Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 25: Pag-aayuno


Kabanata 25

Pag-aayuno

A Fijian man in an outdoor setting.  He is holding a copy of the scriptures and has his eyes closed in prayer.

Paano ang Wastong Pag-aayuno

  • Ano ang maaari nating gawin upang maging kasiya-siyang karanasan ang pag-aayuno?

Simula noong panahon ni Adan, ang mga tao ng Diyos ay nag-ayuno upang matulungan silang lumapit sa Kanya at upang sambahin Siya. Ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pag-aayuno sa pamamagitan ng Kanyang sariling halimbawa (tingnan sa Lucas 4:1–4). Sa pamamagitan ng paghahayag sa mga huling araw nalaman natin na inaasahan pa rin ng Panginoon na mag-aayuno at mananalangin nang madalas ang Kanyang mga tao (tingnan sa D at T 88:76).

Ang ibig sabihin ng pag-aayuno ay hindi pagkain at pag-inom. Ang paminsan-minsang pag-aayuno ay mabuti para sa ating katawan at tumutulong upang maging mas matalas ang ating isipan.

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na ang pag-aayunong may layunin ay higit pa sa hindi pagkain at pag-inom. Kailangan din nating pag-isipang mabuti ang espirituwal na mga bagay.

Dapat Tayong Manalangin Kapag Nag-aayuno Tayo

Ang panalangin ay mahalagang bahagi ng pag-aayuno. Sa kabuuan ng mga banal na kasulatan, ang panalangin at pag-aayuno ay magkasamang binabanggit. Ang ating pag-aayuno ay dapat may kasamang taos-pusong panalangin, at dapat nating simulan at tapusin ang ating pag-aayuno sa panalangin.

Dapat Tayong Mag-ayuno nang may Layunin

Maaaring magkaroon ng maraming layunin ang pag-aayuno. Maaari nating madaig ang mga kahinaan o problema sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Kung minsan maaari nating naising mag-ayuno at manalangin para humingi ng tulong o patnubay para sa iba, tulad sa isang kapamilya na maysakit at nangangailangan ng basbas (tingnan sa Mosias 27:22–23). Sa pag-aayuno maaari nating malaman ang katotohanan ng mga bagay tulad ni propetang Alma sa Aklat ni Mormon. Sabi niya: “Ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin” (Alma 5:46).

Maaari tayong mag-ayuno para tulungan ang iba na tanggapin ang katotohanan. Ang pag-aayuno ay makatutulong para maalo tayo sa panahon ng kalungkutan at pagdadalamhati (tingnan sa Alma 28:4–6). Ang pag-aayuno ay makatutulong sa atin na maging mapagpakumbaba at mas mapalapit sa ating Ama sa Langit (tingnan sa Helaman 3:35).

Ang ating layunin sa pag-aayuno ay hindi dapat para pahangain ang iba. Ipinayo ng Panginoon:

“Bukod dito, pagka kayo’y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka’t kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila’y nangagaayuno.

“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.

“Datapuwa’t ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha; upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno” (Mateo 6:16–18).

Dapat tayong maging masaya kapag nag-aayuno at huwag ipamalita sa iba ang ating pag-aayuno.

  • Paano naiimpluwensyahan ng ating saloobin ang ating karanasan sa pag-aayuno?

Ang Araw ng Ayuno

Isang araw ng Linggo bawat buwan ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may araw ng ayuno. Sa araw na ito hindi tayo kumakain ni umiinom sa dalawang magkasunod na kainan. Kung maghahapunan tayo sa araw ng Sabado, hindi tayo dapat kumain o uminom hanggang sa hapunan ng araw ng Linggo.

Lahat ng miyembro na malusog ang pangangatawan ay dapat mag-ayuno. Dapat nating hikayatin ang ating mga anak na mag-ayuno matapos silang mabinyagan, ngunit hindi natin sila dapat pilitin. Ang araw ng ayuno ay espesyal na araw para magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon sa pag-aayuno at panalangin. Ito ay araw upang idalangin ang kapatawaran ng ating mga kasalanan at magkaroon ng kapangyarihang madaig ang ating mga kamalian at mapatawad ang iba.

Sa Linggo ng ayuno, ang mga miyembro ng Simbahan ay sama-samang nagpupulong at tumatanggap ng sacrament. Pinatatatag nila ang kanilang sarili at ang bawat isa sa pagbabahagi ng patotoo sa pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo.

  • Paano kayo nakinabang sa pagbabahagi ng inyong patotoo sa pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo? Paano kayo nakinabang sa pakikinig sa ibinahaging patotoo ng iba?

Mga Handog-Ayuno

  • Bakit tayo nagbibigay ng mga handog-ayuno?

Sa pag-aayuno natin bawat buwan, hinihiling ng Panginoon na tulungan natin ang mga nangangailangan. Ang isang paraan ng paggawa nito ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa wastong awtoridad ng priesthood ng perang gagastusin sana natin sa dalawang kainan. Dapat tayong magbigay nang sagana hangga’t maaari. Sa pamamagitan ng ating mga handog-ayuno nagiging mga katuwang tayo ng Panginoon sa pangangasiwa sa mga pangangailangan ng kapuspalad nating mga kapatid.

Tayo ay Pinagpapala Kapag Nag-aayuno Tayo

  • Anong mga pagpapala ang matatanggap natin kapag wasto ang ating pag-aayuno?

Isinulat ni Isaias, isang propeta sa Matandang Tipan, ang maraming pangako ng Panginoon sa mga nag-aayuno at tumutulong sa mga nangangailangan. Tayo ay pinangakuan ng kapayapaan, ibayong kalusugan, at espirituwal na patnubay. Sinasabi sa atin ni Isaias ang mga pagpapalang dumarating kapag nag-aayuno tayo: “Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod. Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako” (Isaias 58:8–9).

Pinabubuti ng pag-aayuno ang ating buhay at binibigyan tayo ng karagdagang lakas. Tinutulungan tayo nito na ipamuhay ang iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ito ang naglalapit sa atin sa Panginoon.

Ang Pag-aayuno ay Nagtuturo ng Pagpipigil sa Sarili

Tinutulungan tayo ng pag-aayuno na palakasin ang ating pagkatao. Kapag wasto ang ating pag-aayuno, matututuhan nating pigilin ang ating mga hilig at silakbo ng damdamin. Tayo ay nagiging mas malakas dahil napatunayan natin sa ating sarili na kaya nating pigilan ang ating sarili. Kung tuturuan natin ang ating mga anak na mag-ayuno, magkakaroon sila ng espirituwal na kalakasan upang madaig ang mas malalaking tukso kalaunan sa kanilang buhay.

Ang Pag-aayuno ay Nagbibigay sa Atin ng Espirituwal na Kapangyarihan

Kapag nag-ayuno tayo nang buong talino at may panalangin, pinauunlad natin ang ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalatayang iyan magkakaroon tayo ng mas malakas na espirituwal na kapangyarihan. Halimbawa, ikinuwento ni Alma (isang propeta sa Aklat ni Mormon) ang muling pagkikita nila ng mga anak ni Mosias makalipas ang maraming taon matapos ang kanilang mahimalang pagbabalik-loob. Nakadama siya ng labis na kagalakan nang malaman niya na pinalakas nila ang kanilang pananampalataya at nagkaroon ng malakas na espirituwal na kapangyarihan. Nagkaroon sila ng ganitong kapangyarihan dahil “itinuon nila ang kanilang mga sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag” (Alma 17:3).

Ang mga anak ni Mosias ay 14 na taon nang nangangaral noon sa mga Lamanita. Dahil nag-ayuno at nanalangin ang mga anak ni Mosias, pinalakas ng Espiritu ng Panginoon ang kapangyarihan ng kanilang mga salita. Ito ang nagbigay sa kanila ng malaking tagumpay sa kanilang gawaing misyonero. (Tingnan sa Alma 17:4.)

Sinabi ng Tagapagligtas sa mga nag-aayuno sa wastong paraan, “Ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka” (Mateo 6:18).

  • Paano madaragdagan ng pag-aayuno ang ating espirituwal na kapangyarihang labanan ang mga tukso? tumanggap ng paghahayag? gumawa ng mabuti?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan