Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 19: Pagsisisi


Kabanata 19

Pagsisisi

An Hispanic young woman crying.  She is holding a handkerchief.  Tears are rolling down her face.

Tayong Lahat ay Kailangang Magsisi

  • Ano ang kasalanan? Ano ang mga epekto sa atin ng ating mga kasalanan?

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay likas na humahantong sa pagsisisi. Nagkaroon ng pangangailangang magsisi sa mundo mula noong panahon ni Adan hanggang sa ngayon. Inutusan ng Panginoon si Adan, “Dahil dito, ituro ito sa iyong mga anak, na ang lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi, o sila sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon, o makatatahan sa kanyang kinaroroonan” (Moises 6:57).

Pumarito tayo sa lupa upang lumago at umunlad. Ito ay habambuhay na proseso. Sa panahong ito lahat tayo ay nagkakasala (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Lahat tayo ay kailangang magsisi. Kung minsan nagkakasala tayo dahil sa kamangmangan, kung minsan dahil sa ating mga kahinaan, at kung minsan dahil sa kusang pagsuway. Sa Biblia mababasa natin na “walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti, at hindi nagkakasala” (Eclesiastes 7:20) at “kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin” (I Ni Juan 1:8).

Ano ang kasalanan? Sabi ni Santiago, “Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito’y kasalanan sa kaniya” (Santiago 4:17). Inilarawan ni Juan ang kasalanan bilang “lahat ng kalikuan” (I Ni Juan 5:17) at “pagsalangsang sa kautusan” (I Ni Juan 3:4).

Kaya nga sinabi ng Panginoon, “Lahat ng tao, sa lahat ng dako, ay kinakailangang magsisi” (Moises 6:57). Maliban kay Jesucristo, na nabuhay nang sakdal, lahat ng nabuhay sa lupa ay nagkasala. Ang ating Ama sa Langit sa laki ng Kanyang pagmamahal ay inilaan sa atin ang pagkakataong ito upang pagsisihan ang ating mga kasalanan.

Paglaya sa Ating mga Kasalanan sa Pamamagitan ng Pagsisisi

  • Ano ang pagsisisi?

Pagsisisi ang paraang inilaan sa atin para lumaya sa ating mga kasalanan at mapatawad sa mga ito. Pinababagal ng mga kasalanan ang ating espirituwal na pag-unlad at maaari pang pigilin ito. Pinalalago at pinauunlad muli ng pagsisisi ang ating espirituwalidad.

Ang pribilehiyong magsisi ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa paraang hindi natin lubos na maunawaan, pinagbayaran ni Jesus ang ating mga kasalanan. Ganito ang sabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith tungkol dito:

“Dumanas na ako ng sakit, dumanas na kayo ng sakit, at kung minsan ay napakatindi nito; ngunit hindi ko maarok ang sakit … na magiging dahilan para lumabas ang dugo, na parang pawis, sa katawan. Isang bagay iyon na nakakapangilabot, nakakatakot. …

“… Kailanman, walang sinumang taong isinilang sa mundong ito na makakatagal sa bigat ng pasan ng Anak ng Diyos, nang pasanin niya ang mga kasalanan ko at ninyo at ginawang posible na makatakas tayo sa ating mga kasalanan” (Doctrines of Salvation, pinili ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:130–31; nakahilig ang mga titik sa orihinal).

Ang pagsisisi kung minsan ay nangangailangan ng matinding tapang, sobrang lakas, maraming luha, walang humpay na mga panalangin, at walang sawang pagsisikap na ipamuhay ang mga utos ng Panginoon.

Mga Alituntunin ng Pagsisisi

  • Ano ang mga alituntunin ng pagsisisi?

Ipinahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Walang maharlikang daan tungo sa pagsisisi, walang madaling daan tungo sa kapatawaran. Bawat tao ay kailangang sumunod sa iisang paraan maging siya man ay mayaman o mahirap, may pinag-aralan o mangmang, [matangkad] o [pandak], prinsipe o pulubi, hari o karaniwang tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 46; nakahilig ang mga salita sa orihinal).

Dapat Nating Kilalanin ang Ating mga Kasalanan

Para makapagsisi, dapat nating aminin sa ating sarili na nagkasala tayo. Kung hindi natin ito aaminin, hindi tayo makakapagsisi.

Pinayuhan ni Alma ang anak niyang si Corianton, na hindi naging tapat sa kanyang tungkulin bilang misyonero at nakagawa ng mabibigat na kasalanan: “Hayaan na ang iyong mga kasalanan na lamang ang bumagabag sa iyo, sa yaong pangbabagabag na magdadala sa iyo sa pagsisisi. … Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto” (Alma 42:29–30). Pinapayuhan pa tayo sa mga banal na kasulatan na huwag pangatwiranan ang makasalanan nating mga gawi (tingnan sa Lucas 16:15–16).

Hindi natin maitatago ang anumang gawain natin sa buhay mula sa ating sarili o sa Panginoon.

Dapat Tayong Malungkot sa Ating mga Kasalanan

Bukod sa pagkilala sa ating mga kasalanan, dapat ay taos-puso tayong malungkot sa nagawa natin. Dapat tayong mangilabot sa mga kasalanan natin. Dapat nating naising alisin at talikuran ang mga ito. Sabi sa atin ng mga banal na kasulatan, “Lahat ng yaong nagpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at nagnanais na magpabinyag, at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at … tunay na nagsisisi sa lahat ng kanilang kasalanan … ay tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan” (D at T 20:37).

Kailangan Nating Talikuran ang Ating mga Kasalanan

Dapat tayong akayin ng taos-puso nating kalungkutan na talikuran (itigil) ang ating mga kasalanan. Kung may ninakaw tayo, hindi na tayo muling magnanakaw. Kung nagsinungaling tayo, hindi na tayo muling magsisinungaling. Kung nakiapid tayo, titigil na tayo. Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

Kailangan Nating Ipagtapat ang Ating mga Kasalanan

Ang pagtatapat ng ating mga kasalanan ay napakahalaga. Inutusan tayo ng Panginoon na ipagtapat ang ating mga kasalanan. Pinagagaan ng pagtatapat ang mabigat na pasanin ng nagkasala. Nangako ang Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan, at maawain sa yaong mga nagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang may mga mapagpakumbabang puso” (D at T 61:2).

Kailangan nating ipagtapat sa Panginoon ang lahat ng kasalanan natin. Bukod pa rito, dapat nating ipagtapat sa wastong awtoridad ng priesthood ang mabibigat na kasalanan—tulad ng pakikiapid, pakikipagtalik sa hindi asawa, mga relasyong homoseksuwal, pang-aabuso sa asawa o anak, at pagbebenta o paggamit ng mga bawal na gamot—na maaaring makaapekto sa katayuan natin sa Simbahan. Kung nagkasala tayo sa ibang tao, dapat tayong magtapat sa taong nasaktan natin. May ilang di-gaanong mabibigat na kasalanan na walang ibang apektado kundi tayo at ang Panginoon. Ang mga ito ay maaaring ipagtapat nang lihim sa Panginoon.

Kailangan Nating Ituwid ang Ating mga Kasalanan

Bahagi ng pagsisisi ang pagtutuwid. Ibig sabihin dapat nating itama ang anumang maling nagawa natin hangga’t maaari. Halimbawa, dapat ibalik ng isang magnanakaw ang kanyang ninakaw. Dapat ibunyag ng isang sinungaling ang katotohanan. Dapat ipanumbalik ng isang taong nanira ng reputasyon ang magandang pangalan ng taong siniraan niya. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, hindi na babanggitin sa atin ng Diyos ang ating mga kasalanan kapag hinatulan tayo (tingnan sa Ezekiel 33:15–16).

Kailangan Nating Patawarin ang Iba

Isang mahalagang bahagi ng pagsisisi ang patawarin ang mga nagkasala sa atin. Hindi tayo patatawarin ng Panginoon kung hindi lubos na malinis ang ating puso sa lahat ng pagkamuhi, hinanakit, at sama ng loob sa ibang tao (tingnan sa 3 Nephi 13:14–15). “Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan” (D at T 64:9).

Kailangan Nating Sundin ang mga Utos ng Diyos

Para malubos ang ating pagsisisi dapat nating sundin ang mga utos ng Panginoon (tingnan sa D at T 1:32). Hindi tayo lubos na nagsisisi kung hindi tayo nagbabayad ng mga ikapu o hindi natin pinananatiling banal ang araw ng Sabbath o sinusunod ang Word of Wisdom. Hindi tayo nagsisisi kung hindi natin sinusuportahan ang mga awtoridad ng Simbahan at hindi natin minamahal ang Panginoon at ang ating kapwa. Kung hindi tayo nagdarasal at masungit tayo sa iba, tiyak na hindi tayo nagsisisi. Kapag nagsisisi tayo, nagbabago ang buhay natin.

Sabi ni Pangulong Kimball: “Una, nagsisisi ang tao. Matapos magawa ang nararapat, dapat niyang ipamuhay ang mga utos ng Panginoon upang mapanatili ang kanyang [pagkamarapat]. Mahalaga ito upang matamo ang lubos na kapatawaran” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball, 53).

  • Paano naiiba ang mga turo sa bahaging ito sa maling ideya na ang pagsisisi ay pagsasagawa ng isang listahan ng mga simpleng hakbang o paulit-ulit na gawain?

Paano Tayo Natutulungan ng Pagsisisi

  • Sa anong paraan tayo natutulungan ng pagsisisi?

Kapag nagsisi tayo, nagiging lubos na mabisa ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay natin, at pinatatawad ng Panginoon ang ating mga kasalanan. Lumalaya tayo sa pagkaalipin sa ating mga kasalanan, at nagkakaroon ng kagalakan.

Ikinuwento ni Alma ang karanasan niya sa pagsisisi mula sa kanyang makasalanang nakaraan:

“Ang kaluluwa ko’y sinaktan [binagabag] sa pinakamasidhing sakit at giniyagis ng lahat ng aking kasalanan.

“Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan.

“… Naging labis ang aking kasamaan, na ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos ay giniyagis ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na masidhing takot.

“… At ito ay nangyari na, na habang ako’y … sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya … hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako. …

“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit. …

“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!

“… Walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan” (Alma 36:12–14, 17–21).

  • Paano nagdulot ng galak kay Alma ang pagsisisi at pagpapatawad?

Ang mga Panganib ng Pagpapaliban ng Ating Pagsisisi

  • Ano ang ilang posibleng kahinatnan ng pagpapaliban ng ating pagsisisi?

Ipinahayag ng mga propeta na “ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Dapat tayong magsisi ngayon, araw-araw. Pagkagising natin sa umaga, dapat nating suriin ang ating sarili upang malaman kung nasasaatin ang Espiritu ng Diyos. Sa gabi bago matulog, dapat nating gunitain ang ating mga ginawa at sinabi sa maghapon at hilingin sa Panginoon na tulungan tayong matukoy ang mga bagay na kailangan nating pagsisihan. Sa pagsisisi araw-araw at pagpapatawad ng Panginoon sa ating mga kasalanan, daranasin natin ang proseso ng pagiging perpekto sa araw-araw. Tulad ni Alma, maaaring tumamis at sumidhi ang ating kaligayahan at kagalakan.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan