Kabanata 21
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo
Sa kabanata 7 nalaman natin na ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay “isang personaheng Espiritu” (D at T 130:22). Wala Siyang katawang may laman at mga buto. Ang Kanyang impluwensya ay nasa lahat ng dako sa iisang pagkakataon. Ang Kanyang misyon ay patotohanan ang Ama at ang Anak at lahat ng katotohanan. Bukod dito, ang Espiritu Santo ay nagpapadalisay, o nagpapabanal sa atin para ihanda tayong manirahan sa piling ng Diyos. Pinadadalisay ng Espiritu Santo ang ating puso upang huwag na nating hangaring gumawa pa ng masama.
Magkaiba ang Espiritu Santo at ang kaloob na Espiritu Santo. Sa kabanatang ito malalaman natin kung ano ang kaloob na Espiritu Santo at paano natin matatanggap ang dakilang kaloob na ito mula sa Diyos.
Ang Kaloob na Espiritu Santo
-
Ano ang pagkakaiba ng Espiritu Santo sa kaloob na Espiritu Santo?
Ang kaloob na Espiritu Santo ay pribilehiyo—na ibinibigay sa mga taong sumasampalataya kay Jesucristo, nabinyagan, at nakumpirma bilang mga miyembro ng Simbahan—na tumanggap ng patuloy na patnubay at inspirasyon mula sa Espiritu Santo.
Sinabi ni Joseph Smith na tayo ay naniniwala sa kaloob na Espiritu Santo na tinatamasa ngayon katulad noong mga panahon ng mga unang Apostol. Naniniwala tayo sa kaloob na ito sa kabuuan, kapangyarihan, kadakilaan, at kaluwalhatian nito. (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 114.)
Ang isang tao ay maaaring pansamantalang patnubayan ng Espiritu Santo nang hindi natatanggap ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa D at T 130:23). Gayunman, ang patnubay na ito ay hindi magpapatuloy maliban kung mabinyagan ang tao at matanggap ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo. Mababasa natin sa Mga Gawa 10 na tumanggap ng inspirasyon ang Romanong kawal na si Cornelio mula sa Espiritu Santo kaya niya nalamang totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ngunit hindi natanggap ni Cornelio ang kaloob na Espiritu Santo hanggang sa mabinyagan siya. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na kung si Cornelio ay hindi nabinyagan at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, lilisanin siya ng Espiritu Santo (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 113).
Ngayon nalalaman ng mga taong hindi miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Ngunit lilisanin sila ng paunang patotoong iyon kung hindi nila matatanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Hindi sila tatanggap ng patuloy na katiyakang maaaring dumating sa mga may kaloob na Espiritu Santo.
Pagtanggap ng Kaloob na Espiritu Santo
-
Ano ang dapat nating gawin para lagi nating makasama ang Espiritu Santo?
Matapos mabinyagan ang mga tao, kinukumpirma silang mga miyembro ng Simbahan at binibigyan ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Sabi ng Panginoon, “Sinuman ang may pananampalataya ay papagtibayin ninyo sa aking simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at aking ipagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa kanila” (D at T 33:15).
Bawat karapat-dapat na elder ng Simbahan, kapag binigyan ng awtoridad, ay maaaring magbigay ng kaloob na Espiritu Santo sa iba. Gayunman, walang katiyakan na tatanggap ng inspirasyon at patnubay mula sa Espiritu Santo ang taong iyon dahil lamang sa ipinatong ng mga elder ang kanilang mga kamay sa kanyang ulunan. Kailangang “tanggapin [ng bawat tao] ang Espiritu Santo.” Ibig sabihin ay lalapit lamang sa atin ang Espiritu Santo kapag tayo ay tapat at hangad nating tulungan tayo ng sugong ito mula sa langit.
Para maging marapat sa tulong ng Espiritu Santo, dapat ay taos-puso nating hangaring sundin ang mga utos ng Diyos. Dapat nating panatilihing dalisay ang ating isipan at mga kilos.
Pagkilala sa Impluwensya ng Espiritu Santo
Karaniwan ay tahimik makipag-ugnayan ang Espiritu Santo sa atin. Ang Kanyang impluwensya ay madalas tawaging “marahan at banayad na tinig” (tingnan sa I Mga Hari 19:9–12; Helaman 5:30; D at T 85:6). Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa isang tinig na mas madarama ninyo kaysa maririnig. … Kapag pinag-uusapan natin ang ‘pakikinig’ sa mga bulong ng Espiritu, kadalasan ay inilalarawan ng isang tao ang espirituwal na paghihikayat sa pagsasabing, ‘Pakiramdam ko …’” Nagpatuloy siya: “Ang tinig na ito ng Espiritu ay marahang nangungusap, hinihikayat kayo kung ano ang gagawin o sasabihin, o maaaring papag-ingatin o balaan kayo” (sa Conference Report, Okt. 1994, 77; o Ensign, Nob. 1994, 60).
Isa sa Pinakadakilang mga Kaloob ng Diyos
-
Anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo?
Ang kaloob na Espiritu Santo ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa atin. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo malalaman natin na ang Diyos ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at na ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na sa lupa. Maaari tayong bigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo para ipakita sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Pinababanal tayo ng Espiritu Santo upang ihanda tayong makapiling ang Diyos. Maaari nating matamasa ang mga kaloob ng Espiritu (tingnan sa kabanata 22 sa aklat na ito). Ang dakilang kaloob na ito mula sa ating Ama sa Langit ay makapaghahatid din ng kapayapaan sa ating puso at pang-unawa tungkol sa mga bagay ng Diyos (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:9–12).
-
Bakit isa sa pinakadakilang mga kaloob sa atin ng Diyos ang kaloob na Espiritu Santo?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
I Mga Taga Corinto 3:16–17; D at T 130:22–23 (nananahan ang Espiritu Santo sa matatapat)
-
Mga Gawa 19:1–7 (ipinagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo noong unang panahon)
-
Moroni 8:25–26 (paano matatanggap ang Espiritu Santo)
-
Moroni 10:5 (ang Espiritu Santo ay saksi sa katotohanan)
-
Mosias 5:2 (binabago ng Espiritu Santo ang mga puso)
-
Alma 5:54 (nagpapabanal ang Espiritu Santo)