa Simbahan o paglalakbay ng mga Banal mula sa Nauvoo at ang mga pagsubok at hirap na dinanas nila sa pagtawid sa kapatagan papuntang Utah o kaya’y nagpapaliwanag tungkol sa ilang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanyang bagong kaibigan. Isa-isa niyang kinakausap ang bawat pasahero hanggang sa matapos ang biyahe. Sa buong panahon na magkasama kami ni Pangulong Smith, na umabot nang mahigit apatnapung taon, nalaman ko na saanman siya naroon, siya, una sa lahat ay isang misyonero para sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1
Ganito rin ang isinulat tungkol kay Pangulong Smith: “Kinakausap niya tungkol sa relihiyon ang tagalinis ng tsimenea na nagtatrabaho sa bahay niya. Madalang siyang magpalagpas ng pagkakataon upang ipaliwanag ang ‘mga walang-hanggang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo’ sa kaibigan o estranghero. Sa kanyang pananaw, ito ang pinakamagandang gawin, dahil ang mensahe ni Cristo ang pinakamahalagang regalong maibibigay niya.”2 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 146.]
Dahil pagbabahagi ng ebanghelyo ang paksang madalas talakayin ni Pangulong Smith sa kanyang mga turo, ito ang una sa tatlong kabanata tungkol sa paksa sa aklat na ito. Ang kabanatang ito ay nakatuon sa mga dahilan kung bakit natin ibinabahagi ang ebanghelyo; ang kabanata 13 ay naglalahad ng ilang paraan na makababahagi tayo sa mahalagang gawaing ito; at ang kabanata 14 ay naglalarawan kung paano tayo magiging napaka-epektibo sa ating mga pagsisikap.
Mga Turo ni George Albert Smith
Kailangan ng mundo ang nasa atin—ang ebanghelyo ni Jesucristo, na naipanumbalik sa kabuuan nito.
Ang mundo ay naguguluhan, nahihirapan, sa kabi-kabilang panig. Ang kalalakihan at kababaihan ay paroo’t parito, sa paghahanap kung saan sila tutungo upang gawin ang mga bagay na maghahatid sa kanila ng kapayapaan. … Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik na. Ang katotohanang inihayag mula sa langit ay narito at ang katotohanang iyan, ang ebanghelyong iyan, kung alam lang ng mundo, ang gagamot sa lahat ng kanilang pagdurusa. Ito ang kaisa-isang bagay na maghahatid sa kanila ng kapayapaan habang narito sila sa mundo.3
Kailangang bakasin ng mga tao sa mundong ito ang kanilang pinagdaanan at balikan ang saligang inilatag ng Panginoon ng langit at lupa, ang saligan ng pananampalataya, pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at pagtanggap ng Espiritu Santo sa ilalim ng mga kamay ng mga maytaglay ng banal na awtoridad. Iyan ang kailangan ng mundo. Talagang nagpapasalamat ako na maraming nakatingin sa direksyong iyan. Matagal na silang nabubulagan sa pagtahak sa landas na humantong sa kalungkutan at pagdurusa, ngunit abot-kamay nila ang sagot sa lahat ng pagdurusa—ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nakaplano na para sa lahat ang landas na tatahakin, bagama’t ito ay makitid, at mahirap sundan, ito ay pabalik sa Ama nating lahat; at wala nang ibang landas papunta roon.4
Sinusubukan ng mga simbahan sa mundo, sa sarili nilang paraan, na maghatid ng kapayapaan sa puso ng mga tao. Taglay nila ang maraming kabanalan at katotohanan, at marami silang nagawang kabutihan, ngunit wala silang banal na awtoridad. Maging ang kanilang mga saserdote ay walang banal na awtoridad.5
Ang mga Banal sa mga Huling Araw lamang ang tanging maytaglay ng awtoridad ng ating Ama sa Langit na mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo. Kailangan tayo ng mundo.6
Totoong may taggutom sa mundo sa mga salita ng Panginoon, at maraming tapat na kaluluwa ang masigasig na inaalam kung ano ang hangad ng ating Ama sa Langit sa kanila. Nakausap ko na ang ilan sa mga lider ng mga simbahan sa mundo, at nakita ko sa kanila ang marangal na pagkataong tapat sa paggawa ng mabuti, ngunit bihira kong makita sa mga natawag sa ministeryo sa iba’t ibang organisasyon ng simbahan, ang kalalakihang nakauunawa sa mga layunin ng kanilang buhay, o nakaaalam kung bakit tayo narito sa mundo. Hindi maituturo ng tao ang hindi nila alam mismo. Ang mabubuting taong ito, na hindi nauunawaan ang ebanghelyo at ang pangangailangan sa mga ordenansa nito, ay halos kagandahang-asal lamang ang itinuturo at ang pagbabasa ng mga awit ng papuri sa kanilang mga kongregasyon. Naghihiwalay sila ng mga talata sa banal na kasulatan bilang mga teksto para sa mga mensahe tungkol sa kabanalan, katapatan, atbp., na pawang nakakatulong at nakasisigla, ngunit ilang sermon lang ang ipinangangaral na nagpapaliwanag sa mga kinakailangang gawin ng bawat kaluluwa bago tayo makapasok sa kaharian ng langit. Ang impormasyong ito ang kailangang-kailangan ng mundo. Iilang ministro lamang ang may mensahe para sa kanilang kongregasyon na naghihikayat sa kanila na maniwala sa kabanalan ni Jesucristo at sa kahalagahan ng pakikibahagi sa mga ordenansa ng ebanghelyo na iniutos niya.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 146.]
Maraming taong tatanggap sa katotohanan kung mabibigyan sila ng pagkakataon.
Ang mga anak ng ating Ama sa lahat ng dako ay sabik na malaman kung ano ang dapat nilang gawin, ngunit, dahil sa masasamang impluwensyang laganap sa mundo, sila ay nalilinlang; ang mararangal na tao sa mundo ay nabubulagan sa katotohanan. … Kumikilos ang kaaway, at ang tanging kapangyarihang makadaraig sa kanyang impluwensya ay ang ebanghelyo ni Jesucristo.8
Noon pa man ay mapaghinala na ang mga tao sa isa’t isa. Hindi sila naniniwala sa kanilang narinig, at ayaw na nilang gawin ang ipinagawa ni Felipe, isa sa mga disipulo ng Tagapagligtas, kay Natanael na nakausap niya. Sabi ni Felipe, “Narito ang Panginoon.”
At inilarawan niya ito at nagtanong si Natanael, “Tagasaan siya?”
At sumagot si Felipe, “Aba, siya ay taga-Nazaret.” Pagkatapos ay sinabi ng butihing lalaki, “Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret?” Sabi ni Felipe, “Pumarito ka at tingnan mo.” (Tingnan sa Juan 1:43–46.)
Pinaniwala si Natanael na walang magaling na bagay na magmumula sa Nazaret, subalit siya ang taong kalaunan ay tinukoy ng Tagapagligtas na isang Israelitang hindi mandaraya—isang mabuting tao, ngunit nalinlang dahil sa mga kuwentong kanyang narinig.
Ngunit nang malaman niya, nang tanggapin niya ang paanyaya ng mga disipulo na, “Pumarito ka at tingnan mo,” nagpunta siya para makita niya.
Malaking kagalakan ang nadama natin sa impluwensya ng Kanyang Espiritu. Nais nating matamasa ng lahat ang pagpapalang iyan, kaya nang magtanong sila kung, “Anong uri ng mga tao sila?” ang lagi nating isinasagot ay, “Pumarito ka at tingnan mo.”9
Pinapunta ako ng aking Ama sa Langit … sa maraming bahagi ng mundo, at mahigit isang milyong milya na ang nalakbay ko mula nang tawagin ako sa ministeryo. Maraming lupain at klima na ang nalakbay ko, at saanman ako magpunta may nakikita akong mabubuting tao, mga anak ng Diyos na naghihintay sa ebanghelyo ni Jesucristo, at libu-libo, daan-daang libo, milyun-milyon sa kanila, ang tatanggap sa katotohanan kung alam lang nila ang alam natin.10
Napakaraming simbahan sa mundo, maraming tapat na kalalakihan at kababaihang namumuhay alinsunod sa kalooban ng ating Ama sa Langit ayon sa pagkaunawa nila rito. …
Lahat ng taong mamumuhay ayon sa liwanag na inihandog sa kanila ng Panginoon at magdarasal sa kanya nang taimtim ay maaantig ang puso, maiimpluwensyahan ang isipan, at mabibigyan ng pagkakataong malaman na muling nangusap ang Diyos.11 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 146.]
Masigasig tayo sa pagbabahagi ng ebanghelyo dahil mahal natin ang ating kapwa.
Marahil sa paningin ng hindi miyembro ay kakaiba ang kasigasigan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi nga ng isang lalaki kamakailan: “Kakaiba sa akin ang galak ng inyong mga tao sa pagsusulong ng inyong gawain. Hindi mahalaga kung kabataan man o nasa hustong gulang, hardinero man o pulis ang kausapin ko sa inyong mga tao, lahat sila ay masaya at kuntento at tiwala na taglay nila ang ebanghelyo ni Jesucristo.” …
… Nakapagtataka ba na masigasig tayo sa ating pagsamba, na matibay ang hangarin nating ibahagi ang maluluwalhating katotohanang ito sa ating kapwa? Dapat bang pagtakahan na, pagdating ng panahon na matawag sa misyon ang ating mga anak, o hilingan tayong isantabi ang ating mga tungkulin at humayo bilang mga lingkod ng buhay na Diyos, at mapagkalooban ng kapangyarihang galing sa itaas, taglay ang awtoridad na iginawad sa mga huling araw na ito, para maibahagi natin sa lahat ng tao ang napakagandang katotohanang ito na nagpayaman sa ating buhay, … tayo ay kusa at masayang sumusunod?12
Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ang hatid natin. Ang hangaring iligtas ang mga kaluluwa ng mga anak ng tao ang nag-aalab sa ating puso. Hindi iyon para itaas ang ating sarili at yumaman; hindi para papurihan ang ating pangalan sa mundong ibabaw dahil sa mga nagawa natin; kundi para marinig ng mga anak ng Diyos, saanman sila naroon, ang ebanghelyong ito, na siyang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng mga naniniwala at sumusunod sa mga tuntunin nito. At ang mga naniniwala ay susundin ang huwarang ibinigay ng Tagapagligtas nang sabihin Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” [Marcos 16:16.]13
Isipin ang responsibilidad natin, kung dahil sa kapabayaan o pagwawalang-bahala ay mamuhay tayo, nang hindi naghahangad na ibahagi ang katotohanan sa mga mahal ng Panginoon tulad ng pagmamahal niya sa atin, at mahalaga sa kanyang paningin. Palagay ko dapat mamulat ang ilan sa mga miyembro ng Simbahang ito. Palagay ko dapat pang mas sikaping ibahagi sa mga anak ng ating Ama ang lahat ng katotohanang nasa Simbahang ito.14
