Kabanata 4
Ang Propetang Joseph Smith, Kasangkapan ng Diyos sa Pagpapanumbalik ng Katotohanan
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ipinanumbalik ng Diyos ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kadalisayan nito.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Noong malapit na ang ika-100 anibersaryo ng kaarawan ni Propetang Joseph Smith, naglakbay si Elder George Albert Smith kasama si Pangulong Joseph F. Smith at ang iba pa para bisitahin ang mahahalagang lugar sa buhay ng Propeta. Noong umaga ng Disyembre 23, 1905, isang bantayog ni Joseph Smith ang inilaan sa lugar na kanyang sinilangan sa Vermont. Nakaaantig na karanasan para kina George Albert Smith at sa kanyang mga kasama na mapunta sa lugar na napakahalaga sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. “Malayang dumaloy ang aming mga luha,” paggunita niya. “Sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, bawat kaluluwa ay nagpakumbaba, bawat puso ay naantig, at nagalak kami sa mga pagpapala ng ating Ama sa Langit.”1 Si George Albert Smith ang hinilingang mag-alay ng pangwakas na panalangin sa mga serbisyo ng paglalaan. Matapos ibuod ang maghapon sa kanyang journal, isinulat niya: “At diyan nagtapos ang isa sa mga pinakamakabuluhang araw sa aking buhay. Nagpapasalamat akong maging isa sa iilan sa ating mga tao na tumulong sa gawaing katatapos pa lamang.”2
Kalaunan ay nagpunta sila sa pinangyarihan ng Unang Pangitain, sa Palmyra, New York. Paggunita ni Elder Smith: “Nagpunta kami sa kakahuyan kung saan lumuhod si Joseph at hiniling sa Panginoon na ipaalam sa kanya kung alin sa mga simbahan ang dapat niyang aniban. Nahikayat kaming awitin, sa banal na lugar na iyon, ang magandang … himnong ‘Unang Panalangin ni Joseph Smith.’”3
Matapos bisitahin ang Hill Cumorah, Kirtland Temple, at iba pang mga lugar na may kaugnayan sa misyon ng Propeta, tinipon ni Pangulong Joseph F. Smith ang grupo sa huling gabi ng paglalakbay. “Matapos kumanta ng ilang awitin ng Sion, bawat miyembro ng grupo ay tinulutang magpatotoo tungkol sa kabutihan at awa sa atin ng ating Ama. Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos sa amin, at napaluha kami sa galak at kaligayahan.”4 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 48.]
Makalipas ang ilang taon, habang naglilingkod si George Albert Smith bilang Pangulo ng Simbahan, ilang aklat ang inilathala na nagtangkang siraan si Joseph Smith. Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan, matapang na ipinagtanggol ni Pangulong Smith ang Propeta, at pinatotohanan ang misyon nito sa ganitong mga salita:
“Marami sa mga pakinabang at pagpapalang dumating sa akin ang napasaakin dahil sa taong nagbuwis ng buhay para sa ebanghelyo ni Jesucristo. May ilang nangutya sa kanya, ngunit gusto kong sabihin na ang mga gumawa nito ay malilimutan at ang kanilang mga labi ay babalik sa lupa, kung hindi pa man sila pumanaw, at ang baho ng kanilang kabuktutan ay hindi maglalaho kailanman, samantalang ang kaluwalhatian at karangalan at karingalan at katapangan at katapatang ipinamalas ni Propetang Joseph Smith ay mauugnay sa kanyang pangalan magpakailanman.”5
Hangang-hanga si Elder Harold B. Lee, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa pahayag na ito kaya nagtago siya ng kopya nito sa kanyang pitaka at binanggit ito nang madalas, sa hangaring ang mga salita ni Pangulong Smith “ay marinig sa lahat ng sulok ng mundo.”6
Mga Turo ni George Albert Smith
Ipinakita sa Unang Pangitain ni Joseph Smith na ang kalangitan ay hindi nakapinid.
Naniniwala tayo na ang ating Ama sa Langit ay nangusap sa ating sariling panahon … , na narinig niya ang abang dalangin ng isang binatilyo sa Palmyra, at sinagot ang panalangin nito at biniyayaan ito ng kaalaman tungkol sa kanyang katauhan, upang makilala ng lahat ng tao ang Panginoon, kung gusto nila.
Hindi na kakaiba kay Joseph Smith ang hanapin ang Panginoon. Nagmula siya sa isang … angkan na naniniwala sa ating Ama sa Langit, sa banal na misyon ng Tagapagligtas, sa bisa ng panalangin, at na diringgin at sasagutin ng Diyos ang kanyang mga tao kung sila ay haharap sa kanya nang may tamang layunin. Madali para sa binatilyong ito ang maniwala, dahil siya ay isinilang at lumaki sa isang sambahayang naniniwala; at nang magpunta siya sa kakahuyan bilang tugon sa tagubilin ng banal na kasulatan na (Santiago 1:5): “Nguni’t kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya,” naniwala siya na sasagutin ang kanyang panalangin, at nangako ang ating Ama sa Langit sa kanyang mga anak sa simula pa lamang, na, “sa pamamagitan ng pananampalataya ay maaari mong malaman ang lahat ng bagay.”7
Ang pananampalataya niya sa Diyos ay inilayo siya sa paniniwala, na karaniwan sa kanyang panahon, na ang Biblia ay naglalaman ng lahat ng paghahayag na maaaring matanggap ng tao, at ang kalangitan ay nakapinid na sa paghahayag. Nanalangin siya sa Panginoon, at nasagot ang kanyang panalangin. Nakita niya ang Ama at Anak na bumababa sa lupa at nalilibutan ng maluwalhating liwanag. Tumanggap siya ng di-maitatatwang kaalaman na sila ay may mga tabernakulong tulad ng tao, at na sila ay may laman at buto; nakipag-usap sila sa kanya at narinig niya ang kanilang tinig.8
Ang resulta [ng panalangin ni Joseph] ay ang maluwalhating pagpapamalas na iyon, na hindi katulad ng anumang narinig na natin sa kasaysayan ng daigdig. Narinig na natin na may mga pagkakataon na nagpakita mismo ang Ama sa Langit; nabasa natin na may mga pagkakataon na nagpakita mismo ang Manunubos ng sangkatauhan; ngunit wala pa tayong narinig na pagkakataon na nagpakita ang Ama at ang Anak sa sinumang buhay na nilalang at nakipag-usap sa taong iyon.
Hindi ito pinaniniwalaan ng mga tao sa mundo. Naituro na sa kalalakihan at kababaihan na nakapinid na ang mga kalangitan … , at nang ipahayag ng binatilyong ito na sa ating panahon, sa mismong panahon na higit sa lahat ay kailangan natin ng liwanag, noong ang kalalakihan at kababaihan ay paroo’t parito sa paghahanap sa salita ng Diyos at hindi ito matagpuan, tulad ng ipinropesiya ng mga propeta noong araw [tingnan sa Amos 8:11–12], na nagpakita mismo ang Panginoon, siya [si Joseph] ay kinutya. … Hindi tinanggap ang kanyang pahayag, at ang dapat sana’y mga kaibigan niya ay tumalikod sa kanya at sinabi pa na ito ay nanggaling sa diyablo. Ano ang patotoo ng binatilyo?
“… Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; at habang ako’y kanilang inuusig, ako’y nilalait, at nagsasabi ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa akin nang walang katotohanan sa pagsasabi nito, dahil dito ay nasabi ko sa aking puso: Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan? Ako ay tunay na nakakita ng pangitain; at sino ako na aking kakalabanin ang Diyos, o bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita? Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:25.]9
Noong taong 1830, nang itatag ang Simbahang ito, walang simbahan sa mundo na magsasabing naniwala sila na ihahayag ng Diyos ang kanyang sarili sa mga anak ng tao. Salungat lahat diyan ang mga turo ng mga simbahan, at nakita ng ating Ama na walang-saysay na sikaping iligtas ang kanyang mga anak hangga’t hindi sila nagkakaroon ng inspirasyong lumapit sa kanya na may paniniwalang diringgin at sasagutin niya ang kanilang mga dalangin. Nang makita ng batang propeta sa kakahuyan ng Palmyra ang Ama at ang Anak, at natanto na sila nga ay mga personahe, na naririnig at sasagutin nila ang kanyang sinabi, nagpasimula ito ng bagong panahon sa mundong ito, at naglatag ng pundasyon ng pananampalataya ng mga anak ng tao. Makapagdarasal na sila ngayon sa ating Ama sa langit at matatanto na naririnig at sinasagot niya ang kanilang mga dalangin, na may koneksiyon sa pagitan ng langit at lupa.10 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 48.]
Bagaman bata pa at kulang sa karanasan, si Joseph Smith ay tinawag upang ipanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo.
Pananampalataya ang naghikayat kay Joseph na manalangin sa Diyos at magtanong kung aling simbahan ang dapat niyang aniban. Ano ang sagot? Sinabi ba ng Panginoon na, “Anak ko, mabuti silang lahat, nagsisikap silang lahat na sundin ang aking mga utos, ang mga pinuno ng lahat ng simbahang ito ay sinasang-ayunan ko, kahit aling simbahan ay maaari mong aniban, aakayin ka nilang lahat sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit?” Inasahan siguro ng bata ang gayong sagot dahil sa mga kalagayang umiral noon. Ngunit nais niyang malaman ang gagawin, at buo ang kanyang pananampalataya na sasabihin ito sa kanya ng Panginoon. Kaya nang manalangin siya, itinanong niya kung alin sa mga simbahan ang dapat niyang aniban, at palagay ko nagulat siya nang [sabihin sa kanya na], “Hindi [ka] dapat sumapi sa alinman sa kanila; itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga kautusan ng tao; lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin; [sila ay] may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19.] Isipin ang isang batang lalaking labing-apat na taong gulang na tumindig mula sa pagkakaluhod sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan at ipinahayag sa mundo ang gayong mensahe! Naiisip ba ninyo na kayang subukang gawin ng isang binatilyo ang gayong bagay? Ngunit sa patotoong ibinigay sa kanya ng Ama sa langit, sa utos na nagmula mismo sa Panginoon, sinubukan ba niyang gumawa ng ibang bagay maliban sa ipahayag ang sinabi sa kanya ng Panginoon ?11
Bata pa si Joseph Smith nang ipatong nina Pedro, Santiago, at Juan ang kanilang mga kamay sa kanyang ulunan at iorden siya sa Melchizedek Priesthood,—siya at si Oliver Cowdery. Hindi nagtagal ay inutusan si Joseph Smith na itatag ang Simbahan. Siya’y isang binatilyo lamang, ngunit itinatag niya ito ayon sa utos ng Manunubos ng sangkatauhan. At ito ay itinulad sa Simbahang itinatag ng Tagapagligtas noong narito pa siya sa lupa. Sigurado ako na maraming nag-isip na biglang umasenso ang binatilyong ito, at inisip nila na katawa-tawang ipalagay ng isang taong hindi naturuang maging pinuno na mamuno. Ngunit kagaya siya ng iba pang mga lingkod ng ating Ama sa Langit na nabuhay sa mundo, na tinawag ng Panginoon upang gampanan ang isang natatanging tungkulin, at ang kakulangan niya sa kaalaman tungkol sa mga bagay ng daigdig na ito ay hindi naging hadlang para bigyan siya ng Panginoon ng kaalamang sapat para makapantay niya at mahigitan pa sa maraming aspeto ang mga taong nag-angkin ng napakaraming oportunidad sa mundo na ipinagkait sa kanya.12
Bagaman pinagmalupitan at pinaratangan, kinutya ng mga taong dapat sana ay kanyang mga kaibigan, kinalaban ng matatalino at nakapag-aral na mga tao noong panahong iyon, nagtagumpay siya sa pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan at sa pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Kahit walang tigil ang mga puwersa ng kasamaan sa pagwasak sa kanya, iningatan siya ng Panginoon hanggang sa matapos ang kanyang gawain at lahat ng susi at ordenansang kailangan para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay muling naibigay sa mga tao.13 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 48.]
Ang mga katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith ay naghahatid ng kapayapaan at galak sa lahat ng tumatanggap ng mga ito.
Mula sa batang iyon na nakakita sa Ama at sa Anak, sa gulang na labing-apat, naiparating ang napakagandang mensahe na ang ating Ama sa Langit at ang kanyang Anak na si Jesucristo ay mga niluwalhating nilalang; na ang Tagapagligtas ng mundo ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Nakita ng binatilyong iyon ang matagal nang alam ng mundo, ngunit sa kung anong dahilan ay kanilang nalimutan, at sinimulan niya itong patotohanan sa mga anak ng tao.14
[Sa simula ng 1800s] kakaunti ang mga tao sa mundo na naniwala sa isang personal na Diyos na may katawan. Ngunit may ipinamalas sa panahong iyon kay Propetang Joseph Smith, noong siya ay bata pa, ni wala pang labinlimang taong gulang, at nakita niya ang Ama at ang Anak at pinatotohanan iyon. Dinalaw rin siya ng mga sugo ng langit, at ang Panginoon, sa pamamagitan nila ay binigyan siya ng karagdagang kaalaman para sa mga anak ng tao, at ibinigay niya sa atin o sa mga nauna sa atin sa Simbahan, sa kanyang sariling paraan, ang pag-unawa tungkol sa layunin ng buhay. … Ang kanyang paglalarawan sa langit ay nagbigay-inspirasyon sa atin na hangaring maging marapat sa isang tahanan doon kapag nagwakas na ang ating buhay sa lupa. Ang isang literal na pagkabuhay na mag-uli at paglalarawan sa langit at impiyerno ay ginawang napakalinaw kaya, ayon nga sa banal na kasulatan, “ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangangaligaw roon.” Tingnan sa Isaias 35:8.]15
Sa pamamagitan niya ay inihayag ang pagtatayo ng templo, ang kawalang-hanggan ng tipan ng kasal, at kaligtasan ng mga patay, na naghatid ng hindi mailarawang galak sa libu-libong anak ng ating Ama.
Ang walang-hanggang mga katotohanang ipinahayag niya ay naipaparating na sa mga tao sa mundo, at naghahatid ng kapayapaan at kasiyahan sa lahat ng tumatanggap nito.16
Alam ng ating Ama sa Langit ang mangyayari nang sa huling araw na ito ay ipanumbalik niya ang ebanghelyo sa kadalisayan nito. Alam niya ang pag-apostasiya ng kanyang mga anak sa mundong ito, at na sila ay lumayo mula sa malinaw na katotohanan, at sa kanyang matinding awa, inihayag niya ang gawaing ito sa mga huling araw. Mula sa isang lalawigan ay pinili niya ang isang batang lalaki sa kalipunan ng mga tao, at binigyang-inspirasyon itong simulan ang gawaing nakatakdang gumawa ng pagbabago sa mga relihiyon sa mundo. Alam niya na nangangapa sa dilim ang daigdig, at sa awa ay ipinanumbalik niya ang liwanag. Wala nang iba pang paraan para lumigaya ang mga anak ng tao kundi sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, at hindi makapamumuhay nang matwid ang mga tao nang hindi nakasalig sa katotohanan. Napakaraming katotohanan sa mundo ngunit lubha itong nahaluan ng kamalian kaya ang Panginoon mismo ay nagsabi kay Propetang Joseph Smith na ang kalalakihang nagtuturo sa mga simbahan ay itinuro bilang doktrina ang mga utos ng tao, at binalaan ang bata na hindi siya dapat makabilang sa kanila. Pagkatapos ay ipinanumbalik niya ang ebanghelyo, ang kapangyarihan ng Diyos na magligtas, sa lahat ng mga maniniwala at susunod dito.17
Sinasabi ko sa lahat ng tao sa lahat ng dako, suriin ang mga turo ng Ebanghelyo ng ating Panginoon ayon sa inihayag kay Propetang Joseph Smith, saliksikin ang mga ito nang may panalangin, at makikita ninyo ang lunas sa mga suliranin ng mundong ito, at wala nang ibang paraan para matuklasan ito.18 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 48.]
Handa si Joseph Smith na magbuwis ng buhay para sa kanyang patotoo.
Tulad ng nangyari sa mga propetang ibinangon ng Panginoon noong araw, tila kinailangan sa pagkakataong ito na tatakan ng kanyang dugo ang patotoo ng Kanyang lingkod. Wala nang mas [nakaaantig] na pahina sa kasaysayan ng daigdig kaysa roon sa kinasusulatan ng mga huling salita ng ating pinakamamahal na si Propetang Joseph Smith. Alam niya na malapit na siyang mamatay; natanto niya na ang kanyang misyon sa buhay ay natupad na. … At noong nasa bingit na siya ng kamatayan, sinabi niya, “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw. Ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. [Kung patayin nila ako], ako ay mamamatay na walang kasalanan, [at ang aking dugo ay daraing ng paghihiganti mula sa lupa], at ito ang masasabi tungkol sa akin, ‘Siya ay pinaslang nang walang habag.’” [Tingnan sa D at T 135:4.]
Hindi siya natakot humarap sa hukuman … at panagutan ang kanyang mga ginawa noong siya ay nabubuhay pa. Hindi siya natakot harapin ang paratang laban sa kanya, na nililinlang niya ang mga tao at hindi makatwiran ang kanyang pakikitungo sa kanila. Hindi siya natakot sa kahihinatnan ng kanyang misyon sa buhay, at sa tagumpay sa huli ng gawain na alam niyang banal ang pinagmulan, at pinagbuwisan niya ng buhay. Subalit hinusgahan ng mga tao sa mundo ang gawaing ito, tulad ng dati, ayon sa pagkaunawa ng tao. Wala sa kanila ang Espiritu ng Diyos, na magpapaunawa sa kanila na ito ay nagmula sa ating Ama sa Langit.19
Ang binatilyong ito ay lubhang nakatiyak sa paghahayag na kanyang natanggap, at sabik na sabik na ipaalam ang katotohanan sa lahat ng anak ng kanyang Ama, lahat sila, kaya mula nang matanggap niya ang mga lamina ng Aklat ni Mormon mula sa anghel na si Moroni inilaan na niya ang kanyang buong buhay sa pagtatatag ng Simbahan at pagpapalaganap ng katotohanan. … Nag-alab noon sa kanyang kaluluwa ang kaalamang tinaglay ni Esteban [tingnan sa Mga Gawa 7:54–60], tulad din ng Manunubos, na ang ating Ama sa Langit ang namumuno, na gawain niya ang narito sa lupa, na kapangyarihan niya ang mananaig kalaunan, na ang buhay na ito ay bahagi lamang ng kawalang-hanggan. Handa siyang ibigay ang bahagi ng kanyang buhay sa lupa, kung kailangan, para walang-hanggan niyang makasama ang mga tunay niyang minamahal, at ang mabubuting lalaki at babaeng nabuhay at nabubuhay sa mundo, at muling mabubuhay sa mundo kapag ito ay naging kahariang selestiyal.20
Itinuro ni Joseph Smith na alam niyang mayroong kabilang-buhay, at na ang Diyos ay buhay, at alam ng Diyos na alam niya na ang Diyos ay buhay. Handa siyang magbuwis ng buhay upang kayo, mga kapatid ko, ay mapalakas sa inyong pananampalataya at hindi masira ang inyong tiwala sa kanya. Alam niya ang layunin ng buhay na ito. Alam niya na narito tayo upang maghanda para sa hinaharap at sa mas maluwalhating buhay. At handa siya, kung kailangan, na magbuwis ng sariling buhay, hindi lamang para mawalan nito, para sa ating kapakinabangan, kundi dahil alam niya na sinabi ng Ama na sinumang magliligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit sinumang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa Kanya ay makasusumpong niyaon, maging ng buhay na walang-hanggan [tingnan sa Mateo 16:25]. Ang kaalamang ito ang dahilan kaya nagawa ng Propeta at [ng] Patriarch ng Simbahan [si Hyrum Smith] noong panahong iyon na [iwan] ang kanilang mga mahal sa buhay, upang mabilanggo, at ibigay ang lahat ng mayroon sila sa mundong ito, na maibibigay ng tao para sa kanilang mga kapatid—ang kanilang mortal na buhay.21
Noong taong 1830, ang Simbahan ay itinatag na may anim na miyembro. Ang kaaway ng lahat ng kabutihan mula sa araw na iyon hanggang ngayon ay gustong hadlangan ang pag-unlad nito at wasakin ito. Iniisip ko kung ang dakilang lalaking iyon, si Joseph Smith, na nagbuwis ng buhay upang maitatag at magpatuloy ang Simbahan tulad ng layon ng Panginoon, ay nakikita ang pag-iral ng Simbahan ngayon, na may mga sangay na naitatag sa lahat ng panig ng mundo, at natatanto na bawat araw mula nang siya ay paslangin, mula nang magbuwis siya ng buhay at tatakan niya ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, ay naging mas matatag ang Simbahan kaysa noon.22 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 48.]
Mga Mungkahi para sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Pag-isipan ang mga karanasan ni Pangulong Smith na inilarawan sa unang tatlong talata ng “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 37–38). Anong mga karanasan ninyo sa buhay ang nagpalakas sa inyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith? Habang binabasa ninyo ang kabanatang ito, tukuyin ang mga pahayag mula sa mga turo ni Pangulong Smith na nagpapalakas sa inyong patotoo, at isiping ibahagi ang mga ito sa mga miyembro ng inyong pamilya, priesthood quorum, o Relief Society.
-
Repasuhin ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 39–41) at repasuhin ang sariling salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–19). Paano naimpluwensyahan ng Unang Pangitain ang inyong pananampalataya sa Diyos? Paano ninyo nakitang naimpluwensyahan nito ang pananampalataya ng iba?
-
Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 42 at basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:17–19. Ano ang matututuhan natin tungkol sa paglilingkod sa Simbahan mula sa halimbawa ni Joseph Smith? Mag-isip ng isang pagkakataon na binigyan kayo ng tungkulin mula sa Panginoon at hindi ninyo nadama na karapat-dapat kayo. Paano kayo tinulungan ng Panginoon?
-
Ano ang ilan sa mga katotohanang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith? (Para sa ilang halimbawa ng mga katotohanang ito, tingnan ang bahaging nagsisimula sa pahina 43.) Paano napagpala ang inyong buhay dahil sa alam ninyo ang mga katotohanang ito?
-
Habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang huling talata ng mga turo (pahina 47), isipin kung ano ang magagawa ninyo para patuloy na mas lumakas ang Simbahan.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Isaias 29:13–14; I Mga Taga Corinto 1:26–27; 2 Nephi 3:5–9, 11–15; Doktrina at mga Tipan 135
Tulong sa pagtuturo: “Para makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa dulo ng kabanata. … Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong lalo na para sa mga tinuturuan ninyo. Halimbawa, maaari ninyong tanungin ang mga kalahok kung paano nila maiaangkop ang mga turo ni Pangulong Smith sa kanilang mga responsibilidad bilang mga magulang o home teacher o visiting teacher” (mula sa pahina vi ng aklat na ito).