Kabanata 15
Pagsusulong sa Gawain ng Panginoon
Pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang gawain, at nananawagan Siya sa bawat miyembro ng Simbahan na makibahagi sa pagsusulong nito.
Mula sa Buhay ni George Albert Smith
Nang tawagin si George Albert Smith sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1903, mahigit 300,000 pa lang ang mga miyembro ng Simbahan. Nang matapos ang kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng simbahan, lampas na ito sa 1 milyon. Nagalak si Pangulong Smith sa gayong paglago dahil ang ibig sabihin nito ay parami nang parami ang mga taong nakaririnig sa mensahe ng kaligtasan. “Dapat ay masayang-masaya tayo,” sabi niya sa mga nagsidalo sa pangkalahatang kumperensya noong 1950, “hindi dahil naragdagan tayo sa organisasyong kinabibilangan natin, kundi dahil mas marami nang anak ng ating Ama sa Langit, na mga lalaki at babae, ang nakauunawa sa katotohanan, at sumasapi sa kanyang organisasyon na inihanda niya upang ituro sa atin ang landas na dapat tahakin sa buhay at akayin tayo tungo sa walang-hanggang kaligayahan.”1
Sa pagitan ng 1903 at ng pagkamatay ni Pangulong Smith noong 1951, naharap sa maraming hamon sa pag-unlad ang Simbahan sa buong daigdig. Ang mga kaganapang tulad ng Unang Digmaang Pandaigdig, Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang Matinding Kahirapan (laganap na krisis sa ekonomiya) ay lubhang naglimita sa bilang ng mga misyonerong maipapadala sa ibang bansa. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, nagtiwala pa rin si George Albert Smith na patuloy na lalago ang Simbahan at magkakatotoo ang kapalaran nitong “[punuin] ang buong lupa” (Daniel 2:35). Noong 1917, sa kasagsagan ng Unang Digmaang Pandaigdig, sinabi niya sa mga Banal: “Hindi ako pinanghihinaan ng loob nang dahil sa hindi mapabilis ang paglaganap ng katotohanang ito. Sa halip ay nakikita ko sa mga nangyayari ngayon ang pamamagitan ng napakatalinong Ama upang ihanda ang daan para lumaganap ang ebanghelyong ipinanumbalik niya sa mundo sa ating panahon.”2
Kahit mabibigat ang hamon sa unang kalahati ng ika-20 siglo, naghatid din ito ng mga bagong teknolohiya na pinaniwalaan ni Pangulong Smith na magpapabilis sa gawain ng Panginoon. Isa siyang masugid na tagatangkilik ng aviation industry o industriya ng mga sasakyang panghimpapawid at nakita niya na isang paraan ito para mas maayos siyang makapagbiyahe bilang General Authority. Sinuportahan din niya ang paggamit ng Simbahan sa radyo at telebisyon para mas maraming makarinig sa salita ng Panginoon. “Dapat nating ituring na biyaya ng Panginoon ang mga [naimbentong] ito,” sabi niya.” “Lubhang pinalalawak nito ang ating mga kakayahan. Tunay na maaaring maging biyaya ang mga ito kung gagamitin natin ito sa kabutihan para ipalaganap ang katotohanan at isulong ang gawain ng Panginoon sa mga tao. Ang malaking hamong kinakaharap natin sa mundo ngayon ay nasa paggamit natin ng marami sa mga naimbentong ito. Magagamit natin ang mga ito upang mangwasak, tulad ng nagagawa natin kung minsan noong araw, o magagamit natin ang mga ito upang turuan at pagpalain ang sangkatauhan, tulad ng gustong ipagawa sa atin ng ating Ama sa Langit.”3
Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong 1946, nagpropesiya si Pangulong Smith tungkol sa paggamit ng mga teknolohiyang ito: “Hindi magtatagal, mula sa pulpitong ito at sa iba pang mga lugar na ilalaan, ang mga lingkod ng Panginoon ay makapaghahatid ng mga mensahe sa iba’t ibang grupo na napakalalayo na hindi kayang marating. Sa paraang iyan at sa iba pang mga paraan, ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang tanging kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan bilang paghahanda para sa kahariang selestiyal, ay maririnig sa lahat ng dako ng mundo, at marami sa inyo na narito ang aabutan pa ang araw na iyon.”4 [Tingnan sa mga mungkahi 1 at 4 sa mga pahina 184–185.]
Naunawaan ni Pangulong Smith na ang gawain ng Simbahan ay matagumpay dahil ito ang gawain ng Panginoon, at itinuro niya sa mga Banal na ang pagkakataong makibahagi sa gawaing iyan ay isang pagpapalang handog ng Panginoon sa bawat miyembro ng Kanyang Simbahan. Sa unang pangkalahatang kumperensya matapos siyang italaga bilang Pangulo ng Simbahan, sabi niya: “Natatanto ko ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa aking mga balikat. Alam ko na kung wala ang tulong ng ating Ama sa Langit, ang organisasyong kinabibilangan natin ay hindi magtatagumpay. Walang tao o grupo ng mga tao na makapagpapatagumpay dito, ngunit kung patuloy na susundin ng mga miyembro ng Simbahang ito ang mga utos ng Diyos, ipamumuhay nila ang kanilang relihiyon, magpapakita sila ng magandang halimbawa sa mundo, [at] mamahalin ang kanilang kapwa tulad ng kanilang sarili, susulong tayo, at mag-iibayo ang ating kaligayahan.”5
Mga Turo ni George Albert Smith
May sapat na pagkakataon ang bawat miyembro upang makibahagi sa gawain ng Panginoon.
Ang responsibilidad na pangasiwaaan ang gawaing ito ay hindi lamang responsibilidad [ng Pangulo ng Simbahan], ni ng kanyang mga tagapayo, ni ng korum ng mga Apostol; kundi responsibilidad din ito ng bawat lalaki at babaeng nabinyagan ng mga lingkod ng Diyos at naging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. … Hindi natin maaaring ipasa sa iba ang responsibilidad gustuhin man natin; iniatang ito ng ating Ama sa ating mga balikat, at dapat natin itong pasanin at tulungang magtagumpay.6
Naniniwala ako sa inyo, mga kapatid. May tiwala ako sa inyong pananampalataya at sa inyong integridad. … Bawat isa sa inyo [ay] may pananagutan sa [Panginoon] na isulong ang gawaing ito, tulad ng mga namumuno sa inyo. Hindi ko masasabing, “Ako ba’y tagapagbantay sa aking kapatid?” Hindi ko maaaring ipasa ang responsibilidad … , ngunit bilang isa sa mga anak ng ating Ama dapat kong gawin ang aking bahagi, kailangan kong pasanin ang bigat na iniatang ng Panginoon sa akin, at kung hindi ko ito gagawin, matatanto ko na nawala ang pagpapalang dapat sana ay sa akin kung sumunod ako sa mga utos ng ating Ama.7
Dapat tayong maging sabik sa paggawa ng mabuti. Tamad na lingkod ang taong naghihintay pang utusan siya sa lahat ng bagay. [Tingnan sa D at T 58:26–27.] Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagampanan natin ang ating tungkulin, saanman iyon, gaano man kahamak ang ating katayuan sa buhay.8
Hindi kailangang maging miyembro ng Korum ng Labindalawa, o ng Panguluhan ng Simbahan, ang isang tao para matamo ang pinakamalalaking pagpapala sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Ito ay mga katungkulan lamang na kailangan sa Simbahan, at maraming tapat at debotong kalalakihang nararapat umupo sa mga katungkulang ito na ang panahon at mga talento ay kailangan sa buong Simbahan. … Alalahanin na sa mga miyembro at sa buong Simbahan ay may napakaraming pagkakataon ang bawat lalaki at babae na gumawa ng isang bagay para mapagpala ang kanilang kapwa at maisulong ang gawain ng Panginoon.9
May disposisyon ang ilang maytaglay ng priesthood at ang ilang may katungkulan sa Simbahan, na kaligtaan ang mga sakrament miting at iba pang mahahalagang tungkulin, at magtuon lamang sa ilang espesyal na tungkulin. Maaaring sila ay mga pinuno at guro sa Sunday School, at kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa pagtuturo sa araw ng Sabbath, iniisip nila na sapat na iyon; o, maaaring sila ay naglilingkod sa [Young Men o Young Women], o Primary, o gumagawa ng genealogy, o welfare, o may iba pang tungkulin, at kung ginagampanan nila ang kanilang mga obligasyon na nauukol doon ay itinuturing nilang tapos na ang buong tungkulin nila.
Bagama’t minamahal at pinagpapala natin ang lahat sa kanilang dakilang paglilingkod, obligasyon nating paalalahanan ang ating sarili na tayong lahat ay kailangang mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng ating Ama sa Langit [tingnan sa D at T 84:44]. Sa pangkalahatan, hindi inaalis ng mga espesyal na tungkulin ang iba pa nating mga obligasyon; at ang mga espesyal na miting o pulong ay hindi kapalit o kahalili ng mga pangkalahatang miting ng Simbahan. At bukod sa ating espesyal na mga obligasyon at atas, inaasahang kikilos tayo sa bawat araw bilang mga Banal sa mga Huling Araw sa pinakamalawak na kahulugan ng kataga, upang kung nakadarama tayo ng pangamba o kakulangan, o kailangan natin ng payo at pangaral sa anumang pagkakataon, dapat ay agad tayong kumilos bilang mga lingkod ng Panginoon sa bawat gawa.
At mayroon din sa Simbahan na mga miyembro lamang sa pangalan na nag-aakalang hindi nila kailangang maglingkod sa anumang paraan. Ngunit kalaunan ay hindi sila mismo mapapalagay, at mag-aalinlangan sa kanilang isipan, tulad nating lahat kapag hindi natin nagawa ang alam nating buong obligasyon natin. Ang isang taong namumuhay nang alinsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi kailanman magdududa na magtatagumpay ito; ngunit ang taong nakakaligtaan ang kanyang tungkulin, at bigong sundin ang kanyang mga tipan, ay nawawalan ng Espiritu ng Panginoon, at nagsisimulang mag-isip kung ano ang kahihinatnan ng Sion. …
Tuwing ginagawa ninyo ang inyong buong tungkulin, malalaman ninyo, tulad ng alam ninyo na kayo ay buhay, na ito ang gawain ng ating Ama, at isasakatuparan niya ito nang matagumpay.10
Hindi ba ninyo nakikita kung gaano ang pagsulong ng kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano kaunti ang naiambag ng bawat isa sa atin, ngunit gayon man ay nagkaisa ang buong Simbahan, at ang salita ng Panginoon ay naipalaganap sa mga anak ng tao; hindi sa sapilitang paraan, kundi sa kabaitan at pagmamahal, na may hangaring pagpalain ang buong sangkatauhan?11 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 184.]
Hindi mapipigil ng kalaban ang pag-unlad ng Simbahan, dahil ito ang gawain ng Diyos, hindi ng tao.
Nagsimula ang Simbahan sa anim na miyembro lamang. Lumalago ito araw-araw sa kabila ng pagkalaban ng kaaway. Kung hindi dahil sa makapangyarihang sandata ng kabutihan, at sa maingat na pangangalaga ng ating Ama sa Langit, matagal na sanang nadurog ang Simbahang ito na parang balat ng itlog. Gayunman, sinabi ng Panginoon na pangangalagaan niya tayo, at nangakong poprotektahan tayo kung pararangalan natin siya at susundin ang kanyang mga utos.12
Ang paglago ng Simbahang ito ay hindi nangyari dahil sa kabantugan nito. Lumalago ito sa kabila ng pagkalaban ng matatalinong tao sa mundo; lumalago ito sa kabila ng pagkalaban ng mga guro ng relihiyon, at patuloy nitong tinitipon sa lahat ng dako ang mga piling espiritung namuhay sa paraan na mauunawaan nila ang katotohanan.13
Noon ko pa binabasa ang journal ng aking lolong si George A. Smith. … Nabasa ko na ang kanyang mga personal na karanasan, ang ilan ay napakasakit at ang ilan ay mahimala. Noong binatilyo siya inatasan siyang ipangaral ang Ebanghelyo ng ating Panginoon. Naranasan niya ang naranasan ng iba pang kalalakihang tinawag sa ministeryo. Sila ng kanyang mga kasamahan ay pinaratangan ng mali ng mga taong masama ang iniisip ngunit patuloy siyang naging tapat at sila ay ipinagtanggol ng Panginoon at ginawa silang marangal sa paningin ng mga tao at binigyan sila ng patotoo ukol sa kabanalan ng gawaing ito na napakapositibo kaya’t walang tungkuling napakahirap nilang gawin para maipalaganap ang katotohanan.
Kabilang si Lolo sa grupong ipinadala sa England upang ipangaral ang Ebanghelyo noong 1839. Doon ay tinangka ng kaaway na pahinain ang kanilang loob sa lahat ng pagkakataon. Sa kanilang mga journal na isinulat sa panahong iyon nakalahad ang katotohanan na sila ay siniraan ng masasamang tao at niligalig ng masasamang espiritu, ngunit iningatan sila ng Panginoon at mahusay nilang nagampanan ang kanilang tungkulin. Naroon ang walo sa Korum ng Labindalawa noong panahong iyon. Kabilang sa mga ipinadala sa England ang kalalakihang walang kakayahang tustusan ang kanilang paglalakbay ngunit nagsimula silang maglakad mula sa kanilang tahanan. Dahil sa matagal nang karamdaman napakahina na ng isa sa kalalakihang ito para maglakad nang dalawang milya upang makasakay sa karuwahe ngunit tinulungan siya ng isang kaibigan na lakarin ang layong iyon. Sumampalataya sila sa Diyos; alam nila na ito ang kanyang Simbahan kaya’t humayo sila at nagkaroon ng inspirasyon ang mga kaibigan nilang hindi miyembro ng Simbahan na bigyan sila ng pera at tustusan ang kanilang paglalayag sa karagatan, kung saan inihatid nila ang kanilang mensahe at maraming matatapat na tao ang tumanggap sa katotohanan dahil sa kanilang ministeryo.14
Ito ang gawain ng Diyos. Hindi ito gawain ng sinumang tao. Walang tao o grupo ng mga tao na makapagsusulong at magagawa itong matagumpay sa harap ng pagkalaban ng mundo. Sa maraming pagkakataon inisip nila [na kumakalaban sa gawain] na katapusan na ng Simbahan, at sa tuwina sa karingalan ng kanyang kapangyarihan, pinalalakas ito ng Panginoon, at sumusulong ito sa iba’t ibang lungsod, sa iba’t ibang bayan, sa iba’t ibang bansa.15
Alam ko na maraming problema at mas marami pang problemang darating sa paglipas ng mga araw, ngunit ang Ama sa langit ding iyon na namuno sa mga Anak ni Israel, na nagligtas kay Daniel at sa tatlong kabataang Hebreo mula sa kamatayan, ang Ama sa Langit ding iyon na nangalaga sa ating mga ninunong nagpunta sa [Salt Lake Valley] at nagpatira sa kanila dito, at nagpala sa kanila at sa kabila ng kahirapan ng mga tao ay ginawang posible na magkaroon ng napakagandang [Salt Lake] temple at iba pang magagandang templo, … ang Ama ring iyon, ang inyo at aking Ama, ay handang ibuhos sa atin ngayon ang kanyang mga pagpapala.16
