Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: ‘Iibigin Mo ang Iyong Kapuwa na Gaya ng Iyong Sarili’


Kabanata 2

“Iibigin Mo ang Iyong Kapuwa na Gaya ng Iyong Sarili”

Ang pagtulong sa iba nang may pagmamahal at pagkahabag ay mahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Si George Albert Smith ay kilala sa kakayahan niyang mahalin ang iba. Ganito ang sabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., isa sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa kanya: “Ang tunay niyang pangalan ay Pag-ibig. … Minahal niya ang lahat ng kanyang nakakilala. Minahal niya ang lahat ng hindi niya nakakilala.”1

Ang pagmamahal ni Pangulong Smith sa iba ay nagmula sa kanyang taos na paniniwala na lahat tayo ay magkakapatid, mga anak ng iisang Ama sa Langit. Noong malapit na siyang pumanaw, sinabi niya sa mga Banal:

“Wala akong alam na kaaway ko, at walang sinuman sa mundo na kinapootan ko. Lahat ng lalaki at babae ay mga anak ng aking Ama, at hinangad ko sa buhay na sundin ang matalinong bilin ng Manunubos ng sangkatauhan—na ibigin ang aking kapwa gaya ng aking sarili. … Hindi ninyo malalaman kailanman kung gaano ko kayo kamahal. Hindi ko kayang ipaliwanag ito. At gusto kong madama iyan sa bawat anak na lalaki at anak na babae ng aking Ama sa Langit.”2

Ipinamalas ni Pangulong Smith ang pagmamahal niya sa iba sa pamamagitan ng walang-katapusang pagtulong. Napansin ng isang nagmamasid: “Ugali na ni Pangulong Smith na gawin ang lahat para personal na aliwin at basbasan ang maraming maysakit, nalulungkot, at may dahilang magpasalamat sa kanyang masayang panghihikayat. Karaniwan siyang nakikita, bago at matapos ang oras ng trabaho, na naglalakad sa mga pasilyo ng ospital, dumadalaw sa bawat silid, nagbabasbas, nagpapalakas ng loob, at nagpapasaya dahil sa di-inaasahang pagdalaw niya sa mga lugar na iyon kung saan lubos at mapagpasalamat na tinatanggap ang kanyang nakaaaliw at nakapapanatag na presensya. … Ugali na niyang magpunta saanman niya madama na makakatulong siya at makapagpapalakas ng loob.”3

Si Pangulong Thomas S. Monson ay nagbanggit ng isang partikular na halimbawa kung saan ginawa ni Pangulong Smith ang lahat para magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailangan:

“Isang umaga ng taglamig, inalis ng mga tagalinis ng kalsada [sa Salt Lake City] ang malalaking tipak ng yelo sa mga kanal. Ang mga regular na tauhan ay tinulungan ng mga temporaryong manggagawa na lubhang nangangailangan ng trabaho. Ang isa sa kanila ay manipis na sweater lamang ang suot at ginaw na ginaw. Isang payat na lalaking ayos na ayos ang balbas ang naparaan sa kanila at tinanong ang manggagawa, ‘Kailangan mo ng mas makapal na sweater sa ganito kaginaw na umaga. Nasaan ang pangginaw mo?’ Sumagot ang lalaki na wala siyang maisuot na pangginaw. Hinubad ng bisita ang sarili nitong pangginaw, iniabot ito sa lalaki at sinabing, ‘Sa iyo na ang pangginaw na ito. Makapal na lana ito at hindi ka giginawin. Diyan lang ako nagtatrabaho sa tapat.’ Ang kalsada ay South Temple. Ang mabuting Samaritanong naglakad nang walang pangginaw papasok sa Church Administration Building sa kanyang pang-araw-araw na trabaho ay si Pangulong George Albert Smith ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinakita ng kanyang pagiging bukas-palad ang kanyang maawaing puso. Tunay ngang siya ay tagapagbantay sa kanyang kapatid.”4 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 20.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Lahat ng tao ay ating mga kapatid, mga anak ng ating Ama sa Langit.

Itinuturing nating kapatid ang lahat ng lalaki at babae; minamasdan natin ang mukha ng bawat tao sa mundong ito bilang anak ng ating Ama, at naniniwala tayo na dahil bawat isa ay nilikha sa larawan ng Ama, nagtataglay rin sila ng kaunting kabanalan na kung mapauunlad ay maghahanda sa atin na makabalik sa Kanyang piling. …

Iyan ang pagkaunawa natin sa layunin ng ating buhay sa mundo, at nagpapaliwanag sa pagmamalasakit natin sa ating kapwa. Maraming nag-aakala na hiwalay ang buhay natin sa iba, at iniisip ng ilan na nakikisama lang tayo sa mga kagrupo natin. Ang totoo, itinuturing nating kapatid ang bawat batang isinilang sa mundo, bilang anak ng Diyos, at nadarama natin na hindi magiging lubos ang ating kaligayahan sa kaharian ng langit kung hindi natin kasama ang ating mga pamilya at kaibigan at kasamahan na kilala na natin at kung kaninong kapakanan ay labis nating pinag-ukulan ng panahon sa mundo.5

Kapag naiisip ko ang pagpapahalaga at pagmamahal ko sa pamilya ng aking Ama, ang sangkatauhan, naaalala ko ang sinabi ng aking ama sa lupa, at palagay ko namana ko iyan sa kanya. Sabi niya, “Tuwing makakakita ako ng isang anak ng Diyos na nasa abang kalagayan lagi akong yumuyukod kaagad at itinatayo at tinutulungan ko siyang magbagong-buhay.” Ang gusto kong sabihin ay lagi kong itinuturing na kapatid ang bawat anak ng aking Ama at alam kong mahal ng Diyos ang bawat isa sa kanyang mga anak.6

Magiging napakasaya ng mundo kung ituturing na kapatid ng lahat ng tao ang kanyang kapwa, at mamahalin pa sila gaya ng kanilang sarili.7 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 20.]

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na mahalin ang lahat ng anak ng Diyos.

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na magkawanggawa sa lahat at mahalin ang ating kapwa. Sabi ng Tagapagligtas:

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” [Mateo 22:37–40.]

Mga kapatid, kung ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ibinigay sa inyo, ay hindi nagtanim ng ganyang pagmamahal sa inyong puso para sa inyong kapwa, sinasabi ko sa inyo na hindi pa ninyo natatamasa ang kabuuan ng napakagandang kaloob na iyan na sumapit sa mundo nang itatag ang Simbahang ito.8 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 20.]

Ang ating ministeryo ay pagpapakita ng pagmamahal. Pinagyayaman ng ating paglilingkod ang ating buhay. … Kung tayo ay namumuhay ayon sa layon ng Diyos, kung nagmiministeryo tayo ayon sa kanyang hangarin, bawat araw sa ating buhay ay pinagyayaman ng impluwensya ng kanyang Espiritu, nag-iibayo ang pagmamahal natin sa ating kapwa at bumubuti ang ating kaluluwa hanggang sa madama natin na mayayakap natin ang lahat ng anak ng Diyos, na may hangaring pagpalain sila at ipaunawa sa kanila ang katotohanan.9

Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dapat nating sundin ang Kanyang mga utos at mahalin ang isa’t isa. Sa gayon dapat nating mahalin hindi lamang ang mga miyembro ng Simbahang kinabibilangan natin, kundi iparating ito sa lahat ng anak ng tao.10

Ipakita natin sa ating kilos, kahinahunan, pagmamahal, pananampalataya, na talagang sinusunod natin ang dakilang utos na iyon na ayon sa Tagapagligtas ay katulad ng dakila at pangunang utos, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”11

Nagkakawanggawa tayo sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan at pagpapalakas ng kanilang loob.

Imposibleng masukat ang bunga ng pagmamahal at pagkakawanggawa sa mundo. May pagkakataon ang bawat branch at ward at misyon na punuin ng liwanag ang mundo, pasayahin at pasiglahin ang mga pinanghihinaan ng loob, at maghatid ng galak at kapanatagan sa mga nababagabag.12

Ito ang sabi ng Panginoon:

“Tiyakin na inyong minamahal ang bawat isa; tumigil sa pagiging mapag-imbot; matutong magbahagi sa bawat isa gaya ng hinihingi ng ebanghelyo. …

“At higit sa lahat, damitan ang inyong sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, gaya ng isang balabal, na siyang bigkis ng pagiging ganap at ng kapayapaan.” [D at T 88:123, 125.] …

… Sinusunod ba ninyo ang kanyang payo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao? Gusto kong sabihin na sa panahong ito ng ating buhay dapat nating mahalin ang ating kapwa, hindi lamang sa pagbabahagi ng ating kabuhayan sa mga nangangailangan, kundi unawain natin ang mga kahinaan at kabiguan at kamalian ng mga anak ng ating Ama.13

Kung may makita tayong lalaki o babaeng hindi nagtagumpay sa buhay, isang taong humihina ang pananampalataya, huwag natin siyang talikuran; tiyaking bisitahin siya, at pakitaan ng kabaitan at pagmamahal, at hikayatin siyang iwaksi ang kamalian sa kanyang buhay. Ang pagkakataon upang magawa natin ito ay nasa lahat ng dako; at may ilang kalalakihan at kababaihan sa Simbahang ito na gustuhin man nila ay hindi sila makaalpas sa lipunang kinabibilangan nila, at sabihan ng mabuti, o turuan ng katotohanan ang ilan sa mga anak ng ating Ama. … Ito ang gawain ng ating Ama. Ito ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin sa buhay na ito.14

Kabutihan lamang ang hangad ko sa aking puso para sa sangkatauhan. Wala akong nadaramang poot sa aking puso kahit kanino. May ilan akong kilala na sana lang ay mas bumait pa nang kaunti kaysa rati, ngunit kawalan iyon sa kanila, hindi sa akin. Kung mayayakap ko lang sila at matutulungang bumalik sa landas ng kaligayahan sa pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo ni Jesucristo, mag-iibayo ang kaligayahan ko dahil dito. … Hindi ninyo mapipilit ang tao na gawin ang tama, ngunit maaari ninyo silang mahalin hanggang sa gawin nila ito, kung makikita nila sa inyong halimbawa na totoo ang sinasabi ninyo.15 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 20.]

Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagmamahal at paglilingkod sa iba.

Huwag kalimutan na gaano man karami ang ibigay ninyong pera, gaano man katindi ang paghahangad ninyo sa mga bagay ng mundong ito para pasayahin ang inyong sarili, ang inyong kaligayahan ay mababatay sa inyong pagkakawanggawa at kabaitan at pagmamahal sa mga nakakasalamuha ninyo rito sa lupa. Napakalinaw na sinabi ng ating Ama sa Langit na ang taong nagsasabi na mahal niya ang Diyos at hindi mahal ang kanyang kapatid ay hindi nagsasabi ng totoo [tingnan sa I Ni Juan 4:20].16

Hindi lamang ang natatanggap natin ang nagpapasaya sa atin kundi ang ibinibigay natin, at kapag mas marami tayong ibinibigay na nagpapasaya at nagpapasigla sa mga anak ng ating Ama, dapat tayong magbigay ng mas marami. Lumalaki ito na parang bukal ng buhay at humahantong sa walang-hanggang kaligayahan.17

Kapag nagwakas na ang ating buhay sa mundong ito at pauwi na tayo, makikita natin na nabigyang-dangal tayo ng bawat mabuting nagawa natin, bawat kabaitang ipinakita natin, bawat pagsisikap natin para sa kapakanan ng ating kapwa. …

… Ipakita natin ang ating pasasalamat sa ibinigay sa atin ng Panginoon sa paglilingkod sa Kanya, at naglilingkod tayo sa Kanya kapag gumagawa tayo ng mabuti sa Kanyang mga anak. Tumanggap tayo nang walang bayad, magbigay tayo ngayon nang walang bayad [tingnan sa Mateo 10:8]. Taglay ang pusong mainit na nagmamahal at mabait sa ating kapwa, patuloy tayong sumulong hanggang sa tawagin tayo pabalik, at harapin natin ang talaan ng ating buhay. Pagkatapos, kung napagbuti natin ang ating mga talento, kung tayo ay naging tapat, tunay, malinis ang puri, marangal, at mapagkawanggawa, at hinangad nating pasiglahin ang bawat kaluluwang nakasalamuha natin, kung namuhay tayo ayon sa liwanag na natanggap natin, at ipinalaganap natin ang liwanag na iyan basta may pagkakataon, tayo ay magiging napakasaya at mapupuno ng pasasalamat ang ating puso kapag natanggap natin mula sa Lumikha ng langit at lupa ang malugod Niyang pasasalamat: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin; nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.” [Mateo 25:21.]18 [Tingnan sa mungkahi 5 sa pahina 20.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Mag-isip ng mga paraan na maipamamalas ninyo ang pagmamahal na tulad ng ginawa ni Pangulong Smith (tingnan sa mga pahina 13–14). Halimbawa, paano natin maipamamalas ang ating pagmamahal sa pagganap sa ating mga tungkulin sa home at visiting teaching?

  2. Habang pinag-aaralan ninyo ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 15–17), pag-isipan kung paano mapagbubuti ng pagsasagawa ng mga turong ito ang pakikipag-ugnayan ninyo sa mga kapitbahay, katrabaho, kapamilya, at iba pa.

  3. Basahin ang huling talata sa pahina 15. Ano ang ilang turo o kuwento sa mga banal na kasulatan na nagbibigay-inspirasyon sa inyo na mahalin at paglingkuran ang iba?

  4. Pag-aralan ang bahaging nagsisimula sa pahina 17, lalo na ang huling talata sa pahina 17 at unang talata sa pahina 18. Mag-isip ng isang taong maaaring hindi kasama sa “grupong [inyong] kinabibilangan.” Ano ang isang partikular na bagay na magagawa ninyo para tulungan ang taong iyon?

  5. Pag-isipang mabuti ang mga turo ni Pangulong Smith sa mga pahina 18–19. Ano ang mga karanasan ninyo na nagturo sa inyo na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagpapasaya sa iba?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 5:43–44; 25:34–40; Lucas 10:25–37; Juan 13:34–35; I Ni Juan 4:7–8; 1 Nephi 11:16–25; Moroni 7:44–48

Tulong sa pagtuturo: “Ang ilang pagtuturong ginagawa sa Simbahan ay masusi, ito ay parang lektyur. Hindi tayo gaanong tumutugon sa mga lektyur sa mga silid-aralan. Nauunawaan natin ito sa sacrament meeting at mga kumperensya, ngunit maaaring pagpapalitan ng mga ideya ang pagtuturo upang maaari kayong magtanong. Madali kayong makapagtatanong kapag nasa klase” (Boyd K. Packer, “Mga Alituntunin ng Pagtuturo at Pag-aaral,” Liahona, Hunyo 2007, 50).

Mga Tala

  1. J. Reuben Clark Jr., “No Man Had Greater Love for Humanity Than He,” Deseret News, Abr. 11, 1951, bahaging pang-Simbahan, 10, 12.

  2. “After Eighty Years,” Improvement Era, Abr. 1950, 263.

  3. Richard L. Evans, “Anniversary,” Improvement Era, Abr. 1946, 224.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1990, 62; o Ensign, Mayo 1990, 47.

  5. “Mormon View of Life’s Mission,” Deseret Evening News, Hunyo 27, 1908, bahaging pang-Simbahan, 2.

  6. “Pres. Smith’s Leadership Address,” Deseret News, Peb. 16, 1946, 6.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1946, 149.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1922, 52.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1929, 24.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1905, 62.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1949, 10.

  12. “To the Relief Society,” Relief Society Magazine, Dis. 1932, 704.

  13. “Saints Blessed,” Deseret News, Nob. 12, 1932, bahaging pang-Simbahan, 5, 8.

  14. Sa Conference Report, Abr. 1914, 12–13.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1946, 184–85.

  16. “To the Relief Society,” 709.

  17. Sharing the Gospel with Others, pinili ni Preston Nibley (1948), 214; mensaheng ibinigay noong Nob. 4, 1945, sa Washington, D.C.

  18. “Mormon View of Life’s Mission,” 2.

“Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na magkawanggawa sa lahat at mahalin ang ating kapwa.”

“Ipakita natin sa ating kilos … na talagang sinusunod natin ang dakilang utos na iyon na …, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”

“Punuin ng liwanag ang mundo, pasayahin at pasiglahin ang mga pinanghihinaan ng loob, at maghatid ng galak at kapanatagan sa mga nababagabag.”