Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 39: Ang Batas ng Kalinisang-Puri


Kabanata 39

Ang Batas ng Kalinisang-Puri

Holding hands of a newly married couple.

Paalala sa mga Magulang

Ang kabanatang ito ay naglalaman ng ilang bahagi na hindi kayang unawain ng mga batang paslit. Makabubuting hintaying tumuntong sa wastong gulang ang mga bata para maunawaan ang mga seksuwal na relasyon at pag-aanak bago ituro sa kanila ang mga bahaging ito ng kabanata. Sinasabi sa atin ng mga pinuno ng ating Simbahan na responsibilidad ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa pag-aanak (ang proseso ng pagdadalantao at panganganak). Kailangan ding ituro ng mga magulang ang batas ng kalinisang-puri, na ipinaliliwanag sa kabanatang ito.

Maaaring simulan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na magkaroon ng wastong saloobin tungkol sa kanilang katawan habang bata pa sila. Ang tuwiran ngunit magalang na pagsasalita sa mga anak at paggamit ng mga tamang pangalan ng mga bahagi at gawain ng kanilang katawan ay makatutulong sa paglaki nila nang hindi ikinakahiya ang tungkol sa kanilang katawan.

Ang mga bata ay likas na mausisa. Gusto nilang malaman kung paano kumikilos ang kanilang katawan. Gusto nilang malaman kung saan nanggagaling ang mga sanggol. Kung agad-agad at malinaw na sasagutin ng mga magulang ang lahat ng ganitong katanungan upang maunawaan ng mga bata, patuloy na lalapit ang mga bata sa kanilang mga magulang para magtanong. Ngunit kung sasagutin ng mga magulang ang mga tanong sa paraang madarama ng mga bata na sila ay napahiya, tinanggihan, o hindi nasiyahan, malamang na sa ibang tao sila lalapit para magtanong at baka makakuha sila ng mga maling ideya at hindi wastong saloobin.

Gayunman, hindi mainam o kailangan na sabihin kaagad sa mga bata ang lahat ng bagay. Kailangan lamang na ibigay ng mga magulang ang impormasyon na hinihingi nila at mauunawaan. Habang sinasagot ang mga tanong na ito, maaaring ituro ng mga magulang sa mga anak ang kahalagahan ng paggalang sa kanilang katawan at sa katawan ng ibang tao. Dapat turuan ng mga magulang ang mga anak na manamit nang maayos. Dapat nilang iwasto ang mga maling ideya at malalaswang salita na natututuhan ng mga bata mula sa ibang tao.

Kapag nasa wastong edad na ang mga bata at nakauunawa na, dapat tuwiran nang natalakay sa kanila ng mga magulang ang pagkakaroon ng anak. Dapat maunawaan ng mga bata na ang mga kapangyarihang ito ay mabuti at ibinigay sa atin ng Panginoon. Umaasa Siya na gagamitin natin ang mga ito ayon sa itinakda Niyang mga hangganan.

Ang mga batang musmos ay pumaparito sa lupa nang dalisay at inosente mula sa Ama sa Langit. Habang nananalangin ang mga magulang na patnubayan sila, bibigyan sila ng inspirasyon ng Panginoon na turuan ang kanilang mga anak sa tamang panahon at sa tamang paraan.

Ang Kapangyarihan ng Pagkakaroon ng Anak

  • Bakit kailangang ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa pagkakaroon ng anak at kalinisang-puri? Paano nila angkop na magagawa ito?

Iniutos ng Diyos sa bawat nilikha na may buhay na magpakarami ayon sa sariling uri nito (tingnan sa Genesis 1:22). Ang pag-aanak ay bahagi ng Kanyang plano upang ang lahat ng uri ng buhay ay makapagpatuloy sa lupa.

Pagkatapos ay inilagay Niya sina Adan at Eva sa lupa. Kaiba sila sa iba pa Niyang mga nilikha dahil sila ay Kanyang mga espiritung anak. Sa Halamanan ng Eden, ikinasal Niya sina Adan at Eva at inutusang magpakarami at kalatan ang lupa (tingnan sa Genesis 1:28). Gayunman, ang buhay nila ay pamamahalaan ng mga batas ng kagandahang-asal sa halip na sa pamamagitan ng likas na ugali.

Nais ng Diyos na maisilang ang Kanyang mga espiritung anak sa mga pamilya upang mapangalagaan sila nang husto at maturuan. Tayo, tulad nina Adan at Eva, ay maglalaan ng mga katawang pisikal para sa mga espiritung anak na ito. Sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ipinahahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 35602 893). Iniutos ng Diyos sa atin na tanging sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae tayo maaaring magkaroon ng seksuwal na relasyon. Ang kautusang ito ay tinatawag na batas ng kalinisang-puri.

Ang Batas ng Kalinisang-Puri

  • Ano ang batas ng kalinisang-puri?

Magkakaroon lamang tayo ng seksuwal na relasyon sa ating asawa na kasal sa atin ayon sa batas. Walang sinuman, lalaki o babae, ang dapat magkaroon ng seksuwal na relasyon bago ikasal. Pagkatapos ng kasal, sa ating asawa lamang tayo magkakaroon ng seksuwal na relasyon.

Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14). Ang mga Israelita na lumabag sa kautusang ito ay tumanggap ng matinding parusa. Inulit ng Panginoon ang kautusang ito sa mga huling araw (tingnan sa D at T 42:24).

Itinuro sa atin na hindi lamang seksuwal na pagtatalik ang saklaw ng batas ng kalinisang-puri. Ang Unang Panguluhan ay nagbabala sa mga kabataan tungkol sa iba pang mga seksuwal na kasalanan:

“Bago ikasal, huwag gumawa ng anumang pupukaw sa mapupusok na damdaming dapat lamang ipahayag sa pagitan ng mag-asawa. Huwag gawin ang maalab na paghahalikan, pumatong sa isang tao, o hawakan ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng isang tao, may damit man o wala. Huwag pahintulutang gawin iyon sa inyo ng sinuman. Huwag pukawin ang mga damdaming iyon sa sarili ninyong katawan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [polyeto, 2002], 27).

Tulad ng iba pang mga paglabag sa batas ng kalinisang-puri, ang homoseksuwal na pag-uugali ay isang mabigat na kasalanan. Nagsalita ang mga propeta sa mga huling araw tungkol sa mga panganib ng homoseksuwal na pag-uugali at ang pag-aalala ng Simbahan sa mga taong may gayong hangarin o pagnanasa. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Una sa lahat, naniniwala tayo na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos. Naniniwala tayo na ang kasal ay maaaring maging walang hanggan sa pamamagitan ng pagpapairal ng kapangyarihan ng walang hanggang priesthood sa bahay ng Panginoon.

“Itinatanong ng mga tao kung ano ang palagay natin sa mga taong itinuturing ang kanilang sarili na mga bakla at mga tomboy. Ang sagot ko ay mahal natin sila bilang mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos. Maaaring may pagkahilig sila sa mga bagay na malakas makaimpluwensiya at maaaring mahirap pigilin. Ang mga tao ay may pagkahilig kahit paano sa iba’t ibang pagkakataon. Kung paglalabanan nila ang mga pagkahilig na ito, makasusulong sila gaya ng iba pang mga miyembro ng Simbahan. Kung malabag nila ang batas ng kalinisang-puri at ang mga pamantayan ng Simbahan sa kagandahang-asal, sa gayon sila ay mapapasailalim sa disiplina ng Simbahan, katulad din ng iba.

“Nais naming tulungan ang mga taong ito, upang palakasin sila, tulungan sila sa kanilang mga problema at tulungan sila sa kanilang mga paghihirap. Ngunit hindi kami maaaring manahimik na lamang kung nagpapasasa sila sa mga imoral na gawain, kung sinisikap nilang panindigan at ipagtanggol at ipamuhay ang kalagayan na tinatawag nilang kasal ng dalawang taong pareho ang kasarian. Ang pagpapahintulot sa gayon ay maituturing na hindi pagpapahalaga sa pinakaimportante at sagradong pundasyon ng kasal na pinahintulutan ng Diyos at ng pangunahing layunin nito, ang pagkakaroon ng mga pamilya” (sa Conference Report, Okt. 1998, 91; o Liahona, Ene. 1999, 88).

Gusto ni Satanas na Labagin Natin ang Batas ng Kalinisang-Puri

  • Ano ang ilang paraan ng panunukso ni Satanas sa mga tao upang labagin ang batas ng kalinisang-puri?

Plano ni Satanas na linlangin ang marami sa atin hangga’t maaari para mapigilan niya tayo na mamuhay na muli sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang isa sa mga pinakamapanirang bagay na magagawa niya ay ang tuksuhin tayong labagin ang batas ng kalinisang-puri. Siya ay tuso at makapangyarihan. Nais niyang papaniwalain tayo na hindi kasalanan ang labagin ang batas na ito. Maraming tao ang nalinlang na. Kailangang bantayan natin ang ating sarili laban sa masamang impluwensyang ito.

Inaatake ni Satanas ang mga pamantayan ng pagiging disente. Nais niyang maniwala tayo na dahil maganda ang katawan ng tao, ito ay isang bagay na dapat ipangalandakan at ilantad. Nais ng ating Ama sa Langit na takpan natin ang ating katawan upang hindi tayo makahikayat ng masamang kaisipan sa isip ng ibang tao.

Hindi lamang tayo hinihimok ni Satanas na manamit nang mahalay, kundi hinihimok din tayong mag-isip ng malalaswa at masasamang kaisipan. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng mga larawan, pelikula, kuwento, biro, musika, at sayaw na nagpapahiwatig ng malalaswang kilos. Hinihingi ng batas ng kalinisang-puri na maging dalisay ang ating mga kaisipan at ang ating kilos. Itinuro ni propetang Alma na kapag hahatulan na tayo ng Diyos, “ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin; at dito sa nakapanghihilakbot na kalagayan, tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos” (Alma 12:14).

Itinuro ni Jesus, “Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya:

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:27–28).

Nagbabala si Pangulong Gordon B. Hinckley: “Nabubuhay kayo sa mundo ng nakapangingilabot na mga tukso. Ang pornograpiya, kasama ang nakapandidiring karumihan nito, ay bumabalot sa mundo na tulad ng nakapangingilabot at napakalaking alon. Ito ay lason. Huwag itong panoorin o basahin. Wawasakin kayo nito kung gagawin ninyo ito. Aalisin nito ang paggalang ninyo sa inyong sarili. Nanakawin nito ang kakayahan ninyong pahalagahan ang kagandahan ng buhay. Sisirain kayo nito at hihilahin pababa sa putikan ng masasamang kaisipan at malamang ay sa putikan ng masasamang gawain. Layuan ito. Iwasan ito tulad ng pag-iwas sa nakahahawang sakit, dahil nakamamatay din ito. Maging malinis sa isip at sa gawa. Ang Diyos ay naglagay sa inyo, para sa isang layunin, ng banal na simbuyo ng damdamin na maaaring madaling mabuyo ng masama at mapangwasak na intensyon. Kapag bata pa kayo, huwag makipagdeyt sa iisang tao. Kapag tumuntong na kayo sa edad na naiisip na ninyo ang pagpapakasal, iyon na ang panahon para seryosohin ito. Ngunit kayong mga binatilyo na nasa hayskul, hindi ninyo kailangan ito, at gayundin ang mga dalagita” (sa Conference Report, Okt. 1997, 71–72; o Ensign, Nob. 1997, 51).

Kung minsan tinutukso tayo ni Satanas sa pamamagitan ng ating damdamin. Alam niya kapag nalulungkot, naguguluhan, o nanghihina tayo. Pinipili niya ang panahong ito ng kahinaan upang tuksuhin tayo na labagin ang batas ng kalinisang-puri. Mabibigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng lakas upang malampasan ang mga pagsubok na ito nang hindi nasasaktan.

Ikinukuwento ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa isang mabuting binata na nagngangalang Jose na pinagkatiwalaang mabuti ng kanyang amo, na si Potiphar. Ipinabahala ni Potiphar kay Jose ang lahat ng kanyang ari-arian. Pinagnasaan ng asawa ni Potiphar si Jose at tinukso niya itong sipingan siya. Ngunit tinanggihan siya ni Jose at tinakasan siya. (Tingnan sa Genesis 39:1–18.)

Itinuro ni Pablo: “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis” (I Mga Taga Corinto 10:13). Binigyang-diin ni Alma na tayo ay “hindi ma[tu]tukso nang higit sa [ating] makakaya” kapag tayo ay “[nag]pakumbaba ng [ating sarili] sa harapan ng Panginoon, at [n]anawagan sa kanyang banal na pangalan, at nagbantay at patuloy na nanalangin” (Alma 13:28).

  • Paanong magkaugnay ang kahinhinan at kalinisang-puri? Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging disente sa pananamit, pananalita, at pag-uugali?

  • Paano natin mapaglalabanan ang paglaganap at impluwensya ng pornograpiya?

  • Anong mga pangako ang ibinigay sa atin ng Panginoon upang tulungan tayong mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas?

Ang Paglabag sa Batas ng Kalinisang-Puri ay Napakabigat na Kasalanan

Nagdalamhati si propetang Alma dahil nilabag ng isa sa kanyang mga anak ang batas ng kalinisang-puri. Sinabi ni Alma sa anak niyang si Corianton, “Hindi mo ba alam, anak ko, na ang mga bagay na ito ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon; oo, pinakakarumal-dumal sa lahat ng kasalanan maliban sa pagpapadanak ng dugo ng walang malay o sa pagtatatwa sa Espiritu Santo?” (Alma 39:5). Ang kasiraan ng puri ay pangalawa sa pagpatay dahil sa bigat ng kasalanang ito.

