Kabanata 18
Pananampalataya kay Jesucristo
Ano ang Pananampalataya?
Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay espirituwal na kaloob, at kailangan ito sa ating kaligtasan. Ipinahayag ni Haring Benjamin, “Ang kaligtasan ay di mapapasa kaninuman … maliban sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Mosias 3:12).
Ang pananampalataya ay “[pag-asa] sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21; tingnan din sa Mga Hebreo 11:1). Ang pananampalataya ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihang naghihikayat sa ating mga gawain sa araw-araw.
Mag-aaral at matututo pa kaya tayo kung hindi tayo naniniwalang magtatamo tayo ng karunungan at kaalaman? Magtatrabaho pa kaya tayo araw-araw kung hindi natin inaasahang sa pamamagitan nito ay may maisasakatuparan tayo? Magtatanim kaya ang isang magsasaka kung hindi siya umaasang aani? Bawat araw ay ginagawa natin ang mga bagay na inaasahan natin kahit hindi natin nakikita ang bunga nito. Ito ang pananampalataya. (Tingnan sa Mga Hebreo 11:3.)
Maraming kuwento sa mga banal na kasulatan ang nagsasalaysay kung paano naisakatuparan ang mga dakilang bagay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Sa pananampalataya naitayo ni Noe ang arka o daong at iniligtas ang kanyang pamilya mula sa baha (tingnan sa Mga Hebreo 11:7). Hinati ni Moises ang tubig ng Dagat na Pula (tingnan sa Mga Hebreo 11:29). Nagpababa ng apoy si Elias mula sa langit (tingnan sa I Mga Hari 18:17–40). Humiling ng taggutom si Nephi (tingnan sa Helaman 11:3–5). Hiniling din niya sa Panginoon na wakasan na ang taggutom (tingnan sa Helaman 11:9–17). Napayapa ang karagatan, natanggap ang mga pangitain, at nasagot ang mga panalangin, lahat dahil sa kapangyarihan ng pananampalataya.
Kapag pinag-aralan nating mabuti ang mga banal na kasulatan, malalaman natin na ang pananampalataya ay matibay na paniniwala sa katotohanan sa kaibuturan ng ating mga kaluluwa na humihikayat sa ating gumawa ng mabuti. Ito ang dahilan kaya natin itinatanong: Kanino tayo dapat sumampalataya?
-
Pag-isipan ang mga ginagawa ninyo araw-araw. Ano ang mga bagay na ginagawa ninyo bawat araw na hindi ninyo nakikita ang bunga? Paano kayo napakikilos ng pananampalataya?
Bakit Tayo Dapat Sumampalataya kay Jesucristo?
Dapat nating ituon ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Ang ibig sabihin ng pagsampalataya kay Jesucristo ay pagkakaroon ng ibayong tiwala sa Kanya kung kaya’t sinusunod natin ang anumang iutos Niya. Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, at naging masunurin Niyang mga disipulo, patatawarin ng Ama sa Langit ang ating mga kasalanan at ihahanda tayo upang makabalik sa Kanya.
Ipinangaral ni Apostol Pedro na “walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas” (Mga Gawa 4:12; tingnan din sa Mosias 3:17). Itinuro ni Jacob na ang mga tao ay dapat magkaroon ng “ganap na pananampalataya sa Banal ng Israel [si Jesucristo], o sila ay di maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 9:23). Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at pagsisisi, nagiging lubos na mabisa ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay. Sa pamamagitan ng pananampalataya maaari din tayong tumanggap ng lakas na madaig ang mga tukso (tingnan sa Alma 37:33).
Hindi tayo makasasampalataya kay Jesucristo nang hindi sumasampalataya sa ating Ama sa Langit. Kung may pananampalataya tayo sa Kanila, sasampalataya rin tayo na ang Espiritu Santo, na Kanilang isinugo, ay ituturo sa atin ang lahat ng katotohanan at aaliwin tayo.
-
Paano tayo maiimpluwensyahan ng pananampalataya kay Jesucristo sa mga tungkulin natin sa Simbahan? sa relasyon natin sa pamilya? sa ating trabaho? Paano naiimpluwensyahan ng pananampalataya kay Jesucristo ang ating pag-asa sa buhay na walang hanggan?
Paano Natin Mapag-iibayo ang Ating Pananampalataya kay Jesucristo?
Batid ang maraming pagpapalang dumarating sa pagsampalataya kay Jesucristo, dapat nating hangaring pag-ibayuhin ang ating pananampalataya sa Kanya. Sabi ng Tagapagligtas, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, … sa inyo’y [walang magiging imposible]” (Mateo 17:20). Napakaliit ng binhi ng mustasa, ngunit nagiging malaking puno ito.
Paano natin madaragdagan ang ating pananampalataya? Katulad din ng ibayo o karagdagan pang mga kasanayan. Paano natin natututuhan ang paglilok ng kahoy, paghabi, pagpipinta, pagluluto, paggawa ng palayok, o pagtugtog ng isang instrumentong musikal? Pinag-aaralan at pinapraktis at pinagsisikapan natin ito. Habang ginagawa natin ito, humuhusay tayo. Ganoon din sa pananampalataya. Kung nais nating pag-ibayuhin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, dapat natin itong pagsikapan. Inihambing ni propetang Alma ang salita ng Diyos sa isang binhing dapat mapangalagaan ng pananampalataya:
“Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.
“Ngayon, ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa. …
“Ngayon masdan, ito ba ay hindi makadaragdag sa inyong pananampalataya?” (Alma 32:27–29).
Kaya nga mapag-iibayo natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa pagkilos ayon sa hangarin nating sumampalataya sa Kanya.
Mapag-iibayo rin natin ang ating pananampalataya sa pagdarasal sa Ama sa Langit tungkol sa ating mga inaasahan, hangarin, at pangangailangan (tingnan sa Alma 34:17–26). Ngunit hindi natin dapat isipin na ang tanging gagawin natin ay humingi. Sinabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili” (Santiago 2:17). Ang sumusunod na kuwento ay tungkol sa isang lalaking ang pananampalataya ay ipinakita sa kanyang mga gawa.
Nais ng lalaking ito na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ngunit hindi siya marunong bumasa. Nagdasal siya sa Ama sa Langit na tulungan siyang matutong bumasa. Di nagtagal isang guro ang dumating sa kanyang nayon, at nagpatulong siya sa guro. Natutuhan niya ang alpabeto. Nag-aral siya ng pagbigkas at natutong magdugtung-dugtong ng mga titik para makabuo ng mga salita. Di nagtagal ay nakakabasa na siya ng mga simpleng salita. Nang magsanay pa siya, lalo siyang natuto. Pinasalamatan niya ang Panginoon sa pagpapadala sa guro at pagtulong sa kanya na matutong bumasa. Napag-ibayo ng lalaking ito ang kanyang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kaalaman hanggang sa makapaglingkod siya bilang branch president sa Simbahan.
Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Kailangang lakipan ng gawa ang pananampalataya. Malaking kahangalan ang hilingin sa Panginoon na bigyan tayo ng kaalaman, ngunit malaking katalinuhan ang paghingi ng tulong sa Panginoon na magkaroon tayo ng kaalaman, makapag-aral na mabuti, makapag-isip nang malinaw, at matandaan ang mga bagay na natutuhan natin” (Faith Precedes the Miracle [1972], 205; nakahilig ang mga salita sa orihinal).
Kalakip ng pananampalataya ang paggawa ng lahat ng makakaya natin upang maisakatuparan ang mga bagay na ating inaasam at ipinagdarasal. Sabi ni Pangulong Kimball: “Sa pananampalataya ay itinatanim natin ang binhi, at kapagdaka ay nakikita natin ang himala ng pagyabong. Kadalasan ay hindi ito nauunawaan ng tao at binabaligtad ang pamamaraan.” Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag na marami sa atin ang naghahangad ng kalusugan at lakas ngunit hindi sumusunod sa mga batas ng kalusugan. Nais nating magkaroon ng kasaganaan nang hindi nagbabayad ng ating mga ikapu. Nais nating mapalapit sa Panginoon ngunit ayaw nating mag-ayuno at manalangin. Nais nating magkaroon ng ulan sa takdang panahon at kapayapaan sa lupain nang hindi ginagawang banal ang Sabbath at hindi sinusunod ang iba pang mga utos ng Panginoon. (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 170.)
Ang isang mahalagang paraan para mapag-ibayo natin ang ating pananampalataya ay pakinggan at pag-aralan ang salita ng Panginoon. Naririnig natin ang salita ng Panginoon sa ating mga pulong sa Simbahan. Mapag-aaralan natin ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan. “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).
-
Ano ang nakikita ninyong kaugnayan ng ating pananampalataya sa ating mga kilos?
Ano ang Ilang Pagpapalang Kasunod ng Pananampalataya?
Sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya, nagaganap ang mga himala, nagpapakita ang mga anghel, naibibigay ang ibang mga kaloob ng Espiritu, nasasagot ang mga panalangin, at ang mga tao ay nagiging mga anak ng Diyos (tingnan sa Moroni 7:25–26, 36–37).
“Kapag nagkakaroon ng pananampalataya naghahatid ito ng … mga apostol, propeta, ebanghelista, pastor, guro, kaloob, karunungan, kaalaman, himala, paggaling, wika, pagbibigay-kahulugan sa mga wika, atbp. Lahat ng ito ay nakikita kapag may pananampalataya sa mundo, at naglalaho kapag naglalaho ito sa mundo; sapagkat ito ang mga bunga ng pananampalataya. … At siya na nagtataglay nito, sa pamamagitan nito, ay magtatamo ng lahat ng kailangang kaalaman at karunungan, hanggang sa makilala niya ang Diyos, at ang Panginoong Jesucristo, na kanyang isinugo—ang makilala si Jesucristo ay pagkakaroon ng buhay na walang hanggan” (Lectures on Faith [1985], 83).
-
Ano ang ilang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagpalakas sa mga tao dahil sumampalataya sila kay Jesucristo? Paano ninyo ito nakitang nangyari sa sarili ninyong buhay?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Sa Mga Hebreo 11; Alma 32 (ipinaliwanag ang katangian ng pananampalataya)
-
Exodo 14:19–22 (paghahati ng mga tubig ng Dagat na Pula)
-
Genesis 6–8 (si Noe at ang baha)
-
Mateo 8:5–33 (napagaling ang maysakit, napayapa ang bagyo, mga himala ng pananampalataya)
-
Marcos 5:25–34 (pinagaling ng pananampalataya)
-
Mga Taga Roma 10:17 (dumarating ang pananampalataya sa pakikinig sa salita ng Diyos)