Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 23: Ang Sacrament


Kabanata 23

Ang Sacrament

Jesus Christ depicted preparing the sacrament for the Last Supper.

Pinasimulan ni Cristo ang Sacrament

  • Ano ang itinuturo ng mga sagisag ng sacrament tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Nais ng Tagapagligtas na alalahanin natin ang Kanyang dakilang sakripisyo ng pagbabayad-sala at sundin ang Kanyang mga utos. Para matulungan tayong gawin ito, iniutos Niyang magpulong tayo nang madalas at tumanggap ng sacrament.

Ang sacrament ay ordenansa ng banal na priesthood na tumutulong upang maalaala natin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa sacrament, tumatanggap tayo ng tinapay at tubig. Ginagawa natin ito bilang pag-alaala sa Kanyang laman at Kanyang dugo, na ibinigay Niya bilang sakripisyo para sa atin. Habang tumatanggap tayo ng sacrament, pinapanibago natin ang mga sagradong tipan sa ating Ama sa Langit.

Bago maganap ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, tinipon ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol sa isang silid sa itaas. Alam Niyang hindi magtatagal ay mamamatay Siya sa krus. Ito ang huling pagkakataon na makikipagkita Siya sa minamahal na kalalakihang ito bago Siya mamatay. Nais Niyang palagi nila Siyang alalahanin upang maging matatag sila at tapat.

Upang tulungan silang makaalala, pinasimulan Niya ang sacrament. Pinagpira-piraso Niya ang tinapay at binasbasan ito. Pagkatapos ay sinabi Niya, “Kunin ito, kainin; ito ay bilang pag-alaala sa aking katawan na ibinigay kong pinaka-pantubos sa inyo” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:22). Pagkatapos kumuha Siya ng saro ng alak, binasbasan ito, ibinigay sa Kanyang mga Apostol upang inumin, at sinabi, “Ito ay pag-alaala sa aking dugo … , na mabubuhos para sa kasindami ng maniniwala sa aking pangalan, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:24; tingnan din sa Mateo 26:26–28; Marcos 14:22–24; Lucas 22:15–20).

Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang Tagapagligtas ay nagpunta sa mga lupain ng Amerika at itinuro sa mga Nephita ang ordenansang ito (tingnan sa 3 Nephi 18:1–11; 20:1–9). Matapos maipanumbalik ang Simbahan sa mga huling-araw, muling inutusan ni Jesus ang Kanyang mga tao na tumanggap ng sacrament bilang pag-alaala sa Kanya, na sinasabing, “Kinakailangan na ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak sa pag-alaala sa Panginoong Jesus” (D at T 20:75).

Paano Pinangangasiwaan ang Sacrament

Ipinaliliwanag nang husto ng mga banal na kasulatan kung paano dapat pangasiwaan ang sacrament. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagpupulong tuwing araw ng Sabbath upang sumamba at tumanggap ng sacrament (tingnan sa D at T 20:75). Ang sacrament ay pinangangasiwaan ng mga maytaglay ng kinakailangang awtoridad ng priesthood. Pinipira-piraso ng isang priest o maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang tinapay, lumuluhod, at binabasbasan ito (tingnan sa D at T 20:76). Pagkatapos ay ipinamamahagi ng isang deacon o iba pang maytaglay ng priesthood ang tinapay ng sacrament sa kongregasyon. Pagkatapos ay binabasbasan ng priest o ng maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang tubig, at ito ay ipinamamahagi rin sa mga miyembro. Binigyan ni Jesus ng alak ang Kanyang mga disipulo noong pinasimulan Niya ang sacrament. Gayunman, sinabi Niya sa isang paghahayag sa mga huling araw na hindi mahalaga kung anuman ang kainin at inumin natin sa sacrament basta inaalala natin Siya (tingnan sa D at T 27:2–3). Ngayon, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay umiinom ng tubig sa halip na alak.

Inihayag ni Jesus ang eksaktong mga salita para sa kapwa panalangin ng sacrament. Dapat pakinggan nating mabuti ang magagandang panalanging ito at sikaping unawain kung ano ang mga ipinapangako natin at kung ano ang mga ipinapangako sa atin. Narito ang panalanging iniaalay sa pagbabasbas ng tinapay:

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (D at T 20:77).

Narito ang panalanging iniaalay sa pagbabasbas ng tubig:

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang alak [tubig] na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na iinom nito, nang ito ay kanilang magawa bilang pag-alaala sa dugo ng inyong Anak, na nabuhos alang-alang sa kanila; nang kanilang mapatunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (D at T 20:79).

Ang ordenansa ng sacrament ay isinasagawa nang napakasimple at buong paggalang.

  • Repasuhing mabuti ang mga panalangin sa sacrament. Pag-isipan ang kahulugan ng bawat parirala.

Ang mga Tipang Pinapanibago Natin sa Sacrament

  • Anong mga tipan ang pinapanibago natin sa sacrament? Ano ang mga pagpapalang ipinapangako sa atin ng Panginoon sa pagtupad natin sa mga tipang iyon?

Sa tuwing tumatanggap tayo ng sacrament, pinapanibago natin ang mga tipan sa Panginoon. Ang tipan ay sagradong pangako sa pagitan ng Panginoon at ng Kanyang mga anak. Ang mga tipang ginagawa natin ay malinaw na binabanggit sa mga panalangin ng sacrament. Mahalagang malaman kung ano ang mga tipang iyon at kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.

Nakikipagtipan tayo na kusa nating tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Sa pamamagitan nito ay ipinakikita nating handa tayong makilala bilang kasama Niya at ng Kanyang Simbahan. Ipinapangako natin na paglilingkuran natin Siya at ang ating mga kapwa-tao. Nangangako tayo na hindi tayo kailanman gagawa ng anumang bagay na magdudulot ng kahihiyan o kasiraan sa pangalang iyon.

Nakikipagtipan tayo na palaging aalalahanin si Jesucristo. Ang lahat ng ating kaisipan, damdamin, at gawain ay maiimpluwensiyahan Niya at ng Kanyang misyon.

Nangangako tayo na susundin ang Kanyang mga kautusan.

Tinanggap natin ang mga pananagutang ito sa ating sarili noong tayo ay bininyagan (tingnan sa D at T 20:37; Mosias 18:6–10). Kung kaya’t kapag tinatanggap natin ang sacrament, pinapanibago natin ang mga tipang ginawa natin noong tayo ay bininyagan. Ibinigay sa atin ni Jesus ang huwaran sa pagtanggap ng sacrament (tingnan sa 3 Nephi 18:1–12) at sinabi na kapag sinunod natin ang huwarang ito, na pinagsisisihan ang ating mga kasalanan at naniniwala sa Kanyang pangalan, tayo ay makatatanggap ng kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 26:24).

Nangangako ang Panginoon na kapag tinupad natin ang ating mga tipan, palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. Ang isang taong pinapatnubayan ng Espiritu ay magkakaroon ng kaalaman, pananampalataya, kapangyarihan, at kabutihan upang magkamit ng buhay na walang hanggan.

  • Ano ang maaari nating gawin upang maalaala ang mga pangakong ito sa buong linggo?

Ang Ating Saloobin Kapag Tumatanggap ng Sacrament

  • Paano natin maihahanda ang ating sarili sa pagtanggap ng sacrament? Ano ang maaari nating isipin habang nasa sacrament na makakatulong sa ating maalaala ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Bago tumanggap ng sacrament, dapat nating espirituwal na ihanda ang ating sarili. Binibigyang-diin ng Panginoon na hindi dapat tumanggap ng sacrament ang sinumang hindi karapat-dapat. Ibig sabihin niyan kailangang pagsisihan natin ang ating mga kasalanan bago tumanggap ng sacrament. Sinasabi ng mga banal na kasulatan, “Kung mayroon mang nagkasala, huwag siyang hayaang bumahagi hanggang sa siya ay gumawa ng pakikipagkasundo” (D at T 46:4). Iniutos ng Panginoon sa Kanyang labindalawang disipulong Nephita, “Huwag ninyong pahihintulutang sadyang bumahagi ng aking laman at dugo ang sinuman na hindi karapat-dapat, kapag inyong ihahain ito; sapagkat sinuman ang kumain at uminom ng aking laman at dugo nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kapahamakan sa kanyang kaluluwa” (3 Nephi 18:28–29).

Sa oras ng sacrament dapat nating alisin sa ating isipan ang lahat ng makamundong kaisipan. Dapat madama natin ang pagiging madasalin at magalang. Dapat nating isipin ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas at pasalamatan ito. Dapat nating suriin ang ating buhay at hanapin ang mga paraan upang mapagbuti ito. Dapat din nating panibaguhin ang ating matibay na hangaring sundin ang mga kautusan.

Hindi tayo kailangang maging perpekto bago tumanggap ng sacrament, ngunit dapat nating taglayin ang diwa ng pagsisisi sa ating mga puso. Ang saloobin natin sa pagtanggap ng sacrament ay nakaiimpluwensya sa ating karanasan sa pagtanggap nito. Kapag tumatanggap tayo ng sacrament na may dalisay na puso, tatanggapin natin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon.

  • Bakit sa palagay ninyo nakadaragdag sa ating espirituwal na kalakasan ang karapat-dapat na pagtanggap ng sacrament?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan