Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 42: Ang Pagtitipon ng Sambahayan ni Israel


Kabanata 42

Ang Pagtitipon ng Sambahayan ni Israel

The Old Testament prophet Israel (Jacob) with his sons gathered around him. One of the sons (Joseph) is kneeling before his father. Israel has his hand on the son's head as he prepares to give him a priesthood blessing.

Ang Sambahayan ni Israel ang Pinagtipanang mga Tao ng Diyos

  • Ano ang mga responsibilidad ng pinagtipanang mga tao ng Diyos sa mga bansa ng mundo?

Si Jacob ay isang dakilang propeta na nabuhay nang daan-daang taon bago ang kapanahunan ni Cristo. Dahil matapat si Jacob, binigyan siya ng Panginoon ng espesyal na pangalan na Israel, na ibig sabihin ay “isang taong nagtatagumpay sa piling ng Diyos” o “hayaang magtagumpay ang Diyos” (Bible Dictionary, “Israel,” 708). Si Jacob ay nagkaroon ng labindalawang anak na lalaki. Ang mga anak na ito at ang kanilang mga pamilya ay nakilala bilang labindalawang angkan ni Israel, o mga Israelita (tingnan sa Genesis 49:28).

Si Jacob ay apo ni Abraham. Ang Panginoon ay gumawa ng walang hanggang tipan kay Abraham na muling ginawa kay Isaac at kay Jacob at sa kanyang mga anak (tingnan sa kabanata 15 sa aklat na ito; tingnan din ang visual o mga larawan sa kabanatang ito, na nagpapakita ng pagbabasbas ni Jacob sa kanyang mga anak na lalaki). Nangako ang Diyos na ang mga Israelita ang magiging Kanyang pinagtipanang mga tao habang sumusunod sila sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Deuteronomio 28:9–10). Magiging pagpapala sila sa lahat ng mga bansa ng daigdig sa pamamagitan ng paghahatid ng ebanghelyo at priesthood sa kanila (tingnan sa Abraham 2:9–11). Sa gayon, matutupad nila ang kanilang tipan sa Panginoon at tutuparin Niya ang Kanyang mga tipan sa kanila.

Ang Sambahayan ni Israel ay Ikinalat

Paulit-ulit na nagbabala ang mga propeta ng Panginoon sa sambahayan ni Israel tungkol sa mangyayari sa kanila kung masama sila. Nagpropesiya si Moises, “At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa” (Deuteronomio 28:64).

Sa kabila ng babalang ito, paulit-ulit na nilabag ng mga Israelita ang mga kautusan ng Diyos. Naglaban-laban sila at nahati sa dalawang kaharian: ang Hilagang Kaharian, na tinawag na kaharian ni Israel, at ang Timog na Kaharian, na tinawag na kaharian ni Juda. Sampu sa labindalawang lipi ni Israel ang nanirahan sa Hilagang Kaharian. Sa isang digmaan natalo sila ng kanilang mga kaaway at dinala at ginawang mga bihag. Ang ilan sa kanila ay nakatakas kalaunan papunta sa mga lupain ng hilaga at nawala at hindi na matagpuan ng mga tao.

Makaraan ang mga 100 taon pagkatapos mabihag ang Hilagang Kaharian, ang Timog na Kaharian ay nasakop. Ang kabiserang lungsod ng Jerusalem ay nawasak noong 586 B.C., at maraming miyembro ng nalalabing dalawang lipi ni Israel ang nabihag. Kalaunan, ang ilan sa mga miyembro ng mga liping ito ay nagbalik at muling itinayo ang Jerusalem. Bago nawasak ang Jerusalem, nilisan ni Lehi at ng kanyang pamilya, na mga miyembro ng sambahayan ni Israel, ang lungsod at nanirahan sa mga lupain ng Amerika.

Pagkatapos ng panahon ni Cristo, muling winasak ang Jerusalem, sa pagkakataong ito ng mga kawal ng Roma. Ang mga Judio ay ikinalat halos sa lahat ng panig ng mundo. Ngayon ang mga Israelita ay matatagpuan sa lahat ng mga bansa ng daigdig. Marami sa mga taong ito ang hindi nakaaalam na nagmula sila sa sinaunang sambahayan ni Israel.

  • Anong mga pakinabang ang dumating sa mga anak ng Diyos dahil sa pagkalat ng Kanyang mga pinagtipanang tao sa buong mundo?

Ang Sambahayan ni Israel ay Kailangang Tipunin

  • Bakit gusto ng Panginoon na matipon ang Kanyang mga tao?

  • Paano titipunin ang sambahayan ni Israel?

Nangako ang Panginoon na ang Kanyang pinagtipanang mga tao ay titipunin balang-araw: “Aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila” (Jeremias 23:3).

Tinitipon ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng gawaing misyonero. Sa pagkakaroon ng mga tao ng kaalaman tungkol kay Jesucristo, pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan at pagtupad sa kaugnay na mga tipan, sila ay nagiging “mga anak ng tipan” (3 Nephi 20:26). May mahahalaga Siyang dahilan sa pagtitipon ng Kanyang mga anak. Tinitipon Niya sila upang malaman nila ang mga turo ng ebanghelyo at ihanda ang kanilang sarili sa pagharap sa Tagapagligtas sa muli Niyang pagparito. Tinitipon Niya sila upang makapagtayo sila ng mga templo at maisagawa ang mga sagradong ordenansa para sa mga ninuno na namatay nang hindi nagkakaroon ng ganitong pagkakataon. Tinitipon Niya sila upang mapalakas nila ang bawat isa at magkaisa sa ebanghelyo, magkaroon ng proteksyon mula sa masasamang impluwensya ng mundo. Tinitipon din Niya sila upang maihanda nila ang kanilang sarili na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Ang kapangyarihan at karapatan upang pamahalaan ang gawain ng pagtitipon ng sambahayan ni Israel ay ipinagkaloob kay Joseph Smith ni propetang Moises, na nagpakita noong 1836 sa Kirtland Temple (tingnan sa D at T 110:11). Simula noong panahong iyon, tinaglay na ng bawat propeta ang mga susi para sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel, at ang pagtitipong ito ay naging mahalagang bahagi ng gawain ng Simbahan. Ang pinagtipanang mga tao ay tinitipon ngayon sa pagtanggap nila ng ipinanumbalik na ebanghelyo at pinaglilingkuran ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Deuteronomio 30:1–5).

Ang mga Israelita ay titipunin muna sa espirituwal at pagkatapos ay sa pisikal na paraan. Sila ay espirituwal na tinitipon sa pagsapi nila sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at paggawa at pagtupad sa mga sagradong tipan. Ang espirituwal na pagtitipong ito ay nagsimula noong panahon ni Propetang Joseph Smith at nagpapatuloy ngayon sa lahat ng panig ng mundo. Ang mga nagbalik-loob o nabinyagan sa Simbahan ay mga Israelita sa dugo o sa pamamagitan ng pag-ampon. Kabilang sila sa pamilya nina Abraham at Jacob (tingnan sa Abraham 2:9–11; Mga Taga Galacia 3:26–29).

Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Maraming bansa ang kinakatawan sa … Simbahan. … Naparito sila dahil napasakanila ang Espiritu ng Panginoon; … sa pagtanggap sa diwa ng pagtitipon, iniwan nila ang lahat ng bagay alang-alang sa ebanghelyo” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:256; nakahilig ang mga titik sa orihinal).

Ang ibig sabihin ng pisikal na pagtitipon ng Israel ay titipunin ang pinagtipanang mga tao “pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at manirahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako” (2 Nephi 9:2). Ang mga angkan nina Ephraim at Manases ay titipunin sa mga lupain ng Amerika. Ang lipi ni Juda ay babalik sa lungsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang sampung lipi na nawala ay tatanggapin mula sa angkan ni Ephraim ang ipinangakong mga pagpapala sa kanila (tingnan sa D at T 133:26–34).

Noong unang itinatag ang Simbahan, iniutos sa mga Banal na magtipon sa Ohio, pagkatapos ay sa Missouri, at pagkatapos sa Salt Lake Valley. Gayunman, itinuturo ng mga makabagong propeta sa ngayon na dapat itayo ng mga miyembro ng Simbahan ang kaharian ng Diyos sa kanilang sariling lupain. Sinabi ni Elder Russell M. Nelson: “Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring ‘[dalhin] sa kaalaman ng Panginoon’ [3 Nephi 20:13] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan. Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. … Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea; at marami pang iba. Ang Sion ay ‘ang may dalisay na puso.’ [D at T 97:21.] Ang Sion ay nasa kinaroroonan ng mabubuting Banal” (sa Conference Report, Okt. 2006, 85; o Liahona, Nob. 2006, 81).

Ang pisikal na pagtitipon ng Israel ay hindi makukumpleto hangga’t hindi sumasapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at hanggang sa Milenyo (tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:37). Sa panahong iyon matutupad ang pangako ng Panginoon:

“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

“Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain sa hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila: at akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang” (Jeremias 16:14–15).

  • Sa paanong mga paraan kayo espirituwal na natipon bilang isa sa pinagtipanang mga tao ng Panginoon?

  • Sa paanong paraan kayo nakibahagi sa pagtitipon sa iba?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan