Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 26: Sakripisyo


Kabanata 26

Sakripisyo

Jesus Christ depicted in red and black robes. Christ is talking to a rich young man. Christ has His arms extended as He gestures toward a poorly dressed man and woman. The painting depicts the event wherein Christ was approached by a young man who inquired of Christ what he should do to gain eternal life. Christ instructed him to obey the commandments and to give his wealth to the poor and follow Him. The young man was unable to part with his wealth and went away sorrowfully. (Matthew 19:16-26) (Mark 10:17-27) (Luke 18:18-27)

Ang Kahulugan ng Sakripisyo

Ang ibig sabihin ng sakripisyo ay pagbibigay sa Panginoon ng anumang hilingin Niya sa ating panahon, mga ari-arian natin sa mundo, at ating lakas upang isulong ang Kanyang gawain. Iniutos ng Panginoon, “Hanapin muna ninyo ang kaharian [ng Diyos], at ang kaniyang katuwiran” (Mateo 6:33). Ang kahandaan nating magsakripisyo ay tanda ng ating katapatan sa Diyos. Ang mga tao noon pa man ay palaging sinusubok upang malaman kung uunahin nila ang mga bagay na ukol sa Diyos sa kanilang buhay.

  • Bakit mahalagang magsakripisyo kapag hiniling ng Panginoon nang hindi naghihintay ng anumang kapalit?

Ang Batas ng Pagsasakripisyo ay Isinagawa Noong Unang Panahon

  • Ano ang kahalagahan ng mga sakripisyong isinagawa ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon noong unang panahon?

Mula noong panahon nina Adan at Eva hanggang sa panahon ni Jesucristo ay isinasagawa na ng mga tao ng Panginoon ang batas ng pagsasakripisyo. Iniutos sa kanilang ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan bilang sakripisyo. Ang mga hayop na ito ay kailangang perpekto, walang kapintasan. Ang ordenansa ay ibinigay upang ipaalala sa mga tao na si Jesucristo, ang Panganay na Anak ng Ama, ay darating sa daigdig. Siya ay magiging perpekto sa lahat ng aspeto, at iaalay Niya ang Kanyang sarili bilang sakripisyo para sa ating mga kasalanan. (Tingnan sa Moises 5:5–8.)

Si Jesus ay dumating nga at inialay ang Kanyang sarili bilang sakripisyo, gaya ng itinuro sa mga tao na Kanyang gagawin. Dahil sa Kanyang pagsasakripisyo, ang bawat isa ay maliligtas sa kamatayang pisikal sa pamamagitan ng Pagkabuhay na Mag-uli at lahat ay maaaring maligtas mula sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa kabanata 12 sa aklat na ito).

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo ang naghudyat ng pagwawakas ng mga sakripisyo na may pagpapadanak ng dugo. Ang gayong panlabas na sakripisyo ay pinalitan ng ordenansa ng sacrament. Ang ordenansa ng sacrament ay ibinigay upang ipaalaala sa atin ang dakilang sakripisyo ng Tagapagligtas. Dapat madalas tayong tumanggap ng sacrament. Ipinaaalala sa atin ng mga sagisag ng tinapay at tubig ang katawan ng Tagapagligtas at Kanyang dugo, na ibinuwis Niya para sa atin (tingnan sa kabanata 23 sa aklat na ito).

  • Bakit itinuturing na dakila at huling sakripisyo ang Pagbabayad-sala?

Kailangan pa rin Tayong Magsakripisyo

  • Paano natin ginagawa ang batas ng sakripisyo ngayon?

Kahit winakasan na ang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo, hinihiling pa rin ng Panginoon na magsakripisyo tayo. Ngunit ang hinihiling Niya ngayon ay ibang uri ng pag-aalay. Sabi niya: “Hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo; … at [ang] inyong mga handog na sinusunog ay tatanggalin na. … At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:19–20). Ang ibig sabihin ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” ay naghahandog tayo ng taos-pusong pagdadalamhati para sa ating mga kasalanan habang nagpapakumbaba tayo at pinagsisisihan ang mga ito.

Kailangang Handa Tayong Isakripisyo sa Panginoon ang Lahat ng Mayroon Tayo

  • Bakit handa ang mga tao na magsakripisyo?

Isinulat ni Apostol Pablo na dapat tayong maging buhay na mga hain, banal at katanggap-tanggap sa Diyos (tingnan sa Mga Taga Roma 12:1).

Kung tayo ay magiging buhay na hain, kailangang handa tayong ibigay ang lahat ng bagay na mayroon tayo para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—upang maitayo ang kaharian ng Diyos sa lupa at magsikap upang maitatag ang Sion (tingnan sa 1 Nephi 13:37).

Isang mayaman na batang pinuno ang nagtanong sa Tagapagligtas, “Anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot si Jesus, “Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.” At sinabi ng lalaking mayaman, “Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi Niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Nang marinig ito ng binata, siya ay lubhang nalungkot. Napakayaman niya at ang kanyang puso ay nakalagak sa kanyang kayamanan. (Tingnan sa Lucas 18:18–23; tingnan din ang larawan sa kabanatang ito.)

Ang batang pinuno ay isang mabuting tao. Ngunit nang siya ay subukin, hindi siya handang isakripisyo ang kanyang makamundong ari-arian. Sa kabilang banda, ang mga disipulo ng Panginoon na sina Pedro at Andres ay handang isakripisyo ang lahat para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos. Nang sabihin ni Jesus sa kanila, “Magsisunod kayo, … pagdaka’y iniwan nila ang [kanilang] mga lambat, at nagsisunod sa kaniya” (Mateo 4:19–20).

Tulad ng mga disipulo, maaari nating ialay ang ating mga pang-araw-araw na gawain bilang sakripisyo sa Panginoon. Maaari nating sabihin, “Ang kalooban Ninyo ang masusunod.” Ginawa ito ni Abraham. Nabuhay siya sa lupa bago isilang si Cristo, noong mga panahong ipinag-uutos ang mga pagsasakripisyo at pagsusunog ng alay. Bilang pagsubok sa pananampalataya ni Abraham, iniutos sa kanya ng Panginoon na ialay ang kanyang anak na si Isaac. Si Isaac ang nag-iisang anak nina Abraham at Sara. Ang utos na ialay siya bilang sakripisyo ay lubhang napakasakit para kay Abraham.

Gayunman, siya at si Isaac ay naglakbay nang malayo papunta sa Bundok Moria, kung saan gagawin ang pag-aalay. Naglakbay sila nang tatlong araw. Isipin ang saloobin at kalungkutan ni Abraham. Ang kanyang anak ay isasakripisyo sa Panginoon. Nang marating nila ang Bundok Moria, dala ni Isaac ang panggatong at dala ni Abraham ang apoy at itak sa lugar na pagtatayuan ng altar. Sinabi ni Isaac, “Ama ko … narito ang apoy at ang kahoy: nguni’t saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?” Sumagot si Abraham, “Dios ang maghahanda ng korderong pinaka handog na susunugin, anak ko.” At nagtayo si Abraham ng altar at inayos ang kahoy sa ibabaw nito. Tinalian niya si Isaac at inilagay sa ibabaw ng kahoy. At kinuha niya ang itak para patayin si Isaac. Sa pagkakataong iyon isang anghel ng Panginoon ang pumigil sa kanya, na nagsasabing, “Abraham … huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagka’t talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” (Tingnan sa Genesis 22:1–14.)

Marahil ay labis ang kagalakan ni Abraham nang hindi na niya kinailangang isakripisyo ang kanyang anak. Ngunit mahal na mahal niya ang Panginoon kaya’t handa siyang gawin ang anumang hilingin ng Panginoon.

  • Anong mga halimbawa ng sakripisyo ang napansin ninyo sa buhay ng mga taong kakilala ninyo? Anong mga halimbawa ng sakripisyo ang napansin ninyo sa buhay ng inyong mga ninuno? sa buhay ng mga unang miyembro ng Simbahan? sa buhay ng mga tauhan sa mga banal na kasulatan? Ano ang natutuhan ninyo sa mga halimbawang ito?

Tinutulungan Tayo ng Sakripisyo na Maghandang Mamuhay sa Piling ng Diyos

Tanging sa pagsasakripisyo tayo maaaring maging karapat-dapat na mamuhay sa piling ng Diyos. Tanging sa pagsasakripisyo natin matatamasa ang buhay na walang hanggan. Marami sa mga naunang nabuhay sa atin ang nagsakripisyo ng lahat ng mayroon sila. Kailangang handa tayong gawin din ang gayon upang makamit ang saganang gantimpalang tinatamasa nila.

Maaaring hindi tayo hilingan na isakripisyo ang lahat ng bagay. Ngunit tulad ni Abraham, dapat handa tayong isakripisyo ang lahat upang maging karapat-dapat na mamuhay sa piling ng Diyos.

Ang mga tao ng Panginoon ay palaging nagsasakripisyo nang malaki at sa iba’t ibang paraan. Ang ilan ay dumaranas ng hirap at pangungutya dahil sa ebanghelyo. Ang ilang nagbalik-loob sa Simbahan ay itinakwil ng kanilang mga pamilya. Ang matagal nang mga kaibigan ay nagsilayuan na. Ang ilang miyembro ay nawalan ng trabaho; ang ilan ay namatay. Ngunit batid ng Panginoon ang ating mga sakripisyo; nangako Siya, “Ang bawa’t magiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay” (Mateo 19:29).

Habang umuunlad ang ating patotoo sa ebanghelyo, nakakaya nating gumawa ng mas malalaking sakripisyo sa Panginoon. Pansinin ang mga sakripisyong ginawa sa mga halimbawang ito na hango sa tunay na buhay:

Tinipon ng isang miyembro ng Simbahan sa Germany ang kanyang ikapu sa loob ng maraming taon hanggang sa dumating ang isang may awtoridad ng priesthood at tanggapin ito.

Isang visiting teacher sa Relief Society ang naglingkod sa loob ng 30 taon nang hindi pumapalya sa kanyang tungkulin.

Isang grupo ng mga Banal sa South Africa ang sumakay ng bus sa loob ng tatlong araw, nang nakatayo, para marinig at makita ang propeta ng Panginoon.

Sa isang area conference sa Mexico, natulog ang mga miyembro ng Simbahan sa lupa at nag-ayuno habang ginaganap ang kumperensya. Naubos ang kanilang pera para makarating lang sa kumperensya at walang natira para sa pagkain at matutuluyan.

Ipinagbili ng isang pamilya ang kanilang kotse para malikom ang perang nais nilang iambag sa pondo ng pagtatayo ng templo.

Ipinagbili ng isa pang pamilya ang kanilang tahanan para magkaroon ng perang magagamit sa pagpunta sa templo.

Maraming matatapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang kakaunti lamang ang pera para sa kanilang ikabubuhay, ngunit nagbabayad sila ng kanilang mga ikapu at handog.

Isang lalaki ang nagsakripisyo ng kanyang trabaho dahil tumanggi siyang magtrabaho sa araw ng Linggo.

Sa isang branch, kusang-loob na nag-ukol ng kanilang panahon ang mga kabataan upang maalagaan ang mga batang paslit habang ang mga magulang nila ay tumutulong sa pagtatayo ng meetinghouse.

Pinalalampas ng mga kabataang lalaki at babae ang magagandang pagkakataon na makapagtrabaho, makapag-aral, o ang isports para maglingkod bilang mga misyonero.

Marami pang halimbawa ang maibibigay tungkol sa mga taong nagsasakripisyo para sa Panginoon. Gayunman sulit ang kahit anong sakripisyong gawin natin sa ating panahon, talino, lakas, pera, at buhay sa pagkakaroon ng lugar sa kaharian ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng sakripisyo magkakaroon tayo ng kaalaman mula sa Panginoon na katanggap-tanggap tayo sa Kanya (tingnan sa D at T 97:8).

  • Bakit sa palagay ninyo may kaugnayan ang kahandaan nating magsakripisyo sa kahandaan nating mamuhay sa piling ng Diyos?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

  • Lucas 12:16–34 (kung saan naroon ang kayamanan, naroon din ang puso)

  • Lucas 9:57–62 (magsakripisyo upang maging karapat-dapat sa kaharian)

  • D at T 64:23; 97:12 (ngayon ay araw ng pagsasakripisyo)

  • D at T 98:13–15 (ang mga taong nag-aalay ng kanilang buhay para sa Panginoon ay matatagpuan ito)

  • Alma 24 (isinakripisyo ng mga tao ni Ammon ang kanilang buhay sa halip na sirain ang kanilang tipan sa Panginoon)