Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: Paano Epektibong Maibabahagi ang Ebanghelyo


Kabanata 14

Paano Epektibong Maibabahagi ang Ebanghelyo

Ang mga pagsisikap nating ibahagi ang ebanghelyo ay napakabisa kung mamahalin natin ang ating mga kapatid at kasama natin ang Espiritu Santo.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Sa walang-sawa niyang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, sinunod ni George Albert Smith ang pahayag na ito mula sa kanyang personal na paniniwala: “Hindi ko hahangaring pilitin ang mga tao na mamuhay ayon sa aking mga pamantayan bagkus ay mamahalin ko sila para gawin nila ang tama.”1 Nadama niya na ang pinakamabisang paraan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay hanapin ang mabubuting katangian sa mga taong iba ang pananampalataya at pagkatapos, tahasan ngunit buong kabaitang ibahagi ang mga karagdagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ikinuwento niya ang sumusunod na karanasan niya noong siya ang mangulo sa European Mission:

“Nakasakay ako sa tren isang araw. Ang kasama ko sa kompartment ay isang pastor na Presbyterian, isang masaya at mabait na ginoo, at nang bigyan niya ako ng pagkakataon, sinabi ko sa kanya na ako ay miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagulat siya at namamanghang tiningnan ako. Sabi niya, ‘Hindi ka ba nahihiya na kabilang ka sa grupong iyon?’

“Nginitian ko siya at sinabing, ‘Kapatid, mahihiya ako kung hindi ako kabilang sa grupong iyon, batay sa nalalaman ko.’ Pagkatapos ay nagkaroon ako ng pagkakataong makausap siya at ipaliwanag sa kanya ang ilan sa mga bagay na pinaniniwalaan natin. …

“Hayan ang isang mabuting tao na walang ideya sa sinisikap nating gawin. Hindi kami naroon para siya ay palungkutin ni bagabagin; sinisikap namin siyang tulungan. At habang pinag-uusapan namin ang sitwasyon sinabi ko sa kanya: ‘Mali ang pagkaunawa mo sa layunin ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lupaing ito. Narito ako bilang isa sa mga kinatawan nito, at kung hahayaan mo akong sabihin ko sa iyo ang ilang bagay, sa palagay ko gaganda ang pakiramdam mo sa amin.’ Sabi ko, ‘Una sa lahat, hinihiling namin sa inyong lahat na mabubuting tao dito na ingatan ang lahat ng maluwalhating katotohanang napasainyo sa inyong mga simbahan, na natutuhan ninyo mula sa inyong mga banal na kasulatan, ingatan ninyong lahat iyan, ingatan ninyo ang lahat ng magandang pagsasanay na natanggap ninyo sa inyong mga paaralan, lahat ng kaalaman at katotohanang nakamtan ninyo, ingatan … ang lahat ng mabuti sa inyong pagkatao na napasainyo dahil sa inyong mabubuting tahanan; ingatan ninyo ang lahat ng pagmamahal at kagandahang napasapuso ninyo dahil sa pagtira ninyo sa isang maganda at kahanga-hangang lupain. … Lahat ng iyan ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos ay maupo tayo at ibabahagi namin sa inyo ang ilan sa mga bagay na wala pa sa inyong buhay na nagpayaman sa aming buhay at nagpaligaya sa amin. Iniaalok namin ito sa inyo nang libre at walang bayad. Ang tanging hiling namin sa inyo ay pakinggan ang aming sasabihin, at kung magustuhan ninyo ito, maluwag itong tanggapin. …’

“Ganyan ang ugali ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”2 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 171.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Ang gawaing misyonero ay napakabisa kapag ginagawa natin ito sa pagmamahal at kabaitan, hindi sa pamimilit o pamimintas.

Ang ating Ama sa Langit … ay isinugo tayo, na kanyang mga kinatawan, sa mundo, hindi upang puwersahin o pilitin ang mga tao, kundi upang sila ay anyayahan. “Pumarito ka, sumunod ka sa akin,” ang sabi ng Tagapagligtas, “At kayo’y aking papagpapahingahin.” Iyan ang itinuturo ng Ebanghelyo, at iyan ang ating ministeryo.3

Hindi layon ng Simbahang ito na magpahayag ng mga bagay na makakasakit sa damdamin ng mga taong hindi nauunawaan ang mga bagay-bagay. Ang Simbahang ito ay hindi namimintas at naninira sa iba, kundi sa diwa ng pagmamahal at kabaitan at sa hangaring makatulong, inihahatid ng mga kinatawan nito ang mensahe ng Ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig.4

Sa lahat ng … simbahan may mabubuting lalaki at mabubuting babae. Ang kabutihang nasa iba’t ibang denominasyong ito ang nagbibigkis sa kanila. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama ang mga tao sa maraming bahagi ng mundo at mapunta sa tahanan ng maraming taong kasapi ng iba’t ibang denominasyon sa mundo, kapwa Kristiyano at Judio. Nakasama ko na ang [mga Muslim]; nakasama ko na ang mga taong naniniwala kay Confucius; at marami pa akong maaaring banggitin. Nakita ko na ang kahanga-hangang mga tao sa lahat ng organisasyong ito, at malaki ang pananagutan ko saan ko man sila makasama, na huwag silang magalit sa akin, huwag saktan ang kanilang damdamin, huwag silang pintasan, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan.

Bilang mga kinatawan ng Simbahan responsibilidad nating makisalamuha sa kanila nang may pagmamahal, bilang mga lingkod ng Panginoon, bilang mga kinatawan ng Panginoon ng langit at lupa. Maaaring hindi nila lubusang pasalamatan iyan; maaari nilang isipin na pagyayabang iyan at hindi makatarungan, ngunit hindi niyan mababago ang aking ugali. Hindi ko sila palulungkutin kung makakaya ko. Gusto ko silang paligayahin, lalo na kapag iniisip ko ang kagila-gilalas na mga oportunidad na napasaakin dahil sa pagiging miyembro sa banal na Simbahang ito.5

Ang ating ministeryo ay tungkol sa pagmamahal at pagtitiis, at nais nating gumawa ng mabuti sa lahat, at tulungan ang lahat na maunawaan ang plano ng buhay at kaligtasan na inihayag ng Panginoon sa mga huling araw.6

Hindi natin mapupuwersa ang mga kabataang ito, at ang ating mga kapitbahay at kaibigan na pumasok sa kaharian ng langit sa pagsesermon sa kanila at paghahanap ng mga kamalian nila, ngunit nais kong sabihin sa inyo na maaari natin silang mahalin papunta sa ating Ama sa langit, at kalaunan, marahil, ay maaakay din natin sila roon.

Pribilehiyo natin iyan. Pagmamahal ang dakilang kapangyarihan para maimpluwensyahan ang mundong ito.7

Tayong nakaaalam, tayong may patotoo, ay humayo sa araw-araw at buong pagmamahal at walang-maliw na kabaitang makihalubilo sa kalalakihan at kababaihang ito, miyembro man sila ng Simbahan o hindi, at humanap ng paraan para maantig ang kanilang puso at maakay sila sa landas na tiyak na magpapaalam sa kanila ng katotohanan.8

Lubos kong idinadalangin na tayo bilang mga lingkod ng Panginoon ay magkaroon ng wagas na pag-ibig sa sangkatauhan, ng pasensya sa mga nagkakamali, at buong kabaitan at pagmamahal na humayo at ituro ang mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo ng ating Panginoon upang pagpalain ang bawat kaluluwa na ating nakakasalamuha.9 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 171.]

Hindi tayo kailangang mahiya sa pagbabahagi ng alam nating totoo.

Kung minsan pakiramdam ko ay hindi sapat ang pag-unawa natin sa kahalagahan [ng ebanghelyo], kaya hindi natin ito itinuturo nang may karampatang kasigasigan.10

Ang ebanghelyong ito ni Jesucristo ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan, tulad ng sabi ni Apostol Pablo [tingnan sa Mga Taga Roma 1:16]. Ito ang gawain ng Manunubos. Ito lamang ang paraan para makamtan natin ang pinakamataas na kadakilaang nilayon ng Tagapagligtas ng sangkatauhan na matamasa ng mga sumunod sa kanya. Hindi ko iyan sinasabi para magyabang, sinasabi ko iyan nang may wagas na pag-ibig para sa mga anak ng ating Ama na kasapi ng ibang mga simbahan. Sinasabi ko ito nang may pagmamahal sa kanyang mga anak na hindi nakauunawa, ngunit iniutos niya na dapat nating sabihin ang bagay na ito. Kalooban niyang malaman ito ng mga tao.11

Alam ko na ang Diyos ay buhay. Alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon. Wala pa akong napuntahan na ikinahiya kong sumaksi sa mga katotohanang ito. Hindi ko alam kung bakit dapat ikahiya ng isang tao na malaman ang katotohanan dahil lang sa hindi ito alam ng iba, lalo na kapag tungkol ito sa ebanghelyo na siyang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.12

Hindi dapat ituring na pagyayabang kung alam natin ang katotohanan para ipahayag natin mismo ito. Hindi ito dapat ituring na nagyayabang tayo kung masasabi natin sa iba pang mga anak ng ating Ama: “Alam ko ito, at maaari mo rin itong malaman kung gusto mo.”

Iyan ang kagandahan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ito para sa iilang tao, kundi para malaman ng lahat ng kaluluwang isinilang sa mundong ito. … Ngayon may mga taong naniniwala na ang Diyos ay buhay, at may libu-libong iba pa na makakaalam nito kung gugustuhin nila. … Ang mga taong ito ay hindi umaasa sa atin na malaman ito, ngunit umaasa sila na tuturuan natin sila kung paano ito malalaman.13

Alam ko na nagsalita ang ating Ama sa Langit sa panahong ito ng mundo, na ang kanyang Ebanghelyo ay narito sa lupa, at kahit hindi ko pipilitin ang sinumang kaluluwa na tanggapin ito, nawa’y magkaroon tayo ng kapangyarihan at karunungan at lakas na tulungan ang mga kapwa nating ito na hindi nakauunawa sa katotohanan. Gampanan natin ang ating tungkulin, at ilapit sila sa kawan ng Panginoon, nang malaman nila, kasama natin, na siya ay buhay.14 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 172.]

Hangad nating dagdagan ang kaligayahan at kabutihang taglay na ng mga anak ng Diyos.

Kapag tinatanong ako ng [mga tao] na, “Ano ba ang mayroon sa organisasyong ito na kinabibilangan mo? Ano ba ang labis ninyong ipinag-aalala, at nagpapadala kayo ng mga misyonero sa buong mundo?” Kung minsan ay isinasagot kong, “Nais naming lumigaya kayong lahat. Nais naming magalak kayong lahat tulad namin.”15

Libu-libong misyonero … na ang humayo sa mundo, at may pagmamahal at kabaitang nagbahay-bahay na sinasabi sa iba pang mga anak ng ating Ama:

“Magpaliwanagan tayo; ipapaliwanag namin sa inyo ang isang bagay na natitiyak naming magpapaligaya sa inyo dahil napaligaya kami nito!”

Iyan ang kasaysayan ng gawaing misyonero ng Simbahan na ating kinaaaniban.16

Naaalala ko na minsan ay may isang lalaking nagsabi sa akin, matapos kaming mag-usap sandali, “Batay sa nalalaman ko, ang simbahan ninyo ay kasimbuti lang ng ibang simbahan.” Palagay ko inakala niya na malaking papuri iyon sa atin; pero sabi ko sa kanya: “Kung hindi mas mahalaga sa mga anak ng tao ang Simbahang ito na kinakatawan ko kaysa iba pang simbahan, nagkamali ako sa tungkulin ko rito. Hindi kami naparito upang kunin sa inyo ang katotohanan at kabutihang taglay na ninyo. Hindi kami naparito upang hanapan kayo ng mali o pintasan kayo. … Ingatan ninyo ang lahat ng kabutihang nasa inyo, at hayaang maghatid kami sa inyo ng dagdag na kabutihan, nang higit kayong lumigaya at maging handa kayong pumasok sa presensya ng ating Ama sa Langit.” [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 172.]

… Noong narito pa sa lupa ang Tagapagligtas, sa kalagitnaan ng panahon, mayroon nang ibang mga simbahan; napakaraming denominasyon at sekta, at naniwala sila na pinaglilingkuran nila ang Panginoon. Ang malalaking sinagoga ng Judea ay puno ng kalalakihang naniniwala na sila ay may awtoridad ng priesthood. Noon pa nila sinusunod, tulad ng akala nila, ang mga turo nina Abraham at Moises. Patuloy nilang ipinahayag ang pagparito ng Tagapagligtas ng mundo. Hinikayat nila ang mga lalaki at babae na gumawa ng kabutihan. Nagtayo sila ng templo, ng mga bahay-sambahan. Nagtayo sila ng mga bantayog sa mga propeta na nagpatotoo na mayroong Diyos, at ilan sa kanila ay pinatay at tinatakan ng sarili nilang dugo ang kanilang patotoo. Ito ang mga taong pinuntahan ng Tagapagligtas. … Marami silang kabutihang nagawa. Marami sa kanila ang mabubuting lalaki at babae. Maraming kabutihang nagawa ang mga taong iyon. Hindi pumarito ang Tagapagligtas para kunin ang mabubuting bagay na iyon sa kanila. Nagpakita siya sa kanila hindi para isumpa sila, kundi para sila pagsisihin, para patalikuran sa kanila ang kanilang kamalian at hikayatin silang ingatan ang lahat ng katotohanang napasakanila.

… Kapag ipinapahayag natin sa sangkatauhan, tulad ng ginagawa natin, na ang tao ay tumalikod sa ebanghelyo, hindi tayo nagpapahayag ng isang bagay na hindi pa nangyari noon sa mundo. Kapag sinasabi natin na naakay ang mabubuting lalaki at babae na gawin at paniwalaan ang mga bagay na mali, hindi natin sinasabi iyan bilang sumpa, hindi tayo nagsasalita para saktan sila, kundi nagsasalita tayo na may hangaring tumigil sandali ang mga tao nang sapat para masuri nila ang kanilang sarili, upang makita kung saan sila papunta at kung ano ang kanilang kahahantungan.17

Ah! sana nga ay maipaunawa natin sa sangkatauhan ang ating damdamin, upang matanto nila na wala tayong hangaring bawasan ang kanilang mga oportunidad, kundi madama nila na gusto natin silang tulungan nang may pagmamahal at kabaitan, nang walang anumang hangaring saktan sila. Ang misyon natin sa mundo ay magligtas ng mga kaluluwa, pagpalain sila, at ilagay sila sa isang katayuan na makababalik sila sa piling ng ating Ama, maputungan ng korona ng kaluwalhatian, imortalidad, at buhay na walang hanggan.18

Kung magtuturo tayo nang may Espiritu Santo, patototohanan Niya ang katotohanan sa mga taong ating tinuturuan.

Nagpadala ng mga misyonero sa apat na sulok ng mundo ang Simbahang ito at naipahayag nila ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Marami sa kanila ang hindi nakapag-aral sa malalaking unibersidad ng mundo. Ang kanilang pinag-aralan ay halos limitado sa mga praktikal na karanasan sa buhay, ngunit nasa kanila ang mas mabisa sa pagbibigay-inspirasyon sa sangkatauhan, ang patnubay ng Espiritu Santo.19

Sa pagparoo’t parito ko sa mga misyon nakita ko ang pag-unlad ng mahuhusay na kabataang ito na naglilingkod nang hindi iniisip ang kanilang sarili, at natanto ko na hindi lamang sila natututo ng wika ng mga bansa kung saan sila naglilingkod, kundi alam nila na sila ay may kaloob mula sa Panginoon na ipalaganap ang katotohanan na hindi matatanggap ng mga tao sa ibang paraan.20

Marami na sa inyo o sa inyong mga ninuno ang nakarinig sa ebanghelyo nang ituro ito ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … May mga pagkakataon na narinig ninyo ito sa kalye kung saan may isang mapagpakumbabang misyonero, na itinuturo ang ipinatuturo ng Panginoon sa kanya.

May isang bagay na umantig sa puso ng mga nakarinig. Naranasan ko na ito sa misyon. Nakakita na ako ng mga grupo ng mga tao na tumayo at nakinig sa paliwanag ng isang mapagpakumbabang misyonero tungkol sa layunin ng buhay at kinausap niya ang mga tao at hinikayat silang magsisi sa kanilang mga kasalanan, at minsan ay may narinig akong mga tao na nagsabing, “Noon ko lamang nadama ang impluwensyang nadarama ko habang nakikinig sa pagsasalita ng taong iyan.”21

Gaano man tayo kahusay, o gaano tayo kagaling magsalita, ang Espiritu ng ating Ama ang umaantig sa puso at kumukumbinsi sa kabanalan ng gawaing ito.22

Ito ang gawain ng Panginoon. Hindi sana ito matagumpay na naisulong ng kalalakihan dahil simple ang mga paraang ginamit namin dito. Hindi sana naihatid ng karaniwang tao sa inyong kaluluwa ang kaalamang napasainyo ngayon. Ni hindi natin kayang mga tao na bigyang-inspirasyon ang mga nasa daigdig sa katiyakan na ang Diyos ay buhay at ito ang kanyang Simbahan, ngunit kung gagampanan natin ang ating bahagi, pagpapalain ng ating Ama sa Langit ang ating pagsisikap.23

Magsikap tayo sa bawat araw nang pagpalain tayo ng ating Ama. Kung taglay natin ang Kanyang Banal na Espiritu, madarama ito ng mga taong nakakasalamuha natin, dahil lalaganap ito sa kapaligiran na ating tinitirhan, at makikibahagi sila rito.24

Kung tutuusin ay iilan pa lang ang tumanggap sa ebanghelyong inihayag sa mga huling araw; ngunit milyun-milyon sa mga anak ng ating Ama ang nais malaman ang Kanyang kalooban; at kapag inihatid sa kanila ang katotohanan, at sumaksi ang nakakukumbinsing impluwensya ng Espiritu sa katotohanan nito, magagalak silang tanggapin ito.25 [Tingnan sa mungkahi 5 sa kasunod na pahina.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Pag-aralan ang huling dalawang talata ng “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 163–164). Umisip ng isang taong kilala ninyo na hindi miyembro ng Simbahan. Ano ang mga katangiang hinahangaan ninyo sa taong ito? Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang pinaniniwalaan na niya? Anong karagdagang mga katotohanan ng ebanghelyo ang lalong makakatulong sa kanya? Paano naaapektuhan ng ganitong paraan ng pag-iisip sa mga tao ang paraan ng pagbabahagi natin ng ebanghelyo sa kanila?

  2. Habang binabasa ninyo ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 164–166), umisip ng isang pagkakataon na naimpluwensyahan kayo sa kabutihan ng pagmamahal na ipinakita sa inyo ng isang tao. Bakit napakahalaga na iwasang pintasan ang mga taong iba ang paniniwala kaysa sa atin?

  3. Basahin ang bahaging nagsisimula sa pahina 166. Ano ang ibig sabihin ng ibahagi ang ebanghelyo nang may “kasigasigan”? Paano natin maibabahagi ang ating patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang hindi parang nagyayabang o makasarili?

  4. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Smith nang sabihin niyang, “Kung hindi mas mahalaga sa mga anak ng tao ang Simbahang ito na kinakatawan ko kaysa ibang simbahan, nagkamali ako sa tungkulin ko rito”? (pahina 168). Ano ang iniaalok ng Simbahan ni Jesucristo na higit na magpapaligaya sa buhay ng isang tao?

  5. Habang binabasa ninyo ang huling bahagi ng mga turo (mga pahina 169–171), umisip ng isang karanasan ninyo kung saan ibinahagi ninyo ang ebanghelyo sa isang tao. Ano ang naging dahilan ng tagumpay ng karanasan? Ano ang magagawa ninyo para mapahusay ang mga pagsisikap ninyong ibahagi ang ebanghelyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 13:34–35; II Kay Timoteo 1:7–8; 2 Nephi 33:1; Alma 20:26–27; Doktrina at mga Tipan 50:13–22

Tulong sa pagtuturo: Isiping hatiin ang klase sa maliliit na grupo na may tatlo hanggang limang miyembro. Magtalaga ng isang lider sa bawat grupo. Atasan ang bawat grupo ng ibang bahagi. Ipabasa sa bawat grupo ang kanilang bahagi at talakayin nila sa grupo ang kaukulang mga tanong sa dulo ng kabanata. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga miyembro ng grupo sa buong klase ang kanilang natutuhan. (Tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 213.)

Mga Tala

  1. “President George Albert Smith’s Creed,” Improvement Era, Abr. 1950, 262.

  2. Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley (1948), 199–201; mensaheng ibinigay noong Nob. 4, 1945, sa Washington, D.C.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1930, 67–68.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1931, 120.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1945, 168.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1927, 47.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1950, 187.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1934, 30.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1928, 94.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1916, 47.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1927, 48.

  12. “At This Season,” Improvement Era, Dis. 1949, 801, 831.

  13. “Opportunities for Leadership,” Improvement Era, Set. 1949, 557, 603–4.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1930, 69.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1948, 7.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1946, 5.

  17. Sa Deseret News, Ago. 20, 1921, bahaging pang-Simbahan, 7.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1904, 66.

  19. Sa Conference Report, Abr. 1940, 85.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1935, 45.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1949, 7.

  22. Sa Conference Report, Okt. 1904, 66.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1929, 25.

  24. Sa Conference Report, Okt. 1906, 50–51.

  25. Sa Deseret News, Ene. 12, 1907, 31.

“Nais nating gumawa ng mabuti sa lahat, at tulungan ang lahat na maunawaan ang plano ng buhay at kaligtasan na inihayag ng Panginoon sa mga huling araw.”

“Magsikap tayo sa bawat araw nang pagpapalain tayo ng ating Ama. Kung taglay natin ang Kanyang Banal na Espiritu, madarama ito ng mga taong nakakasalamuha natin.”