Pag-aaral ng Doktrina
Apostasiya
Kapag tumatalikod ang mga indibiduwal o mga grupo ng mga tao sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sila ay nasa kalagayan ng apostasiya. Isang halimbawa ang Malawakang Apostasiya, na naganap matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan.
Buod
Kapag tumatalikod ang mga indibiduwal o mga grupo ng mga tao sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sila ay nasa kalagayan ng apostasiya. Isang halimbawa ang Malawakang Apostasiya, na naganap matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan. Pagkatapos ng kamatayan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol, binaluktot ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at gumawa ng mga di-awtorisadong pagbabago sa organisasyon ng Simbahan at sa mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa laganap na apostasiyang ito, kinuha ng Panginoon ang awtoridad ng priesthood mula sa mundo. Ang apostasiyang ito ay natapos lamang nang magpakita ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak kay Joseph Smith noong 1820 at pinasimulan ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo.
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na, sa pamamagitan ng priesthood na ipinagkaloob kay Joseph Smith sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel, ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos ay naibalik na sa mundo. Ito ay “ipinanumbalik,” hindi “binagong,” Kristiyanismo. Ang kanilang paniniwala sa ipinanumbalik na Kristiyanismo ay nakakatulong sa pagpapaliwanag kung bakit karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na nabinyagan, mula dekada 1830 hanggang sa ngayon, ay mula sa iba pang mga simbahang Kristiyano. Wala ni isa sa mga miyembrong ito ang nag-isip na iniiwan nila ang Kristiyanismo; nagpapasalamat lamang sila na nalaman nila ang tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo at naging bahagi nito, na pinaniniwalaan nila na nakapagbibigay ng Simbahang Kristiyano na mas kumpleto at sagana sa espirituwal, organisasyon, at doktrina.
Noong panahon ng Malawakang Apostasiya, walang banal na patnubay ang mga tao mula sa mga buhay na propeta. Maraming simbahan ang naitatag, ngunit wala silang kapangyarihan ng priesthood para akayin ang mga tao sa tunay na kaalaman tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo. Ang ilang bahagi ng mga banal na kasulatan ay iniba o nawala, at wala ni isa mang may awtoridad na igawad ang kaloob na Espiritu Santo o magsagawa ng iba pang mga ordenansa ng priesthood.
Ngayon ay nabubuhay tayo sa panahon na naipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit hindi tulad ng Simbahan noong unang panahon, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi madaraig ng pangkalahatang apostasiya. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang Simbahan ay hindi na muling mawawasak (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:44; tingnan din sa Daniel 2:44).
Bagama’t wala nang darating na malawakang apostasiya, dapat nating pag-ingatang huwag personal na mag-apostasiya sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan, pagsunod sa mga kautusan, pagsunod sa mga lider ng Simbahan, pagtanggap ng sakramento, at pagpapalakas ng ating patotoo sa tuwina sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at paglilingkod.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Mga Ordenansa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan”
Mga Karagdagang Mensahe
Mga Video
Resources sa Pag-aaral
Mga Manwal sa Pag-aaral
Sa mga Balita
“Authority in the Church,” Newsroom
“Church Leaders’ Message Addresses Doctrine, Questions,” Newsroom