Kabanata 10
Mga Banal na Kasulatan
Nababasa na Natin Ngayon ang mga Banal na Kasulatan
-
Ano ang ilan sa mga pagpapalang tinatamasa natin ngayon dahil napakadali nang makakuha ng mga banal na kasulatan?
Kapag nagsalita o sumulat ang mga lingkod ng Panginoon sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo, nagiging banal na kasulatan ang kanilang mga salita (tingnan sa D at T 68:4). Sa simula pa lamang, inutusan na ng Panginoon ang Kanyang mga propeta na mag-ingat ng isang talaan ng Kanyang mga paghahayag at pakikitungo sa Kanyang mga anak. Sabi Niya: “Inuutusan ko ang lahat ng tao, kapwa sa silangan at sa kanluran, at sa hilaga, at sa timog, at sa mga pulo ng dagat, na kanilang isulat ang mga salitang aking sasabihin sa kanila; sapagkat mula sa mga aklat na isusulat ay hahatulan ko ang sanlibutan, bawat tao alinsunod sa kanyang mga gawa, alinsunod doon sa nasusulat” (2 Nephi 29:11).
Apat na aklat ang tinatanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang banal na kasulatan: ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ang mga aklat na ito ay tinatawag na mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan. Tinatanggap din bilang banal na kasulatan ang inspiradong mga salita ng ating mga buhay na propeta.
Ang Biblia
Ang Biblia ay koleksyon ng mga sagradong kasulatang naglalaman ng mga paghahayag ng Diyos sa tao. Maraming siglo ang saklaw ng mga kasulatang ito, mula sa panahon ni Adan hanggang noong panahon ng mga Apostol ni Jesucristo. Isinulat ang mga ito ng maraming propetang nabuhay sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan ng mundo.
Ang Biblia ay hinati sa dalawang bahagi: ang Matandang Tipan at ang Bagong Tipan. Maraming propesiya sa Matandang Tipan ang nagsasabi tungkol sa pagparito ng isang Tagapagligtas at Manunubos. Nakasaad sa Bagong Tipan ang buhay ng Tagapagligtas at Manunubos na iyon, na si Jesucristo. Nakasaad din dito ang pagtatatag ng Kanyang Simbahan sa panahong iyon. “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8).
Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, pinalawak ng Panginoon ang ating pang-unawa sa ilang talata sa Biblia. Binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Propetang Joseph na ipanumbalik ang mga katotohanan sa teksto ng Biblia na nawala o nabago mula nang isulat ang orihinal na mga salita. Ang inspiradong mga pagwawasto ay tinatawag na Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Sa edisyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ng King James Version ng Biblia, matatagpuan ang mga piling talata mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith sa mga pahina 259–285 at sa maraming talababa.
Ang Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay isang sagradong talaan ng ilan sa mga taong nabuhay sa mga kontinente ng Amerika sa pagitan ng mga 2000 B.C. at A.D. 400. Naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 20:9; 42:12; 135:3). Nakasaad sa Aklat ni Mormon ang pagbisita ni Jesucristo sa mga tao sa mga lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa Ingles sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Sinabi niya na ito “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad sa Aklat ni Mormon).
Tinulungan tayo ni Pangulong Ezra Taft Benson na maunawaan kung paano naging saligang bato ng ating relihiyon ang Aklat ni Mormon. Sabi Niya:
“May tatlong paraan na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng patotoo.
“Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya Mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Pinatototohanan nito ang Kanyang katotohanan nang may kapangyarihan at kalinawan. …
“Pinalalawak [nito] ang ating mga pang-unawa sa mga doktrina ng kaligtasan. … Ang Aklat ni Mormon … ay isinulat para sa ating panahon. … [Dito] ay makikita natin ang huwaran sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito. …
“… Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo sa atin ng katotohanan [at] nagpapatotoo kay Cristo. … Ngunit mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magiging mas malakas kayo para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na ‘mga salita ng buhay,’ at wala ng iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. … ‘Dapat mithiin ng bawat Banal sa mga Huling Araw na pag-aralan ang aklat na ito habambuhay’” (sa Conference Report, Okt. 1986, 4–7; o Ensign, Nob. 1986, 5–7; ayon kay Marion G. Romney, sa Conference Report, Abr. 1980, 90; o Ensign, Mayo 1980, 67).
Ang Doktrina at mga Tipan
Ang Doktrina at mga Tipan ay koleksyon ng mga makabagong paghahayag. Sa bahagi 1 ng Doktrina at mga Tipan, inihayag ng Panginoon na inilathala ang aklat sa mga tao sa mundo upang ihanda sila sa Kanyang pagparito:
“Dahil dito ang tinig ng Panginoon ay hahanggan sa mga dulo ng mundo, upang ang lahat ng makaririnig ay makarinig:
“Maghanda kayo, maghanda kayo para sa yaong paparito, sapagkat ang Panginoon ay nalalapit na” (D at T 1:11–12).
Nasa aklat na ito ang mga paghahayag tungkol sa Simbahan ni Jesucristo na ipinanumbalik nitong mga huling araw. Ipinaliliwanag sa ilang bahagi ng aklat ang organisasyon ng Simbahan at mga katungkulan sa priesthood at mga tungkulin nito. Nasa ibang bahagi, tulad ng 76 at 88, ang maluluwalhating katotohanang nawala sa mundo nang daan-daang taon. May iba pa, tulad ng mga bahagi 29 at 93, na naglilinaw sa mga turo sa Biblia. Bukod dito, nasa ilang bahagi, tulad ng bahagi 133, ang mga propesiya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Inutusan tayo ng Diyos na pag-aralan ang Kanyang mga paghahayag sa aklat na ito: “Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat” (D at T 1:37).
Ang Mahalagang Perlas
Nasa Mahalagang Perlas ang aklat ni Moises, aklat ni Abraham, at ilang inspiradong isinulat ni Joseph Smith. Nasa aklat ni Moises ang salaysay ng ilan sa mga pangitain at isinulat ni Moises, na inihayag kay Propetang Joseph Smith. Nililinaw nito ang mga doktrina at turong nawala sa Biblia at nagbibigay ng dagdag na impormasyon tungkol sa Paglikha ng mundo.
Ang aklat ni Abraham ay isinalin ni Propetang Joseph Smith mula sa papyrus scroll na nakuha sa mga libingan ng Egipto. Nasa aklat na ito ang mahalagang impormasyon tungkol sa Paglikha, ebanghelyo, likas na katangian ng Diyos, at priesthood.
Kasama sa mga isinulat ni Joseph Smith ang bahagi ng kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, mga piling bahagi mula sa kanyang History of the Church, at Mga Saligan ng Pananampalataya.
-
Ano ang ilang kuwento sa mga banal na kasulatan na nagbigay-inspirasyon sa inyo? Ano ang ilang turo mula sa mga aklat na ito ng banal na kasulatan na nakatulong sa inyo?
Mga Salita ng Ating mga Buhay na Propeta
Bukod pa sa apat na aklat na ito ng banal na kasulatan, nagiging banal na kasulatan sa atin ang inspiradong mga salita ng ating mga buhay na propeta. Ang kanilang mga salita ay dumarating sa atin sa mga kumperensya, magasing Liahona o Ensign, at mga tagubilin sa mga lokal na lider ng priesthood. “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
-
Saan natin matatagpuan ang mga salita ng ating mga buhay na propeta?
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
-
Anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Dapat pag-aralan ng bawat isa sa atin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Dapat nating ibahagi ang mga katotohanang ito sa ating mga anak. Dapat nating basahin ang mga pamantayang banal na kasulatan sa ating mga anak nang matuto silang mahalin at gamitin iyon at makinabang sila sa mga katotohanang naroon.
Kung gusto nating iwasan ang mga kasamaan ng mundong ito, dapat nating punuin ang ating isipan ng mga katotohanan at kabutihang matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Lalo tayong mapapalapit sa Diyos at sa isa’t isa kapag sama-sama nating binasa at pinag-isipang mabuti ang mga banal na kasulatan.
Kapag binasa, pinag-isipang mabuti, at ipinagdasal natin ang mga banal na kasulatan at humiling tayo sa Diyos ng pang-unawa, patototohanan sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga bagay na ito. Malalaman natin sa ating sarili na ang mga bagay na ito ay totoo. Hindi tayo malilinlang (tingnan sa Joseph Smith—Matthew 1:37). Madarama natin ang nadama ni Nephi nang sabihin niyang, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga bagay ng Panginoon; at ang aking puso ay patuloy na nagbubulay sa mga bagay na aking nakita at narinig” (2 Nephi 4:16).
-
Paano tayo magiging tapat sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bawat araw? Planuhin ang oras at lugar para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bawat araw.
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
1 Nephi 14:20–26 (inutusang sumulat ang mga propeta)
-
1 Nephi 19:1–3, 6–7; Alma 37:1–8 (napakahalaga ng mga banal na kasulatan)
-
2 Nephi 33:10 (ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Cristo)
-
Alma 29:8 (nangungusap ang Panginoon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan)
-
Alma 31:5; Helaman 3:29–30 (makapangyarihan ang salita ng Diyos)
-
Helaman 15:7–8 (ginagawa tayong matatag at di-natitinag ng mga banal na kasulatan sa ating pananampalataya)
-
II Kay Timoteo 3:16–17; 1 Nephi 19:21–24 (bakit at paano ibinibigay ang mga banal na kasulatan)
-
II Ni Pedro 1:20; Alma 13:20; D at T 10:62 (nililiwanag ng mga banal na kasulatan ang mga totoong punto ng doktrina)
-
D at T 128:18; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; 1 Nephi 14:25–26 (may darating pang mga banal na kasulatan)
-
2 Nephi 29:3–10 (mga banal na kasulatan sa mga Judio at mga Gentil)