Kabanata 38
Walang Hanggang Kasal
Ang Kasal ay Inorden ng Diyos
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Sinabi ng Panginoon, “Sinuman ang nagbabawal ng pagkakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao” (D at T 49:15). Sa simula pa, ang kasal ay batas na ng ebanghelyo. Ang mga kasal ay nilayong manatili magpakailanman, hindi lamang sa ating buhay sa mundo.
Sina Adan at Eva ay ikinasal ng Diyos bago pa nagkaroon ng kamatayan sa mundo. Ang kanilang kasal ay walang hanggan. Itinuro nila ang batas ng walang hanggang kasal sa kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang mga anak. Sa paglipas ng mga taon, pumasok ang kasamaan sa puso ng mga tao at ang karapatan na magsagawa ng sagradong ordenansang ito ay inalis sa mundo. Sa pamamagitan ng Panunumbalik ng ebanghelyo, ang walang hanggang kasal ay naipanumbalik sa lupa.
-
Bakit mahalagang malaman na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos?
Ang Walang Hanggang Kasal ay Mahalaga sa Kadakilaan
-
Ano ang doktrina ng Panginoon ukol sa kasal, at paano ito naiiba sa pananaw ng mundo?
Itinuturing ng maraming tao sa daigdig ang kasal bilang isang kaugalian lamang ng lipunan, isang legal na kasunduan sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na mamuhay nang magkasama. Ngunit sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang kasal ay higit pa rito. Ang ating kadakilaan ay nakasalalay sa kasal, pati na ang iba pang mga alituntunin at ordenansa, tulad ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Naniniwala tayo na ang kasal ang pinakasagradong ugnayan na maaaring mamagitan sa isang lalaki at isang babae. Naaapektuhan ng sagradong ugnayang ito ang ating kaligayahan ngayon at sa kawalang-hanggan.
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang batas ng walang hanggang kasal upang maging katulad Niya tayo. Sinabi ng Panginoon:
“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas;
“At upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal];
“At kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo” (D at T 131:1–3).
Ang Walang Hanggang Kasal ay Kailangang Isagawa ng May Angkop na Awtoridad sa Templo
-
Bakit kailangang isagawa ng angkop na awtoridad sa templo ang kasal para maging walang hanggan?
Ang walang hanggang kasal ay kailangang isagawa ng isang taong maytaglay ng kapangyarihang magbuklod. Ipinangako ng Panginoon, “Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng … bago at walang hanggang tipan … sa pamamagitan niya na siyang hinirang, … at kung [sila] ay susunod sa tipan [ng Panginoon], … ito ay … magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig” (D at T 132:19).
Hindi lamang kailangang isagawa ang walang hanggang kasal ng wastong awtoridad ng priesthood, kundi kailangan din itong gawin sa isa sa mga banal na templo ng ating Panginoon. Ang templo lamang ang lugar kung saan maaaring isagawa ang banal na ordenansang ito.
Sa loob ng templo, ang ikakasal na mga Banal sa mga Huling Araw ay lumuluhod sa isa sa mga sagradong altar sa harap ng kanilang pamilya at mga kaibigan na nakatanggap na ng endowment sa templo. Ginagawa nila ang kanilang mga tipan sa kasal sa harap ng Diyos. Sila ay ipinapahayag na mag-asawa sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ito ay ginagawa ng isang maytaglay ng banal na priesthood ng Diyos at binigyan ng awtoridad na magsagawa ng sagradong ordenansang ito. Kumikilos siya ayon sa patnubay ng Panginoon at ipinapangako sa mag-asawa ang mga pagpapala ng kadakilaan. Itinuturo niya sa kanila ang mga bagay na kailangan nilang gawin upang matanggap ang mga pagpapalang ito. Ipinapaalala niya sa kanila na ang lahat ng mga pagpapala ay nakasalalay sa pagsunod sa mga batas ng Diyos.
Kung ikakasal tayo sa isang templo sa anumang awtoridad maliban lang sa priesthood, ang kasal ay para sa buhay na ito lamang. Pagkatapos mamatay, ang mag-asawa ay wala nang karapatan sa isa’t isa o sa kanilang mga anak. Ang walang hanggang kasal ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magpatuloy bilang pamilya pagkatapos ng buhay na ito.
Mga Pakinabang ng Walang Hanggang Kasal
-
Ano ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan?
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay nabubuhay para sa kawalang-hanggan, hindi para sa kasalukuyan lamang. Gayunman, maaari nating matanggap ang mga pagpapala sa buhay na ito bilang bunga ng pagpapakasal nang walang hanggan. Narito ang ilan sa mga pagpapalang iyon:
-
Alam natin na ang ating kasal ay magtatagal magpakailanman. Pansamantala lamang tayong mapaghihiwalay ng kamatayan. Walang anumang makapaghihiwalay sa atin kailanman maliban lang sa ating sariling pagsuway. Tinutulungan tayo ng kaalamang ito na lalo pang magsikap na magkaroon ng maligaya at matagumpay na pag-aasawa.
-
Alam natin na ang mga ugnayan ng ating pamilya ay maaaring magpatuloy hanggang sa kawalang-hanggan. Tinutulungan tayo ng kaalamang ito na maging maingat sa pagtuturo at pagpapalaki ng ating mga anak. Tinutulungan din tayo nito na magpakita ng dagdag na pagtitiyaga at pagmamahal sa kanila. Bunga nito, dapat tayong magkaroon ng mas maligayang tahanan.
-
Dahil ikinasal tayo sa paraan na inorden ng Diyos, may karapatan tayo sa pagbuhos ng Espiritu sa ating pagsasama bilang mag-asawa basta’t nananatili tayong karapat-dapat.
Ang ilan sa mga pagpapalang matatamasa natin sa kawalang-hanggan ay ang sumusunod:
-
Maaari tayong manahanan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal ng Diyos.
-
Maaari tayong maging dakilang tulad ng Diyos at tumanggap ng ganap na kaligayahan.
-
Paano maiimpluwensyahan ng walang hanggang pananaw ang ating damdamin tungkol sa kasal at mga pamilya?
Kailangan Tayong Maghanda para sa Walang Hanggang Kasal
-
Ano ang maaari nating gawin upang matulungan ang mga kabataan na maghanda para sa walang hanggang kasal?
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang pag-aasawa marahil ang pinakamahalaga sa lahat ng desisyon at may pinakamalalaking epekto, dahil may kinalaman ito hindi lamang sa panandaliang kaligayahan, kundi sa kagalakang walang hanggan. Naaapektuhan nito hindi lamang ang mag-asawa, kundi pati ang kanilang pamilya at lalung-lalo na ang kanilang mga anak at mga anak ng kanilang mga anak sa paglipas ng maraming henerasyon. Sa pagpili ng makakasama sa buhay na ito at sa walang hanggan, walang alinlangang kailangang gawin ang pinakamabuting pagpaplano at pag-iisip at pagdarasal at pag-aayuno upang matiyak na sa lahat ng desisyon, hindi dapat magkamali sa isang ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 231).
Walang hanggang kasal ang dapat maging mithiin ng bawat Banal sa mga Huling Araw. Totoo ito kahit sa mga taong ikinasal na nang sibil o sa huwes. Ang paghahanda para sa walang hanggang kasal ay nangangailangan ng masusing pag-iisip at panalangin. Tanging mga miyembro ng Simbahan na namumuhay nang matwid ang pinapayagang pumasok sa templo (tingnan sa D at T 97:15–17). Hindi tayo biglang nagpapasiya lamang isang araw na gusto nating makasal sa templo, at pagkatapos ay papasok sa templo sa araw na iyon at magpapakasal. Kailangan munang masunod natin ang ilang mga kailangan.
Bago tayo makapunta sa templo, kailangan tayong maging aktibo, karapat-dapat na mga miyembro ng Simbahan sa loob ng isang taon o higit pa. Kailangang taglay ng kalalakihan ang Melchizedek Priesthood. Kailangan tayong mainterbyu ng branch president o ng bishop. Kung makikita niyang karapat-dapat tayo, bibigyan niya tayo ng temple recommend. Kung hindi tayo karapat-dapat, papayuhan niya tayo at tutulungan tayong magtakda ng mga mithiin upang maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
Pagkatapos nating matanggap ang recommend mula sa ating bishop o branch president, kailangan tayong mainterbyu ng stake president o ng mission president. Itatanong sa atin ang tulad ng mga sumusunod sa mga interbyu para sa temple recommend:
-
May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo? May matatag na patotoo ka ba sa ipinanumbalik na ebanghelyo?
-
Sinasang-ayunan mo ba ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag? Kinikilala mo ba siya bilang nag-iisang tao sa mundo na may karapatang gamitin ang lahat ng susi ng priesthood?
-
Ipinamumuhay mo ba ang batas ng kalinisang-puri?
-
Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?
-
Sinusunod mo ba ang Word of Wisdom?
-
Matapat ka ba sa mga pakikitungo mo sa ibang tao?
-
Sinisikap mo bang tuparin ang mga ginawa mong tipan, dumadalo sa iyong mga miting sa sacrament at priesthood, at pinananatiling naaayon ang iyong buhay sa mga batas at kautusan ng ebanghelyo?
Kapag kumukuha kayo ng temple recommend, dapat ninyong alalahanin na ang pagpasok sa templo ay sagradong pribilehiyo. Ito ay seryosong hakbang, hindi isang bagay na dapat ipagwalang-bahala.
Kailangang masigasig nating hangaring sundin ang bawat tipan na ginagawa natin sa loob ng templo. Sinabi ng Panginoon na kung tayo ay tunay at tapat, makakapasok tayo sa ating kadakilaan. Magiging katulad tayo ng ating Ama sa Langit. (Tingnan sa D at T 132:19–20). Ang kasal sa templo ay karapat-dapat sa anumang sakripisyo. Ito ay isang paraan ng pagtatamo ng mga walang hanggang pagpapala na hindi kayang sukatin.
-
Ano ang maaari nating gawin upang mahikayat ang mga kabataan na mithiing makasal sa templo? Paano natin sila matutulungan na makapaghanda para dito?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Genesis 1:26–28 (kailangan tayong magpakarami at kalatan ang mundo)
-
Genesis 2:21–24 (ang unang kasal ay isinagawa ng Diyos)
-
Mateo 19:3–8 (ang pinagbuklod ng Diyos)
-
D at T 132 (ang likas na kawalang-hanggan ng batas ng kasal)
-
D at T 42:22–26 (dapat tuparin ang mga sumpang binitiwan sa kasal)
-
Jacob 3:5–7 (dapat maging tapat sa isa’t isa ang mga mag-asawa)