Mga Aklat at mga Lesson
Pambungad


Pambungad

Isang Gabay sa Pag-aaral at Isang Manwal ng Guro

Ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay isinulat kapwa bilang pansariling gabay sa pag-aaral at bilang manwal ng guro. Kapag pinag-aralan mo ito, na hinahangad ang Espiritu ng Panginoon, lalago ang iyong pang-unawa at patotoo sa Diyos Ama, kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Mahahanap mo ang mga sagot sa mga tanong ng buhay, magkakaroon ng katiyakan sa iyong layunin at pagpapahalaga sa sarili, at haharap sa mga personal na hamon at mga hamon sa pamilya nang may pananampalataya.

Mga Tagubilin sa Pagtuturo sa Simbahan at sa Tahanan

Ang pagiging guro ay isang malaking responsibilidad na may kaakibat na maraming oportunidad para palakasin ang iba at matiyak na sila ay “napangangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Magiging mabisa ang iyong pagtuturo kung susundin mo ang mga tuntuning ito:

  • Mahalin ang mga tinuturuan mo.

  • Magturo sa pamamagitan ng Espiritu.

  • Ituro ang doktrina.

  • Maghikayat ng masigasig na pag-aaral.

Mahalin ang mga Tinuturuan Mo

Kapag minahal mo ang mga tinuturuan mo, mas nadarama nila ang Espiritu ng Panginoon. Mas nasasabik silang matuto at magiging mas handang makinig sa iyo at sa iba. Sikaping kilalanin ang mga tinuturuan mo, at ipaalam sa kanila na talagang may malasakit ka sa kanila. Maging sensitibo sa mga hamon na kinakaharap ng mga taong may espesyal na mga pangangailangan. Lumikha ng komportableng kapaligiran sa iyong klase para madama ng mga kalahok na mahihingan ka nila ng tulong sa anumang tanong nila tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo at kung paano nila ito maipamumuhay.

Dadalo ang Espiritu ng Panginoon kapag may pagmamahalan at pagkakaisa. Sabi ng Panginoon, “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).

Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, mga pahina 39–49.

Magturo sa pamamagitan ng Espiritu

Ang pinakamahahalagang bagay na maituturo mo ay ang mga doktrina ni Cristo ayon sa inihayag ng mga banal na kasulatan at mga makabagong propeta at ayon sa pagpapatibay ng Espiritu Santo. Para mabisang magawa ito, dapat mapasaiyo ang Espiritu ng Panginoon. “Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya,” sabi ng Panginoon, “at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (D at T 42:14; tingnan din sa D at T 50:13–22). Ang Espiritu Santo ang tunay na guro, kaya mahalagang lumikha ng kapaligiran kung saan madarama ang presensya ng Espiritu ng Panginoon.

Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, mga pahina 51–58.

Ituro ang Doktrina

Bago ka magturo mula sa isang kabanata, pag-aralan itong mabuti para matiyak na nauunawaan mo ang doktrina. Pag-aralan din ang karagdagang mga banal na kasulatang nakalista sa dulo ng kabanata. Makapagtuturo ka nang mas taos at nang may kapangyarihan kapag personal kang naimpluwensyahan ng mga turo sa kabanata. Huwag kailanman magbigay ng haka-haka tungkol sa doktrina ng Simbahan. Ituro lamang kung ano ang suportado ng mga banal na kasulatan, ng mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw, at ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 42:12–14; 52:9).

Kung natawag kang magturo sa isang korum o klase gamit ang aklat na ito, huwag gumamit ng mga materyal na gawa sa labas, kahit kawili-wili ang mga ito. Manatiling nakatuon sa mga banal na kasulatan at mga salita sa aklat. Kung naaangkop, gumamit ng mga personal na karanasan at artikulo mula sa mga magasin ng Simbahan para idagdag sa mga aralin.

Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, mga pahina 60–72.

Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral

Habang ikaw ay nagtuturo, tulungan ang iba na malaman kung paano ipamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa araw-araw. Hikayatin ang klase na talakayin kung paano maaapektuhan ng mga alituntuning ito ang ating nadarama tungkol sa Diyos, sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa ating kapwa. Hikayatin ang mga kalahok na mamuhay ayon sa mga alituntunin.

Hangga’t maaari sikaping isali ang maraming tao sa mga aralin. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na magbasa nang malakas, sagutin ang mga tanong, o magbahagi ng mga karanasan, ngunit gawin lamang ito kapag tiyak mong hindi sila mapapahiya. Makabubuting bigyan mo ng mga espesyal na asaynment ang mga kalahok habang inihahanda mo ang mga aralin. Maging sensitibo sa mga pangangailangan at damdamin ng iba. Maaaring may mga taong kailangan mong kausapin nang sarilinan bago simulan ang aralin at tanungin kung ano ang nadarama nila sa paglahok.

Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, mga pahina 75–93.

Karagdagang Tulong para sa mga Guro

Bawat kabanata sa aklat na ito ay may isa o dalawang paunawa para sa mga guro. Ang mga paunawang ito ay may mga ideyang makakatulong sa pagsisikap mong mahalin ang mga tinuturuan mo, magturo sa pamamagitan ng Espiritu, ituro ang doktrina, at hikayatin na masigasig na mag-aral ang mga tinuturuan mo.