Kabanata 12
Ang Pagbabayad-sala
Ang Pagbabayad-sala ay Kailangan para sa Ating Kaligtasan
-
Bakit kailangan ang Pagbabayad-sala para sa ating kaligtasan?
Si Jesucristo ay “pumarito sa daigdig … upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan; na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas” (D at T 76:41–42). Ang dakilang sakripisyong ginawa Niya para bayaran ang ating mga kasalanan at madaig ang kamatayan ay tinatawag na Pagbabayad-sala. Ito ang pinakamahalagang pangyayaring naganap sa kasaysayan ng sangkatauhan: “Sapagkat kinakailangan na ang pagbabayad-sala ay maisagawa; sapagkat ayon sa dakilang plano ng Diyos na Walang Hanggan, kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi; … oo, lahat ay nahulog at nangaligaw, at tiyak na masasawi maliban sa pamamagitan ng pagbabayad-sala” (Alma 34:9).
Ang Pagkahulog ni Adan ay nagdulot ng dalawang uri ng kamatayan sa mundo: pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan. Ang pisikal na kamatayan ay paghihiwalay ng katawan at espiritu. Ang espirituwal na kamatayan ay pagkawalay sa Diyos. Kung hindi nadaig ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang dalawang uring ito ng kamatayan, dalawa sana ang kinahinatnan nito: magkahiwalay ang ating mga katawan at espiritu magpakailanman, at hindi na natin muling makakapiling ang ating Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 9:7–9).
Ngunit naghanda ng napakaganda at maawaing plano ang ating matalinong Ama sa Langit para iligtas tayo sa pisikal at espirituwal na kamatayan. Nagplano Siyang paparituhin sa lupa ang isang Tagapagligtas para tubusin tayo sa ating mga kasalanan at sa kamatayan. Dahil sa ating mga kasalanan at kahinaan ng ating mga mortal na katawan, hindi natin kayang tubusin ang ating sarili (tingnan sa Alma 34:10–12). Ang magiging Tagapagligtas natin ay kailangang walang kasalanan at may kapangyarihang daigin ang kamatayan.
Si Jesucristo Lamang ang Makapagbabayad para sa Ating mga Kasalanan
-
Bakit si Jesucristo lamang ang makapagbabayad para sa ating mga kasalanan?
May ilang dahilan kung bakit si Jesucristo lamang ang maaaring maging Tagapagligtas natin. Ang isang dahilan ay Siya ang pinili ng Ama sa Langit na maging Tagapagligtas. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos at dahil dito ay may kapangyarihang daigin ang kamatayan. Ipinaliwanag ni Jesus: “Ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. Sinoma’y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli” (Juan 10:17–18).
Karapat-dapat ding maging Tagapagligtas natin si Jesus dahil Siya lamang ang nabuhay sa mundo na hindi nagkasala. Dahil dito Siya ang nararapat isakripisyo para mabayaran ang mga kasalanan ng iba.
Si Cristo ay Nagdusa at Namatay para Mabayaran ang Ating mga Kasalanan
-
Habang binabasa mo ang bahaging ito, kunwari ikaw ay nasa Halamanan ng Getsemani o sa krus bilang saksi sa pagdurusa ni Jesucristo.
Binayaran ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagdurusa sa Getsemani at pagbubuwis ng Kanyang buhay sa krus. Imposibleng lubos nating maunawaan kung paano Siya nagdusa para sa lahat ng ating kasalanan. Sa Halamanan ng Getsemani, ang bigat ng ating mga kasalanan ang dahilan ng pagdanas Niya ng gayon katinding pagdurusa kaya lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang balat (tingnan sa D at T 19:18–19). Kalaunan, habang nakapako Siya sa Krus, dumanas ng masakit na kamatayan si Jesus sa isa sa mga pinakamalupit na pamamaraang alam ng tao.
Mahal na mahal tayo ni Jesus, kaya Niya tiniis ang gayong espirituwal at pisikal na paghihirap para sa ating kapakanan! Napakalaki ng pagmamahal ng Ama sa Langit kung kaya’t isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para magdusa at mamatay para sa iba pa Niyang mga anak. “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ay Nagdudulot ng Pagkabuhay na Mag-uli sa Lahat
Sa ikatlong araw matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, ibinangon muli ni Cristo ang Kanyang katawan at naging unang taong nabuhay na mag-uli. Nang hanapin Siya ng Kanyang mga kaibigan, sinabi sa kanila ng mga anghel na nagbantay sa Kanyang libingan, “Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon, ayon sa sinabi niya” (Mateo 28:6). Muling pumasok ang Kanyang espiritu sa kanyang katawan, at hindi na muling magkakahiwalay kailanman.
Sa gayon ay dinaig ni Cristo ang pisikal na kamatayan. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, lahat ng isinilang sa mundong ito ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:21–22). Katulad ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesus, muling magsasama ang ating espiritu at ating katawan, “upang hindi na mamatay muli … , at hindi na maghihiwalay pa kailanman” (Alma 11:45). Ang kalagayang ito ay tinatawag na imortalidad. Lahat ng taong nabuhay ay mabubuhay na mag-uli, “kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti” (Alma 11:44).
-
Paano nakatulong sa inyo ang kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?
Ginawang Posible ng Pagbabayad-sala na Maligtas ang mga Sumasampalataya kay Cristo mula sa Kanilang mga Kasalanan
-
Pag-isipan kung paano tayo natutulungan ng talinghaga sa bahaging ito na maunawaan ang Pagbabayad-sala. Sino ang kinakatawan ng mga tauhan sa talinghaga sa ating buhay?
Ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na madaig natin ang espirituwal na kamatayan. Bagaman lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli, tanging ang mga tumatanggap sa Pagbabayad-sala ang maliligtas mula sa espirituwal na kamatayan (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).
Tinatanggap natin ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya. Dahil sa pananampalatayang ito, nagsisisi tayo sa ating mga kasalanan, nabibinyagan, tumatanggap ng Espiritu Santo, at sumusunod sa Kanyang mga utos. Nagiging matatapat na disipulo tayo ni Jesucristo. Pinatatawad tayo at nililinis mula sa kasalanan at naghahandang bumalik at mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit magpakailanman.
Sinabi sa atin ng Tagapagligtas, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa … na katulad ko” (D at T 19:16–17). Ginampanan ni Cristo ang Kanyang bahagi upang mabayaran ang ating mga kasalanan. Para maging lubos na mabisa sa ating buhay ang Kanyang Pagbabayad-sala, dapat sikapin nating sundin Siya at pagsisihan ang ating mga kasalanan.
Ibinigay ni Pangulong Boyd K. Packer ng Kapulungan ng Labindalawa ang sumusunod na paglalarawan para ipakita kung paano ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Cristo na maligtas tayo mula sa kasalanan kung gagampanan natin ang ating bahagi.
“May ikukuwento ako sa inyo—isang talinghaga.
“Minsan ay may isang lalaking gustung-gusto ang isang bagay. Tila mas mahalaga pa ito kaysa anupaman sa kanyang buhay. Para makamtan ang kanyang gusto, umutang siya nang malaki.
“Binalaan na siya tungkol sa pag-utang nang ganito kalaki, at lalo na tungkol sa nagpautang sa kanya. Ngunit tila napakahalaga sa kanya na magawa ang gusto niyang gawin at makamtan kaagad ang gusto niya. Nakatitiyak siyang mababayaran niya ito kalaunan.
“Kaya pumirma siya sa kontrata. Mababayaran din niya ito balang-araw. Hindi siya gaanong nag-alala rito, dahil mukhang matagal pa naman ang takdang araw ng pagbabayad. Nakamtan na niya ang gusto niya ngayon, at tila iyon ang mahalaga.
“Hindi mawala sa isip niya ang nagpautang, at paunti-unti siyang nagbayad, iniisip na hindi na darating kailanman ang takdang araw ng paniningil.
“Ngunit tulad ng laging nangyayari, dumating ang araw, at dapat na siyang magbayad. Hindi nabayaran nang buo ang utang. Dumating ang nagpautang at naningil ng buong kabayaran.
“Noon lamang niya natanto na ang nagpautang sa kanya ay hindi lamang may kakayahang ilitin ang lahat ng ari-arian niya, kundi may kakayahan ding ipakulong siya.
“‘Hindi kita mababayaran, dahil hindi ko kayang magbayad,’ pag-amin niya.
“‘Kung gayon,’ sabi ng nagpautang, ‘ipapatupad natin ang kontrata, iilitin ko ang mga ari-arian mo, at makukulong ka. Pumayag ka riyan. Ikaw ang nagpasiya. Pumirma ka sa kontrata, at ngayo’y dapat na itong ipatupad.’
“‘Puwede bang bigyan mo ako ng palugit o patawarin mo na lang ako sa aking utang?’ pagmamakaawa ng nangutang. ‘Gawan mo naman ng paraan para hindi makuha ang mga ari-arian ko at hindi ako makulong. Naniniwala ka ba sa awa? Hindi ka ba maaawa sa akin?’
“Sumagot ang nagpautang, ‘Isang panig lang ang laging nakikinabang sa awa. Ikaw lang. Kapag naawa ako sa iyo, hindi ako mababayaran. Katarungan ang gusto ko. Naniniwala ka ba sa katarungan?’
“‘Naniwala ako sa katarungan nang pirmahan ko ang kontrata,’ sabi ng nangutang. ‘Nasa panig ko iyon noon, kasi akala ko poprotektahan ako nito. Hindi ko kailangan ang awa noon, ni hindi ko inisip na kakailanganin ko iyon kahit kailan. Akala ko, magiging pantay ang katarungan sa ating dalawa.’
“‘Katarungan ang nagsasabing magbayad ka ayon sa kontrata o mapaparusahan ka,’ sagot ng nagpautang. ‘Iyan ang batas. Pumayag ka rito at ganyan ang dapat mangyari. Hindi maaagaw ng awa ang katarungan.’
“Gayon nga ang nangyari: Katarungan ang hiling ng isang panig, ang kabila naman ay humihingi ng awa. Walang sinumang masisiyahan maliban kung magsakripisyo ang isa.
“‘Kung hindi mo patatawarin ang utang wala kang awa,’ pagsusumamo ng nangutang.
“‘Kung gagawin ko iyan, wala namang katarungan,’ ang sagot.
“Ang dalawang batas, pakiwari ko, ay kapwa hindi maipatutupad. Ang mga ito ay dalawang walang hanggang batas na tila magkasalungat. Wala bang paraan para maging lubos na makatarungan, at maawa rin naman?
“May paraan! Ang batas ng katarungan ay maaaring lubos na matugunan at ang awa ay maaaring lubos na ipagkaloob— ngunit kakailanganin dito ang ibang tao. At ganito ang nangyari sa pagkakataong ito.
“May kaibigan ang nangutang. Dumating siya para tumulong. Lubos niyang kilala ang nangutang. Alam niyang hindi nito kadalasang iniisip ang mga epekto ng kanyang ginawa. Naisip niyang hangal ito dahil inilagay nito ang sarili sa alanganin. Gayunman, gusto niyang tumulong dahil mahal niya ito. Namagitan siya sa dalawa, hinarap ang nagpautang, at inalok ito.
“‘Babayaran ko ang utang kung palalayain mo ang nangutang sa kanyang kontrata para hindi mailit ang mga ari-arian niya at hindi siya makulong.’
“Habang pinag-iisipan ng nagpautang ang alok, idinagdag ng namagitan, ‘Katarungan ang hangad mo. Kahit hindi ka niya mabayaran, ako ang magbabayad. Makatarungan na ito sa iyo at wala ka nang mahihiling pa. Hindi iyon makatarungan.’
“Kaya’t pumayag ang nagpautang.
“At saka bumaling ang namagitan sa nangutang. ‘Kung babayaran ko ang utang mo, tatanggapin mo bang ako ang nagpautang sa iyo?’
“‘Naku, oo, oo,’ bulalas ng nangutang. ‘Iniligtas mo ako sa kulungan at naawa ka sa akin.’
“‘Kung gayon,’ sabi ng nagpala, ‘sa akin mo bayaran ang utang at ako ang magtatakda ng kasunduan. Hindi magiging madali, pero puwedeng mangyari. Gagawa ako ng paraan. Hindi mo kailangang makulong.’
“Sa ganito nabayaran nang buo ang nagpautang. Makatarungan na sa kanya iyon. Walang kontratang nasira.
“Ang nangutang, sa kabilang dako, ay kinaawaan. Natugunan ang dalawang batas. Dahil nagkaroon ng tagapamagitan, lubos na nakamit ang katarungan, at naipagkaloob ang awa” (sa Conference Report, Abr. 1977, 79–80; o Ensign, Mayo 1977, 54–55).
Ang ating mga kasalanan ay mga espirituwal na pagkakautang natin. Kung wala si Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Tagapamagitan, pagbabayaran natin ang lahat ng kasalanan natin sa pamamagitan ng pagdanas ng espirituwal na kamatayan. Ngunit dahil sa Kanya, kung susundin natin ang Kanyang itinakdang mga kasunduan na magsisi at sundin ang Kanyang mga utos, makakabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.
Kamangha-mangha na naglaan ng paraan si Cristo para mapagaling tayo sa ating mga kasalanan. Sabi Niya:
“Masdan, pumarito ako sa daigdig … upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.
“Anupa’t sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin na tulad ng maliit na bata, siya ay tatanggapin ko, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos. Masdan, sapagkat sa kanila ko inialay ang aking buhay, at muling kinuha ito; kaya nga magsisi, at lumapit sa akin kayong mga nasa dulo ng mundo, at maligtas” (3 Nephi 9:21–22).
-
Isiping mabuti kung paano ninyo mapapasalamatan ang kaloob na Pagbabayad-sala.
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Alma 34:9–16 (kailangan ang Pagbabayad-sala; sakripisyo ng Diyos)
-
2 Nephi 9:7–12 (inililigtas tayo ng Pagbabayad-sala mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan)
-
Mga Taga Roma 5:12–17 (sa pamamagitan ng isang tao ay nagkaroon ng kamatayan, sa pamamagitan ng isang tao ay nagkaroon ng buhay)
-
Helaman 14:15–18 (layunin ng pagkamatay ni Jesus)
-
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3 (lahat ay maaaring maligtas)
-
I Ni Pedro 1:18–20 (inorden si Jesus bago pa siya isinilang)
-
Mateo 16:21 (kinailangan ang sakripisyo ni Jesus)
-
Lucas 22:39–46 (pagdurusa ni Jesus sa halamanan)
-
I Ni Juan 1:7 (nililinis tayo ni Jesus mula sa kasalanan)
-
2 Nephi 9:21–22 (nagdusa ang Tagapagligtas para sa lahat ng tao)
-
Mosias 16:6–8 (posible lamang ang pagkabuhay na mag-uli sa pamamagitan ni Jesus)
-
Alma 11:40–45; Mormon 9:12–14 (lahat ay mabubuhay na mag-uli)
-
Isaias 1:18 (ang mga kasalanan ay magiging maputi)
-
I Mga Taga Corinto 15:40–44; Alma 40:23 (paglalarawan sa Pagkabuhay na Mag-uli)