Kabanata 9
Mga Propeta ng Diyos
Ang mga Propeta ay mga Kinatawan ng Diyos sa Lupa
-
Anong mga kapangyarihan at kaloob ang taglay ng isang propeta?
“Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7).
Maraming taong nabubuhay sa kadiliman, na hindi tiyak ang kalooban ng Diyos. Naniniwala sila na sarado ang kalangitan at dapat haraping mag-isa ng mga tao ang mga panganib sa mundo. Mapalad ang mga Banal sa mga Huling Araw! Alam natin na nakikipag-ugnayan ang Diyos sa Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta. May pasasalamat sa puso, inaawit ng mga Banal sa buong mundo ang himnong, “Salamat, O Diyos, sa aming propeta; sa huling araw patnubay s’ya” (Mga Himno, blg. 15).
Ang propeta ay isang lalaking tinawag ng Diyos para maging kinatawan Niya sa lupa. Kapag nagsasalita ang isang propeta para sa Diyos, parang ang Diyos na rin ang nagsasalita (tingnan sa D at T 1:38). Ang propeta ay isa ring natatanging saksi ni Cristo, na nagpapatotoo sa Kanyang kabanalan at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Ang propeta ay nagtuturo ng katotohanan at nagbibigay-kahulugan sa salita ng Diyos. Pinagsisisi niya ang mga makasalanan. Tumatanggap siya ng mga paghahayag at tagubilin mula sa Panginoon para sa ating kapakanan. Maaari niyang makita ang hinaharap at masabi ang mga darating na pangyayari upang ang mundo ay mabigyang-babala.
Ang propeta ay maaaring magmula sa iba’t ibang katayuan sa buhay. Maaaring bata pa siya o matanda na, mataas ang pinag-aralan o hindi nakapag-aral. Maaaring isa siyang magsasaka, abugado, o guro. Ang sinaunang mga propeta ay nakasuot ng mahabang damit at may dalang tungkod. Ang makabagong mga propeta ay nakasuot ng amerikana at may dalang portpolyo. Kung gayon, paano makikilala ang isang totoong propeta? Ang totoong propeta ay laging pinipili ng Diyos at tinatawag sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).
Sinusuportahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol bilang mga propeta. Gayunman, kapag binabanggit natin ang “propeta ng Simbahan,” ibig nating sabihin ay ang Pangulo ng Simbahan, na siyang Pangulo ng mataas na priesthood.
Sa Buong Kasaysayan ng Daigdig Tumawag ng mga Propeta ang Diyos para Pamunuan ang Sangkatauhan
-
Sa anong mga paraan ginabayan ng mga propeta ang mga anak ng Diyos noong araw?
May mga propeta na sa daigdig simula pa noong panahon ni Adan. Ang mga karanasan ng mga dakilang lalaking ito ay nagpapasigla at nagbibigay-inspirasyon sa atin. Pinamunuan ni Moises, isang propeta sa Matandang Tipan, ang libu-libo sa kanyang mga tao palabas ng Egipto at mula sa pagkaalipin patungo sa lupang pangako. Siya ang sumulat ng unang limang aklat ng Matandang Tipan at nagtala ng Sampung Utos. Naglakbay si Nephi, isang propeta sa Aklat ni Mormon, mula sa Jerusalem hanggang sa mga lupain ng Amerika 600 taon bago isinilang si Cristo. Binigyan tayo ng dakilang pinuno at mananakop na ito ng maraming mahahalagang tala sa Aklat ni Mormon. Pinili si Juan Bautista para ihanda ang mundo sa pagdating ng Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, isang propeta sa mga huling araw, ipinanumbalik ng Panginoon ang Simbahan. Isinalin din ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon noong binata pa siya.
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa buhay at mga turo ng mga propeta?
Mayroon Tayong Buhay na Propeta sa Daigdig Ngayon
-
Bakit natin kailangan ng buhay na propeta ngayon?
Mayroon tayong propetang nabubuhay sa daigdig ngayon. Ang propetang ito ang siyang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. May karapatan siyang tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan. Hawak niya “ang mga susi ng kaharian,” ibig sabihin may awtoridad siyang pamahalaan ang buong Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa, pati na ang pangangasiwa sa mga ordenansa ng priesthood (tingnan sa Mateo 16:19). Walang tao maliban sa piniling propeta at Pangulo ang maaaring tumanggap ng kalooban ng Diyos para sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Sabi ng Panginoon, “Wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa [bawat] panahon kung kanino ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito ay iginawad” (D at T 132:7). Ang Pangulo ng Simbahan ay tinutulungan ng kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at mga miyembro ng Korum ng Labindalawa, na mga apostol, tagakita, at tagapaghayag din naman.
Dapat nating gawin ang mga bagay na ipinagagawa sa atin ng mga propeta. Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na hindi kailanman tutulutan na iligaw ng propeta ang Simbahan:
“Ang Panginoon kailanman ay hindi ako pahihintulutan o sinupamang tao na nagsisilbing Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung tatangkain ko iyon, tatanggalin ako ng Panginoon sa aking tungkulin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 218).
-
Sa anong mga paraan naimpluwensyahan ng buhay na propeta ang Simbahan?
Dapat Nating Sang-ayunan ang Propeta ng Panginoon
-
Ano ang magagawa natin para masunod at masang-ayunan ang propeta?
Maraming tao ang nadadaliang maniwala sa mga propeta noong araw. Ngunit mas magandang maniwala at sumunod sa buhay na propeta. Itinataas natin ang ating mga kamay para sang-ayunan ang Pangulo ng Simbahan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Paano natin masasang-ayunan ang propeta? Dapat natin siyang ipagdasal. Mabigat ang kanyang mga pasanin, at kailangan siyang mapalakas ng mga panalangin ng mga Banal.
Dapat nating pag-aralan ang kanyang mga salita. Maaari nating pakinggan ang mga mensahe niya sa kumperensya. Maaari tayong magsuskribi sa Ensign o Liahona para mabasa natin ang mga mensahe niya sa kumperensya at ang iba pang mga mensaheng ibinibigay niya.
Dapat lubusan nating sundin ang inspirado niyang mga turo. Hindi natin dapat piliing sundin ang isang bahagi ng kanyang inspiradong payo at balewalain ang hindi kasiya-siya o mahirap gawin. Inutusan tayo ng Panginoon na sundin ang inspiradong mga turo ng Kanyang propeta:
“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang [ang propeta] mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;
“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:4–5).
Hindi kailanman tutulutan ng Panginoon na iligaw tayo ng Pangulo ng Simbahan.
-
Ano ang itinuro o binigyang-diin ng Pangulo ng Simbahan kamakailan?
Mga Dakilang Pagpapala ang Matatanggap sa Pagsunod sa Propeta
Kung susunod tayo, nangangako ang Panginoon, “Ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:6). Kapag ginawa natin ang bilin ng ating propeta, bubuhos ang mga pagpapala mula sa langit.
Para manatili, ang totoong Simbahan ay dapat “[i]tayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok” (Mga Taga Efeso 2:20). Pinagpala tayo sa magulong mundong ito na magkaroon ng isang propetang pinaghahayagan ng Panginoon ng Kanyang kalooban.
-
Ano na ang mga naranasan ninyo nang sundin ninyo ang payo ng propeta?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Mga Bilang 12:6 (nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta)
-
I Samuel 9:9 (ang propeta ay tinatawag na tagakita)
-
Amos 3:7 (inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga lihim sa mga propeta)
-
Mosias 8:16–18 (malalaman ng isang tagakita ang nakaraan at ang hinaharap)
-
Lucas 1:70 (nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta)
-
D at T 45:10, 15 (nangungusap ang Diyos ngayon tulad noong unang panahon)
-
1 Nephi 22:2 (sa pamamagitan ng Espiritu ipinaaalam ang mga bagay-bagay sa mga propeta)
-
D at T 68:3–5 (kapag nagsalita ang mga lingkod ng Panginoon ayon sa paghihikayat ng Espiritu Santo, iyon ang isipan, kalooban, at tinig ng Panginoon)
-
D at T 107:65–67, 91–92 (mga tungkulin ng Pangulo ng Simbahan)
-
D at T 43:1–7 (propeta lamang ang tanging may awtoridad na tumanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan)