Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 3: Si Jesucristo, ang Ating Piniling Pinuno at Tagapagligtas


Kabanata 3

Si Jesucristo, ang Ating Piniling Pinuno at Tagapagligtas

Cropped portion of Carl Bloch's painting depicting Christ sitting at a table with the two men with whom He walked on the road to Emmaus.

Kailangan ng Isang Tagapagligtas at Pinuno

  • Bakit kinailangan nating lisanin ang piling ng Ama sa Langit? Bakit kailangan natin ang isang Tagapagligtas?

Nang ilahad sa atin ang plano para sa ating kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang, napakasaya natin kaya’t naghiyawan tayo sa galak (tingnan sa Job 38:7).

Naunawaan natin na kailangan nating lisanin sa loob ng ilang panahon ang ating tahanan sa langit. Hindi tayo maninirahan sa piling ng ating Ama sa Langit. Habang malayo tayo sa Kanya, lahat tayo ay magkakasala at ilan sa atin ang maliligaw ng landas. Kilala at mahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Alam Niyang mangangailangan tayo ng tulong, kaya nagplano Siya ng paraan para matulungan tayo.

Kailangan natin ng isang Tagapagligtas para magbayad ng ating mga kasalanan at turuan tayong makabalik sa ating Ama sa Langit. Sabi ng ating Ama, “Sino ang isusugo ko?” (Abraham 3:27). Sabi ni Jesucristo, na tinawag na Jehova, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27; tingnan din sa Moises 4:1–4).

Si Jesus ay handang pumarito sa mundo, ibuwis ang Kanyang buhay para sa atin, at akuin ang ating mga kasalanan. Nais Niya, tulad ng ating Ama sa Langit, na mamili tayo kung susundin natin ang mga utos ng Ama sa Langit. Alam Niya na kailangan tayong maging malaya sa pagpili para mapatunayang karapat-dapat tayo sa kadakilaan. Sabi ni Jesus, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

Lumapit din si Satanas, na tinawag na Lucifer, na sinasabing, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1). Nais tayong piliting lahat ni Satanas na gawin ang kanyang kalooban. Sa kanyang plano, hindi tayo papayagang makapili. Aalisin niya ang kalayaang pumili na ibinigay sa atin ng ating Ama. Gusto ni Satanas na mapasakanya ang lahat ng karangalan para sa ating kaligtasan. Sa kanyang panukala o mungkahi, ang layunin ng ating pagparito sa mundo ay mabibigo (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 237).

Si Jesucristo ang Napiling Maging Ating Pinuno at Tagapagligtas

  • Matapos basahin ang bahaging ito, pag-isipan ang nadarama mo para sa Tagapagligtas.

Matapos marinig na mangusap ang dalawang anak, sinabi ng Ama sa Langit, “Aking isusugo ang una” (Abraham 3:27).

Si Jesucristo ang napili at inorden noon pa man na maging Tagapagligtas natin. Maraming kuwento sa mga banal na kasulatan tungkol dito (tingnan, halimbawa, sa I Ni Pedro 1:19–20; Moises 4:1–2). Ikinuwento sa atin sa isang banal na kasulatan na noong bago isilang si Jesus, nagpakita Siya sa isang propeta ng Aklat ni Mormon na kilala bilang kapatid ni Jared at sinabing: “Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. Masdan, ako si Jesucristo. … Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan” (Eter 3:14).

Nang mabuhay si Jesus sa lupa, itinuro Niya: “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. … Sapagka’t ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa’t nakakakita sa Anak, at sa kaniya’y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw” (Juan 6:38, 40).

Ang Digmaan sa Langit

Dahil pinili ng ating Ama sa Langit si Jesucristo na maging Tagapagligtas natin, nagalit si Satanas at naghimagsik. Nagkaroon ng digmaan sa langit. Nilabanan ni Satanas at ng kanyang mga kampon si Jesucristo at ang Kanyang mga tagasunod. Ang mga tagasunod ng Tagapagligtas ay “dinaig [si Satanas] dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo” (Apocalipsis 12:11).

Sa malaking himagsikang ito, si Satanas at lahat ng espiritung sumunod sa kanya ay pinaalis sa piling ng Diyos at pinalayas sa langit. Ikatlong bahagi ng hukbo ng langit ang pinarusahan sa pagsunod kay Satanas (tingnan sa D at T 29:36). Pinagkaitan sila ng karapatang tumanggap ng mga katawang mortal.

Dahil narito tayo sa lupa at may mga katawang mortal, alam natin na pinili nating sundin si Jesucristo at ang ating Ama sa Langit. Narito rin sa lupa si Satanas at ang kanyang mga kampon, ngunit bilang mga espiritu. Hindi nila nalilimutan kung sino tayo, at nasa paligid natin sila araw-araw, tinutukso at inaakit tayong gumawa ng mga bagay na hindi kasiya-siya sa ating Ama sa Langit. Sa buhay bago tayo isinilang, pinili nating sundin si Jesucristo at tanggapin ang plano ng Diyos. Kailangang patuloy nating sundin si Jesucristo dito sa lupa. Sa pagsunod lamang sa Kanya tayo makababalik sa ating tahanan sa langit.

  • Sa anong mga paraan nagpapatuloy ngayon ang Digmaan sa Langit?

Nasa Atin ang mga Turo ng Tagapagligtas para Sundin

  • Isipin kung paano nakaimpluwensya sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas.

Sa simula pa lamang, inihayag na ni Jesucristo ang ebanghelyo, na nagsasabi kung ano ang dapat nating gawin para makabalik sa ating Ama sa Langit. Sa takdang panahon pumarito Siya Mismo sa lupa. Itinuro Niya ang plano ng kaligtasan at kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang salita at pamumuhay. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan at Kanyang priesthood sa lupa. Inako Niya ang ating mga kasalanan.

Sa pagsunod sa Kanyang mga turo, magmamana tayo ng isang lugar sa kahariang selestiyal. Ginawa Niya ang Kanyang bahagi para tulungan tayong makabalik sa ating tahanan sa langit. Nasasaatin na ngayon kung gagawin natin ang ating bahagi at magiging marapat sa kadakilaan.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan