Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 13: Ang Priesthood


Kabanata 13

Ang Priesthood

Two Fijian men administering to a young girl lying in a bed.

Ano ang Priesthood?

Ang priesthood ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood nilikha at pinamamahalaan Niya ang kalangitan at ang lupa. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito nananatiling ganap na maayos ang sansinukob. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito isinasagawa Niya ang Kanyang gawain at kaluwalhatian, na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Ibinibigay ng ating Ama sa Langit ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood sa mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan. Sa pamamagitan ng priesthood nakakakilos sila sa pangalan ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan nito magkakaroon sila ng awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo, pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan, at pamahalaan ang kaharian ng Diyos sa lupa.

  • Pag-isipan ang kahalagahan ng pagtutulot ng Diyos na magtaglay ng Kanyang priesthood ang mga karapat-dapat na matanda at batang lalaki.

Bakit Kailangan Natin ang Priesthood sa Lupa?

Dapat tayong magtaglay ng awtoridad ng priesthood para kumilos sa pangalan ng Diyos kapag nagsasagawa tayo ng mga sagradong ordenansa ng ebanghelyo, tulad ng binyag, kumpirmasyon, pangangasiwa ng sacrament, at kasal sa templo. Kung walang priesthood ang isang lalaki, bagaman maaaring tapat siya, hindi kikilalanin ng Panginoon ang mga ordenansang isinasagawa niya (tingnan sa Mateo 7:21–23; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5). Ang mahahalagang ordenansang ito ay dapat isagawa ng mga lalaking maytaglay ng priesthood sa mundo.

Kailangan ng mga lalaki ang priesthood para mamuno sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at mamahala sa gawain ng Simbahan sa lahat ng panig ng mundo. Noong nabubuhay si Cristo sa lupa, pinili Niya ang Kanyang mga Apostol at inorden sila upang mapamunuan nila ang Kanyang Simbahan. Binigyan Niya sila ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood na kumilos sa Kanyang pangalan. (Tingnan sa Marcos 3:13–15; Juan 15:16.)

Ang isa pang dahilan kaya kailangan sa daigdig ang priesthood ay para maunawaan natin ang kalooban ng Panginoon at maisagawa ang Kanyang mga layunin. Inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang awtorisadong kinatawan ng priesthood sa lupa, ang propeta. Ang propeta, na siyang Pangulo ng Simbahan, ang nagsisilbing tagapagsalita ng Diyos sa lahat ng miyembro ng Simbahan at sa lahat ng tao sa mundo.

  • Bakit mahalagang mayroong wastong awtoridad ang isang lalaki kapag nagsasagawa siya ng ordenansa?

Paano Tinatanggap ng mga Lalaki ang Priesthood?

Naghanda ng maayos na paraan ang Panginoon para maibigay ang Kanyang priesthood sa Kanyang mga anak na lalaki sa lupa. Tumatanggap ng priesthood ang isang karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan sa pamamagitan “ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang Ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).

Sa ganito ring paraan natanggap ng mga lalaki ang priesthood noong araw, maging noong panahon ni Moises: “At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron” (Sa Mga Hebreo 5:4). Tinanggap ni Aaron ang priesthood mula kay Moises, ang kanyang lider ng priesthood (tingnan sa Exodo 28:1). Tanging ang mga maytaglay ng priesthood ang maaaring mag-orden sa iba, at magagawa lang nila ito kapag binigyan sila ng awtoridad ng mga mayhawak ng susi para sa ordenasyong iyon (tingnan sa kabanata 14 sa aklat na ito).

Hindi maaaring bilhin o ipagbili ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. Ni taglayin nila ang awtoridad na ito sa kanilang sarili. Sa Bagong Tipan, mababasa natin ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Simon na nabuhay noong ang mga apostol ni Cristo ang namumuno sa Simbahan. Si Simon ay nagbalik-loob at nabinyagan sa Simbahan. Dahil magaling siyang salamangkero, naniwala ang mga tao na taglay niya ang kapangyarihan ng Diyos. Ngunit walang priesthood si Simon, at alam niya ito.

Alam ni Simon na taglay ng mga Apostol at iba pang mga lider ng priesthood sa Simbahan ang tunay na kapangyarihan ng Diyos. Nakita niya ang paggamit nila ng kanilang priesthood upang gawin ang gawain ng Panginoon, at gusto niyang magkaroon ng kapangyarihang ito. Nag-alok siyang bilhin ang priesthood. (Tingnan sa Mga Gawa 8:9–19.) Ngunit sabi ni Pedro, ang punong Apostol, “Ang iyong salapi’y mapahamak na kasama mo, sapagka’t inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi” (Mga Gawa 8:20).

  • Bakit mahalaga na “sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito [ng priesthood]”?

Paano Wastong Ginagamit ng mga Lalaki ang Priesthood?

Ang priesthood ay dapat gamitin upang pagpalain ang buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit dito sa lupa. Dapat mamuno ang mga maytaglay ng priesthood nang may pagmamahal at kabaitan. Hindi nila dapat pilitin ang kanilang pamilya at ang iba na sumunod sa kanila. Sinabi sa atin ng Panginoon na ang kapangyarihan ng priesthood ay hindi mapamamahalaan maliban sa kabutihan (tingnan sa D at T 121:36). Kapag tinangka nating gamitin ang priesthood upang magpayaman o maging tanyag o para sa iba pang makasariling layunin, “masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon” (D at T 121:37).

Kapag ginamit ng isang lalaki ang priesthood “sa pamamagitan ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41), maraming magagandang bagay siyang magagawa para sa kanyang pamilya at sa iba. Maaari siyang magbinyag, magkumpirma, at mangasiwa ng sacrament kapag binigyan ng awtoridad ng mga taong mayhawak ng mga susi para sa mga ordenansang iyon. Mababasbasan niya ang maysakit. Mabibigyan niya ng mga basbas ng priesthood ang mga miyembro ng kanyang pamilya upang palakasin ang kanilang loob at protektahan sila kapag may espesyal silang mga pangangailangan. Matutulungan din niya ang iba pang mga pamilya sa mga ordenansa at basbas na ito kapag hinilingan siyang gawin ito.

Ginagamit ng mga lalaki ang awtoridad ng priesthood para mamuno sa Simbahan sa mga katungkulang tulad ng branch president, bishop, quorum president, stake president, at mission president. Ang mga lalaki at babaeng may mga tungkulin sa Simbahan bilang mga pinuno at guro ay gumaganap sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood at sa patnubay ng Espiritu Santo.

Anong mga Pagpapala ang Dumarating Kapag Ginagamit Natin nang Wasto ang Priesthood?

Ang Panginoon ay nangako ng mga dakilang pagpapala sa mga matwid na maytaglay ng priesthood na gumagamit ng priesthood para pagpalain ang iba:

“Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:45–46).

Nangako si Pangulong David O. McKay sa bawat lalaking gumagamit ng priesthood sa kabutihan na kanyang “malalaman na tumamis ang kanyang buhay, tumalas ang kanyang pang-unawa upang mabilis na makapagpasiya kung ano ang tama at mali, naging magiliw siya at maawain, subalit malakas at magiting ang kanyang espiritu sa pagtatanggol sa tama; malalaman niyang laging pagmumulan ng kaligayahan ang priesthood—isang balon ng buhay na tubig na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 132).

  • Ano ang ilan sa mga pagpapalang natanggap ninyo sa pamamagitan ng priesthood?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

  • D at T 84; 107 (mga paghahayag tungkol sa priesthood, kabilang na ang sumpa at tipan ng priesthood sa D at T 84:33–40)

  • D at T 20:38–67 (ipinaliwanag ang mga tungkulin ng priesthood)