Walang dahilan para mawalan ng pag-asa. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay patuloy na lumalaganap. Nasa atin ang pangako ng ating Ama sa Langit na ito ay patuloy na lalaganap. Wala nang iba pang dispensasyon na nagkaroon ng katiyakang tulad ng napasaatin. Sa mga nakaraang dispensasyon inalis ang Ebanghelyo sa mundo. Nang ipanumbalik ito sa ating panahon may kasama itong pangako na hindi na ito muling aalisin sa mundo o ibibigay sa ibang tao kailanman. Kaya’t sumasamo ako sa inyo na nakahawak na sa araro, na huwag nang lumingon. Paglingkuran ang Diyos at sundin ang kanyang mga utos.17
Hindi tayo kailangang mabalisa tungkol sa pag-unlad ng Sion, sapagkat ang mahusay na barko ay magiting na maglalayag, at ang mga nananalig at tapat ay ligtas na daraong kasama niya sa daungan ng Diyos, na may putong ng kaluwalhatian, imortalidad at buhay na walang-hanggan. Hindi ako nag-aalala sa matatandang lalaki at babaeng ito na nanatiling tapat sa pananampalataya. Hindi ako nag-aalala sa mga lalaki at babaeng sumusunod sa mga utos ng Panginoon. … Ngunit ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakaaalam sa kalooban ng ating Ama at hindi ginawa ito, ang mga nakakarinig sa mga turo ng Panginoon paminsan-minsan at tumalikod dito, nangangamba ako na hindi nila makamit ang mithiin maliban kung sila ay magsisisi nang kanilang buong puso.18
Ang kanyang gawain ay umuunlad, dapat tayong kumilos kung gusto nating makaagapay rito. Bawat taon na lumilipas, mula nang itatag ang Simbahan, ay nakita ito na mas tumatatag kaysa nakaraang taon. Ang pag-asang patuloy itong magtatagumpay ay higit ngayon kaysa noon. Mas marami nang tao ang nakakaalam sa katotohanan tungkol sa atin, at sa ating pakikitungo sa kanila. Ang maling palagay dahil sa kawalan ng kaalaman ay nawawala na, habang ang liwanag ay ipinalalaganap sa mga tao. …
Dapat maging malinaw sa lahat, at mangyayari ito balang-araw, na ang mga kumakalaban sa gawaing ito ay matagal na sana itong napabagsak kung ito ay hindi mula sa langit. Ipaalam natin sa buong mundo na hindi ito maibabagsak sapagkat “[ito ang] kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya.” [Tingnan sa Mga Taga Roma 1:16.19 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 184.]
Iniaakma ng Diyos ang mga sitwasyon sa mundo para lumaganap ang Kanyang gawain sa lupa.
Ipinasiya [ng Diyos] na ang mensaheng ipinahayag ng kanyang mga lingkod noong nakaraang mga panahon, na sinariwa at ipinangaral ng kanyang mga lingkod sa mga huling araw, ay maririnig, at sa lakas ng kanyang kapangyarihan ay iaakma niya ang mga sitwasyon sa mundong ito at gagawing mapagpakumbaba ang mga anak ng tao hanggang sa magsisi sila at handa nang makinig. Ang mga katotohanang itinuturo natin, ibig kong sabihin, ang mga katotohanang inaasahan ng Diyos na ituro natin sa mundo, ay lumalaganap na.20
Inihayag ng Panginoon sa isa sa kanyang mga propeta na paglabas ng Aklat ni Mormon sisimulan niya ang kanyang gawain sa mga bansa para manumbalik ang kanyang mga tao. [Tingnan sa 2 Nephi 30:3–8; 3 Nephi 21:1–14; 29:1–2.] Kapag natanto natin kung gaano kabilis ipalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo ngayon kumpara noong taong 1830, makikita natin na iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at inalok ang mga tao ng pagkakataong malaman ang tungkol dito. Hindi magtatagal, maririnig na sa lahat ng panig ng mundong ito ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga lingkod ng Panginoon na magpapahayag nito nang may kapangyarihan. Iaakma ng ating Ama sa Langit ang mga sitwasyon sa mundo upang maipangaral ang ebanghelyo.21
Sinabi ng Tagapagligtas na ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng bansa, at pagkatapos ay sasapit ang katapusan! [Tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:31.] Hindi hihingin ng Panginoon ang isang bagay na imposibleng mangyari. Inaalis niya ang mga hadlang, at ang ebanghelyo “ay ipapangaral.”22
Ang Sion ay matutubos, at malalaman ng daigdig, na ngayon ay mali ang pag-unawa sa gawain ng “Mormonismo,” na ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng mga taong sumusunod sa mga utos ng ating Ama. Pinatototohanan ko na bumibilis ang paglago ng gawain, at tinatanggap ng mga anak ng tao ang “Mormonismo” sa kanilang kalooban; na ito ang gawain ng ating Ama. Maaaring marupok at mahina tayo, ngunit kung tayo ay banal at dalisay ang ating pamumuhay, kung gagawin natin ang alam nating tama, magbabangon ng kalalakihan at kababaihan para ituloy ang gawain ng Panginoon, hanggang sa matapos ang gawain ng ating Ama sa paraang nais Niya. Mas makikilala na tayo ng mga taong mali ang pagkaunawa sa atin ngayon. Ang mga naniniwala na makasarili ang ating mga motibo ay hindi na malilinlang, at ang ating mga kapatid sa mundo, na naghahangad ng katotohanan at nais malaman kung ano ang nais sa kanila ng Panginoon, ay maaantig ang puso at tatanggapin ang Ebanghelyo. Ang Sion ay babangon at magliliwanag, at luluwalhatiin ang buong mundo, sabi ng Panginoong Diyos ng Israel.23 [Tingnan sa mungkahi 4 sa ibaba.]
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.
-
Ipinropesiya ni Pangulong Smith na “ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo … ay maririnig sa lahat ng dako ng mundo” (pahina 176). Anong mga teknolohiya ang tumutulong para maging posible ito? Sa anong iba pang mga paraan nakakatulong ang mga bagong teknolohiya o makabagong siyensya sa gawain ng Panginoon.
-
Habang binabasa ninyo ang unang bahagi ng mga turo (mga pahina 177–180), pag-isipan ang tungkulin o gawain ninyo ngayon sa Simbahan. Paano kayo tinutulutan ng pagganap sa inyong tungkulin na makibahagi sa “pagsusulong ng gawain ng Panginoon”? Paano nakakatulong ang inyong mga pagsisikap bilang home teacher o visiting teacher sa gawaing ito? Sa anong mga paraan tayo makababahaging lahat nang higit sa pormal nating tungkulin o gawain?
-
Sa mga pahina 180–182, pinatotohanan ni Pangulong Smith na pinamumunuan ng Panginoon ang gawain ng Kanyang Simbahan. Ano ang mga karanasan ninyo na nagpapakita sa inyo na ito ay totoo? Paano nagpapamalas ng ating pananampalataya sa gawain ng Panginoon ang pagtuturo at pamumuhay ng ebanghelyo sa ating tahanan?
-
Sa mga pahina 176 at 183–184, hanapin ang mga bagay na ayon kay Pangulong Smith ay gagawin ng Panginoon upang ihanda ang daan para maipangaral ang Kanyang ebanghelyo. Anong katibayan ang nakikita ninyo na nangyari o nangyayari na ang mga bagay na ito sa mundo natin ngayon?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Daniel 2:44–45; Joel 2:27–28; Mosias 27:13; Doktrina at mga Tipan 64:33–34; 65:1–6; 107:99–100; Moises 1:39
Tulong sa pagtuturo: “Maaari[ng] … may mga pagkakataon na hindi ninyo alam ang sagot sa isang tanong. Kung mangyayari ito, sabihin lamang na hindi ninyo alam. Maaari ninyong sabihin na susubukan ninyong hanapin ang sagot. O maaari ninyong anyayahan ang mga nag-aaral na hanapin ang kasagutan, na bibigyan sila ng oras sa ibang aralin upang mag-ulat ng natuklasan nila” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 79).