Kabanata 11
Ang Buhay ni Cristo
Ang Buhay ni Cristo ay Ipinropesiya na Bago pa Siya Isinilang
Bawat taong isinisilang sa mundo ay umaasang tutuparin ni Jesucristo ang pangakong ginawa Niya sa langit na maging Tagapagligtas natin. Kung wala Siya, nabigo sana ang plano ng kaligtasan. Dahil kailangan ang Kanyang misyon, lahat ng propeta mula kay Adan hanggang kay Cristo ay nagpatotoo na Siya ay darating (tingnan sa Mga Gawa 10:43). Lahat ng propeta mula nang isilang si Cristo ay nagpatotoo na Siya nga ay dumating. Kailangang pag-aralan nating lahat ang buhay ng Tagapagligtas at tapat Siyang sundin habang tayo ay nabubuhay.
Sinabi ng isang anghel kay Adan na ang magiging pangalan ng Tagapagligtas ay Jesucristo (tingnan sa Moises 6:51–52). Nakita ni Enoc na si Jesus ay mamamatay sa krus at mabubuhay na mag-uli (tingnan sa Moises 7:55–56). Nagpatotoo rin sina Noe at Moises tungkol sa Kanya (tingnan sa Moises 1:11; 8:23–24). Mga 800 taon bago isinilang ang Tagapagligtas sa mundo, nakinita ni Isaias ang Kanyang buhay. Nang makita ni Isaias ang hinagpis at kalungkutang daranasin ng Tagapagligtas para mabayaran ang ating mga kasalanan, bumulalas siya:
“Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang tao [ng] kapanglawan, at bihasa sa karamdaman. …
“… Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. …
“Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan. …
“Siya’y napighati, gayon man nang siya’y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan” (Isaias 53:3–5, 7).
Nakita rin ni Nephi sa pangitain ang pagsilang at misyon ng Tagapagligtas sa hinaharap. Nakakita siya ng isang magandang birhen, at isang anghel ang nagpaliwanag, “Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman” (1 Nephi 11:18). Pagkatapos ay nakita ni Nephi ang birhen na may hawak na sanggol sa kanyang bisig. Sinabi ng anghel, “Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:21).
Mga 124 na taon bago isinilang si Jesus, nakita rin sa pangitain ni Haring Benjamin, na isa pang propetang Nephita, ang buhay ng Tagapagligtas:
“Sapagkat masdan, ang panahon ay darating, at hindi na nalalayo, na taglay ang kapangyarihan, ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari, kung sino noon, at ngayon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan, hanggang sa kawalang-hanggan, ay bababa mula sa langit sa mga anak ng tao, at mananahan sa isang katawang-lupa, at hahayo sa mga tao, gagawa ng mga makapangyarihang himala, tulad ng pagpapagaling ng may karamdaman, pagbuhay ng patay, pagpapalakad ng pilay, ang bulag na makatanggap ng kanilang paningin, at ang bingi upang makarinig, at pagpapagaling ng lahat ng uri ng sakit.
“At siya ay magpapalayas ng mga diyablo, o ng masasamang espiritu na nananahan sa mga puso ng mga anak ng tao.
“At masdan, siya ay magdaranas ng mga tukso, at sakit ng katawan, gutom, uhaw, at pagod, nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagkat masdan, ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang magiging pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao.
“At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula; at ang kanyang ina ay tatawaging Maria” (Mosias 3:5–8).
-
Ano ang ilang sinaunang propesiya tungkol kay Jesucristo?
Siya ang Bugtong na Anak ng Ama
-
Ano ang minana ni Jesucristo mula sa Kanyang Ama? Ano ang minana Niya mula sa Kanyang ina?
Ang kasaysayan ng pagsilang at buhay ng Tagapagligtas ay matatagpuan sa Bagong Tipan sa mga aklat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Mula sa kanilang mga ulat, nalaman natin na si Jesus ay isinilang sa birheng si Maria. Nakatakda siyang ikasal kay Jose nang magpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya ng anghel na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Tinanong niya ang anghel kung paano ito mangyayari (tingnan sa Lucas 1:34). Sabi ng anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios” (Lucas 1:35). Dahil dito, ang Diyos Ama ay naging literal na Ama ni Jesucristo.
Si Jesus ang tanging tao sa mundo na isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Kaya Siya tinawag na Bugtong na Anak. Minana Niya ang mga banal na kapangyarihan mula sa Kanyang Ama. Mula sa Kanyang ina ay minana Niya ang mortalidad at dumanas ng gutom, uhaw, pagod, sakit, at kamatayan. Walang makakakuha sa buhay ng Tagapagligtas maliban kung loobin Niya. May kapangyarihan Siyang ibigay ito at kapangyarihang kunin muli ang Kanyang katawan matapos mamatay. (Tingnan sa Juan 10:17–18.)
Perpekto ang Kanyang Buhay
-
Ano ang kabuluhan sa atin ng buhay ng Tagapagligtas?
Mula sa Kanyang pagkabata, sinunod ni Jesus ang lahat ng ipinagawa sa Kanya ng ating Ama sa Langit. Sa patnubay nina Maria at Jose, lumaki si Jesus na tulad ng paglaki ng ibang mga bata. Minahal Niya at sinunod ang katotohanan. Sabi sa atin ni Lucas, “At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios” (Lucas 2:40; tingnan din sa D at T 93:12–14).
Noong 12 taong gulang na Siya, naunawaan ni Jesus na isinugo Siya para gawin ang kalooban ng Kanyang Ama. Sumama Siya sa Kanyang mga magulang papuntang Jerusalem. Nang pauwi na ang Kanyang mga magulang, natuklasan nila na hindi Siya kasama sa kanilang grupo. Bumalik sila sa Jerusalem para hanapin Siya. “Pagkaraan ng tatlong araw ay natagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, at sila ay nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 2:46). “At ang lahat ng sa kaniya’y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot” (Lucas 2:47).
Nakahinga nang maluwag sina Jose at Maria nang makita Siya, ngunit “nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.” Sinagot siya ni Jesus, at sinabing, “Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama [sa Langit]?” (Lucas 2:48–49).
Para matupad ang Kanyang misyon, kailangang gawin ni Jesus ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit. “Wala akong ginagawa sa aking sarili,” pahayag Niya, “kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama. … Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod” (Juan 8:28–29).
Noong 30 taong gulang si Jesus, lumapit Siya kay Juan Bautista upang mabinyagan sa Ilog Jordan. Nag-atubili si Juan na binyagan si Jesus dahil alam niyang mas dakila si Jesus kaysa sa kanya. Hiniling ni Jesus kay Juan na binyagan Siya upang “[maganap ang] buong katuwiran.” Bininyagan nga ni Juan ang Tagapagligtas, at lubusan Siyang inilubog sa tubig. Nang mabinyagan si Jesus, nagsalita ang Kanyang Ama mula sa langit, na nagsasabing, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.” Bumaba ang Espiritu Santo, na ipinakita sa pamamagitan ng tanda ng kalapati. (Tingnan sa Mateo 3:13–17.)
Di nagtagal matapos mabinyagan si Jesus, nag-ayuno Siya nang 40 araw at 40 gabi upang makapiling ang Diyos. Matapos iyon, dumating si Satanas para tuksuhin Siya. Matatag na nilabanan ni Jesus ang lahat ng tukso ni Satanas at pagkatapos ay pinalayas ito. (Tingnan sa Mateo 4:1–11; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1, 5–6, 8–9, 11.) Nanatiling walang kasalanan si Jesucristo, ang tanging sakdal na taong nabuhay sa daigdig (tingnan sa Mga Hebreo 4:15; I Ni Pedro 2:21–22).
-
Anong mga kuwento sa buhay ng Tagapagligtas ang may espesyal na kahulugan sa inyo?
Tinuruan Niya Tayo Kung Paano Mahalin at Paglingkuran ang Isa’t Isa
-
Paano tayo tinuruan ng Tagapagligtas kung paano mahalin at paglingkuran ang isa’t isa?
Matapos ang Kanyang ayuno at pagharap kay Satanas, sinimulan ni Jesus ang Kanyang ministeryo sa mga tao. Naparito Siya sa lupa hindi lamang para mamatay para sa atin kundi para turuan din tayo kung paano mamuhay. Itinuro Niya na may dalawang dakilang kautusan: una, ibigin ang Diyos nang buong puso, isipan, at lakas; at pangalawa, ibigin ang kapwa gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 22:36–39). Ang Kanyang buhay ay halimbawa kung paano natin dapat sundin ang dalawang utos na ito. Kung mahal natin ang Diyos, pagtitiwalaan at susundin natin Siya, tulad ng ginawa ni Jesus. Kung mahal natin ang iba, tutulungan natin silang matugunan ang kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan.
Iniukol ni Jesus ang Kanyang buhay sa paglilingkod sa iba. Pinagaling Niya ang kanilang mga sakit. Binigyan Niya ng paningin ang bulag, ng pandinig ang bingi, at pinalakad ang pilay. Minsan nang pinagagaling Niya ang maysakit, gumabi na at gutom na ang mga tao. Sa halip na paalisin sila, binasbasan Niya ang limang piraso ng tinapay at dalawang isda at himalang napakain ang 5,000 tao. (Tingnan sa Mateo 14:14–21.) Itinuro Niya na tuwing makakakita tayo ng mga taong nagugutom, giniginaw, hubad, o nalulumbay, dapat natin silang tulungan sa abot ng ating makakaya. Kapag tinutulungan natin ang iba, pinaglilingkuran natin ang Panginoon. (Tingnan sa Mateo 25:35–46.)
Minahal ni Jesus ang ibang tao nang buong puso. Madalas ay puspos ng habag ang Kanyang puso kaya Siya nananangis. Mahal Niya ang mga batang musmos, matatanda, at ang mapagpakumbaba at simpleng mga taong sumasampalataya sa Kanya. Mahal Niya ang mga nagkasala, at may matinding habag na tinuruan Niya silang magsisi at magpabinyag. Itinuro Niya, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Minahal ni Jesus maging ang mga nagkasala sa Kanya at hindi nagsisi. Sa huling sandali ng Kanyang buhay, habang nakapako Siya sa krus, nanalangin Siya sa Ama para sa mga kawal na nagpako sa Kanya sa krus, at nagsumamo, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). Itinuro Niya, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo” (Juan 15:12).
-
Sa anong mga paraan natin maipapakita sa Panginoon na mahal natin Siya?
Itinatag Niya ang Tanging Totoong Simbahan
-
Bakit itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan at inorden ang mga Apostol?
Nais ni Jesus na ituro ang Kanyang ebanghelyo sa mga tao sa buong mundo, kaya pumili Siya ng labindalawang Apostol para magpatotoo tungkol sa Kanya. Sila ang orihinal na mga pinuno ng Kanyang Simbahan. Tinanggap nila ang karapatang kumilos sa Kanyang pangalan at gawin ang mga bagay na nakita nilang ginawa Niya. Ang mga tumanggap ng awtoridad mula sa kanila ay nakapagturo, nakapagbinyag, at nakapagsagawa rin ng iba pang mga ordenansa sa Kanyang pangalan. Pagkamatay Niya, patuloy nilang ginawa ang Kanyang gawain hanggang sa naging napakasama na ng mga tao kaya pinatay nila ang mga Apostol.
Tinubos Niya Tayo mula sa Ating mga Kasalanan at Iniligtas Tayo mula sa Kamatayan
-
Habang pinag-aaralan mo ang bahaging ito, pakaisipin ang mga pangyayari sa Pagbabayad-sala.
Nang matatapos na ang Kanyang ministeryo sa lupa, naghanda si Jesus na gawin ang pinakasukdulang sakripisyo para sa lahat ng kasalanan ng sangkatauhan. Hinatulan Siyang mamatay dahil pinatotohanan Niya sa mga tao na Siya ang Anak ng Diyos.
Noong gabi bago Siya ipinako sa Krus, nagtungo si Jesus sa halamanang tinatawag na Getsemani. Di nagtagal nabigatan Siyang mabuti dahil sa matinding kalungkutan at tumangis habang Siya ay nagdarasal. Pinahintulutan ang Apostol sa mga Huling Araw na si Orson F. Whitney na makita sa pangitain ang pagdurusa ng Tagapagligtas. Nang makitang tumatangis ang Tagapagligtas, sabi niya: “Labis akong naantig sa nakita ko kaya umiyak din ako, nakisimpatiya sa matindi niyang paghihirap. Awang-awa ako sa Kanya; minahal ko Siya nang buong kaluluwa ko, at inasam na makasama Siya at wala nang iba” (“Ang Pagkadiyos ni Jesucristo,” Improvement Era, Ene. 1926, 224–25; tingnan din sa Liahona, Dis. 2003, 12). “Lumakad [si Jesus] sa dako pa roon, at siya’y nagpatirapa, at nanalangin, na nagsasabi, Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).
Sa makabagong paghahayag inilarawan ng Tagapagligtas kung gaano katindi ang Kanyang pagdurusa, at sinabing naging dahilan ito upang Siya ay “manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:18). Siya ay nagdusa “ayon sa laman,” na pinapasan ang ating mga sakit, karamdaman, kahinaan, at kasalanan (tingnan sa Alma 7:10–13). Walang mortal na taong makauunawa kung gaano kabigat ang pasaning ito. Walang ibang taong makatitiis ng gayon katinding pagdurusa ng katawan at espiritu. “Nagpakababa-baba [siya] sa lahat ng bagay … upang siya ay mapasalahat at sumasalahat ng bagay, ang liwanag ng katotohanan” (D at T 88:6).
Ngunit hindi pa tapos ang Kanyang pagdurusa. Kinabukasan, si Jesus ay binugbog, ipinahiya, at dinuraan. Inutusan Siyang pasanin ang sarili Niyang krus; pagkatapos ay iniangat Siya at ipinako rito. Pinahirapan Siya sa isa sa mga pinakamalupit na paraang naisip ng tao. Matapos magdusa sa krus, sumigaw Siya sa tindi ng pagdurusa, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34). Sa pinakamapait na sandali sa buhay ni Jesus, iniwan Siya ng Ama nang sa gayon ay matapos Niya ang pagdurusa sa kaparusahan ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan upang lubusang magwagi si Jesus laban sa mga kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan (tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 660–61).
Nang malaman ng Tagapagligtas na tinanggap ng Ama ang Kanyang sakripisyo, malakas Niyang ibinulalas, “Naganap na” (Juan 19:30). “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu” (Lucas 23:46). Yumuko Siya at kusang ipinaubaya ang Kanyang espiritu. Patay na ang Tagapagligtas. Niyanig ng malakas na lindol ang mundo.
Dinala ng ilang kaibigan ang katawan ng Tagapagligtas sa isang libingan, kung saan ito humimlay hanggang sa ikatlong araw. Sa panahong ito humayo ang Kanyang Espiritu at pinasimulan ang gawaing misyonero sa iba pang mga espiritung kailangang tumanggap ng Kanyang ebanghelyo (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20; D at T 138). Sa ikatlong araw, araw ng Linggo, bumalik Siya sa Kanyang katawan at ibinangon itong muli. Siya ang kauna-unahang dumaig sa kamatayan. Natupad na ang propesiya “na kinakailangang siya’y muling magbangon sa mga patay” (Juan 20:9).
Kaagad pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpakita ang Tagapagligtas sa mga Nephita at itinatag ang Kanyang Simbahan sa mga lupain ng Amerika. Tinuruan Niya ang mga tao at binasbasan sila. Ang makabagbag-damdaming salaysay na ito ay nasa 3 Nephi 11 hanggang 28.
Ang Kanyang Sakripisyo ay Nagpakita ng Pagmamahal Niya sa Kanyang Ama at sa Atin
Itinuro ni Jesus: “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan. Kayo’y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo” (Juan 15:13–14). Kusang-loob at mapagpakumbaba Niyang tiniis ang pagdurusa sa Getsemani at paghihirap sa krus upang matanggap natin ang lahat ng pagpapala ng plano ng kaligtasan. Para matanggap ang mga pagpapalang ito, kailangan tayong lumapit sa Kanya, pagsisihan ang ating mga kasalanan, at mahalin Siya nang buong puso. Sabi Niya:
“At ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama.
“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin … upang sila ay mahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa. …
“Sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin. …
“Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:13–15, 21, 27; idinagdag ang pagkakahilig ng mga salita).
-
Ano ang nadama ninyo habang iniisip ninyong mabuti ang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa inyo?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Iba Pang Mapagkukunan
-
2 Nephi 25:12 (ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman)
-
Moises 6:57 (si Jesucristo ay tinawag na Bugtong na Anak)
-
Mateo, Marcos, Lucas, Juan (buhay at mga turo ni Jesucristo)
-
Mateo 10:1–8; Lucas 9:1–2 (inorden ang mga Apostol sa kapangyarihan at awtoridad)
-
Mateo 26–28; Marcos 14–16; Lucas 22–24; Juan 18–20 (si Jesus sa halamanan; ipinagkanulo, ipinako sa krus, at nabuhay na mag-uli)
-
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2–3