Kabanata 4
Kalayaang Pumili
Ang Kalayaan ay Isang Walang Hanggang Alituntunin
-
Kung may magtanong sa inyo kung bakit mahalagang magkaroon ng kalayaan, ano ang sasabihin ninyo?
“Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo” (Moises 3:17).
Sinabi sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na malaya tayong mamili sa pagitan ng mabuti at masama. Maaari nating piliin ang kalayaan at buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo. Malaya rin tayong piliin ang pagkabihag at kamatayan sa pamamagitan ng pagsunod kay Satanas. (Tingnan sa 2 Nephi 2:27.) Ang karapatang pumili sa pagitan ng mabuti at masama at kumilos para sa ating sarili ay tinatawag na kalayaan.
Sa buhay bago tayo isinilang mayroon tayong kalayaang moral. Ang isang layunin ng buhay sa lupa ay ipakita kung ano ang ating mga pipiliin (tingnan sa 2 Nephi 2:15–16). Kung napilitan tayong piliin ang tama, hindi natin maipapakita kung ano ang pipiliin natin para sa ating sarili. Gayundin, mas masaya tayong gawin ang mga bagay-bagay kapag tayo mismo ang nagpasiya.
Kalayaan ang isa sa pinakamahahalagang usaping tinalakay sa Kapulungan sa Langit. Isa ito sa mga pangunahing dahilan ng alitan sa pagitan ng mga tagasunod ni Cristo at ng mga tagasunod ni Satanas. Sabi ni Satanas, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, at tiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1). Sa pagsasabi nito, siya ay “naghimagsik laban sa [Diyos] at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Tinanggihan ang kanyang alok, at pinalayas siya sa langit kasama ang kanyang mga kampon (tingnan sa D at T 29:36–37).
Ang Kalayaan ay Mahalagang Bahagi ng Plano ng Kaligtasan
Kalayaan ang nagbigay-daan para maging panahon ng pagsubok ang ating buhay sa lupa. Nang planuhin ang paglikha ng Kanyang mga anak sa lupa, sinabi ng Diyos, “Susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Kung wala ang kaloob na kalayaan, hindi sana natin maipapakita sa ating Ama sa Langit kung gagawin natin ang lahat ng ipinag-utos Niya sa atin. Dahil nakakapili tayo, tayo ang mananagot sa ating mga kilos (tingnan sa Helaman 14:30–31).
Kapag pinipili nating mamuhay ayon sa plano ng Diyos para sa atin, lalong tumatatag ang ating kalayaan. Ang mga tamang pagpili ay nakadaragdag sa kakayahan nating gumawa ng marami pang tamang mga pasiya.
Kapag sinusunod natin ang bawat utos ng ating Ama, nadaragdagan ang ating karunungan at tumitibay ang ating pagkatao. Lumalago ang ating pananampalataya. Mas madali tayong nakakagawa ng mga tamang pasiya.
Nagsimula tayong magpasiya bilang mga espiritung anak sa piling ng ating Ama sa Langit. Dahil sa mga pasiya natin doon kaya naging karapat-dapat tayong pumarito sa lupa. Nais ng ating Ama sa Langit na lumago ang ating pananampalataya, kakayahan, kaalaman, karunungan, at lahat ng iba pang mabubuting katangian. Kung susundin natin ang Kanyang mga utos at gagawa tayo ng mga tamang pasiya, matututo tayo at makauunawa. Tayo ay magiging katulad Niya. (Tingnan sa D at T 93:28.)
-
Paano nakakatulong sa atin ang mga tamang pagpapasiya sa paggawa ng iba pang mga tamang pasiya?
Kailangan sa Kalayaan na May Mapagpilian
-
Bakit kailangan ang oposisyon o pagsalungat?
Hindi natin mapipili ang kabutihan maliban kung iharap sa atin ang mga kasalungat ng mabuti at masama. Sinabi ni Lehi, isang dakilang propeta sa Aklat ni Mormon, sa anak niyang si Jacob na para maisakatuparan ang mga walang hanggang layunin ng Diyos, dapat ay may “pagsalungat sa lahat ng bagay. Kung hindi, … ang kabutihan ay hindi mangyayari, ni ang kasamaan, ni ang kabanalan o kalungkutan, ni mabuti o masama” (2 Nephi 2:11).
Tinutulutan ng Diyos si Satanas na salungatin ang mabuti. Sabi ng Diyos tungkol kay Satanas:
“Aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:3–4).
Ginagawa ni Satanas ang lahat ng makakaya niya para wasakin ang gawain ng Diyos. Hangad niya “ang kalungkutan ng buong sangkatauhan. … Hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:18, 27). Hindi niya tayo mahal. Ayaw niya ng anumang mabuting bagay para sa atin (tingnan sa Moroni 7:17). Ayaw niya tayong lumigaya. Nais niya tayong gawing mga alipin niya. Gumagamit siya ng maraming pagbabalatkayo para alipinin tayo.
Kapag nagpapatukso tayo kay Satanas, nililimitahan natin ang ating mga pagpipilian. Ipinaliliwanag ng sumusunod na halimbawa kung paano nangyayari ito. Kunwari nakakita ka ng isang karatula sa baybay-dagat na ganito ang nakasaad: “Mapanganib—may uliuli [whirlpool]. Bawal lumangoy dito.” Maiisip natin na iyon ay restriksyon. Pero gayon nga kaya? Marami pa tayong pagpipilian. Malaya tayong lumangoy sa ibang lugar. Malaya tayong maglakad-lakad sa dalampasigan at mamulot ng mga kabibe. Malaya tayong panoorin ang paglubog ng araw. Malaya tayong umuwi. Malaya rin tayong balewalain ang karatula at lumangoy sa mapanganib na lugar. Ngunit sa sandaling mahigop tayo ng uliuli at mahila sa ilalim, kakaunti ang ating pagpipilian. Maaari nating subukang makahulagpos, o tumawag ng saklolo, pero maaari tayong malunod.
Kahit malaya tayong piliin ang ating gagawin, hindi naman tayo malayang piliin ang mga ibubunga niyon. Ang mga bunga, mabuti man o masama, ay resulta ng anumang pagpiling ginagawa natin (tingnan sa Mga Taga Galacia 6:7; Apocalipsis 22:12).
Nasabi na sa atin ng Ama sa Langit kung paano takasan ang pambibihag ni Satanas. Dapat tayong mag-ingat at manalangin tuwina, na humihiling sa Diyos na tulungan tayong mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas (tingnan sa 3 Nephi 18:15). Hindi tayo tutulutan ng ating Ama sa Langit na matukso nang higit sa makakaya natin (tingnan sa I Mga Taga Corinto 10:13; Alma 13:28).
Inilalayo tayo sa panganib ng mga utos ng Diyos at inaakay tungo sa buhay na walang hanggan. Sa matalinong pagpapasiya, magtatamo tayo ng kadakilaan, uunlad nang walang hanggan, at magtatamasa ng lubos na kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:27–28).
-
Ano ang ilang halimbawa ng mga gawaing naglilimita sa ating mga pagpipilian? Ano ang ilang halimbawa ng mga gawaing nagbibigay sa atin ng higit na kalayaan?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Moises 7:32 (kalayaang pumili)
-
Abraham 3:24–25 (ang buhay sa lupa ay isang pagsubok)
-
Alma 41:3; Moroni 7:5–6 (hahatulan ang mga gawa)
-
2 Nephi 2:11–16 (kailangan ang pagsalungat)
-
Moroni 7:12–17 (pagpili ng mabuti at masama)
-
II Ni Pedro 2:19; Juan 8:34 (ang kasalanan ay pagkaalipin)
-
2 Nephi 2:28–29; Alma 40:12–13 (gantimpala ayon sa mga gawa)