Kung lalabagin ng isang lalaki at ng isang babae ang batas ng kalinisang-puri at nagdalantao ang babae, maaari silang matuksong gumawa ng isa pang karumal-dumal na kasalanan: aborsiyon o pagpapalaglag. Bihirang magkaroon ng makatwirang dahilan ang aborsiyon o pagpapalaglag. Sinasabi ng mga pinuno ng Simbahan na may ilang kakaibang kalagayan na maaaring magbigay-katwiran sa aborsiyon o pagpapalaglag, tulad ng kapag ang pagbubuntis ay bunga ng pakikipagtalik sa kamag-anak o ng panggagahasa, kapag ang buhay o kalusugan ng ina ay nalalagay sa panganib ayon sa pagkakasuri ng mapagkakatiwalaang doktor, o kapag natuklasan ng mapagkakatiwalaang doktor na ang sanggol sa sinapupunan ay may matinding depekto kung kaya’t hindi mabubuhay ang sanggol pagkatapos itong maisilang. Ngunit kahit ang mga kalagayang ito ay hindi kaagad nagbibigay-katwiran sa aborsiyon o pagpapalaglag. Dapat lamang isipin ng mga nahaharap sa gayong mga kalagayan ang aborsiyon pagkatapos nilang sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa kanilang lugar at matapos tumanggap ng katibayan sa pamamagitan ng taimtim na panalangin.

“Kapag ang isang lalaki at babae ay nagkaroon ng anak nang hindi kasal, dapat gawin ang lahat upang mahikayat silang magpakasal. Kapag hindi posibleng maging matagumpay ang pag-aasawa dahil sa edad o iba pang situwasyon, ang mga magulang na hindi ikinasal ay dapat payuhan na ipaampon ang bata sa pamamagitan ng LDS Family Services upang matiyak na mabubuklod ang sanggol sa mga magulang na karapat-dapat sa templo” (liham ng Unang Panguluhan, Hunyo 26, 2002, at Hulyo 19, 2002).

Lubhang napakahalaga sa ating Ama sa Langit na sundin ng Kanyang mga anak ang batas ng kalinisang-puri. Ang mga miyembro ng Simbahan na lumalabag sa batas na ito o nang-iimpluwensya sa iba na gawin din ito ay sasailalim sa disiplina ng Simbahan.

Ang mga Lumalabag sa Batas ng Kalinisang-Puri ay Maaaring Mapatawad

Ang kapayapaan ay maaaring dumating sa mga taong lumabag sa batas ng kalinisang-puri. Sinasabi sa atin ng Panginoon, “Kung ang masama ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga palatuntunan, … wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya” (Ezekiel 18:21–22). Ang kapayapaan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng kapatawaran.

Sinabi ni Pangulong Kimball: “Sa bawat kapatawaran ay may kondisyon. … Ang pag-aayuno, ang mga panalangin, ang pagpapakumbaba ay kailangang maging katumbas o higit pa kaysa sa kasalanan. Kailangang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. … Kailangang may mga luha at tunay na pagbabago ng puso. Kailangang may pag-amin ng kasalanan, pagtalikod sa kasamaan, pagtatapat ng kamalian sa hinirang na mga awtoridad ng Panginoon” (The Miracle of Forgiveness [1969], 353).

Sa maraming tao, ang pinakamahirap na bahagi ng pagsisisi ay ang pagtatapat ng kasalanan. Kailangan tayong magtapat hindi lamang sa Panginoon kundi sa taong pinagkasalahan din natin, tulad ng asawa, at sa wastong awtoridad ng priesthood. Ang pinuno ng priesthood (bishop o stake president) ang hahatol sa ating katayuan sa Simbahan. Sinabi ng Panginoon kay Alma, “Kung sinuman ang lalabag sa akin … kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin” (Mosias 26:29).

Ngunit nagbabala si Pangulong Kimball: “Bagaman sagana ang ipinapangakong kapatawaran walang pangako o palatandaan ng kapatawaran sa sinumang kaluluwa na hindi lubusang nagsisisi. … Hindi namin maiwasan ang hindi maging mapilit sa pagpapaalala sa mga tao na hindi sila maaaring magkasala at mapatawad at pagkatapos ay paulit-ulit na magkasala at umasa na paulit-ulit silang patatawarin” (The Miracle of Forgiveness, 353, 360). Ang mga tumanggap ng kapatawaran at pagkatapos ay inulit ang kasalanan ay papananagutin sa mga dati nilang kasalanan (tingnan sa D at T 82:7; Eter 2:15).

Ang mga Sumusunod sa Batas ng Kalinisang-Puri ay Lubos na Pinagpapala

  • Anong mga pagpapala ang natatanggap natin sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri?

Kapag sinusunod natin ang batas ng kalinisang-puri, makapamumuhay tayo nang hindi binabagabag ng konsiyensya o nahihiya. Ang ating buhay at ang buhay ng ating mga anak ay pagpapalain kapag pinananatili nating dalisay at walang-bahid-dungis ang ating sarili sa harap ng Panginoon. Maaaring gayahin ng ating mga anak ang ating halimbawa at sundan ang ating mga hakbang.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan