Kabanata 22
Ang mga Kaloob ng Espiritu
Ang mga Kaloob ng Espiritu
-
Anong mga espirituwal na kaloob ang ibinibigay sa atin ng Panginoon?
Kasunod ng binyag, bawat isa sa atin ay pinatungan ng mga kamay sa ating ulunan upang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Kung tayo ay tapat, patuloy na sasaatin ang Kanyang impluwensya. Sa pamamagitan Niya, bawat isa sa atin ay mabibiyayaan ng ilang espirituwal na kapangyarihan na tinatawag na mga kaloob ng Espiritu. Ang mga kaloob na ito ay ibinibigay sa mga taong tapat kay Cristo. “Lahat ng kaloob na ito ay galing sa Diyos, para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos” (D at T 46:26). Tinutulungan tayo ng mga ito na malaman at maituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Tutulungan tayo ng mga ito na pagpalain ang iba. Gagabayan tayo ng mga ito pabalik sa ating Ama sa Langit. Para matalino nating magamit ang ating mga kaloob, kailangan nating malaman kung ano ang mga ito, paano natin mapapaunlad ang mga ito, at paano makikilala ang mga panggagaya ni Satanas sa mga ito.
Maraming binabanggit na kaloob ng Espiritu sa mga banal na kasulatan. Ibinibigay ang mga kaloob na ito sa mga miyembro ng totoong Simbahan tuwing ito ay narito sa lupa (tingnan sa Marcos 16:16–18). Kabilang sa mga kaloob ng Espiritu ang sumusunod:
Ang Kaloob na mga Wika (D at T 46:24)
Kung minsan ay kailangang ituro ang ebanghelyo sa wikang hindi pamilyar sa atin. Kapag nangyari ito, maaari tayong biyayaan ng Panginoon ng kakayahang magsalita sa wikang iyon. Maraming misyonero ang tumatanggap ng kaloob na mga wika (tingnan ang larawan sa kabanatang ito). Halimbawa, si Elder Alonzo A. Hinckley ay isang misyonero sa Holland na nakauunawa at nakapagsasalita ng kaunting Dutch bagaman ipinagdasal at pinag-aralan niya ito nang husto. Pagbalik niya sa isang tahanang nabisita na niya noon, binuksan ng isang babae ang pintuan at galit na galit na kinausap siya sa wikang Dutch. Namangha siya nang maunawaan niya ang bawat salita. Nadama niya ang matinding hangaring magpatotoo sa babae sa wikang Dutch. Nagsimula siyang magsalita, at malinaw na lumabas ang mga kataga sa wikang Dutch. Ngunit pagbalik niya para ipakita sa kanyang mission president na nakapagsasalita siya ng wikang Dutch, naglaho na sa kanya ang kakayahang ito. Maraming matatapat na miyembro ang nabiyayaan ng kaloob na mga wika. (Tingnan sa Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 2:32–33.)
Ang Kaloob na Magbigay-kahulugan sa mga Wika (D at T 46:25)
Kung minsan ay ipinagkakaloob sa atin ang kaloob na ito kapag hindi natin maunawaan ang isang wika at kailangan nating tumanggap ng isang mahalagang mensahe mula sa Diyos. Halimbawa, may malaking hangarin si Pangulong David O. McKay na magsalita sa mga Banal sa New Zealand nang walang gamit na tagapagsalin. Sinabi niya sa kanila na sana ay basbasan sila ng Panginoon para maunawaan nila siya. Nagsalita siya sa Ingles. Tumagal nang 40 minuto ang kanyang mensahe. Habang nagsasalita siya, nakita niya sa mukha at luhaang mga mata ng marami na nauunawaan nila ang kanyang mensahe. (Tingnan sa Answers to Gospel Questions, 2:30–31.)
Ang Kaloob na Magsalin (D at T 5:4)
Kung tinawag tayo ng mga lider ng Simbahan na magsalin ng salita ng Panginoon, matatanggap natin ang kaloob na magsalin nang higit pa sa ating likas na kakayahan. Katulad ng lahat ng kaloob, dapat tayong mamuhay nang matwid, mag-aral nang husto, at manalangin upang matanggap ito. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, pag-aalabin ng Panginoon ang ating kalooban tungkol sa kawastuhan ng pagsasalin (tingnan sa D at T 9:8–9). May kaloob na magsalin si Joseph Smith nang isalin niya ang Aklat ni Mormon. Napasakanya lamang ang kaloob na ito noong naging karapat-dapat siya sa Espiritu.
Ang Kaloob na Karunungan (D at T 46:17)
Ilan sa atin ang nabiyayaan ng kakayahang maunawaan ang mga tao at mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ipinamumuhay natin ang mga ito. Sinabihan tayo:
“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.
“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.
“Sapagka’t huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anoman[g] bagay sa Panginoon” (Santiago 1:5–7).
Sabi ng Panginoon, “Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan, at masdan, ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa iyo” (D at T 6:7).
Ang Kaloob na Kaalaman (D at T 46:18)
Lahat ng magiging katulad ng Ama sa Langit ay malalaman ang lahat ng bagay kalaunan. Ang kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga batas ay inihahayag ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 121:26). Hindi tayo maliligtas kung hindi natin alam ang mga batas na ito (tingnan sa D at T 131:6).
Inihayag ng Panginoon, “Kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating” (D at T 130:19). Inutusan tayo ng Panginoon na pag-aralan sa abot ng makakaya natin ang tungkol sa Kanyang gawain. Nais Niyang pag-aralan natin ang kalangitan, ang daigdig, mga bagay na nangyari o mangyayari, mga bagay sa loob at labas ng bansa (tingnan sa D at T 88:78–79). Gayunman, may mga nagsisikap magtamo ng kaalaman sa sarili lamang nilang pag-aaral. Hindi sila humihingi ng tulong ng Espiritu Santo. Sila yaong aral nang aral ngunit hindi makasumpong sa katotohanan (tingnan sa II Kay Timoteo 3:7). Kapag tumanggap tayo ng kaalaman mula sa paghahayag ng Espiritu Santo, nangungusap ang kanyang Espiritu sa ating mga puso’t isipan (tingnan sa D at T 6:15, 22–24; 8:2; 9:7–9).
Ang Kaloob na Magturo ng Karunungan at Kaalaman (Moroni 10:9–10)
May ilang taong binibigyan ng espesyal na kakayahang magpaliwanag at magpatotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Magagamit ang kaloob na ito kapag nagtuturo tayo sa klase. Magagamit ito ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak. Matutulungan din tayo ng kaloob na ito na turuan ang iba para maunawaan nila ang ebanghelyo.
Ang Kaloob na Malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos (D at T 46:13)
Ito ang kaloob ng mga propeta at apostol na tinawag bilang mga natatanging saksi ni Jesucristo. Gayunman, binibigyan din ng kaloob na ito ang ibang tao. Bawat tao ay maaaring magkaroon ng patotoo sa pamamagitan ng mga bulong ng Banal na Espiritu. Itinuro ni Pangulong David O. McKay: “Ipinagkaloob sa ilan, sabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, na malaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Anak ng Diyos at Siya’y ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng mundo [tingnan sa D at T 46:13]. Sila ang sinasabi ko na matatag na naninindigan sa bato ng [paghahayag] sa patotoong hatid nila sa mundo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 190).
Ang Kaloob na Maniwala sa Patotoo ng Iba (D at T 46:14)
Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo maaari nating malaman ang katotohanan ng lahat ng bagay. Kung nais nating malaman kung nagsasabi ng totoo ang isang tao, dapat tayong humiling sa Diyos nang may pananampalataya. Kung totoo ang bagay na ating ipinagdarasal, mangungusap ng kapayapaan ang Panginoon sa ating isipan (tingnan sa D at T 6:22–23). Sa gayon ay malalaman natin kung nakatanggap nga ng paghahayag ang isang tao, maging ang propeta. Hiniling ni Nephi sa Panginoon na tulutan siyang makita, madama, at malaman kung totoo ang panaginip ng kanyang ama (tingnan sa 1 Nephi 10:17–19).
Ang Kaloob na Magpropesiya (D at T 46:22)
Ang mga tumatanggap ng totoong mga paghahayag tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap ay may kaloob na magpropesiya. Taglay ng mga propeta ang kaloob na ito, ngunit tayo man ay maaaring magkaroon nito para tulungan tayong mapamahalaan ang ating sariling buhay (tingnan sa I Mga Taga Corinto 14:39). Maaari tayong makatanggap ng mga paghahayag mula sa Diyos para sa ating sarili at sa ating sariling mga tungkulin, ngunit hindi kailanman para sa Simbahan o sa mga lider nito. Salungat sa patakaran ng langit na tumanggap ng paghahayag ang isang tao para sa isang taong hindi niya nasasakupan. Kung tunay na tayo ay may kaloob na magpropesiya, hindi tayo tatanggap ng anumang paghahayag na hindi umaayon sa nasabi na ng Panginoon sa mga banal na kasulatan.
Ang Kaloob na Magpagaling (D at T 46:19–20)
Ang ilan ay may pananampalatayang magpagaling, at ang iba ay may pananampalatayang mapagaling. Lahat tayo ay maaaring sumampalatayang gagaling kapag tayo ay maysakit (tingnan D at T 42:48). Maraming maytaglay ng priesthood ang may kaloob na magpagaling ng maysakit. Ang ilan ay maaaring bigyan ng kaalaman kung paano magpagaling ng karamdaman.
Ang Kaloob na Paggawa ng mga Himala (D at T 46:21)
Maraming beses nang napagpala ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa mahimalang mga paraan. Nang itanim ng mga pioneer sa Utah ang una nilang mga pananim, muntik na itong masira ng mga salot na balang. Nanalangin ang mga pioneer na iligtas ng Panginoon ang kanilang mga pananim, at nagsugo Siya ng mga ibong dagat [seagull] para kainin ang mga balang. Kapag kailangan natin ng tulong at humiling tayo nang may pananampalataya, kung ito ay para sa ating kabutihan gagawa ng mga himala ang Panginoon para sa atin (tingnan sa Mateo 17:20; D at T 24:13–14).
Ang Kaloob na Pananampalataya (Moroni 10:11)
Malaki ang pananampalataya ng kapatid ni Jared. Dahil sa kanyang pananampalataya, tumanggap siya ng iba pang mga kaloob. Napakalaki ng kanyang pananampalataya kaya nagpakita sa kanya ang Tagapagligtas (tingnan sa Eter 3:9–15). Kung walang pananampalataya, hindi maibibigay ang iba pang kaloob. Nangako si Moroni, “Sinumang naniniwala kay Cristo, nang walang pag-aalinlangan, anuman ang kanyang hingin sa Ama sa pangalan ni Cristo ay ipagkakaloob sa kanya” (Mormon 9:21). Dapat nating hangaring mapag-ibayo ang ating pananampalataya, alamin ang ating mga kaloob, at gamitin ang mga ito.
Kulang sa pananampalataya ang ilang tao at itinatatwa nila na may mga kaloob nga ng Espiritu. Sabi sa kanila ni Moroni:
“At muli, sinasabi ko sa inyo na nagtatatwa sa mga paghahayag ng Diyos, at sinasabi na ang mga yaon ay natapos na, na wala nang mga paghahayag, ni mga propesiya, ni mga kaloob, ni pagpapagaling, ni pagsasalita ng mga wika, at pagpapaliwanag ng mga wika;
“Masdan, sinasabi ko sa inyo, siya na nagtatatwa sa mga bagay na ito ay hindi nalalaman ang ebanghelyo ni Cristo; oo, hindi niya nabasa ang mga banal na kasulatan; kung sakali man, hindi niya nauunawaan ang mga ito” (Mormon 9:7–8).
-
Bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng mga espirituwal na kaloob?
Mapapaunlad Natin ang Ating mga Kaloob
-
Paano natin “masigasig [na ha]hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob”? (D at T 46:8).
Sinabi ng Panginoon: “Sapagkat hindi lahat ay pinagkakalooban ng lahat ng kaloob; sapagkat maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, upang ang lahat ay makinabang sa gayong paraan” (D at T 46:11–12).
Para mapaunlad ang ating mga kaloob, dapat nating alamin kung ano ang mga kaloob natin. Ginagawa natin ito sa pagdarasal at pag-aayuno. Dapat nating hangarin ang mga pinakamahusay na kaloob (tingnan sa D at T 46:8). Kung minsan ay tutulungan tayo ng mga patriarchal blessing na malaman ang mga kaloob na naibigay sa atin.
Dapat tayong maging masunurin at matapat para ibigay sa atin ang ating mga kaloob. Pagkatapos ay dapat nating gamitin ang mga kaloob na ito para isagawa ang gawain ng Panginoon. Hindi ibinibigay ang mga ito para bigyang-kasiyahan ang ating pag-uusisa o patunayan ang anuman sa atin dahil kulang tayo sa pananampalataya. Tungkol sa mga espirituwal na kaloob, sinabi ng Panginoon, “Ang mga ito ay ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa akin at sumusunod sa lahat ng aking kautusan, at siya na naghahangad na gumawa nito” (D at T 46:9).
-
Pag-isipan ang ilang espirituwal na kaloob na personal na magpapalakas sa inyo o tutulungan kayong maglingkod sa Panginoon at sa iba. Ano ang gagawin ninyo para mahanap ang mga kaloob na ito?
Ginagaya ni Satanas ang mga Kaloob ng Espiritu
-
Paano natin mahihiwatigan ang totoong mga kaloob ng Espiritu at mga panggagaya ni Satanas?
Magagaya ni Satanas ang mga kaloob na mga wika, propesiya, pangitain, pagpapagaling, at iba pang mga himala. Kinailangang makipagpaligsahan ni Moises sa mga panggagaya ni Satanas sa harapan ng Faraon (tingnan sa Exodo 7:8–22). Nais tayong papaniwalain ni Satanas sa kanyang mga huwad na propeta, huwad na tagapagpagaling, at huwad na mga gumagawa ng himala. Maaari silang magmukhang totoong-totoo sa atin kaya ang tanging paraan upang malaman ito ay humiling sa Diyos ng kaloob na makahiwatig. Ang diyablo mismo ay kayang mag-anyong anghel ng liwanag (tingnan sa 2 Nephi 9:9).
Nais tayong bulagin ni Satanas sa katotohanan at hadlangan tayo sa paghahangad sa mga totoong kaloob ng Espiritu. Gawa ni Satanas ang mga taong nakakausap daw ang mga patay, astrologo, manghuhula, at mangkukulam kahit sabihin pa nilang sinusunod nila ang Diyos. Ang kanilang mga gawain ay kasuklam-suklam sa Panginoon (tingnan sa Isaias 47:12–14; Deuteronomio 18:9–10). Dapat nating iwasan ang lahat ng may kaugnayan sa mga puwersa ni Satanas.
Dapat Nating Ingatan ang mga Kaloob sa Atin ng Espiritu
-
Paano natin maigagalang ang kasagraduhan ng mga espirituwal na kaloob?
Sabi ng Panginoon, “Isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila, na sila ay hindi ipagyabang ang kanilang sarili dahil sa mga bagay na ito, ni pag-uusapan ang mga ito sa harapan ng sanlibutan; sapagkat ang mga bagay na ito ay ibinigay para sa inyong kapakinabangan at para sa kaligtasan” (D at T 84:73). Dapat nating tandaan na ang mga espirituwal na kaloob ay banal (tingnan sa D at T 6:10).
Bilang kapalit ng pagbibigay sa atin ng mga kaloob na ito, hiniling ng Panginoon na tayo ay “magbigay ng pasalamat sa Diyos sa Espiritu sa anumang pagpapalang ipinagkaloob sa [atin]” (D at T 46:32).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
3 Nephi 29:6–7 (kahihinatnan ng mga nagtatatwa sa mga kaloob)
-
Moroni 10:7–19 (ang mga kaloob ay batay sa pananampalataya)
-
3 Nephi 26:17; 27:20; D at T 84:64 (isang kaloob na ibinibigay sa binyag)
-
I Mga Taga Corinto 12 (mga kaloob ng Espiritu sa sinaunang Simbahan ni Jesucristo)
-
D at T 46:9–26 (mga kaloob ng Espiritu sa Simbahan ngayon)