Kabanata 44
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Paghihintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
Apatnapung araw makaraan ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, sama-samang nagtipon sina Jesus at ang Kanyang mga Apostol sa Bundok ng mga Olivo. Dumating na ang sandali na kailangan nang lisanin ni Jesus ang mundo. Natapos na Niya ang lahat ng gawain na kailangan Niyang gawin noong panahong iyon. Babalik na Siya sa ating Ama sa Langit hanggang sa panahon ng Kanyang Ikalawang Pagparito.
Pagkatapos Niyang turuan ang Kanyang mga Apostol, umakyat na si Jesus sa langit. Habang nakatingin sa langit ang mga Apostol, dalawang anghel ang tumayo sa kanilang tabi at sinabing, “Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit” (Ang Mga Gawa 1:11).
Simula noon hanggang sa ngayon, ang mga tagasunod ni Jesucristo ay naghihintay sa Ikalawang Pagparito.
Ano ang Gagawin ni Jesus sa Muli Niyang Pagparito?
Sa muling pagparito ni Jesucristo sa mundo, gagawin Niya ang sumusunod na mga bagay:
-
Lilinisin Niya ang mundo. Sa muling pagparito ni Jesus, darating Siya sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Sa panahong iyon ay pupuksain ang masasama. Lahat ng masasamang bagay ay susunugin, at ang mundo ay lilinisin sa pamamagitan ng apoy (tingnan sa D at T 101:24–25).
-
Hahatulan Niya ang Kanyang mga tao. Sa muling pagparito ni Jesus, hahatulan Niya ang mga bansa at ihihiwalay ang mabubuti sa masasama (tingnan sa Mateo 25:31–46; tingnan din sa kabanata 46 sa aklat na ito). Isinulat ni Juan na Tagapaghayag ang tungkol sa paghuhukom na ito: “Nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila’y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, … at sila’y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.” Nakita niya na ang masasama ay “hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon” (Apocalipsis 20:4–5; tingnan din sa D at T 88:95–98).
-
Pasisimulan Niya ang Milenyo. Ang Milenyo ay sanlibong taon kung kailan maghahari si Jesus sa mundo. Ang mabubuti ay iaangat upang salubungin si Jesus sa Kanyang pagdating (tingnan sa D at T 88:96). Ang Kanyang pagdating ang simula ng paghahari sa milenyo. (Tingnan sa kabanata 45 sa aklat na ito.)
Sinabi ni Pangulong Brigham Young:
“Sa Milenyo, kapag ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa mundo na may kapangyarihan, kaluwalhatian at kaganapan, at nagapi ang matagal nang paghahari ng kasamaan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ng Diyos ay magkakaroon ng pribilehiyong magtayo ng kanilang mga templo at makapasok sa mga ito, na nagiging tulad ng mga haligi sa mga templo ng Diyos [tingnan sa Apocalipsis 3:12], at sila ay mangangasiwa para sa kanilang yumao. At makikita natin ang ating mga kaibigan na umaakyat, at marahil ang iba ring nakasalamuha na natin dito. … At magkakaroon tayo ng paghahayag upang makilala natin ang ating mga ninuno magmula sa Amang Adan at Inang Eva, at papasok tayo sa mga templo ng Diyos at mangangasiwa para sa kanila. Pagkatapos ay maibubuklod ang [mga anak] sa [mga magulang] hanggang sa ganap na mabuo ang tanikala mula kay Adan, para magkaroon ng ganap na pagkabuo ng tanikala ng Pagkasaserdote mula kay Adan hanggang sa pagtatapos [ng mundong ito]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 372).
-
Kukumpletuhin Niya ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mga nagkaroon ng karapatang magbangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid ay magbabangon mula sa kanilang mga libingan. Sila ay iaangat upang salubungin ang Tagapagligtas habang bumababa Siya mula sa langit. (Tingnan sa D at T 88:97–98.)
Pagkatapos bumangon si Jesucristo mula sa mga patay, ang iba pang mga matwid na tao na namatay ay nabuhay ring mag-uli. Sila ay nagpakita sa Jerusalem at gayundin sa lupalop ng Amerika. (Tingnan sa Mateo 27:52–53; 3 Nephi 23:9–10.) Ito ang simula ng Unang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang ilang tao ay nabuhay na mag-uli simula noon. Ang mga nabuhay na mag-uli at ang mga mabubuhay na mag-uli sa panahon ng Kanyang pagdating ay magmamanang lahat ng kaluwalhatian ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 76:50–70).
Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga taong magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal, may isa pang grupo na mabubuhay na mag-uli: ang mga tatanggap ng kaluwalhatiang terestriyal. Kapag ang lahat ng mga taong ito ay nabuhay nang mag-uli, makukumpleto na ang Unang Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang masasamang tao na nabubuhay sa panahon ng Ikalawang Pagparito ng Panginoon ay lilipulin sa laman. Sila, kasama ang masasamang tao na namatay na ay kailangang maghintay hanggang sa huling pagkabuhay na mag-uli. Lahat ng nalalabing mga patay ay babangon upang humarap sa Diyos. Mamanahin nila ang kahariang telestiyal o kaya ay itatapon sa malayong kadiliman kasama ni Satanas (tingnan sa D at T 76:32–33, 81–112).
-
Mauupo Siya sa Kanyang marapat na luklukan bilang Hari ng langit at lupa. Pagdating ni Jesus, itatatag Niya ang Kanyang pamahalaan sa lupa. Ang Simbahan ay magiging bahagi ng kahariang iyon. Pamumunuan Niya ang lahat ng tao sa mundo sa kapayapaan sa loob ng 1,000 taon.
Noong unang pumarito si Jesucristo sa lupa, hindi Siya dumating sa kaluwalhatian. Isinilang Siya sa hamak na kuwadra at inihiga sa isang sabsaban ng dayami. Hindi Siya dumating na may malaking hukbo tulad ng inaasahan ng mga Judio sa kanilang Tagapagligtas. Sa halip, dumating Siya na sinasabing, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, … [gawan ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo], at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig” (Mateo 5:44). Siya ay tinanggihan at ipinako sa krus. Ngunit hindi na Siya tatanggihan sa Kanyang Ikalawang Pagparito, “sapagkat bawat tainga ay makaririnig nito, at bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat” na si Jesus ang Cristo (D at T 88:104). Babatiin Siya bilang “Panginoon ng mga panginoon, at Hari ng mga hari” (Apocalipsis 17:14). Siya ay tatawaging “Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).
-
Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang pinag-iisipan ang mga pangyayari sa Ikalawang Pagparito?
Paano Natin Malalaman na Malapit na ang Pagdating ng Tagapagligtas?
Noong isilang si Jesucristo, kakaunti lang ang mga taong nakaalam na dumating na ang Tagapagligtas ng daigdig. Sa muli Niyang pagparito, wala nang magiging pag-aalinlangan kung sino Siya. Walang sinumang nakaaalam sa tumpak na oras ng muling pagparito ng Tagapagligtas. “Tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, . . kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36; tingnan din sa D at T 49:7).
Ang Panginoon ay gumamit ng talinghaga upang bigyan tayo ng ideya tungkol sa oras ng Kanyang pagdating:
“Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang kaniyang talinghaga; pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;
“Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga” (Marcos 13:28–29).
Binigyan din tayo ng Panginoon ng ilang palatandaan upang ipaalam sa atin kung malapit na ang Kanyang pagdating. Pagkatapos ipahayag ang mga palatandaan, Siya ay nagbabala:
“Mangagpuyat nga kayo: sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. …
“… Kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:42, 44).
Para sa karagdagang impormasyon kung paano natin malalaman na malapit na ang Ikalawang Pagparito ni Jesus, tingnan sa kabanata 43 sa aklat na ito.
Paano Tayo Magiging Handa sa Pagparito ng Tagapagligtas?
Ang pinakamabuting paraan upang maging handa tayo sa pagdating ng Tagapagligtas ay sa pagtanggap ng mga turo ng ebanghelyo at gawing bahagi ng ating buhay ang mga ito. Dapat tayong mamuhay nang mabuti sa bawat araw sa abot ng ating makakaya, tulad ng itinuro ni Jesus noong narito Siya sa lupa. Makakaasa tayo sa patnubay ng propeta at sa pagsunod sa kanyang mga payo. Maaari tayong mamuhay nang karapat-dapat upang magabayan tayo ng Espiritu Santo. Sa gayon aasamin natin ang pagparito ng Tagapagligtas nang may kaligayahan at nang walang takot. Sinabi ng Panginoon: “Huwag matakot, munting kawan, ang kaharian ay sa inyo hanggang sa aking pagparito. Masdan, ako ay madaling paparito. Maging gayon nga. Amen” (D at T 35:27).
-
Bakit mas dapat nating isipin ang pagiging handa natin kaysa sa tumpak na oras ng Ikalawang Pagparito?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Juan 14:2–3; Mateo 26:64 (maghahanda si Jesus ng isang lugar at muling paparito)
-
Malakias 3:2–3; 4:1; D at T 64:23–24 (susunugin ang mundo)
-
D at T 133:41–51 (lilipulin ang masasama)
-
Mateo 13:40–43 (ipinropesiya ang Paghuhukom)
-
I Mga Taga Corinto 15:40–42; D at T 76; 88:17–35 (mga kaharian ng kaluwalhatian)
-
D at T 43:29–30; 29:11 (ang pagparito ng Tagapagligtas ang magpapasimula sa Milenyo)
-
Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:10 (maghahari si Jesus)
-
Alma 11:43–44; 40:23 (ipinaliwanag ang Pagkabuhay na Mag-uli)
-
D at T 88:96–98 (babangon ang mga patay)
-
Zacarias 14:9; Apocalipsis 11:15; 1 Nephi 22:24–26 (si Jesus ay mamumuno bilang Hari)