Kapag maysakit ang isang tao, kung kapitbahay natin siya, masaya natin siyang pinaglilingkuran; kung may yumao sa kanyang pamilya, sinisikap natin siyang aliwin. Ngunit sa paglipas ng mga taon tinutulutan natin siyang tumahak sa mga landas na sisira sa kanyang oportunidad sa buhay na walang-hanggan, nilalagpasan natin siya, na para bang wala siyang saysay.15
Nauunawaan ba natin na bawat tao ay nilikha sa larawan ng Diyos at anak na lalaki at anak na babae ng Diyos? Saanman sila naroon, sila ay kanyang mga anak, at mahal niya sila at hangad niyang maligtas sila. Tunay nga na bilang mga miyembro ng Simbahang ito hindi maaaring hindi tayo kumilos. Hindi natin matatanggap ang biyayang mapagmahal na ipinagkakaloob sa atin ng Ama sa Langit, ang kaalaman tungkol sa buhay na walang-hanggan, at sarilinin ito, iniisip na pagpapalain tayo nito. Hindi ang ating natatanggap ang nagpapayaman sa ating buhay, kundi ang ating ibinibigay.16
Pagmalasakitan natin nang sapat ang kaligtasan ng mga tao sa pagiging masigasig na sila ay mapabalik-loob: nang sa gayon ay matamasa natin ang kanilang walang-hanggang pasasalamat at pagmamahal, at ang pagpapahalaga ng ating Ama sa Langit, dahil sa ating tapat na pagmamalasakit sa Kanyang mga anak.17
Ang ating misyon sa mga anak ng ating Ama … ay misyon ng kapayapaan, ng mabuting hangarin sa lahat ng tao. Marubdob at masigasig na hangaring ibahagi sa lahat ng anak ng ating Ama ang mabubuting bagay na bukas-palad niyang ipinagkaloob sa atin; at sa pag-asang makaunawa sila, lumuluhod tayo, sa araw-araw, at nagdarasal na maantig ang kanilang puso, na mapasakanilang kaluluwa ang espiritu ng Diyos, upang maunawaan nila ang katotohanan na ibinigay sa kanila.18
Sana ay mas mabilis na maipalaganap ng dakilang Simbahang ito ang katotohanan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob dito ng Diyos, at mailigtas ang mga bansa mula sa pagkawasak. Mabilis ang pagdami natin, bilang isang organisasyon, ngunit natutuwa ako hindi dahil sa pagtaas ng bilang kundi sa paniniwala na maganda ang resulta ng ating impluwensya at naririnig ng mga anak ng ating Ama, mula hilaga hanggang timog, at mula silangan hanggang kanluran, ang mensahe ng buhay at kaligtasan, dahil kung wala ang mga ito hindi nila makakapiling ang Manunubos ng sangkatauhan.19 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 146.]
Pananagutin tayo ng Panginoon sa mga pagsisikap nating ibahagi ang kaloob na ebanghelyo.
Nakatanggap tayo ng napakagandang kaloob, ngunit kalakip ng kaloob na iyan ang malaking responsibilidad. Nabiyayaan tayo ng Panginoon ng higit na kaalaman kaysa ating kapwa, at kaakibat ng kaalamang iyan ang pangangailangang ibahagi ito sa Kanyang mga anak saanman sila naroon.20
Ngayon, hindi ko maunawaan na pinaglilingkuran natin ang Diyos nang buong lakas natin kung tinatalikuran natin ang kanyang mga anak, o gumugugol tayo ng napakaraming oras upang mapaunlad ang ating sarili, nagtitipon ng mga bagay-bagay sa buhay na ito, at hinahayaan naman natin ang kanyang mga anak sa kadiliman, gayong maaari natin silang akayin sa liwanag. Nauunawaan ko na pinakamahalagang misyon ko sa buhay na ito ay: una, sundin ang mga utos ng Diyos, ayon sa naituro sa akin; at pagkatapos, ituro ito sa mga anak ng aking Ama na hindi nakauunawa rito.21
Wala nang iba pang Ebanghelyo ng kaligtasan, at tayo, mga kapatid kong maytaglay ng banal na priesthood, ay may responsibilidad na dalhin ang mensaheng iyan, hindi lamang sa mga bansa ng mundo, kundi ipamuhay at ituro ito sa ating kapwa, na hindi natin kapanalig. Binabalaan ko kayo ngayong araw na ito na pananagutin tayo ng Panginoon kapag hindi tayo nanawagan sa Kanyang mga anak na magsisi at hindi natin pinalaganap ang Kanyang katotohanan. Kung sasayangin natin ang ating mga pagkakataong ituro sa mga anak ng Diyos, na hindi natin kapanalig, na nasa ating paligid, ang Ebanghelyong ito ng ating Panginoon, pananagutin Niya tayo sa kabilang-buhay sa mga hindi natin nagawa.22
Pagkatapos ay haharapin natin ang ating talaan ng buhay, at kung naging tapat tayo, tiyak ko na ang Ama nating lahat sa mundo ay pasasalamatan at pagpapalain tayo dahil ipinaunawa natin sa napakarami niyang anak ang layunin ng buhay at kung paano ito matatamasa sa ilalim ng impluwensya ng kanyang espiritu.23
Kapag nasa atin ang diwa ng ebanghelyo hangad nating maturuan ang maraming anak ng ating Ama hanggang sa abot ng ating makakaya, ng maluluwalhating katotohanang mahalaga para sa kanilang kadakilaan; at pagdating ng panahon na tatayo tayo sa harapan ng Manunubos ng sangkatauhan, masasabi natin sa kanya: “Dahil sa kapangyarihang ipinagkaloob ninyo sa akin, sa karunungan at kaalamang ibinigay ninyo sa akin, hinangad ko nang may pagmamalasakit at pagmamahal na hindi pakunwari, at may determinasyon at kabaitan na iparating ang kaalaman ng ebanghelyo sa marami sa inyong mga anak hanggang sa abot ng aking makakaya.”24 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 146.]
Kung ibabahagi natin ang ebanghelyo sa mga anak ng Diyos, ang ating gantimpala ay malaking kagalakan na kasama nila sa kahariang selestiyal.
Marami sa atin ang nag-uukol ng karamihan sa ating panahon sa paghahangad ng mga bagay sa buhay na ito na mapipilitan tayong iwanan kapag tayo ay yumao, subalit may mga imortal na kaluluwa sa ating paligid na matuturuan natin, kung gusto natin, at mahihikayat na saliksikin ang katotohanan, at maitatanim natin sa kanilang puso ang kaalaman na ang Diyos ay buhay. Ano pang kayamanan sa buong mundo ang magiging napakahalaga sa atin, dahil pasasalamatan nila tayo sa buhay na ito at pahahalagahan magpakailanman at magpasawalang-hanggan sa daigdig na darating. Napakahalagang misyon nito.25
Isipin ang mangyayari kung, sa halip na maging sakim at sikaping iligtas lamang ang sarili nating maliit na pamilya, dose-dosena at daan-daang kalalakihan at kababaihan ang maimpluwensyahan natin upang tanggapin ang Ebanghelyo ng ating Panginoon. Sa gayon ay tunay ngang mapalad tayo at matatamasa natin ang kanilang pagmamahal at pasasalamat magpakailanman.26
Kaylaking kagalakan sa kabilang-buhay, na makita ang mabubuting kalalakihan at kababaihang ito na namumuhay ayon sa liwanag na nasa kanila, sinisikap na magawa ang kanilang tungkulin sa Diyos, at dahil sa ating pagtuturo, dahil sa ating kasabikan at kahandaang ibahagi ang mga ito, tatanggap sila ng iba pang impormasyon tungkol sa ebanghelyo ng ating Panginoon at ng mga ordenansa sa Kanyang Banal na Bahay at magiging handa para maging miyembro sa Kahariang Selestiyal. Lubha kayong sasaya, kung dumating ang oras na iyan, na tumayo kayo sa harapan ng dakilang Hukom upang isulit ang maikling buhay na ginugol sa mortalidad, kung sabihin ng mga anak na ito ng ating Ama na mahal Niyang tulad ng pagmamahal Niya sa atin, habang nakatayo sa ating tabi, “Ama sa Langit, ang lalaki pong ito, ang babae pong ito ang unang naghatid sa akin sa kaalaman ng Inyong maluwalhating katotohanan na naghikayat sa akin na hangaring makilala Kayo nang mas taimtim ngayon kaysa noon. Ang lalaki o babae pong ito ang gumawa ng magandang bagay na ito sa akin.” At hindi lamang iyan.
Pagdating ng panahong iyan, kapag kayo ay nasa kawalang-hanggan na, napakahabang panahon niyan, mamahalin at pasasalamatan kayo ng bawat lalaki, babae at bata na kayo ang naging kasangkapan upang magkaroon sila ng walang-hanggang kaligayahan. Hindi ba makabuluhan iyan? Maaari nating gugulin ang ating buhay dito at magtamo ng daan-daan o libu-libong dolyar, magkaroon ng mga kawan, bakahan, bahay at lupa, ngunit hindi natin madadala ang mga ito sa kabilang-buhay. Hindi mahalaga ang mga ito sa buhay na walang-hanggan, mahalaga lamang ito sa buhay na ito, ngunit kung natamo natin ang pasasalamat at pagmamahal ng iba pang mga anak ng Diyos, patuloy nating matatamo iyan magpakailanman. Isipin ang magiging kabuluhan niyan! Pagdating ng panahon na ang mundong ito ay nalinis at napadalisay sa pamamagitan ng apoy at naging kahariang selestiyal, na lahat ng karumihan, at lahat ng hindi kanais-nais ay napawi, lubhang nakasisiyang malaman na kasama natin ang mga taong ating napaglingkuran sa buhay na ito, na kasama nating tagapagmana si Jesucristo na ating Panginoon, at pamumunuan niya tayo magpakailanman—hindi ba makabuluhan iyan? Hindi ba ito masayang pagkakataon?27 [Tingnan ang mungkahi 6 sa pahina 147.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Basahing muli ang “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 135–137). Sa palagay ninyo, bakit lubhang masigasig si Pangulong Smith sa gawaing misyonero? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “una sa lahat ay maging isang misyonero para sa Simbahan”?
-
Ano pa ang handog ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mundo bukod sa “mga turo sa kagandahang-asal” na iniaalok sa halos lahat ng relihiyon? (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga pahina 137–138.)
-
Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 139 (tingnan din sa D at T 123:12). Anong mga halimbawa ang nakita na ninyo tungkol sa mga taong naliwanagan sa maling akala tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyayang “pumarito ka at tingnan mo”? Ano ang ilang epektibong paraan para magparating ng gayong paanyaya?
-
Basahin ang huling talata sa pahina 141. Sa palagay ninyo, bakit atubili tayo kung minsan na ibahagi ang ebanghelyo sa ating kapwa? Habang pinag-aaralan ninyo ang mga pahina 140–142, pag-isipan ang magagawa natin para madaig ang pag-aatubiling iyon.
-
Habang binabasa ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 142, pag-isipang mabuti kung ginagawa ninyo ang inaasahan sa inyo ng Panginoon para maibahagi ang ebanghelyo. Pag-isipan nang may panalangin kung paano ninyo mas lubos na masusunod ang utos na ito.
-
Basahing muli ang huling bahagi ng mga turo (mga pahina 144–146) at isipin ang tao na unang nagpaalam o naghatid sa inyo o sa inyong pamilya ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ano ang magagawa ninyo para ipakita o ipahayag ang pasasalamat ninyo sa taong iyon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Amos 8:11–12; Mosias 28:1–3; Alma 26:28–30; Doktrina at mga Tipan 4:4; 18:10–16
Tulong sa pagtuturo: “Mas makabubuting kumuha ng ilang magagandang ideya at magkaroon ng magandang talakayan—at matutong mabuti—kaysa magmadali, at sikaping ituro ang lahat ng nasa manwal. … Talagang mahalaga na hindi magmadali kung gusto ninyong mapasa inyong klase ang Espiritu ng Panginoon” (Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Liahona, Hunyo 2007, 59).