Kabanata 20
Binyag
Ang Utos na Magpabinyag
-
Bakit kailangan tayong mabinyagan?
Ngayon, tulad noong panahon ni Jesus, may ilang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na dapat nating malaman at sundin. Ang alituntunin ng ebanghelyo ay isang totoong paniniwala o turo. Ang ordenansa ay isang seremonya. Ang unang dalawang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsisisi. Binyag ang unang ordenansa ng ebanghelyo. Ang isa sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol ay, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mateo 28:19–20).
Kailangan Tayong Mabinyagan para sa Kapatawaran ng Ating mga Kasalanan
Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, nagsisi, at nabinyagan, ang ating mga kasalanan ay pinapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Mula sa mga banal na kasulatan nalaman natin na si Juan Bautista ay “[nagbautismo] sa ilang at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Marcos 1:4). Itinuro ni Apostol Pedro, “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan” (Mga Gawa 2:38). Kasunod ng pagbabalik-loob ni Pablo, sinabi sa kanya ni Ananias, “Magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan” (Mga Gawa 22:16).
Kailangan Tayong Mabinyagan para Maging mga Miyembro ng Simbahan ni Jesucristo
“Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag … [na] … tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan … ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan” (D at T 20:37).
Kailangan Tayong Mabinyagan Bago Natin Matanggap ang Kaloob na Espiritu Santo
Sabi ng Panginoon, “Kung ikaw ay babaling sa akin, at … magsisisi sa lahat ng iyong paglabag [kasalanan], at magpapabinyag, maging sa tubig, sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, … ikaw ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo” (Moises 6:52).
Kailangan Tayong Mabinyagan para Maipakita ang Pagkamasunurin
Si Jesucristo ay walang kasalanan, subalit Siya ay bininyagan. Sinabi Niya na kailangan Siyang binyagan para “[maganap] ang buong katuwiran” (Mateo 3:15). Ipinaliwanag ni propetang Nephi na sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko … nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag” (2 Nephi 31:12–13).
Kailangan Tayong Mabinyagan upang Makapasok sa Kahariang Selestiyal
Sabi ni Jesus, “Sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan … [ay] magmamana ng kaharian ng Diyos. At sinuman ang hindi maniniwala sa akin, at hindi mabinyagan, ay mapapahamak” (3 Nephi 11:33–34). Binyag ang daan papasok sa landas patungo sa kahariang selestiyal (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18).
Ang Tamang Paraan ng Pagbibinyag
-
Paano tayo dapat mabinyagan?
Iisa lang ang tamang paraan ng pagbibinyag. Inihayag ni Jesus kay Propetang Joseph Smith na ang taong maytaglay ng wastong awtoridad ng priesthood upang magbinyag “ay bababa sa tubig kasama ang taong bibinyagan. … Pagkatapos ay kanyang ilulubog siya sa tubig, at iaahon muli mula sa tubig” (D at T 20:73–74). Kailangan ang paglulubog. Itinuro ni Apostol Pablo na ang paglubog sa tubig at muling pag-ahon ay sagisag ng kamatayan, libing, at pagkabuhay na mag-uli. Matapos mabinyagan nagsisimula tayo ng bagong buhay. Sabi ni Pablo:
“Hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?
“Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay.
“Sapagka’t kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli” (Mga Taga Roma 6:3–5).
Ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa pamamagitan ng isang taong may wastong awtoridad ang tanging katanggap- tanggap na paraan ng pagbibinyag.
-
Bakit mahalaga ang awtoridad na magsagawa ng binyag?
-
Sa anong mga paraan naging katulad ng libing at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog?
Binyag Pagsapit ng Edad ng Pananagutan
-
Sino ang dapat mabinyagan?
Bawat taong sumapit na sa walong taong gulang at mananagot (responsable) na sa kanyang mga ginagawa ay dapat mabinyagan. Itinuturo ng ilang simbahan na ang mga batang musmos ay dapat binyagan. Hindi ito naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Nang banggitin ni Jesus ang mga batang musmos, sabi Niya, “Sa mga ganito ang kaharian ng langit” (Mateo 19:14).
Sinabi ni propetang Mormon na paghamak sa Diyos ang binyagan ang mga batang musmos, dahil hindi sila nagkakasala. Gayundin, hindi kailangang binyagan ang mga taong walang kamalayan sa tama at mali (tingnan sa Moroni 8:9–22).
Lahat ng iba pang tao ay dapat mabinyagan. Dapat tayong tumanggap ng ordenansa ng binyag at manatiling tapat sa mga tipang gagawin natin sa oras na iyon.
-
Ano kaya ang sasabihin ninyo sa isang kaibigang naniniwala na kailangang binyagan ang mga batang paslit?
Nakikipagtipan Tayo Kapag Bininyagan Tayo
Maraming banal na kasulatan ang nagtuturo tungkol sa binyag. Sa isa sa mga banal na kasulatang ito, itinuro ni propetang Alma na ang pananampalataya at pagsisisi ay mga hakbang na maghahanda sa atin sa binyag. Itinuro niya na tayo ay nakikipagtipan sa Panginoon kapag bininyagan tayo. Nangangako tayong gagawin ang ilang bagay, at nangangako naman ang Diyos na pagpapalain tayo.
Ipinaliwanag ni Alma na dapat nating naising matawag na mga tao ng Diyos. Kailangang handa tayong tulungan at aliwin ang isa’t isa. Dapat tayong tumayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito at nabinyagan tayo, patatawarin ng Diyos ang ating mga kasalanan. Sinabi ni Alma sa mga taong naniwala sa kanyang mga turo tungkol sa ebanghelyo:
“Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon. … At ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, … ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?” (Mosias 18:8, 10). Nagpalakpakan sa galak ang mga tao at sinabing hangad nilang mabinyagan. Bininyagan sila ni Alma sa mga Tubig ng Mormon. (Tingnan sa Mosias 18:7–17.)
Itinuro ni Alma na kapag bininyagan tayo nakikipagtipan tayo sa Panginoon na:
-
Pumasok sa kawan ng Diyos.
-
Dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.
-
Tumayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.
-
Paglilingkuran ang Diyos at susundin ang Kanyang mga utos.
Kapag bininyagan tayo at sinunod natin ang mga tipan sa binyag, nangangako ang Panginoon na:
-
Patatawarin ang ating mga kasalanan (tingnan sa Mga Gawa 2:38; D at T 49:13).
-
Ibubuhos ang Kanyang Espiritu nang higit na masagana sa atin (tingnan sa Mosias 18:10).
-
Papatnubayan tayo at tutulungan ng Espiritu Santo araw-araw (tingnan sa Mga Gawa 2:38; D at T 20:77).
-
Ibabangon tayo sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mosias 18:9).
-
Bibigyan tayo ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Mosias 18:9).
-
Sa palagay ninyo ano ang kahulugan ng dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa? tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar?
Ang Binyag ay Nagbibigay sa Atin ng Bagong Simula
Sa pagpapabinyag nagsisimula tayo ng isang bagong buhay. Kaya nga tinatawag natin ito na muling pagsilang. Sinabi ni Jesus na maliban kung tayo ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:3–5). Malinaw na ipinaliwanag kay Adan ang alituntuning iyan:
“Yayamang kayo ay isinilang sa daigdig sa pamamagitan ng tubig, at dugo, at ng espiritu, na aking nilikha, at sa gayon ang alabok ay naging isang kaluluwang may buhay, gayon man kayo ay kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng aking Bugtong na Anak” (Moises 6:59).
Sinabi ni Apostol Pablo na matapos tayong mabinyagan dapat tayong magsimula ng bagong buhay: “Tayo nga’y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo; … gayon din naman tayo’y makalalakad sa panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4). Ang isa sa pinakamalalaking pagpapala ng binyag ay naglalaan ito sa atin ng isang bagong simula sa landas tungo sa ating walang hanggang mithiin.
-
Paano naging bagong simula ang inyong binyag?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
2 Nephi 31:4–7 (layunin at kahalagahan ng binyag)
-
3 Nephi 11:21–27; D at T 20:72–74 (paano magsagawa ng binyag)
-
Mga Gawa 2:38–39 (magpabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan)
-
Moroni 8:8–12; D at T 20:71–72 (hindi kailangang binyagan ang mga batang musmos; kailangang magpabinyag ang lahat ng nagsisisi)
-
Alma 7:14–16 (ang binyag ay paglilinis, pagpasok sa isang tipan ng buhay na walang hanggan)