Kabanata 34
Pagpapaunlad ng Ating mga Talento
Tayong Lahat ay Magkakaiba ang mga Talento at Kakayahan
Tayong lahat ay may natatanging mga kaloob, talento, at kakayahan na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit. Noong isinilang tayo, taglay na natin ang mga kaloob, talento, at kakayahang ito (tingnan sa kabanata 2 sa aklat na ito).
Si propetang Moises ay isang dakilang pinuno, ngunit kinailangan niya si Aaron, na kanyang kapatid, upang tumulong bilang tagapagsalita (tingnan sa Exodo 4:14–16). Ang ilan sa atin ay mga pinunong tulad ni Moises o mabuting tagapagsalitang tulad ni Aaron. Ang ilan sa atin ay magaling kumanta o magaling tumugtog ng instrumento. Ang iba ay maaaring mahusay sa isports o nakagagawa nang mahusay gamit ang kanilang mga kamay. Ang iba pang talentong maaaring nasa atin ay ang pag-unawa sa iba, pagtitiyaga, pagkamasayahin, o ang kakayahang turuan ang iba.
-
Nakinabang na ba kayo mula sa mga talento ng ibang tao?
Dapat Nating Gamitin at Paunlarin ang Ating mga Talento
-
Paano natin mapapaunlad ang ating mga talento?
Tungkulin nating paunlarin ang mga talentong ibinigay sa atin. Kung minsan iniisip nating wala tayong maraming talento o na biniyayaan ang ibang tao ng mas maraming kakayahan kaysa sa taglay natin. Kung minsan hindi natin ginagamit ang ating mga talento dahil natatakot tayong baka mabigo tayo o mapulaan ng iba. Hindi natin dapat itago ang ating mga talento. Dapat nating gamitin ang mga ito. Sa gayon ay makikita ng iba ang ating mabubuting gawa at luluwalhatiin ang ating Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 5:16).
May ilang bagay tayong kailangang gawin upang mapaunlad ang ating mga talento. Una, kailangan nating tuklasin ang ating mga talento. Dapat nating suriin ang ating sarili upang malaman ang ating mga kalakasan at kakayahan. Matutulungan tayo ng ating pamilya at mga kaibigan sa paggawa nito. Dapat din nating hilingin sa ating Ama sa Langit na tulungan tayong malaman ang tungkol sa ating mga talento.
Pangalawa, kailangang handa tayong mag-ukol ng panahon at pagsisikap upang mapaunlad ang talentong nais natin.
Pangatlo, kailangang manampalataya tayo na tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit, at kailangang manalig tayo sa ating sarili.
Pang-apat, kailangang matutuhan natin ang mga kasanayang kailangan para mapaunlad ang ating mga talento. Maaari nating gawin ito sa pamamagitan ng pag-enrol sa isang klase, pagpapaturo sa isang kaibigan, o pagbabasa ng aklat.
Panglima, kailangan tayong magsanay sa paggamit ng ating talento. Kailangang pagsikapan at pagtrabahuhan ang bawat talento upang mapaunlad ito. Ang kadalubhasaan sa isang talento ay kailangang paghirapan.
Pang-anim, kailangan nating ibahagi ang ating talento sa iba. Sa pamamagitan ng paggamit ng ating mga talento humuhusay ang mga ito (tingnan sa Mateo 25:29).
Mas madali ang lahat ng hakbang na ito kung mananalangin tayo at hihingi ng tulong sa Panginoon. Nais Niyang paunlarin natin ang ating mga talento, at tutulungan Niya tayo.
Mapapaunlad Natin ang Ating mga Talento sa Kabila ng Ating mga Kahinaan
-
Paano natin mapapaunlad ang ating mga talento sa kabila ng ating mga kahinaan?
Dahil tayo ay mortal at nagkakasala, mayroon tayong mga kahinaan. Sa tulong ng Panginoon, ang ating mga kahinaan at pagiging makasalanan ay maaari nating mapagtagumpayan (tingnan sa Eter 12:27, 37). Kinatha ni Beethoven ang kanyang pinakamagandang musika matapos siyang maging bingi. Napagtagumpayan ni Enoc ang kabagalan ng kanyang pagsasalita at naging mahusay na guro (tingnan sa Moises 6:26–47).
