Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: ‘Kayo ay Kinakailangang Magpatawad’


Kabanata 23

“Kayo ay Kinakailangang Magpatawad”

Sa pagpapatawad sa iba, pinalalaya natin ang ating sarili sa galit at inihahanda ang ating sarili para sa buhay na walang-hanggan.

Mula sa Buhay ni George Albert Smith

Noong 1897, noong binata pa si George Albert Smith, nagpalista siya sa Utah National Guard. Sa paghikayat ng ilan sa kanyang mga kasama, kumandidato si George Albert Smith sa isang katungkulan sa Guard, ngunit ilang linggo bago sumapit ang botohan, ipinagkalat ng isang karibal na guardsman ang maling paratang na nandaya siya. Dahil dito, natalo si Sergeant Smith sa botohan na sa palagay niya ay dapat niyang napanalunan. Ang nagpalala pa sa sitwasyon ay ang taong nagkalat ng maling paratang ay dati niyang kaibigan.

Bagaman pinilit niyang kalimutan ito, nasaktan nang husto si George Albert Smith sa bintang. Nagsimba siya nang sumunod na Linggo, ngunit nadama niya na hindi siya dapat makibahagi ng sakrament. Humingi siya ng tulong sa panalangin at natanto niya na kailangan niyang pagsisihan ang poot na naramdaman niya. Nagdesisyon siyang puntahan ang kanyang kaibigan at makipagbati rito.

Dumiretso si Gorge Albert Smith sa opisina ng lalaki at sinabi rito sa mahinahong tinig, “Brother, patawarin mo sana ako dahil naghihinakit ako sa iyo nitong nakaraang ilang linggo.”

Agad lumambot ang puso ng kanyang kaibigan. “Brother Smith, hindi ikaw ang dapat humingi ng tawad,” sabi nito. “Ako ang dapat humingi ng tawad sa iyo.” Nagkamayan sila, at mula noon ay nanatiling mabuting magkaibigan.1 [Tingnan sa mungkahi 1 sa pahina 280.]

Pagkaraan ng ilang taon, ginawa ni George Albert Smith na isa sa habambuhay niyang mga mithiin ang pagpapatawad nang isulat niya sa kanyang sariling paniniwala: “Hindi ko sasadyaing saktan ang damdamin ng sinuman, kahit na ang nagkasala sa akin, sa halip ay gagawan ko siya ng mabuti at kakaibiganin.”2

Isang malapit kay Pangulong Smith ang nakasaksi na ang kakayahan niyang magpatawad ay isa sa kanyang kahanga-hangang katangian: “Tunay ngang pinatawad niya ang lahat ng tao. Alam niya sa buong buhay niya ang utos ng Diyos: Patatawarin ng Diyos ang gusto niyang patawarin. Tayo, kailangan nating patawarin ang lahat ng tao. Magagawa niya iyan, at pagkatapos ay idinudulog niya ang bagay na iyon sa Diyos. At kapag nagpatawad siya, tiyak kong kinalimutan niya ito. Kung ang isang taong nagpatawad ay kayang lumimot, talagang kakaiba ang taong iyon, tunay ngang siya ay isang tao ng Diyos!”3

Mga Turo ni George Albert Smith

Kung nauunawaan natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, mas madali sa atin na patawarin ang iba.

May isang bagay na mapagsisikapan nating paghusayin, at iyan ay, ang disposisyong patawarin ang mga kasalanan ng isa’t isa. Ang pagiging mapagpatawad ay isang katangian na kung wala ay hindi natin lubos na matatanggap kailanman ang mga pagpapalang inaasam natin.4

Hindi nauunawaan ng mga tao sa mundo … ang pakiramdam ng Tagapagligtas noong habang nagdurusa ang kanyang kaluluwa, humagulgol siya sa kanyang Ama sa Langit, hindi para parusahan at lipulin ang mga pumaslang sa kanya, kundi sinabi niya:

“… Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34.)

Iyan dapat ang maging damdamin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Iyan dapat ang maging damdamin ng lahat ng anak ng Diyos at mangyayari iyon, sa palagay ko, kung lubos nilang nauunawaan ang plano ng kaligtasan. … Ang galit at poot sa ating puso ay hindi magdudulot sa atin ng kapayapaan at kaligayahan.5

Ang Panginoon ay nagbigay sa atin ng dakilang impormasyon, inihayag sa atin ang Kanyang isipan at kalooban, itinuro sa atin ang mga bagay na hindi alam ng mundo, at, alinsunod sa impormasyong natanggap natin, pinananagot Niya tayo at inaasahang mamuhay nang mas mabuti, mas uliran kaysa mga taong hindi lubos na nakauunawa sa Ebanghelyo na tulad natin. Ang diwa ng pagpapatawad ay isang bagay na makabubuting mas lubos na ipakita ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isa’t isa. … Dapat tayong makarating sa punto na kaya nating patawarin ang ating kapwa.6 [Tingnan sa mungkahi 2 sa pahina 280.]

Kapag pinatawad natin ang iba, nagpapasalamat tayo sa pagpapatawad sa atin ng Ama sa Langit.

Kaugnay ng bagay na ito [ng pagpapatawad sa iba], babasahin ko ang ilang talata mula sa ika-labingwalong kabanata ng San Mateo, simula sa ika-dalawampu’t isang talata. Tila kasama rito ng mga Apostol ang Panginoon, at nilapitan Siya ni Pedro at sinabi:

“Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? hanggang sa makapito?

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito, kundi hanggang sa makapitongpung pito.” [Mateo 18:21–22.]

Pagkatapos ay nagbigay ang Panginoon ng talinghaga … tungkol sa dalawang lalaki. Nagkautang ng malaking halaga ang isa sa mga lalaki sa kanyang panginoon, at pinuntahan niya ito at sinabing hindi niya mababayaran ang kanyang utang, at hiniling na mapatawad siya sa utang. Nahabag ang panginoon ng aliping iyon, at ipinatawad ang utang. Agad lumabas ang lalaking ito na napatawad at nakita ang kapwa niya alipin na may utang sa kanya ng maliit na halaga, at sinabihan itong magbayad. Hindi nabayaran ng kawawang lalaki ang obligasyon, at ito man ay nakiusap na patawarin siya sa pagkakautang. Ngunit hindi siya pinatawad; sa halip ay ipinakulong siya ng taong napatawad ng kanyang panginoon sa pagkakautang. Nang makita ito ng ibang mga kapwa-alipin pinuntahan nila ang panginoon ng lalaki at ipinaalam dito ang nangyari, at nagalit ito at pinagdusa ang taong kanyang pinatawad, hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kanyang utang. Kulang sa pagmamahal ang kanyang puso para pahalagahan ang awang ipinakita sa kanya, at dahil sa kawalan ng pag-ibig sa kapwa ay nawala sa kanya ang lahat. [Tingnan sa Mateo 18:23–35.]

Kung minsan nagkakaroon tayo ng alitan, at nalilimutan natin ang pagtitiyaga sa atin ng ating Ama sa Langit, at pinalalaki natin ang isang walang-kuwentang bagay na nagawa o nasabi ng ating kapwa tungkol sa atin. Hindi natin laging ipinamumuhay ang batas na iyon na gusto ng Panginoon na sundin natin pagdating sa mga bagay na ito. Nalilimutan natin ang utos na ibinigay niya sa mga Apostol sa mga kataga ng panalangin, kung saan inatasan silang magdasal upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan tulad din ng pagpapatawad nila sa mga nagkakautang sa kanila [tingnan sa Mateo 6:12]. Palagay ko kailangan nating matuto pa nang husto tungkol dito. Hindi pa natin ganap na nasusunod gaya ng nararapat ang mga hinihingi ng ating Ama sa Langit.7 [Tingnan sa mungkahi 3 sa pahina 280.]

Sa pagpiling hindi masaktan, maiaalis natin sa ating puso ang lahat ng hindi magandang pakiramdam.

Tinuruan na tayong mahalin ang ating mga kaaway, at ipagdasal ang mga taong may masamang hangarin sa atin at nagsasalita ng masama laban sa atin [tingnan sa Mateo 5:44]. … Kapag kayo ay nilait, huwag na kayong manlait pa. Kapag nagsabi ng masama ang iba tungkol sa inyo, kaawaan sila, at ipagdasal. Alalahanin ang halimbawa ng Banal na Panginoon, na nagsabi, noong siya ay nakabayubay sa malupit na krus, “Ama, patawarin mo sila, sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”8

Minsan may isang pinuno ng Simbahan na nakasakit ng damdamin ng isa sa mga miyembro ng Simbahan, nang hindi sinadya, at patuloy na tahimik na nagdamdam ang anak na ito ng ating Ama, sa halip na gawin ang iniutos ng Panginoon, na lapitan ang nakasakit ng kanyang damdamin at sabihin dito, nang mahinahon ang kanyang damdamin, at bigyan ng pagkakataon ang taong iyon na sabihin sa kanyang, “Sori nasaktan kita, at sana ay patawarin mo ako.” Dahil diyan, sa ilang pagkakataon, nananatili ang hinanakit sa puso natin na inudyok ni Satanas.9 [Tingnan sa mungkahi 4 sa pahina 280.]

