Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 32: Mga Ikapu at mga Handog


Kabanata 32

Mga Ikapu at mga Handog

Nine coins in a stack with the tenth coin lying next to them. Illustrates the principle of tithing.

Pagbabayad ng mga Ikapu at mga Handog

  • Paano nagpapakita ng pasasalamat sa ating Ama sa Langit sa lahat ng mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin ang kahandaan nating magbayad ng mga ikapu at mga handog?

Binigyan tayo ng mga kautusan upang tulungan tayong maghanda sa lahat ng bagay para mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit. Nagbigay Siya sa atin ng paraan upang pasalamatan Siya sa ating mga pagpapala. Ang kusang-loob na pagbabayad ng mga ikapu at mga handog ay isang paraan ng pasasalamat natin sa Kanya. Sa pagbabayad natin ng mga handog na ito, ipinakikita natin na mahal natin Siya at susundin ang Kanyang payo.

  • Sa paanong paraan tayo natutulungan ng pagbabayad ng mga ikapu at mga handog na pasalamatan ang Ama sa Langit?

Pagsunod sa Batas ng Ikapu

  • Ano ang tapat na ikapu?

Noong unang panahon, sinunod nina Abraham at Jacob ang kautusan na magbayad ng ikapu ng kanilang karagdagan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 7:1–10; Genesis 14:19–20; 28:20–22).

Sa makabagong panahon ay nanalangin si Propetang Joseph Smith, “O Panginoon! Ipakita ninyo sa inyong tagapaglingkod kung gaano ang inyong kakailanganin sa mga ari-arian ng inyong mga tao para sa ikapu” (D at T 119, panimula ng bahagi). Sumagot ang Panginoon: “Ito ang magiging pasimula ng pagbibigay ng ikapu ng aking mga tao. At pagkatapos nito, yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailanman” (D at T 119:3–4). Ipinaliwanag ng Unang Panguluhan na ang tinutukoy ng “ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon” ay ang ating kinikita (tingnan sa liham ng Unang Panguluhan, Mar. 19, 1970).

Kapag nagbabayad tayo ng ikapu ipinapakita natin ang ating katapatan sa Panginoon. Itinuturo din natin sa ating mga anak ang kahalagahan ng batas na ito. Nanaisin nilang sundin ang ating halimbawa at ipagbabayad ng ikapu ang anumang perang natatanggap nila.

  • Sa anong mga paraan naging higit na alituntunin ng pananampalataya ang ikapu kaysa alituntunin ng pananalapi?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak na magbayad ng ikapu at maunawaan ang kahalagahan nito?

Dapat ay Kusang-Loob Tayong Magbigay

  • Bakit mahalaga ang ating saloobin sa pagbabayad natin ng ikapu?

Mahalagang magbigay nang kusang-loob. “Kapag ang isang tao ay nagbabayad ng kanyang ikapu nang hindi nasisiyahan, nawawala sa kanya ang isang bahagi ng pagpapala. Kailangang matuto siyang magbigay nang masaya, kusang-loob at buong kagalakan, at ang kanyang handog ay pagpapalain” (Stephen L. Richards, The Law of Tithing [polyeto, 1983], 8).

Itinuro ni Apostol Pablo na ang paraan ng ating pagbibigay ay kasinghalaga ng ating ibinibigay. Sinabi niya, “Magbigay ang bawat isa …; huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya” (II Mga Taga Corinto 9:7).

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “nagbibigay na masaya”?

Ikapu at Iba Pang mga Handog

  • Sa paanong mga paraan ginagamit ng Simbahan ang mga pondo ng ikapu at iba pang mga handog?

Bilang mga miyembro ng Simbahan, nagbibigay tayo ng ikapu at iba pang mga handog sa Panginoon.

Ikapu

Ginagamit ng Simbahan ang ikapu sa maraming layunin. Ang ilan sa mga ito ay upang:

  1. Magtayo, mangalaga, at mangasiwa ng mga templo, meetinghouse, at iba pang mga gusali.

  2. Maglaan ng pondong gagamitin sa pangangasiwa ng mga stake, ward, at iba pang mga yunit ng Simbahan. (Ginagamit ng mga yunit na ito ang pondo upang isagawa ang mga programa ukol sa pangangasiwa ng Simbahan, kabilang na ang pagtuturo ng ebanghelyo at pangangasiwa sa mga aktibidad.)

  3. Tulungan ang programa ukol sa mga misyonero.

  4. Turuan ang mga kabataan sa mga paaralan ng Simbahan, mga seminary, at institute.

  5. Ilimbag at ipamahagi ang mga materyal na gamit sa pag-aaral.

  6. Tumulong sa gawain sa family history at sa templo.

Iba Pang mga Handog

Mga Handog-ayuno. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nag-aayuno bawat buwan sa pamamagitan ng hindi pagkain at pag-inom sa loob ng dalawang magkasunod na kainan. Iniaambag nila kahit ang halaga lang ng salapi na dapat na nagastos nila para sa magkasunod na kainan. Maaari silang magbigay nang bukas-palad hangga’t makakaya nila. Ang handog na ito ay tinatawag na handog- ayuno. Ginagamit ng mga bishop ang mga handog-ayuno na ito upang bigyan ng pagkain, tirahan, damit, at pangangalagang medikal ang mga nangangailangan. (Tingnan sa kabanata 25 sa aklat na ito.)

Bilang bahagi ng araw ng ayuno, ang mga miyembro ay dumadalo sa isang miting na tinatawag na pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo, kung saan ibinabahagi nila sa isa’t isa ang kanilang patotoo kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Iba Pang mga Donasyon. Ang mga miyembro ng Simbahan ay maaaring mag-ambag sa iba pang mga adhikain ng Simbahan, tulad ng gawaing misyonero, ang Perpetual Education Fund, pagpapatayo ng templo, at humanitarian aid o tulong pangkawanggawa.

Paglilingkod. Iniaalok din ng mga miyembro ang kanilang panahon, kasanayan, at ari-arian upang tulungan ang iba. Ang paglilingkod na ito ay nagtutulot sa Simbahan na tulungan ang nangangailangan na mga miyembro at di-miyembro sa buong mundo maging ito ay sa komunidad, sa loob ng isang bansa, at sa ibang mga bansa, lalo na kapag nagaganap ang malalaking sakuna.

Tayo ay Pinagpapala Kapag Nagbibigay Tayo ng mga Ikapu at mga Handog

Nangangako ang Panginoon na pagpapalain tayo kung tayo ay matapat na magbabayad ng ating mga ikapu at mga handog. Sabi Niya, “Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito … kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).

May iba pang binabanggit na pagpapala ang paghahayag sa mga huling araw para sa mga taong nagbabayad ng ikapu: “Katotohanan ito ay araw ng paghahain, at araw ng pagbabayad ng ika-sampung bahagi ng aking tao; sapagkat siya na nagbibigay ng ikapu ay hindi masusunog sa kanyang pagparito” (D at T 64:23).

Ang mga pagpapalang ipinangako sa atin ay kapwa materyal at espirituwal. Kung tayo ay kusang-loob na magbibigay, tutulungan tayo ng Ama sa Langit na tustusan ang ating pangangailangan sa pagkain, damit, at tirahan sa araw-araw. Sa pagsasalita sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Pilipinas, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley na kung “tatanggapin [ng mga tao] ang ebanghelyo at ipamumuhay ito, babayaran ang kanilang mga ikapu at mga handog, kahit kaunti lang ang mga ito, tutuparin ng Panginoon sa kanila ang Kanyang pangako noong una, at magkakaroon sila ng kanin sa kanilang mga mangkok at damit sa kanilang likuran at kanlungan sa kanilang uluhan. Wala akong makitang ibang solusyon. Kailangan nila ng isang kapangyarihang higit kaysa anumang kapangyarihan sa mundo upang iangat sila at tulungan sila” (“Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 7). Tutulungan din tayo ng Panginoon na lumago “sa kaalaman tungkol sa Diyos, at sa patotoo, at sa kapangyarihang ipamuhay ang ebanghelyo at bigyang-inspirasyon ang ating mga pamilya na gayon din ang gawin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 137).

Ang mga nagbabayad ng kanilang mga ikapu at mga handog ay labis na pinagpapala. Mabuti ang pakiramdam nila na tumutulong sila sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.

  • Ano ang ilang mga pagpapalang natanggap ninyo, ng mga miyembro ng inyong pamilya, o ng inyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbabayad ng ikapu at iba pang mga handog?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan