Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 27: Paggawa at Personal na Pananagutan


Kabanata 27

Pagtatrabaho at Personal na Pananagutan

A man working indoors on a lathe.

Ang Pagtatrabaho ay Walang Hanggang Alituntunin

  • Ano na ang mga naranasan ninyo na nagpakita sa inyo ng kahalagahan ng pagtatrabaho?

Ipinakita sa atin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo sa Kanilang mga halimbawa at aral na ang pagtatrabaho ay mahalaga sa langit at sa lupa. Ang Diyos ay nagtrabaho para likhain ang langit at lupa. Tinipon Niya ang mga karagatan sa isang lugar at pinalitaw ang tuyong lupa. Pinatubo Niya ang damo, halamang-gamot, at mga punongkahoy sa lupa. Nilikha Niya ang araw, ang buwan, at mga bituin. Nilikha Niya ang lahat ng bagay na may buhay sa dagat at sa lupa. Pagkatapos ay inilagay Niya sina Adan at Eva sa lupa upang alagaan ito at pamahalaan ang lahat ng bagay na may buhay. (Tingnan sa Genesis 1:1–28.)

Sinabi ni Jesus, “Hanggang ngayo’y gumagawa ang aking Ama, at ako’y gumagawa” (Juan 5:17). Sinabi rin Niya, “Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin” (Juan 9:4).

Inutusan Tayong Magtrabaho

Ang pagtatrabaho ay pamamaraan na ng pamumuhay sa lupa simula noong lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden. Sinabi ng Panginoon kay Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). Sina Adan at Eva ay nagtrabaho sa bukid upang matustusan ang kanilang sariling mga pangangailangan at ang pangangailangan ng kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:1).

Sinabi ng Panginoon sa mga tao ni Israel, “Anim na araw na gagawa ka” (Exodo 20:9).

Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, sinabi ng Panginoon sa mga Banal sa mga Huling Araw, “Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila” (D at T 68:31).

Sinabi ng isang propeta ng Diyos, “Ang trabaho ay dapat muling bigyan ng halaga bilang pangunahing alituntunin sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan” (Heber J. Grant, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 127).

Responsibilidad ng Pamilya

  • Ano ang ilang responsibilidad ng mga ama, ina, at anak upang mapangalagaan ang isang tahanan? Ano ang maaaring gawin ng mga miyembro ng pamilya para magkaroon ng bahagi sa gawain?

Ang mga magulang ay magkasamang gumagawa upang maitaguyod ang pisikal, espirituwal, at emosyonal na kapakanan ng kanilang pamilya. Hindi nila dapat asahan ang sinuman na akuin ang responsibilidad na ito para sa kanila. Isinulat ni Apostol Pablo, “Kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya” (I Kay Timoteo 5:8).

Dapat humingi ang mag-asawa ng inspirasyon mula sa Panginoon at sundin ang payo ng mga propeta kapag nagtatakda ng indibiduwal na mga responsibilidad. Ang paglikha ng isang tahanan kung saan naituturo araw-araw ang mga alituntunin ng ebanghelyo at kung saan namamayani ang pagmamahal at kaayusan ay kasinghalaga ng paglalaan ng mga pangunahing pangangailangang tulad ng pagkain at kasuotan.

Dapat gampanan ng mga anak ang kanilang bahagi sa gawain ng pamilya. Mahalagang magkaroon ang mga bata ng mga takdang gawain na angkop sa kanilang mga kakayahan. Kailangan silang purihin sa kanilang mga tagumpay. Ang mabuting saloobin sa paggawa, pag-uugali, at kahusayan ay natututuhan sa pamamagitan ng matatagumpay na karanasan sa tahanan.

Kung minsan ang mga tao ay dumaranas ng hirap habang sinisikap na itaguyod ang kanilang pamilya. Ang matagal na karamdaman, pagkamatay ng asawa, o pagkadagdag ng isang magulang na matanda na ay maaaring makadagdag sa mga responsibilidad sa tahanan. Naaalala ng ating Ama sa Langit ang mga pamilya na nasa ganitong situwasyon at binibigyan sila ng lakas upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Palagi Niya silang pagpapalain kung hihiling sila sa Kanya nang may pananampalataya.

Maaari Tayong Masiyahan sa Ating Gawain

  • Paano naaapektuhan ng ating saloobin ang ating gawain?

Sa ilang tao ang pagtatrabaho ay nakayayamot at nakaiinip. Sa iba ito ay kapana-panabik na bahagi ng buhay. Ang isang paraan upang masiyahan at makinabang nang husto sa buhay ay ang matutong mahalin ang pagtatrabaho.

Hindi lahat ay maaaring piliin ang uri ng trabahong gagawin natin. Ang ilan sa atin ay nagtatrabaho nang matagal para lamang sa mga pangangailangan natin. Mahirap masiyahan sa ganitong gawain. Gayunman ang pinakamaliligayang tao ay natutong masiyahan sa kanilang trabaho, kahit ano pa ito.

Maaari nating tulungan ang isa’t isa sa ating gawain. Ang pinakamabibigat na gawain ay gumagaan kapag may isang taong tumutulong dito.

Ang ating saloobin sa trabaho ay napakahalaga. Inilalarawan ng sumusunod na kuwento kung paano nakita ng isang tao ang kahihinatnan ng kanyang gawain sa araw-araw. Isang manlalakbay ang dumaan sa tibagan ng bato at may nakitang tatlong lalaki na nagtatrabaho. Tinanong niya ang bawat isa sa mga lalaki kung ano ang ginagawa nito. Ang sagot ng bawat lalaki ay nagpakita ng kakaibang saloobin sa iisang gawain o trabaho. “Nagtitibag ako ng bato,” sagot ng unang lalaki. Sumagot ang ikalawa, “Kumikita ako ng tatlong piraso ng ginto bawat araw.” Ang ikatlong lalaki ay ngumiti at nagsabing, “Tumutulong ako sa pagtatayo ng isang bahay ng Diyos.”

Sa alinmang matapat na trabaho ay maaari tayong maglingkod sa Diyos. Sinabi ni Haring Benjamin, isang propetang Nephita, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Kung ang ating trabaho ay sapat lamang para sa mga pangangailangan natin at ng ating pamilya, natutulungan pa rin natin ang ilan sa mga anak ng Diyos.

  • Paano natin mapagbubuti ang ating saloobin tungkol sa trabaho?

Isinusumpa ng Diyos ang Katamaran

Ang Panginoon ay hindi natutuwa sa mga taong tamad o batugan. Sabi Niya, “Ang tamad ay hindi magkakaroon ng lugar sa simbahan, maliban na siya ay magsisi at iwasto ang kanyang mga gawi” (D at T 75:29). Iniutos din Niya, “Huwag kayong maging tamad; sapagkat siya na tamad ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa” (D at T 42:42).

Simula pa noong mga unang araw ng Simbahan, itinuro ng mga propeta sa mga Banal sa mga Huling Araw na tumayo sa sariling paa at itaguyod ang sarili at iwasan ang katamaran. Ang tunay na mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi kusang ipapasa sa iba ang pasanin ng pagtataguyod ng kanilang pamumuhay. Hangga’t makakaya nila, sila ang magtutustos sa mga pangangailangan nila at ng kanilang pamilya.

Sa abot ng kanilang makakaya, dapat tanggapin ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang responsibilidad na pangalagaan ang kanilang mga kamag-anak na hindi makapagtaguyod sa kanilang sarili.

  • Paano naaapektuhan ng katamaran ang isang tao? isang pamilya? isang komunidad?

Pagtatrabaho, Paglilibang, at Pamamahinga

  • Bakit mahalagang may balanse sa buhay ang pagtatrabaho, paglilibang, at pamamahinga?

Dapat hanapin ng bawat isa sa atin ang wastong balanse sa pagtatrabaho, paglilibang, at pamamahinga. May matandang kasabihan: “Ang pinakamahirap na trabaho sa lahat ay iyong wala kang ginagawa, dahil hindi maaaring tumigil ang sinumang gumagawa nito para magpahinga.” Kung walang trabaho, ang pamamahinga at pagrerelaks ay walang saysay.

Hindi lamang kasiya-siya at kinakailangan ang pagpapahinga, kundi iniuutos sa ating magpahinga sa araw ng Sabbath (tingnan sa Exodo 20:10; D at T 59:9–12). Ang araw na ito ng pamamahinga pagkatapos ng anim na araw ng pagtatrabaho ay nakapagpapanibago ng lakas sa susunod na mga araw. Ipinapangako rin ng Panginoon ang “kabuuan ng mundo” sa mga nangingilin sa araw ng Sabbath (tingnan sa D at T 59:16–20; tingnan din sa kabanata 24 sa aklat na ito).

Sa ibang mga araw ng linggo, bilang karagdagan sa pagtatrabaho ay maaari din tayong mag-ukol ng oras para pagbutihin pa ang ating mga talento at masiyahan sa ating mga nakahiligan, paglilibang, o iba pang mga aktibidad na magpapanibago ng ating lakas.

  • Ano ang maaari nating gawin upang manatiling balanse ang pagtatrabaho, paglilibang, at pamamahinga? Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na mapanatili ang balanseng ito?

Ang mga Pagpapala ng Pagtatrabaho

  • Ano ang ilang pagpapala na nagmumula sa matapat na paggawa?

Inihayag ng Diyos kay Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). Maliban pa sa pagiging temporal na batas, ang batas na ito ay para sa kaligtasan ng kaluluwa ni Adan. Walang tunay na pagkakaiba sa pagitan ng espirituwal, pangkaisipan, at pisikal na gawain. Ang pagtatrabaho ay mahalaga sa bawat isa sa atin para sa paglago, pag-unlad ng pagkatao, at sa maraming kasiyahan na hindi kailanman nararanasan ng tamad.

Sinabi ni Pangulong David O. McKay, “Dapat nating maunawaan na ang pribilehiyong magtrabaho ay isang kaloob, na ang lakas na makapagtrabaho ay biyaya, na ang pagmamahal sa trabaho ay tagumpay” (Pathways to Happiness [1957], 381).

“Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Ang pagtatrabaho ay susi sa lubos na kagalakan sa plano ng Diyos. Kung tayo ay matwid, makababalik tayo upang manahanang kasama ang ating Ama sa Langit, at magkakaroon tayo ng gawain. Habang tayo ay nagiging katulad Niya, ang ating gawain ay magiging katulad ng Kanyang gawain. Ang Kanyang gawain ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Karagdagang mga Banal na Kasulatan