Kabanata 6
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva
Sina Adan at Eva ang Unang Pumarito sa Mundo
-
Anong katibayan ang tumutulong upang malaman natin na sina Adan at Eva ay magigiting na espiritu?
Inihanda ng Diyos ang mundong ito para tirhan ng Kanyang mga anak. Sina Adan at Eva ang napiling unang mga taong maninirahan sa daigdig (tingnan sa Moises 1:34; 4:26). Ang bahagi nila sa plano ng ating Ama ay maghatid ng mortalidad sa mundo. Sila ang magiging unang mga magulang. (Tingnan sa D at T 107:54–56.)
Kabilang sina Adan at Eva sa pinakamararangal na anak ng ating Ama. Sa daigdig ng mga espiritu ang tawag kay Adan ay Miguel ang arkanghel (tingnan sa D at T 27:11; Judas 1:9). Siya ang pinili ng ating Ama sa Langit na mamuno sa mga matwid sa pakikibaka laban kay Satanas (tingnan sa Apocalipsis 12:7–9). Sina Adan at Eva ay inorden noon pa man na maging una nating mga magulang. Pinangakuan ng Panginoon si Adan ng mga dakilang pagpapala: “Itinalaga kita na malagay sa unahan; isang pagkarami-raming bansa ang manggagaling sa iyo, at ikaw ay prinsipe sa kanila magpakailanman” (D at T 107:55).
Si Eva ang “ina ng lahat ng nabubuhay” (Moises 4:26). Pinagsama ng Diyos sina Adan at Eva sa kasal dahil “hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa” (Moises 3:18; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 11:11). Nakibahagi si Eva sa responsibilidad ni Adan at makikibahagi rin sa kanyang walang hanggang mga pagpapala.
-
Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa nina Adan at Eva?
Ang Halamanan ng Eden
-
Ano ang kalagayan ng pamumuhay nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden?
Nang ilagay sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, hindi pa sila mortal. Sa ganitong kalagayan, “sila’y hindi sana nagkaroon ng mga anak” (2 Nephi 2:23). Walang kamatayan. Sila ay may pisikal na buhay dahil nanahanan ang kanilang mga espiritu sa pisikal na katawan na nagmula sa alabok ng lupa (tingnan sa Moises 6:59; Abraham 5:7). Nagkaroon sila ng espirituwal na buhay dahil nasa piling sila ng Diyos. Hindi pa sila nakapili sa pagitan ng mabuti at masama.
Inutusan sila ng Diyos na magkaroon ng mga anak. Sabi Niya, “Maging palaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at supilin ito, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa … bawat kinapal na gumagalaw sa lupa” (Moises 2:28). Sinabi sa kanila ng Diyos na malaya silang kumain mula sa bawat punungkahoy sa halamanan maliban sa isa, ang punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Tungkol sa punungkahoy na iyon sinabi ng Diyos, “Sa araw na kumain ka niyon ikaw ay tiyak na mamamatay” (Moises 3:17).
Si Satanas, na hindi batid ang isipan ng Diyos ngunit balak sirain ang plano ng Diyos, ay lumapit kay Eva sa Halamanan ng Eden. Tinukso niya itong kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Tiniyak niya kay Eva na sila ni Adan ay hindi mamamatay, kundi “magiging tulad ng mga diyos, na nakakikilala ng mabuti at masama” (Moises 4:11). Nagpatangay sa tukso si Eva at kinain ang bunga. Nang malaman ni Adan ang nangyari, nagpasiya na rin siyang kumain. Ang mga pagbabagong naganap kina Adan at Eva dahil sa pagkain ng bunga ay tinatawag na Pagkahulog.
Pagkawalay nina Adan at Eva sa Diyos
-
Anong mga pisikal at espirituwal na pagbabago ang nangyari kina Adan at Eva dahil sa kanilang paglabag?
Dahil sina Adan at Eva ay nakakain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, pinalabas sila ng Panginoon sa Halamanan ng Eden patungo sa mundo. Nagbago ang pisikal nilang kalagayan dahil sa pagkain nila ng ipinagbabawal na bunga. Tulad ng pangako ng Diyos, sila ay naging mortal. Sila at ang kanilang mga anak ay daranas ng karamdaman, sakit, at pisikal na kamatayan.
Dahil sa kanilang paglabag, dumanas din ng espirituwal na kamatayan sina Adan at Eva. Ibig sabihin nito sila at ang kanilang mga anak ay hindi maaaring lumakad na kasama at makipag-usap nang harapan sa Diyos. Sina Adan at Eva at ang kanilang mga anak ay nawalay sa Diyos kapwa sa pisikal at sa espirituwal.
Malalaking Pagpapala ang Ibinunga ng Paglabag
-
Paano nagbibigay ng mga pagkakataon ang Pagkahulog para maging katulad tayo ng ating Ama sa Langit?
Naniniwala ang ilang tao na mabigat ang kasalanang ginawa nina Adan at Eva nang kumain sila ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Gayunman, ipinauunawa sa atin ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw na ang kanilang Pagkahulog ay mahalagang hakbang sa plano ng buhay at malaking pagpapala sa ating lahat. Dahil sa Pagkahulog, nabiyayaan tayo ng mga pisikal na katawan, ng karapatang pumili sa pagitan ng mabuti at masama, at ng pagkakataong makamit ang buhay na walang hanggan. Hindi sana napasaatin ang anuman sa mga pribilehiyong ito kung nanatili sina Adan at Eva sa halamanan.
Pagkaraan ng Pagkahulog, sinabi ni Eva, “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:11).
Ipinaliwanag ng propetang si Lehi:
“At ngayon, masdan, kung si Adan ay hindi lumabag, hindi sana siya nahulog [nawalay sa piling ng Diyos], manapa siya ay nanatili sa Halamanan ng Eden. At lahat ng bagay na nilikha ay tiyak sanang nanatili sa dating kalagayan kung saan sila naroroon matapos na sila ay likhain. …
“At sila’y hindi sana nagkaroon ng mga anak; anupa’t sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan.
“Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.
“Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:22–25).
-
Sa palagay ninyo bakit mahalagang malaman ang tungkol sa Pagkahulog at ang mga epekto nito sa atin?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
1 Nephi 5:11; 2 Nephi 2:20 (sina Adan at Eva ang unang mga magulang, pamilya)
-
2 Nephi 2:14–21 (pagsalungat at ang Pagkahulog; ang buhay ay isang pagsubok)
-
2 Nephi 2:22–26 (ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng kaligtasan)