Wala tayong hinanakit sa sinuman sa ating kapwa; wala tayong dahilan. Kung hindi nila tayo naunawaan, kung mali ang sinabi nilang sinabi natin, at inusig nila tayo, dapat nating tandaan na bahala ang Panginoon sa kanila. … Kaya kapag nakibahagi tayo sa sakrament ng Hapunan ng Panginoon, … alisin natin sa ating puso ang lahat ng kawalang-galang sa isa’t isa at sa kapwa natin na hindi natin kamiyembro.10

Sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba, inihahanda natin ang ating sarili sa kahariang selestiyal.

Nawa’y mamuhay ang bawat isa sa atin sa paraan na hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin ang kaaway. Kung may mga alitan man kayo, kung mayroon man kayong hindi mapagkasunduan ng inyong kapwa, ayusin ito hangga’t maaga, sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Panginoon, upang pagdating ng panahon kapwa kayo at ang inyong mga inapo na maaaring sumunod sa inyo ay maihanda sa pagtanggap ng pamana sa kahariang selestiyal.11

Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin ang isang rreperensya tungkol sa pagpapatawad, kung saan nagbigay ng isang utos ang Panginoon; nakatala ito sa ika-animnapu’t apat na bahagi, at patungkol sa atin ngayon. Ganito ang nakasaad:

“… Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran, na hindi nagkasala tungo sa kamatayan.

“Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso, at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.”

Ang talatang huling binasa ang bibigyang-diin ko.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao;

“At nararapat ninyong sabihin sa inyong mga puso, ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa.” [D at T 64:7–11.]

Kung tayo ay namumuhay sa paraan na, kapag hindi natin makasundo ang ating kapwa, sa halip na husgahan ang iba, ay tapatan at walang pag-aatubili nating maisasamo sa ating Ama sa Langit na, “Panginoon, kayo po ang humatol sa amin ng aking kapatid; alam po ninyo ang nasa puso ko; alam po Ninyo na hindi ako galit sa kanya; tulungan po ninyo kaming magkaunawaan, at bigyan ninyo kami ng talino upang matwid naming mapakitunguhan ang isa’t isa,” mababawasan ang mga alitan, at magagalak tayo at pagpapalain! Ngunit, dumarating paminsan-minsan ang mumunting mga alitang nagpapabago sa takbo ng ating pang-araw-araw na buhay, at patuloy tayong nalulungkot dahil pinahahalagahan natin ang maling impluwensya, at wala tayong pag-ibig sa kapwa. …

… “Ngayon, ako ay nangungusap sa inyo hinggil sa inyong mga mag-anak—kung babagabagin kayo ng mga tao, o ang inyong mag-anak, sa unang pagkakataon, at inyong matiyagang babatahin ito at hindi mag-aalimura laban sa kanila, ni maghangad na makaganti, kayo ay gagantimpalaan;

“Subalit kung hindi ninyo matiyagang babatahin, ito ay ipalalagay gaya ng sukatan sa inyo bilang isang makatarungang panukat sa inyo.” [D at T 98:23–24.]

Ito rin ang sinabi ng Panginoon sa atin. Kung namumuhay tayo ayon sa batas na ito, madaragdagan ang ating biyaya at lakas araw-araw, at kakasihan tayo ng ating Ama sa Langit. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng ating mga anak. Mamahalin nila tayo dahil sa kabutihan at dangal ng ating buhay, at magagalak sila na isinilang sila sa gayong klaseng mga magulang. Sinasabi ko sa inyo na ang utos na ito ay hindi ibinigay nang walang batayan; sapagkat ipinahayag ng Panginoon na Siya ay hindi nagbibigay ng anumang batas nang walang pagmamahal, kundi bawat batas ay ibinibigay upang ito ay ingatan at ipamuhay ng bawat isa sa atin.

Maikli lamang ang panahong ilalagi natin sa mundo. Ang pinakabata at pinakamalakas sa atin ay naghahanda lamang para sa kabilang-buhay, at bago natin marating ang kaluwalhatian ng ating Ama at matamasa ang mga pagpapalang inaasam nating matanggap sa pamamagitan ng katapatan, kailangan nating ipamuhay ang batas ng pagtitiyaga, at patawarin ang mga nagkakasala sa atin, at alisin sa ating puso ang lahat ng galit sa kanila.

“At muli, kung ang inyong kaaway ay babagabagin kayo sa pangalawang pagkakataon, at hindi ninyo aalimurain ang inyong kaaway, at matiyaga itong babatahin, ang inyong gantimpala ay magiging isandaang ulit.

“At muli, kung babagabagin niya kayo sa pangatlong pagkakataon, at inyo itong matiyagang babatahin, ang inyong gantimpala ay dodoblehin sa inyo ng makaapat na ulit.” [D at T 98:25–26.] …

Nawa’y manahan sa atin ang Espiritu ng Panginoon, upang mapatawad natin ang lahat ng tao tulad nang utos Niya, patawarin, hindi lamang sa salita kundi sa kaibuturan ng ating puso, ang bawat kasalanang maaaring nagawa laban sa atin. Kung gagawin natin ito habambuhay, mananatili sa ating puso at tahanan ang mga pagpapala ng Panginoon.12 [Tingnan sa mungkahi 5 sa ibaba.]

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang kabanata o naghahanda kayong magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–viii

  1. Pag-isipang mabuti ang kuwento sa pahina 273 at basahin ang 3 Nephi 12:22–24. Sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Panginoon na makipagbati tayo sa ating mga kapatid bago tayo lumapit sa Kanya?

  2. Sa mga pahina 274–275 ipinaliwanag ni Pangulong Smith na ang ating kaalaman sa plano ng kaligtasan ay dapat makatulong sa atin na maging mas mapagpatawad. Sa palagay ninyo, bakit kaya gayon? Paano tayo “ma[ka]karating sa punto” (pahina 275) na mapapatawad natin ang iba?

  3. Habang pinag-aaralan ninyo ang bahaging nagsisimula sa pahina 275, isipin ang isang pagkakataon na pinatawad kayo ng Ama sa Langit. Sa palagay ninyo, bakit hindi tayo nararapat patawarin kung hindi tayo magpapatawad sa iba?

  4. Basahin ang huling talata sa pahina 276. Ano ang humahadlang sa atin na makipagbati sa isang pinuno ng Simbahan o ibang tao na sadya o di-sadyang nakasakit sa atin? Ano ang maaari nating gawin upang malampasan ang mga hadlang na ito?

  5. Repasuhin ang huling bahagi ng mga turo (sa mga pahina 277–280). Paano tayo inihahanda ng kahandaan nating magpatawad para sa kahariang selestiyal? Sa anong mga paraan pinagpapala ang ating pamilya kapag pinatatawad natin ang iba?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Mateo 5:23–24, 38–48; 6:12, 14–15; 7:1–5; 18:15; 1 Nephi 7:16–21; Doktrina at mga Tipan 42:88

Tulong sa pagtuturo: “Kapag nagtatanong ang isa[ng tao], isiping anyayahan ang iba na sagutin ito sa halip na kayo mismo ang sumagot nito. Halimbawa, maaari ninyong sabihing, ‘Iyan ay isang [nakakatuwang] tanong. Ano ang palagay ng iba sa inyo?’ o ‘[May makakasagot ba] sa tanong na ito?’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, 79).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Merlo J. Pusey, “The Inner Strength of a Leader,” Instructor, Hunyo 1965, 232.

  2. “President George Albert Smith’s Creed,” Improvement Era, Abr. 1950, 262.

  3. Matthew Cowley, sa Conference Report, Abr. 1951, 167.

  4. “The Spirit of Forgiveness,” Improvement Era, Ago. 1945, 443.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1945, 169.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1905, 27.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1905, 27.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1904, 65–66.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1905, 27.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1906, 50.

  11. Mensaheng ibinigay sa Mexican mission conference, Mayo 26, 1946, George Albert Smith Family Papers, University of Utah, box 121, pahina 288.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1905, 27–28, 30.

“Alalahanin ang halimbawa ng Banal na Panginoon, na nagsabi, noong siya ay nakabayubay sa malupit na krus, ‘Ama, patawarin mo sila, sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.’”

“Kung mayroon man kayong hindi mapagkasunduan ng inyong kapwa, ayusin ito hangga’t maaga, sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Panginoon.”