Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 1: Ang Ating Ama sa Langit


Kabanata 1

Ang Ating Ama sa Langit

Hubble image of the galaxy

Mayroong Diyos

  • Ano ang ilang bagay na nagpapatunay sa inyo na mayroong Diyos?

Isinulat ni Alma, isang propeta sa Aklat ni Mormon, “Lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha” (Alma 30:44). Makakatingala tayo sa langit sa gabi at magkakaroon ng ideya sa ibig sabihin ni Alma. Milyun-milyon ang mga bituin at planeta, lahat ay nasa perpektong kaayusan. Hindi sila inilagay roon ng pagkakataon. Nakikita natin ang gawa ng Diyos sa kalangitan at sa lupa. Ang maraming magagandang halaman, iba’t ibang uri ng mga hayop, bundok, ilog, at ulap na nagdudulot sa atin ng ulan at niyebe—lahat ng ito ay nagpapatunay sa atin na may Diyos.

Itinuro sa atin ng mga propeta na ang Diyos ang Makapangyarihang Pinuno ng sansinukob. Ang Diyos ay nakatira sa langit (tingnan sa D at T 20:17). Sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, nilikha Niya ang langit at lupa at lahat ng bagay na naroon (tingnan sa 3 Nephi 9:15; Moises 2:1). Nilikha Niya ang buwan, mga bituin, at ang araw. Binuo Niya ang mundong ito at binigyan ito ng anyo, galaw, at buhay. Pinuno Niya ang himpapawid at tubig ng mga bagay na may buhay. Pinuno Niya ang mga burol at kapatagan ng lahat ng uri ng hayop. Ibinigay Niya sa atin ang araw at gabi, tag-init at taglamig, panahon ng pagtatanim at pag-ani. Nilalang Niya ang tao sa sarili Niyang larawan upang mamahala sa iba pa Niyang mga nilalang (tingnan sa Genesis 1:26–27).

Ang Diyos ang Kataas-taasan at Ganap na Nilalang na ating pinaniniwalaan at sinasamba. Siya ang “Dakilang Magulang ng sansinukob,” at Siya ay “nakatunghay sa buong sangkatauhan nang may pagmamahal at pagmamalasakit ng isang ama” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 45).

Ang Likas na Katangian ng Diyos

  • Ano ang ilang katangian ng Diyos?

Dahil nilikha tayo sa Kanyang larawan (tingnan sa Moises 2:26; 6:9), alam natin na ang ating katawan ay katulad ng Kanyang katawan. Ang Kanyang walang hanggang espiritu ay nasa loob ng isang katawang nahahawakan na may laman at mga buto (tingnan sa D at T 130:22). Gayunman, ang katawan ng Diyos ay perpekto at niluwalhati, na may kaluwalhatiang hindi kayang ipaliwanag.

Ang Diyos ay perpekto. Siya ay Diyos ng kabutihan, na may mga katangiang tulad ng pag-ibig, awa, pag-ibig sa kapwa, katotohanan, kapangyarihan, pananampalataya, kaalaman, at paghatol. Nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan. Alam Niya ang lahat ng bagay. Siya ay puspos ng kabutihan.

Lahat ng mabubuting bagay ay mula sa Diyos. Lahat ng ginagawa Niya ay para tulungan ang Kanyang mga anak na maging katulad Niya. Sabi Niya, “Masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

  • Bakit mahalagang maunawaan natin ang likas na katangian ng Diyos?

Pagkilala sa Diyos

  • Paano natin makikilala ang Diyos?

Napakahalagang makilala ang Diyos kaya sinabi ng Tagapagligtas, “Ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3).

Ang una at pinakadakilang utos ay “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios [na]ng buong puso mo” (Mateo 22:37).

Kapag higit nating kilala ang Diyos, higit natin Siyang minamahal at sinusunod ang Kanyang mga utos (tingnan sa I Ni Juan 2:3–5). Sa pagsunod sa Kanyang mga utos magiging katulad Niya tayo.

Makikilala natin ang Diyos kung tayo ay:

  1. Maniniwala na Siya ay buhay at mahal Niya tayo (tingnan sa Mosias 4:9).

  2. Mag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan sa II Kay Timoteo 3:14–17).

  3. Magdarasal sa Kanya (tingnan sa Santiago 1:5).

  4. Susunod sa lahat ng Kanyang utos sa abot ng ating makakaya (tingnan sa Juan 14:21–23).

Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, makikilala natin ang Diyos at magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan sa huli.

  • Isiping mabuti kung ano ang magagawa ninyo para mas mapalapit sa Diyos.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan