Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 37: Mga Responsibilidad ng Pamilya


Kabanata 37

Mga Responsibilidad sa Pamilya

An Asian family gathered for scripture study.  They are sitting on sofas and the floor.

Mga Responsibilidad ng mga Magulang

  • Ano ang magkatuwang na mga responsibilidad ng mga mag-asawa sa pagpapalaki ng kanilang mga anak?

Ang bawat tao ay may mahalagang bahagi sa kanyang pamilya. Sa pamamagitan ng mga propeta ipinaliwanag ng Panginoon kung ano ang dapat maging asal at damdamin sa isa’t isa ng mga ama, ina, at mga anak. Bilang mga mag-asawa at mga anak, kailangan nating malaman kung ano ang inaasahan ng Panginoon na gagawin natin upang magampanan ang ating layunin bilang isang pamilya. Kung gagampanan nating lahat ang ating bahagi, walang hanggan tayong magkakasama-sama.

Sa mga banal na tungkulin ng pagiging magulang, “ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 35602 893). Dapat silang magtulungan upang matustusan ang espirituwal, emosyonal, intelektuwal, at pisikal na mga pangangailangan ng pamilya.

May mga responsibilidad na kailangang pagtulungang gampanan ng mag-asawa. Dapat ituro ng mga magulang ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Nagbabala ang Panginoon na kung hindi itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo, ang kasalanan ay mapupunta sa ulo ng mga magulang. Dapat ding turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magdasal at sundin ang mga kautusan ng Panginoon. (Tingnan sa D at T 68:25, 28.)

Ang isa sa mga pinakamahusay na paraan na matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ay sa pamamagitan ng halimbawa. Ang mga mag-asawa ay dapat magpakita ng pagmamahal at paggalang sa isa’t isa at sa kanilang mga anak kapwa sa salita at gawa. Mahalagang tandaan na bawat miyembro ng pamilya ay anak ng Diyos. Dapat pakitunguhan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may pagmamahal at paggalang, matatag ang pasiya ngunit mabait sa kanila.

Dapat maunawaan ng mga magulang na kung minsan ay makagagawa ng mga maling pagpili ang mga anak kahit naituro na sa kanila ang katotohanan. Kapag nangyari ito, hindi dapat sumuko at mawalan ng pag-asa ang mga magulang. Dapat patuloy nilang turuan ang kanilang mga anak, pakitaan sila ng pagmamahal, maging mabubuting halimbawa sa kanila, at mag-ayuno at manalangin para sa kanila.

Ikinukuwento sa atin ng Aklat ni Mormon kung paano natulungan ng mga panalangin ng isang ama ang isang rebeldeng anak na magbalik sa mga landas ng Panginoon. Ang Nakababatang Alma ay lumihis sa mga turo ng kanyang butihing ama, si Alma, at humayo upang wasakin ang Simbahan. Ang ama ay nanalangin nang may pananampalataya para sa kanyang anak. Dinalaw ng isang anghel ang Nakababatang Alma at pinagsisihan ang kanyang masamang paraan ng pamumuhay. Siya ay naging dakilang pinuno ng Simbahan. (Tingnan sa Mosias 27:8–32.)

Ang mga magulang ay maaaring lumikha ng mapitagan at magalang na kapaligiran sa tahanan kung tinuturuan at ginagabayan nila ang kanilang mga anak nang may pagmamahal. Dapat ding bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng masasayang karanasan.

  • Paano matutulungan ng mga mag-asawa ang isa’t isa sa kani- kanilang papel na ginagampanan? Saan makahihingi ng tulong ang mga magulang na mag-isang nagtataguyod ng kanilang pamilya?

Mga Responsibilidad ng Ama

  • Anong magagandang halimbawa ang nakita ninyo sa mga amang nagpapalaki ng kanilang mga anak?

“Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak” (35602 893). Ang isang karapat-dapat na ama na miyembro ng Simbahan ay may pagkakataong magtaglay ng priesthood, kaya’t siya ang nagiging lider ng priesthood sa kanyang pamilya. Dapat niyang gabayan ang kanyang pamilya nang may pagpapakumbaba at kabaitan sa halip na gumamit ng puwersa o kalupitan. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na dapat akayin ng mga maytaglay ng priesthood ang iba sa pamamagitan ng pagpapahinuhod, kahinahunan, pagmamahal, at kabaitan (tingnan sa D at T 121:41–44; Mga Taga Efeso 6:4).

Ibinabahagi ng ama ang mga pagpapala ng priesthood sa mga miyembro ng kanyang pamilya. Kapag taglay ng isang lalaki ang Melchizedek Priesthood, maibabahagi niya ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng pangangasiwa sa mga maysakit at pagbibigay ng espesyal na mga basbas ng priesthood. Sa patnubay ng namumunong lider ng priesthood, maaari siyang magbasbas ng mga sanggol, magbinyag, magkumpirma, at magsagawa ng mga ordenasyon sa priesthood. Dapat siyang magpakita ng mabuting halimbawa sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Dapat din niyang tiyakin na sama-samang nagdarasal ang pamilya dalawang beses sa isang araw at nagdaraos ng family home evening.

Ang ama ay dapat mag-ukol ng panahon sa bawat isa sa kanyang mga anak. Dapat niyang turuan ang kanyang mga anak ng mga wastong alituntunin, kausapin sila tungkol sa kanilang mga problema at alalahanin, at payuhan sila nang buong pagmamahal. Ang ilang mabubuting halimbawa ay matatagpuan sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 2 Nephi 1:14–3:25; Alma 36–42).

Tungkulin din ng ama na tustusan ang pisikal na mga pangangailangan ng kanyang pamilya, tinitiyak na mayroon sila ng kinakailangang pagkain, tirahan, damit, at edukasyon. Kahit hindi niya kayang tustusan ang lahat ng ito nang mag-isa, hindi niya isinusuko ang responsibilidad na pangalagaan ang kanyang pamilya.

Mga Responsibilidad ng Ina

  • Anong magagandang halimbawa ang nakita ninyo sa mga ina na nagpapalaki ng kanilang mga anak?

Sinabi ni Pangulong David O. McKay na ang pagiging ina ang pinakamarangal na katungkulan (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 178). Ito ay sagradong tungkulin, isang pakikipagtuwang sa Diyos sa pagluluwal ng Kanyang mga espiritung anak sa mundo. Ang pagsisilang ng mga anak ay isa sa mga pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala. Kung walang ama sa tahanan, ang ina ang namumuno sa pamilya.

Pinuri ni Pangulong Boyd K. Packer ang kababaihan na hindi nagkaroon ng sarili nilang mga anak ngunit sinikap na alagaan ang mga anak ng iba. Sabi niya: “Kapag binabanggit ko ang tungkol sa mga ina, hindi lamang ang mga babaing nagsilang ng mga anak ang tinutukoy ko, kundi ang mga ina rin na nag-alaga ng mga anak ng iba, at ang maraming kababaihan na, dahil walang sariling mga anak, ay naging ina sa mga anak ng ibang tao” (Mothers [1977], 8).

Itinuro ng mga propeta sa mga Huling Araw na, “Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak” (35602 893). Kailangang pag-ukulan ng oras ng ina ang kanyang mga anak at ituro sa kanila ang ebanghelyo. Dapat siyang makipaglaro sa kanila at gumawang kasama nila upang matuklasan nila ang mundo sa paligid nila. Kailangan din niyang tulungan ang kanyang pamilya na matutuhang gawing kaaya-ayang tirahan ang tahanan. Kung siya ay malambing at mapagmahal, tinutulungan niya ang kanyang mga anak na magkaroon ng mabuting pakiramdam sa kanilang sarili.

Inilalarawan ng Aklat ni Mormon ang isang grupo ng 2,000 kabataan na naging dakila dahil sa mga turo ng kanilang mga ina (tingnan sa Alma 53:16–23). Sa pamumuno ni propetang Helaman, nakipagdigma sila sa kanilang mga kaaway. Mula sa kanilang mga ina ay natuto silang maging tapat, matapang, at mapagkakatiwalaan. Itinuro din sa kanila ng kanilang mga ina na kung hindi sila mag-aalinlangan, ililigtas sila ng Diyos (tingnan sa Alma 56:47). Nakaligtas silang lahat sa digmaan. Ipinahayag nila ang kanilang pananalig sa mga turo ng kanilang mga ina, na nagsasabing, “Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (Alma 56:48). Ang bawat ina na mayroong patotoo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa kanyang mga anak.

Mga Responsibilidad ng mga Anak

  • Paano tinutulungan ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pagkakaroon ng maligayang tahanan?

Ang mga anak ay kabalikat ng kanilang mga magulang sa mga responsibilidad ng pagkakaroon ng maligayang tahanan. Dapat nilang sundin ang mga kautusan at makipagtulungan sa iba pang mga miyembro ng pamilya. Ang Panginoon ay hindi natutuwa kapag nag-aaway-away ang mga anak (tingnan sa Mosias 4:14).

Iniutos ng Panginoon sa mga anak na igalang ang kanilang mga magulang. Sabi Niya, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa” (Exodo 20:12). Ang ibig sabihin ng igalang ang mga magulang ay mahalin sila at magpitagan sa kanila. Ang ibig sabihin din nito ay sundin sila. Sinasabi ng mga banal na kasulatan sa mga bata na “magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka’t ito’y matuwid” (Mga Taga Efeso 6:1).

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball na dapat matutong magtrabaho ang mga bata at makibahagi sa mga responsibilidad sa tahanan at bakuran. Dapat silang bigyan ng mga gawain na panatilihing maayos at malinis ang bahay. (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 144.)

  • Ano ang dapat gawin ng mga bata upang igalang at bigyang-pitagan ang kanilang mga magulang?

  • Ano ang ginawa ng inyong mga magulang na umakay sa inyo upang igalang sila at magpitagan sa kanila?

Ang Pagtanggap ng mga Responsibilidad ay Nagdudulot ng mga Pagpapala

  • Ano ang maaaring gawin ng bawat miyembro ng pamilya upang maging maligaya ang tahanan?

Ang isang pamilyang nagmamahalan at maligaya ay hindi nagkakataon lamang. Kailangang gawin ng bawat tao sa pamilya ang kanyang bahagi. Ang Panginoon ay nagbigay ng mga responsibilidad kapwa sa mga magulang at mga anak. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na kailangan nating alalahanin, pasayahin, at isaalang-alang ang iba. Sa ating pagsasalita, pagdarasal, pagkanta, o sama-samang paggawa, matatamasa natin ang mga pagpapalang dulot ng pagkakasundo sa ating mga pamilya. (Tingnan sa Mga Taga Colosas 3.)

  • Ano ang ilang tradisyon at gawi na makapagpapaligaya sa tahanan?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Iba Pang mga Mapagkukunan

  • Mga Kawikaan 22:6 (turuan ang bata)

  • Mga Taga Efeso 6:1–3 (kailangang sumunod ang mga anak sa mga magulang)

  • D at T 68:25–28; Mga Taga Efeso 6:4 (mga responsibilidad ng mga magulang)

  • “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (mayroon sa LDS.org at sa maraming lathalain ng Simbahan, kabilang ang, Para sa Lakas ng mga Kabataan: Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyos [aytem bilang 36550 893], pahina 44; at Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian ng Ebanghelyo [aytem bilang 36863 893], mga pahina 165–68)

  • Gabay na Aklat ng Mag-anak (aytem bilang 31180 893)