Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 8: Pananalangin sa Ating Ama sa Langit


Kabanata 8

Pananalangin sa Ating Ama sa Langit

A woman sitting at a desk with the scriptures open in front of her.  She has her hands clasped and eyes closed in prayer.

Ano ang Panalangin?

Itinuro ni Jesus, “Kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” (3 Nephi 18:19).

Ang panalangin ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang nasasaatin habang narito tayo sa lupa. Sa panalangin maaari nating kausapin ang ating Ama sa Langit at hangarin ang Kanyang patnubay araw-araw.

Ang panalangin ay taimtim at taos-pusong pakikipag-usap sa ating Ama sa Langit. Sa Diyos lamang tayo dapat manalangin at wala nang iba. Hindi tayo nagdarasal sa sinupamang ibang nilalang o anumang gawa ng tao o Diyos (tingnan sa Exodo 20:3–5).

Bakit Tayo Nagdarasal?

Ang panalangin ay naging mahalagang bahagi na ng ebanghelyo sa simula pa lamang ng mundo. Isang anghel ng Panginoon ang nag-utos kina Adan at Eva na magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak (tingnan sa Moises 5:8). Hindi kailanman inalis ang utos na ito. Tutulungan tayo ng panalangin na mapalapit sa Diyos. Lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay naiimpluwensyahan ng ating mga panalangin.

Dapat nating ipagdasal na magkaroon tayo ng lakas na labanan ang mga tukso ni Satanas at ng kanyang mga kampon (tingnan sa 3 Nephi 18:15; D at T 10:5). Dapat tayong manalangin para ipagtapat ang ating mga kasalanan sa Diyos at hingin ang Kanyang kapatawaran (tingnan sa Alma 38:14).

Dapat tayong manalangin para sa patnubay at tulong ng Panginoon sa ating pang-araw-araw na buhay. Kailangan nating ipagdasal ang ating mga pamilya at kaibigan, kapitbahay, pananim at mga alagang hayop, trabaho sa araw-araw, at iba pa nating mga gawain. Dapat nating ipagdasal na protektahan tayo mula sa ating mga kaaway. (Tingnan sa Alma 34:17–27.)

Dapat tayong manalangin para magpahayag ng pagmamahal sa ating Ama sa Langit at lalong mapalapit sa Kanya. Dapat tayong manalangin sa ating Ama para pasalamatan Siya sa ating kapakanan at kaginhawahan at sa lahat ng bagay na ibinibigay Niya sa atin sa bawat araw (tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:18). Kailangan nating ipagdasal na palakasin tayo ng ating Ama sa Langit para maipamuhay ang ebanghelyo.

Dapat tayong manalangin para manatili tayo sa makipot at makitid na landas tungo sa buhay na walang hanggan. Dapat tayong manalangin sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng kabutihan, para maging matwid ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa.

  • Paano kayo natulungan ng panalangin na lalong mapalapit sa Ama sa Langit?

Kailan Tayo Dapat Manalangin?

Maaari tayong manalangin tuwing nadarama natin ang pangangailangang makipag-usap sa ating Ama sa Langit, nang tahimik man o malakas. Kung minsan kailangan nating mapag-isa kung saan maibubuhos natin ang ating kaluluwa sa Kanya (tingnan sa Mateo 6:6). Dagdag pa rito, maaari tayong manalangin habang ginagawa ang araw-araw nating mga gawain. Maaari tayong manalangin habang nasa miting sa Simbahan, nasa bahay, naglalakad sa daan o kalye, nagtatrabaho, naghahanda ng pagkain, o saanman tayo naroon at anuman ang ating ginagawa. Maaari tayong manalangin anumang oras sa araw o gabi. Maaari tayong manalangin kapag nag-iisa tayo o may kasamang ibang tao. Maisasaisip natin ang ating Ama sa Langit sa lahat ng panahon (tingnan sa Alma 34:27). Maaari tayong “manalangin tuwina” (D at T 10:5).

Kung minsan parang ayaw nating manalangin. Maaaring galit tayo o nawawalan ng pag-asa o balisa. Sa ganitong mga pagkakataon dapat lalo nating sikaping manalangin (tingnan sa 2 Nephi 32:8–9).

Dapat manalangin sa sarili ang bawat isa sa atin kahit man lang tuwing gabi at tuwing umaga. Binanggit sa mga banal na kasulatan ang pagdarasal sa umaga, tanghali, at gabi (tingnan sa Alma 34:21).

Inutusan tayong magkaroon ng mga panalangin ng pamilya para pagpalain ang ating mga pamilya (tingnan sa 3 Nephi 18:21). Pinayuhan tayo ng mga lider natin sa Simbahan na manalangin kasama ang pamilya tuwing umaga at gabi.

May pribilehiyo rin tayong manalangin para mapasalamatan at mabasbasan ang pagkain bago kumain.

Sinisimulan at winawakasan natin sa panalangin ang lahat ng miting sa Simbahan. Pinasasalamatan natin ang Panginoon sa Kanyang mga pagpapala at hinihiling ang Kanyang tulong para makasamba tayo sa paraang nakalulugod sa Kanya.

Paano Tayo Dapat Manalangin?

Saanman tayo naroroon, nakatayo man o nakaluhod, malakas man o tahimik, lihim man o para sa isang grupo, dapat tayong manalangin nang may pananampalataya tuwina, “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin” (Moroni 10:4).

Kapag nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit, dapat nating sabihin sa Kanya ang tunay na nadarama ng ating puso, magtapat tayo sa Kanya, hingin ang Kanyang kapatawaran, sumamo sa Kanya, magpasalamat sa Kanya, magpahayag ng ating pagmamahal sa Kanya. Hindi natin dapat ulitin ang walang kabuluhang mga salita at parirala (tingnan sa Mateo 6:7–8). Dapat nating hilingin palagi na mangyari ang Kanyang kalooban, na inaalala na ang hangad natin ay maaaring hindi pinakamabuti para sa atin (tingnan sa 3 Nephi 18:20). Sa katapusan ng ating panalangin, nagwawakas tayo sa pangalan ni Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:19).

Paano Sinasagot ang mga Panalangin?

  • Sa palagay ninyo bakit hindi agad malinaw ang mga sagot sa mga panalangin? Sa palagay ninyo bakit hindi laging dumarating ang mga sagot sa mga panalangin sa panahon o paraang gusto natin?

Laging sinasagot ang taimtim nating mga panalangin. Kung minsan ang sagot ay maaaring hindi, dahil ang hinihiling natin ay hindi pinakamabuti para sa atin. Kung minsan ang sagot ay oo, at mag-aalab at giginhawa ang ating pakiramdam tungkol sa dapat nating gawin (tingnan sa D at T 9:8–9). Kung minsan ang sagot ay “maghintay muna.” Ang ating mga panalangin ay laging sinasagot sa panahon at paraang batid ng Panginoon na lubos na makakatulong sa atin.

Kung minsan sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin sa pamamagitan ng ibang tao. Isang mabuting kaibigan, asawa, magulang o iba pang miyembro ng pamilya, lider ng Simbahan, isang misyonero—sinuman sa mga taong ito ay maaaring mabigyang-inspirasyong gawin ang mga bagay na sasagot sa ating mga panalangin. Isang halimbawa nito ang karanasan ng isang bata pang ina na ang sanggol ay nasugatan sa isang aksidente sa tahanan. Hindi niya alam kung paano dadalhin sa doktor ang sanggol. Baguhan siya sa lugar at hindi niya kilala ang kanyang mga kapitbahay. Nanalangin at humingi ng tulong ang bata pang ina. Sa loob ng ilang minuto, dumating ang isang kapitbahay, na nagsabing, “Nadama kong dapat akong pumunta at tingnan kung kailangan mo ng tulong.” Tinulungan ng kapitbahay na iyon ang bata pang ina na dalhin sa doktor ang sanggol.

Kadalasan ay binibigyan tayo ng Diyos ng kakayahang sagutin ang sarili nating mga panalangin. Kapag nanalangin tayo na matulungan, dapat nating gawin ang lahat para matupad ang mga bagay na hangad natin.

Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo at nanalangin tayo tuwina, magagalak tayo at liligaya. “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10).

  • Sa anong mga paraan nasagot ng Ama sa Langit ang inyong mga panalangin?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Iba Pang Mapagkukunan