Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Paghahayag mula sa Diyos para sa Kanyang mga Anak


Kabanata 11

Paghahayag mula sa Diyos para sa Kanyang mga Anak

Ginagabayan tayo ng ating Ama sa Langit bilang indibiduwal at bilang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Upang ituro ang kahalagahan ng paghahayag sa paggabay sa Simbahan, ikinuwento ni George Albert Smith ang karanasan niya nang sumakay siya sa eroplano mula Los Angeles, California, papuntang Salt Lake City, Utah:

“Malapit sa Milford, Utah, bigla kaming lumipad o dumaan sa isa sa mga pinakamakapal na hamog na nakita ko. Pilit akong sumilip sa labas ng bintana ng eroplano pero wala akong makita sa kapal ng hamog. Walang makita kahit saang direksyon sa labas ng eroplano.

“Alam kong papalapit kami sa kabundukan sa bilis na mga tatlong milya kada minuto, kaya napilitan kaming lumipad sa ibabaw nito para makarating sa Salt Lake Valley. Nag-alala ako at tinanong ko sa sarili ko, ‘Paano malalaman ng piloto ang daan kapag wala siyang makitang anuman?’ May kompas siya pero baka malihis ng landas ang eroplano. May mga instrumento siyang nagsasabi kung gaano kami kataas mula sa lebel ng dagat pero walang paraan para malaman niya kung gaano kami kataas mula sa lupa. Akala ko magpapalipad siya nang sapat ang taas para malampasan namin ang kabundukan sa pagitan namin at ng Salt Lake Valley at sisikaping makita ang lente ng mga parola kung sapat na ang lapit namin, pero nangilabot ako nang maisip ko ang panganib na maligaw kami at hindi namin makita ang mga parola at paliparan.

“Sa labis kong pag-aalala nagpunta ako sa kinaroroonan ng piloto at co-pilot para alamin kung paano nila nalalaman kung saan kami papunta. Hindi ko masabi kung sandaan, sanlibo o sampung libong talampakan kami mula sa lupa at hindi ko alam kung paano nila nalalaman, maliban sa pagtantiya. Napansin ko na may maliit na gadget ang piloto sa kanyang tainga tulad ng gamit ng mga operator sa telepono para makatanggap ng tawag. Tinanong ko ang co-pilot kung paano nila nalalaman kung tama ang direksyong nililipad namin o kung lumilihis na kami. Ang sagot niya, ‘Kapag wala kaming makita ginagabayan kami ng radio beam.’

“‘Ano iyon?’ tanong ko. Ipinaliwanag niya na ang beam ay maaaring itulad sa isang electric highway sa pagitan ng dalawang dulo, at sa kaso namin ang magkabilang dulo ay Milford at Salt Lake City. Sabi niya gumana ang gadget sa tainga ng piloto para kapag sakop ng beam ang eroplano, patuloy na maririnig ang mahina at matinis na tunog, pero kung mapunta ang eroplano sa kanan o kaliwa nagbabago ang tunog at nababalaan ang piloto sa tunog na parang lagitik ng telegrapo. Kung … makabalik siya sa sakop ng beam o highway, hanggang sa ligtas na daan, tumitigil ang paglagitik at bumabalik ang matinis na tunog. Kung magpapatuloy tayo sa beam makararating tayo nang ligtas sa ating paroroonan.

“Nagbalik ako sa aking upuan na labis na napanatag na nalaman na kahit nabalot kami ng hamog at kadiliman at hindi namin makita ni madama kung nasaan kami, tumatanggap ng impormasyon ang piloto sa tuwina na tama ang aming daan at alam niya na hindi maglalaon ay makakarating kami sa aming paroroonan. Pagkaraan ng ilang minuto naramdaman kong bumababa na ang eroplano. Nalagpasan namin ang mga tuktok ng bundok at malapit na kami sa paliparan. Nang halos palapag na kami sa lupa nakita namin ang maliwanag na mga ilaw sa daanan na nagpapahiwatig kung saan lalapag at ang eroplano pati na mga sakay nito ay maingat na lumapag sa lupa na parang seagull na bumababa sa tubig, dahan-dahang huminto at bumaba na kami ng eroplano, masaya dahil nakauwi rin kami. …

“Maraming beses kong napag-isipan ang aral na natutuhan ko sa eroplano at nagamit ko ito nang husto sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. …

“Hindi lamang tayo pinayuhan ng Panginoon sa mga banal na kasulatan na gumagabay sa atin kundi naglagay din siya ng lider sa Simbahang ito, isa sa kanyang mga anak na napili at naorden at naitalaga bilang Pangulo. Siya ang ating piloto at gagabayan siya ng isang tinig na magbibigay-kakayahan sa kanya na akayin tayo sa dapat nating patunguhan. Kung matalino tayo hindi natin siya huhusgahan kundi matutuwa tayong igalang siya sa kanyang katungkulan hangga’t siya ay sinasang-ayunan ng Panginoon.”

Ginamit din ni Pangulong Smith ang karanasan niya sa eroplano para ituro na bawat isa sa atin ay makatatanggap ng paghahayag para gabayan ang sarili nating buhay kung tayo ay karapat-dapat:

“Kung namumuhay tayo nang nararapat maririnig natin ang bulong ng isang marahan at banayad na tinig na nagbababala sa atin sa panganib, sinasabing ito ang ligtas na daan, tahakin mo ito. … Kung nagkamali tayo ng kilos bubulungan tayo ng tinig na ‘bumalik ka, nagkamali ka; binalewala mo ang payo ng iyong Ama sa Langit.’ Talikuran ang iyong pagkakamali habang may panahon pa, dahil kung lubusan kang malihis mula sa tamang landas hindi mo na maririnig ang tinig at tuluyan kang maliligaw. …

“Ang payo ko sa inyo ay kamtin ang Espiritu ng Diyos at panatilihin ito at ang tanging paraan para mapanatili ito ay sa pamumuhay nang malapit sa kanya, sa pagsunod sa kanyang mga utos. … Makinig sa marahan at banayad na tinig na laging papatnubay sa inyo kung kayo ay karapat-dapat dito sa landas na hahantong sa walang-hanggang kaligayahan.”1 [Tingnan ang mungkahi 1 sa pahina 132.]

Mga Turo ni George Albert Smith

Ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang mga anak sa ating panahon tulad ng ginawa Niya noong araw.

Isang pribilehiyo ang mabuhay sa panahon na alam natin na ang Diyos ay buhay, na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan at ating Manunubos, at na patuloy na ipinahahayag ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanyang mga anak na naghanda ng kanilang sarili upang tumanggap ng kanyang mga pagpapala! Tinitingnan ko ang mukha ng malaking grupong narito ngayong umaga [sa sesyon ng pangkalahatang kumperensya], na karamihan ay nagtatamasa ng inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat, at kapag nagdarasal sila, nagdarasal sila sa kanilang Ama sa langit batid na sasagutin ang kanilang mga dalangin nang may mga pagpapala sa kanilang ulo. … Alam natin na may isang Diyos sa langit, na siya ang ating Ama, na siya ay tunay na nagmamalasakit sa ating buhay, at nagawa na niya iyan simula nang likhain ang mundo, nang ilagay sa mundo ang kanyang panganay o unang mga anak.2

Ang pagkakaiba ng dakilang Simbahang ito sa lahat ng iba pang simbahan sa simula pa lamang ay na tayo ay naniniwala sa banal na paghahayag; naniniwala tayo na nangungusap ang ating Ama sa tao ngayon tulad noong panahon ni Adan. Naniniwala tayo at alam natin—na higit pa sa paniniwala—na inilagay ng ating Ama ang kanyang kamay sa mundong ito para sa kaligtasan ng mga anak ng tao.3

Hindi lamang dahil naniniwala tayo sa mga aklat na ito [ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas] kaya tayo itinuturing na kakaibang mga tao kundi dahil din sa lubos tayong naniniwala na ang ating Ama ay nangusap sa panahong ito. Sa katunayan, alam natin na may pakikipag-ugnayan sa kalangitan. Naniniwala tayo na ang damdamin ni Jehova para sa atin, ang impluwensya niya sa atin ay katulad ng sa kanyang mga anak na nabuhay sa mundong ito noong unang panahon.

Sa mga hindi naniniwala, ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo sa lahat ng panahon ng mundo ay itinuring na kakaibang mga tao. Nang mangusap ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, maraming tao sa daigdig sa iba’t ibang panahon ang nagsabing, “Hindi kami naniniwala sa paghahayag.” Hindi naiiba riyan ang panahong ito. Libu-libo, oo, milyun-milyon, sa mga anak ng ating Ama na nabuhay sa mundo ang nag-uulit lamang ng kasaysayan ng nakaraan kapag pinasisinungalingan nila na muling inihayag ng Diyos ang kanyang kalooban sa mga anak ng tao, at sinasabi na hindi na nila kailangan ang anumang karagdagang paghahayag.4

Hindi tayo naniniwala na nakasara ang kalangitan sa itaas, kundi ang Ama na nagmahal at nagtangi sa mga anak ni Israel ang siya ring nagmamahal at nagtatangi sa atin. Naniniwala tayo na kailangan din natin ang tulong ng ating Ama sa Langit para patnubayan ang ating buhay na katulad nila noon. Alam natin na sa panahong ito na kinamulatan natin muling nabuksan ang kalangitan, at muling nangusap ang Diyos mula sa kalangitan.5 [Tingnan ang mungkahi 2 sa pahina 133.]

Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng paghahayag sa Pangulo ng Simbahan.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa sa utos ng ating Ama sa Langit. Sa ibabaw ng bato ng paghahayag itinatag ang Simbahang ito at sa pamamagitan ng paghahayag ito ay nagabayan.6

Kakaiba sa panahong ito ang mapabilang sa isang simbahan, na ang mga miyembro ay naniniwala na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng kanilang mga lider. Kapag tinagubilinan tayo ng Pangulo ng Simbahang ito, naniniwala tayo na sinasabi niya sa atin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon. Para sa atin hindi lamang ito payo ng isang tao. Naniniwala tayo diyan, at nanunuot ito sa ating kaluluwa, at nahihikayat tayong pag-ibayuhin ang ating determinasyong maging katulad ng nais ng Diyos na kahinatnan natin.7

Nagkaroon na tayo ng mga miyembro sa Simbahan na nalihis ng landas, dahil sa kanilang kamangmangan, at kinalaban ang payo ng [Pangulo ng Simbahan], nang hindi naunawaan ang katotohanan na kinakalaban nila ang Panginoon at nasadlak sila sa kadiliman at kalungkutan, at kung hindi sila magsisisi ay wala silang puwang sa kahariang selestiyal.

Tandaan natin na ang Pangulo ng Simbahang ito ang opisyal na itinalaga bilang lider ng Simbahan sa buhay na ito upang maging kinatawan ng Panginoon ng langit at lupa.8

Kapag ang mga tao, tulad ng ginagawa nila kung minsan para magtagumpay sa ilang hangarin, ay lumapit sa isang tao o mga tao at nagsabing, “may napanaginipan ako at ito ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon,” malalaman ninyo na wala sila sa panig ng Panginoon. Ang mga panaginip at pangitain at paghahayag ng Diyos sa mga anak ng tao ay laging dumarating sa pamamagitan ng kanyang lingkod na hinirang sa wastong paraan. Maaari kayong managinip at tumanggap ng paghahayag para sa inyong sariling kapanatagan o kasiyahan, ngunit hindi ito para sa Simbahan. … Hindi tayo dapat palinlang.9

Puspos ng pasasalamat ang aking kaluluwa sa araw na ito na malaman na sa pananatili nating miyembro ng Simbahan may namumuno sa atin na nakaaalam ng daan, at kung susundin natin ang kanyang tagubilin … hindi masisira ang ating espirituwalidad na siyang nangyayari sa mundo ngunit tayo ay maglilibot na gumagawa ng mabuti, pinagpapala ang mga tao, at nagagalak na makapiling ang mga mahal natin sa buhay.10 [Tingnan ang mungkahi 3 sa pahina 133.]

Bawat isa sa atin ay may karapatan sa personal na inspirasyon mula sa Espiritu Santo kung susundin natin ang mga utos.

Naniniwala ako sa inyo, mga kapatid. … May karapatan kayo sa kaalaman ding iyon na siya ang nangungulo sa Simbahan. May karapatan kayo sa inspirasyon ding iyon na ibinubuhos sa mga inorden ng Diyos bilang Kanyang mga lider. May karapatan kayo sa inspirasyon ng Espiritu, at sa kaalaman na Siya ang inyong Ama, at kapag sinabi kong “kayo” tinutukoy ko ang lahat ng sumunod sa mga utos ng ating Ama, at nakibahagi sa magiliw na impluwensya ng Espiritu ng Panginoon sa Simbahan ni Cristo. … Bawat isa sa atin ay may karapatan sa inspirasyon ng Panginoon ayon sa paraan ng ating pamumuhay na makadiyos.11

Saan man kayo magtungo, wala na kayong makikitang ibang grupong nakatipon, na bawat isa ay sumasampalataya sa Diyos; at kung tatanungin namin kayong lahat kung ilan ang may patotoo, hindi paniniwala lamang sa sinabi ng iba, kundi ilan sa inyo ang nakatitiyak na ito ang gawain ng Diyos, na si Jesus ang Cristo, na walang-hanggan ang ating buhay, na si Joseph Smith ay propeta ng Buhay na Diyos, sasagot kayo na mayroon kayong ganitong patotoo na nagpapasigla at nagpapalakas at nagpapasaya sa buhay ninyo sa mundong ito. …

… Nalaman ko noong bata pa ako na ito ang gawain ng Panginoon. Nalaman ko na may mga propetang nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Nalaman ko na ang inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat ay makaiimpluwensya sa mga taong namuhay upang matamasa ito, kaya hindi tayo umaasa sa isa o dalawa o anim na tao. Alam ng libu-libong miyembro ng Simbahang ito na—hindi ito imahinasyon—alam nila na ang Diyos ay buhay at si Jesus ang Cristo at tayo ay mga anak ng Diyos.12

Hindi kayo umaasa sa kasaysayan lamang, ni sa mga turo ng sinumang tao, upang malaman na ito ang gawain ng Panginoon, dahil nag-aalab ito sa inyong kaluluwa sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Walang alinlangan sa inyong isipan tungkol sa inyong pinagmulan, ni sa lugar na paroroonan ninyo pagkamatay ninyo, kung kayo ay tapat sa pagtitiwalang ibinigay sa inyo.13

Ang patotoo ay hindi maibibigay sa atin ng ibang tao. Ang pananalig ay nagmumula sa ating Ama sa Langit.14

Nakatayo ako ngayon dito na labis na nagpapasalamat sa kaalamang napasaakin. Nagpapasalamat ako na hindi ako umaasa sa sinumang tao para sa patotoong taglay ko. Mangyari pa, nagpapasalamat ako sa pagpapalakas ng loob na tinanggap ko mula sa ibang taong nagtataglay ng liwanag at katotohanan, at nanghihikayat sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, ngunit hindi ako umaasa sa sinuman sa kanila para sa kaalaman na ang Diyos ay buhay, na si Jesucristo ang Manunubos ng sangkatauhan at si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon. Alam ko mismo ang mga bagay na ito.

… Nagagalak akong magpatotoo na alam kong totoo ang ebanghelyo, at buong kaluluwa kong pinasasalamatan ang aking Ama sa Langit na inihayag niya ito sa akin.15

Sa lahat ng pagpapalang dumating sa buhay ko ang pinakamahalaga ay ang kaalaman na ang Diyos ay buhay at ito ang kanyang gawain, dahil kabilang diyan ang lahat ng iba pang pagpapalang inaasam kong matamasa sa buhay na ito o sa buhay na darating.16 [Tingnan ang mungkahi 4 sa pahina 133.]

Ang Espiritu Santo ay isang ligtas na patnubay sa landas ng buhay na ito.

Ang pagsama ng Espiritu [ng Diyos] … ay isang ligtas na patnubay sa landas ng buhay na ito at isang tiyak na paghahanda para sa isang tahanan sa kanyang kahariang selestiyal.17

Mababasa natin sa Job na may espiritu sa tao, at ang inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa kanya ng pang-unawa [tingnan sa Job 32:8]. Kung susundin natin ang mga utos ng Diyos may karapatan tayo sa inspirasyong iyan, at kung namumuhay tayo nang nararapat bilang mga anak ng Diyos, makakamtan natin ang inspirasyong iyan, at walang sinumang makahahadlang dito, at ang bunga nito ay pag-unlad ng sarili nating katawan at isipan at moralidad sa buhay na ito, at patuloy na pag-unlad sa buong kawalang-hanggan.18

Ang pagsama ng espiritu ng Panginoon ay panlaban sa kapaguran, … sa takot at sa lahat ng bagay na kung minsan ay dumaraig sa atin sa buhay.19

Noong kasama ng mga disipulo ang Tagapagligtas humanga sila sa kanya nang hindi nababatid kung gaano siya kadakila, ngunit nang mapasakanila ang kapangyarihan ng Espiritu Santo, nang mabinyagan sila ng apoy ay noon lamang nila nakayang harapin ang mga problema at matiis ang mga pang-uusig na halos hindi nila makayanan. Nang mabigyan sila ng pang-unawa ng inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat nalaman nila na walang-hanggan ang kanilang buhay, at kung mapatunayan nila ang kanilang katapatan alam nila na kapag inihimlay ng kamatayan ang kanilang katawan ay ibabangon sila mula sa libingan tungo sa kaluwalhatian at imortalidad.

Iyan ang bunga ng inspirasyon ng Espiritu ng Diyos na napasakanila, ang inspirasyon ng Makapangyarihan sa lahat na nagbigay sa kanila ng pang-unawa. …

Dalangin ko na ang Espiritung nagpapanatili sa atin sa landas ng katotohanan at kabutihan ay manatili sa atin, at dalangin ko na ang hangaring iyan na nagmumula sa inspirasyon ng ating Ama sa Langit ang pumatnubay sa atin sa landas ng buhay na iyan.20

Pagkatapos ng gawain sa mundo nawa’y mabatid natin na nakinig tayo sa bulong ng marahan at banayad na tinig na iyon na laging gumagabay sa atin sa landas ng kabutihan, at malaman na nabuksan nito ang pintuan ng kahariang Selestiyal, para sa atin at sa mga mahal natin sa buhay, upang sumulong sa kawalang-hanggan, … na maligaya magpakailanman.21 [Tingnan ang mungkahi 5 sa pahina 133.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii.

  1. Habang binabasa ninyo ang “Mula sa Buhay ni George Albert Smith” (mga pahina 123–126), pag-isipan kung paano naaangkop ang analohiya ni Pangulong Smith sa ating paglalakbay sa buhay na ito. Ano kaya ang isinasagisag ng hamog, radio beam, at lagitik na tunog? Paano kayo nabalaan ng Panginoon sa panganib at natulungan kayong manatili sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan?

  2. Sa mga pahina 126–128, sinabi ni Pangulong Smith na ang paghahayag ay kailangan din ngayon tulad noong panahon ng Biblia. Paano kayo tutugon sa isang taong nagsasabi na sapat na ang mga paghahayag sa mga banal na kasulatan para sa ating panahon? Anong mga karanasan ang nakapagturo sa inyo na ang Ama sa Langit “ay tunay na nagmamalasakit sa ating buhay”?

  3. Pag-aralang muli ang bahaging nagsisimula sa pahina 128. Paano ninyo nalaman na ang payo ng propeta ay nagmumula sa Panginoon at “hindi lamang ito payo ng isang tao”? (pahina 128). Paano kayo matutulungan ng pansariling paghahayag na tanggapin at isabuhay ang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ng propeta?

  4. Habang pinag-aaralan ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 130, pag-isipan kung paano kayo nagtamo ng patotoo tungkol sa ebanghelyo. Paano nakatulong sa inyo ang patotoo ng ibang tao? Ano ang ginawa ninyo para malaman ninyo mismo ang katotohanan?

  5. Sa huling bahagi ng mga turo (mga pahina 131–132), maghanap ng mga salita at pariralang naglalarawan sa mga paraan na makakatulong sa atin ang Espiritu Santo. Pag-isipan kung ano ang magagawa ninyo para maging marapat sa mas madalas na pagsama ng Espiritu Santo sa inyong buhay.

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Juan 15:26; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:3–5; Doktrina at mga Tipan 1:38; 42:61; 76:5–10; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9

Tulong sa pagtuturo: “Huwag mabahala kung ang mga mag-aaral ay tahimik nang ilang sandali matapos kayong magtanong. Huwag sagutin ang sarili ninyong katanungan; bigyan ng oras ang mga mag-aaral na makapag-isip ng isasagot. Gayunpaman, ang mahabang katahimikan ay maaaring pahiwatig na hindi nila naunawaan ang tanong at kailangan ninyo itong ulitin nang maliwanag” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 85).

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Okt. 1937, 50–53.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1946, 4.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1917, 37.

  4. “Some Points of ‘Peculiarity,’” Improvement Era, Mar. 1949, 137.

  5. Sa Proceedings at the Dedication of the Joseph Smith Memorial Monument, 55.

  6. “Message to Sunday School Teachers,” Instructor, Nob. 1946, 501.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1930, 66.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1937, 52–53.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1945, 118–19.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1937, 53.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1911, 44.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1946, 124–25.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1905, 62.

  14. “Opportunities for Leadership,” Improvement Era, Set. 1949, 557.

  15. Sa Conference Report, Okt. 1921, 42.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1927, 82.

  17. “To the Latter-day Saints Everywhere,” Improvement Era, Dis. 1947, 797.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1944, 31.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1945, 115–16.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1939, 124–25.

  21. Sa Conference Report, Abr. 1941, 28.

Si George Albert Smith at ang asawa niyang si Lucy. Ginamit ni Pangulong Smith ang karanasan niya sa eroplano para ituro ang kahalagahan ng paghahayag.

“Bawat isa sa atin ay may karapatan sa inspirasyon ng Panginoon ayon sa paraan ng ating pamumuhay na makadiyos.”