Kinailangan munang madaig ng ilang magagaling na mga manlalaro ang kanilang mga kapansanan bago sila nagtagumpay na mapaunlad ang kanilang mga talento. Si Shelly Mann ay isang halimbawa nito. “Sa edad na limang taon siya ay nagkaroon ng polyo. … Araw-araw siyang dinala ng kanyang mga magulang sa swimming pool kung saan umasa sila na makatutulong sa kanya ang tubig upang maiangat ang kanyang mga bisig habang sinisikap niyang gamiting muli ang mga ito. Nang naiaangat na niya ang kanyang mga bisig paahon sa tubig gamit ang sarili niyang lakas, napaluha siya sa galak. Pagkatapos ay minithi niyang languyin ang kalaparan ng pool, pagkatapos ang kahabaan nito, at ang kahabaan nito nang ilang ulit. Patuloy siyang nagsikap, sa paglangoy, nagtiis, araw-araw, hanggang sa mapanalunan niya ang medalyang ginto [sa Olympic] sa langoy na butterfly—isa sa mga pinakamahirap na kampay sa paglangoy” (Marvin J. Ashton, sa Conference Report, Abr. 1975, 127; o Ensign, Mayo 1975, 86).
Nadaig ni Heber J. Grant ang marami sa kanyang mga kahinaan at ginawa itong mga talento. Naging sawikain niya ang mga salitang ito: “Ang pinagsusumikapan nating gawin ay nagiging mas madaling gawin para sa atin; hindi dahil sa nagbago ang likas na katangian niyon, kundi nag-ibayo ang ating kapangyarihang gawin iyon” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 38).
Pagpapalain Tayo ng Panginoon Kung Matalino Nating Gagamitin ang Ating mga Talento
Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ay tumanggap ng ilang talento, at bawat isa ay mahigpit na papananagutin sa tama o maling paggamit nito” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 370). Ang talento ay isang uri ng pangangasiwa (responsibilidad sa kaharian ng Diyos). Sinasabi sa atin ng talinghaga ng mga talento na kapag tayo ay mahusay na naglilingkod sa ating pinangangasiwaan, bibigyan tayo ng mas malalaking pananagutan. Kung hindi tayo maglilingkod nang mahusay, ang ating pinangangasiwaan kalaunan ay babawiin sa atin. (Tingnan sa Mateo 25:14–30.)
Sinasabi rin sa atin sa mga banal na kasulatan na hahatulan tayo batay sa ating mga gawa (tingnan sa Mateo 16:27). Sa pamamagitan ng pagpapaunlad at paggamit ng ating mga talento para sa ibang tao, tayo ay gumagawa ng mabubuting gawa.
Nasisiyahan ang Panginoon kapag matalino nating ginagamit ang ating mga talento. Pagpapalain Niya tayo kung gagamitin natin ang ating mga talento para sa kapakanan ng ibang tao at upang itayo ang Kanyang kaharian dito sa lupa. Ang ilan sa mga pagpapalang natatamo natin ay ang kagalakan at pagmamahal sa paglilingkod sa ating mga kapatid dito sa lupa. Natututuhan din nating kontrolin ang ating sarili. Ang lahat ng ito ay kailangan upang maging karapat-dapat tayong mamuhay na muli sa piling ng ating Ama sa Langit.
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga taong napagbuti ang kanilang mga talento dahil matalino nilang ginamit ang mga ito? (Isipin ang mga taong kilala ninyo o ang mga tao sa mga banal na kasulatan o sa kasaysayan ng Simbahan.)
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Santiago 1:17 (ang mga kaloob ay mula sa Diyos)
-
D at T 46:8–11; I Kay Timoteo 4:14 (hangarin at paunlarin ang mga kaloob)
-
II Mga Taga Corinto 12:9 (ang mahihinang bagay ay pinalalakas)
-
Apocalipsis 20:13; 1 Nephi 15:33; D at T 19:3 (hahatulan ayon sa ating mga gawa)
-
Sa Mga Hebreo 13:21 (magpakita ng mabubuting gawa)