Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 16: Ang Simbahan ni Jesucristo Noong Unang Panahon


Kabanata 16

Ang Simbahan ni Jesucristo Noong Unang Panahon

Christ with the twelve men chosen by Him to be His Apostles. Christ has His hands upon the head of one of the men (who kneels before Him) as He ordains the man to be an Apostle. The other eleven Apostles are standing to the left and right of Christ.

Ilang Katangiang Tumutukoy sa Simbahan ni Jesucristo

“Naniniwala kami sa samahan ding yaon na umiral sa Sinaunang Simbahan, alalaong baga’y mga apostol, propeta, pastor, guro, ebanghelista, at iba pa” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6).

Itinatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan noong narito Siya sa mundo. Tinawag itong Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 27:8), at ang mga miyembro ay tinawag na mga Banal (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–20).

Paghahayag

Nang itatag ni Jesus ang Kanyang Simbahan, personal Niyang tinagubilinan at pinamahalaan ang mga pinuno nito. Siya din naman ay tumanggap ng mga tagubilin mula sa Kanyang Ama sa Langit. (Tingnan sa Mga Hebreo 1:1–2.) Kung gayon ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamamahalaan ng Diyos at hindi ng tao. Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na ang paghahayag ang “bato” na pagtatayuan Niya ng Kanyang Simbahan (tingnan sa Mateo 16:16–18).

Bago umakyat sa langit si Jesus matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli, sinabi Niya sa Kanyang mga Apostol, “Ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:20). Tapat sa Kanyang sinabi, patuloy Niya silang pinatnubayan mula sa langit. Isinugo Niya ang Espiritu Santo para maging mang-aaliw at tagapaghayag sa kanila (tingnan sa Lucas 12:12; Juan 14:26). Kinausap Niya si Saulo sa isang pangitain (tingnan sa Mga Gawa 9:3–6). Inihayag Niya kay Pedro na ang ebanghelyo ay dapat ituro hindi lamang sa mga Judio kundi sa buong mundo (tingnan sa Mga Gawa 10). Marami Siyang inihayag na maluluwalhating katotohanan kay Juan, na nakasulat sa aklat ng Apocalipsis. Nakatala sa Bagong Tipan ang maraming iba pang paraan kung paano inihayag ni Jesus ang Kanyang kalooban para magabayan ang Kanyang Simbahan at maliwanagan ang Kanyang mga disipulo.

Awtoridad mula sa Diyos

Hindi maisasagawa at maituturo ang mga ordenansa at alituntunin ng ebanghelyo kung walang priesthood. Ibinigay ng Ama ang awtoridad na ito kay Jesucristo (tingnan sa Mga Hebreo 5:4–6), na inorden naman ang Kanyang mga Apostol at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood (tingnan sa Lucas 9:1–2; Marcos 3:14). Ipinaalala Niya sa kanila, “Ako’y hindi ninyo hinirang, nguni’t kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal” (Juan 15:16).

Para magkaroon ng kaayusan sa Kanyang Simbahan, ibinigay ni Jesus ang pinakamabigat na responsibilidad at awtoridad sa Labindalawang Apostol. Hinirang Niya si Pedro bilang punong Apostol at ibinigay kay Pedro ang mga susi sa pagbubuklod ng mga pagpapala kapwa sa lupa at sa langit (tingnan sa Mateo 16:19). Nag-orden din si Jesus ng iba pang mga pinunong may mga partikular na tungkuling gagampanan. Matapos Siyang umakyat sa langit, ipinagpatuloy ang paraang ito ng paghirang at pag-oorden. Ang iba ay inorden sa priesthood ng mga taong nakatanggap na ng gayong awtoridad. Ipinaalam ni Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinang-ayunan Niya ang mga ordenasyong iyon (tingnan sa Mga Gawa 1:24).

Ang Organisasyon ng Simbahan

Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang yunit na buong-ingat na inorganisa. Inihambing ito sa isang gusaling “[itinayo] sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20).

Humirang si Jesus ng iba pang mga lider ng priesthood para tulungan ang mga Apostol sa gawain ng ministeryo. Nagpadala Siya ng magkakapares na mga pinunong tinatawag na mga Pitumpu upang ipangaral ang ebanghelyo (tingnan sa Lucas 10:1). Ang iba pang mga pinuno sa Simbahan ay mga ebanghelista (patriarch), pastor (namumunong mga lider), high priest, elder, bishop, priest, teacher, at deacon (tingnan sa kabanata 14 sa aklat na ito). Kailangang lahat ang mga pinunong ito para magawa ang gawaing misyonero, magsagawa ng mga ordenansa, at magturo at magbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng Simbahan. Tinulungan ng mga pinunong ito na maabot ng mga miyembro ang “pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios” (Mga Taga Efeso 4:13).

Hindi sinasabi sa atin ng Biblia ang lahat tungkol sa priesthood o sa organisasyon at pamamahala ng Simbahan. Gayunman, sapat ang naingatan sa Biblia upang makita ang ganda at kaganapan ng organisasyon ng Simbahan. Inutusan ang mga Apostol na humayo sa lahat ng dako ng mundo at mangaral (tingnan sa Mateo 28:19–20). Hindi sila maaaring mamalagi sa alinmang lungsod para mangasiwa sa mga bagong binyag. Samakatuwid, tumawag at nag-orden ng lokal na mga lider ng priesthood, at ang mga Apostol ang namumuno sa kanila. Bumisita ang mga Apostol at iba pang mga lider ng Simbahan at sumulat ng mga liham sa iba’t ibang branch. Kaya, ang ating Bagong Tipan ay naglalaman ng mga liham nina Pablo, Pedro, Santiago, Juan, at Judas, na nagpapayo at nagtatagubilin sa lokal na mga lider ng priesthood.

Ipinakikita ng Bagong Tipan na ang organisasyon ng Simbahang ito ay nilayong magpatuloy. Halimbawa, nang mamatay si Judas labing-isang Apostol lamang ang naiwan. Di nagtagal matapos umakyat sa langit si Jesus, nagpulong ang labing-isang Apostol upang pumili ng kapalit ni Judas. Sa paghahayag mula sa Espiritu Santo, pinili nila si Matias. (Tingnan sa Mga Gawa 1:23–26.) Nagtakda si Jesus ng huwaran para mapamahalaan ng labindalawang Apostol ang Simbahan. Tila malinaw na magpapatuloy ang organisasyon ayon sa pagkakatatag Niya rito.

Mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa

Itinuro ng mga Apostol ang dalawang pangunahing alituntunin: pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsisisi. Matapos sumampalataya ang mga bagong binyag kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos at kanilang Manunubos at makapagsisi ng kanilang mga kasalanan, tumanggap sila ng dalawang ordenansa: binyag sa pamamagitan ng paglubog sa tubig at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 19:1–6). Ito ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo. Itinuro ni Jesus, “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5).

Mga Ordenansang Isinasagawa para sa mga Patay

Naglaan ng paraan si Jesus upang marinig ng lahat ang ebanghelyo, sa buhay na ito o sa kabilang-buhay. Sa pagitan ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, pinuntahan ni Jesus ang mga espiritu ng mga namatay. Nag-organisa Siya ng gawaing misyonero sa kalipunan ng mga patay. Humirang Siya ng mabubuting sugo at binigyan sila ng kapangyarihang ituro ang ebanghelyo sa lahat ng espiritu ng mga taong namatay. Binigyan sila nito ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo. (Tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6; D at T 138.) Ang mga buhay na miyembro ng Kanyang Simbahan noon ay nagsagawa ng mga ordenansa para sa mga patay (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29). Ang mga ordenansang tulad ng binyag at kumpirmasyon ay kailangang isagawa sa mundo.

Mga Espirituwal na Kaloob

Lahat ng matatapat na miyembro ng Simbahan ay may karapatang tumanggap ng mga kaloob ng Espiritu. Ibinibigay sa kanila ang mga ito ayon sa kanilang pansariling pangangailangan, kakayahan, at tungkulin. Ilan sa mga kaloob na ito ang pananampalataya, pati na ang kapangyarihang magpagaling at mapagaling; propesiya; at mga pangitain. (Ang mga kaloob ng Espiritu ay tinalakay nang mas detalyado sa kabanata 22.) Ang mga espirituwal na kaloob ay lagi nang umiiral sa totoong Simbahan ni Jesucristo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:4–11; Moroni 10:8–18; D at T 46:8–29). Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na ang mga palatandaan o espirituwal na kaloob na ito ay lagi nang kasunod ng mga sumasampalataya (tingnan sa Marcos 16:17–18). Marami sa Kanyang mga disipulo ang nagsagawa ng mga himala, nagpropesiya, o nakakita ng mga pangitain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

  • Bakit kailangan ng Simbahan ni Jesucristo ang anim na katangiang ito?

Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Lupain ng Amerika

Nang mabuhay na mag-uli si Jesus, binisita Niya ang mga tao sa mga lupain ng Amerika at itinatag ang Kanyang Simbahan sa kanila, at nagturo sa mga tao nang tatlong araw at madalas na nagpabalik-balik nang ilang panahon pagkatapos niyon (tingnan sa 3 Nephi 11–28). Pagkatapos ay iniwan Niya sila at umakyat sa langit. Mahigit 200 taon silang namuhay nang matwid at nakabilang sa pinakamaliligayang taong nilikha ng Diyos (tingnan sa 4 Nephi 1:16).

Apostasiya mula sa Totoong Simbahan

  • Ano ang kahulugan ng katagang apostasiya?

Sa buong kasaysayan, tinangkang wasakin ng masasamang tao ang gawain ng Diyos. Nangyari ito noong nabubuhay pa ang mga Apostol at nangangasiwa sa nagsisimulang lumagong Simbahan. Ilang miyembro ang nagturo ng mga ideya mula sa luma nilang paniniwalang pagano o Judio sa halip na sa mga simpleng katotohanang itinuro ni Jesus. Ilan ang hayagang naghimagsik. Bukod dito, may pang-uusig mula sa labas ng Simbahan. Pinahirapan at pinatay ang mga miyembro ng Simbahan dahil sa kanilang mga paniniwala. Isa-isa, ang mga Apostol ay napatay o kung hindi naman ay kinuha mula sa daigdig. Dahil sa kasamaan at apostasiya, kinuha rin sa daigdig ang awtoridad ng pagka-apostol at mga susi ng priesthood. Nawala na ang organisasyong itinatag ni Jesucristo, at nagsimula ang pagkalito. Dumami nang dumami ang kamaliang unti-unting pumasok sa doktrina ng Simbahan, at di naglaon ay lubusan nang nabuwag ang Simbahan. Ang panahon noong hindi na umiiral ang totoong Simbahan sa daigdig ay tinatawag na Malawakang Apostasiya.

Di naglaon nangibabaw ang mga paniniwalang pagano sa isipan ng mga taong tinatawag na mga Kristiyano. Ginawang pambansang relihiyon ng emperador ng Roma ang maling Kristiyanismong ito. Ibang-iba ang simbahang ito sa simbahang itinatag ni Jesus. Itinuro nito na ang Diyos ay isang nilalang na walang anyo o katauhan.

Naglaho ang pagkaunawa ng mga taong ito sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Hindi nila alam na tayo ay Kanyang mga anak. Hindi nila naunawaan ang layunin ng buhay. Marami sa mga ordenansa ang binago dahil wala nang priesthood at paghahayag sa daigdig.

Pumili ng sarili niyang mga pinuno ang emperador at may mga pagkakataong tinawag niya sila sa mga titulong ginamit din sa mga lider ng priesthood sa totoong Simbahan ni Cristo. Walang mga Apostol o iba pang mga lider ng priesthood na may kapangyarihan mula sa Diyos, at walang mga espirituwal na kaloob. Nakinita ni propetang Isaias ang kalagayang ito, na nagpropesiyang, “Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka’t kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan” (Isaias 24:5). Hindi na ito ang Simbahan ni Jesucristo; simbahan na ito ng tao. Kahit ang pangalan ay binago. Sa mga lupain ng Amerika, nagkaroon din ng apostasiya (tingnan sa 4 Nephi).

Ipinropesiya ang Isang Panunumbalik

  • Anong mga propesiya sa Luma at Bagong Tipan ang nagbadya sa Panunumbalik?

Nakinita ng Diyos ang Apostasiya at naghandang maipanumbalik ang ebanghelyo. Binanggit ito ni Apostol Pedro sa mga Judio: “Kaniyang [su]suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, na si Jesus: na siya’y kinakailangang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay, na sinalita ng Dios sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang una” (Mga Gawa 3:20–21).

Nakinita rin ni Juan na Tagapaghayag ang panahon na ipanunumbalik ang ebanghelyo. Sabi niya, “Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan” (Apocalipsis 14:6).

  • Bakit kinailangan ang Panunumbalik?

  • Isipin ang mga pagpapalang napasainyo dahil naipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo dito sa lupa.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan