Kabanata 31
Katapatan
Ang Katapatan ay Isang Alituntunin ng Kaligtasan
-
Ano kaya ang mangyayari sa lipunan kung lubos ang katapatan ng lahat ng tao?
Sinasabi sa ika-13 saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami sa pagiging matapat.” Ikinukuwento sa atin ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa isang grupo ng mga tao na “nakilala … sa kanilang pagiging masigasig sa Diyos, at gayon din sa mga tao; sapagkat sila ay ganap na matatapat at matwid sa lahat ng bagay; at sila ay matatag sa pananampalataya kay Cristo, maging hanggang sa katapusan” (Alma 27:27). Dahil sa kanilang katapatan, ang mga taong ito ay kilala ng kanilang kapwa at ng Diyos. Mahalagang matutuhan natin kung ano ang katapatan, kung paano tayo natutukso na maging hindi tapat, at paano natin madadaig ang tuksong ito.
Ang lubos na katapatan ay kailangan para sa ating kaligtasan. Sinabi ni Pangulong Brigham Young, “Kung tatanggapin natin ang kaligtasan sa ilalim ng mga tadhana kung saan ito inialok sa atin, kinakailangan nating maging tapat sa bawat iniisip, sa ating mga pagmumuni-muni, sa ating mga pagbubulay-bulay, sa ating pansariling mga samahan, sa ating mga pakikitungo, sa ating mga pahayag, at sa bawat kilos sa ating buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 328).
Ang Diyos ay tapat at makatarungan sa lahat ng bagay (tingnan sa Alma 7:20). Tayo din ay kailangang maging tapat sa lahat ng bagay upang maging katulad Niya. Ang kapatid ni Jared ay nagpatotoo, “Oo, Panginoon, nalalaman ko na … kayo ay Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling” (Eter 3:12). Sa kabaligtaran, ang diyablo ay sinungaling. Sa katunayan, siya ang ama ng lahat ng kasinungalingan (tingnan sa 2 Nephi 9:9). “Ang mga taong pinipili ang mandaya at magsinungaling at manlinlang at manloko ay nagiging mga alipin niya” (Mark E. Petersen, sa Conference Report, Okt. 1971, 65; o Ensign, Dis. 1971, 73).
Mahal ng matatapat na tao ang katotohanan at katarungan. Sila ay tapat sa kanilang mga salita at gawa. Hindi sila nagsisinungaling, nagnanakaw, o nandaraya.
Ang Magsinungaling ay Pagiging Hindi Tapat
Ang pagsisinungaling ay sadyang panlilinlang sa iba. Ang pagbibintang ay isang uri ng pagsisinungaling. Ibinigay ng Panginoon ang kautusang ito sa mga anak ni Israel: “Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa” (Exodo 20:16). Itinuro din ito ni Jesus noong narito Siya sa lupa (tingnan sa Mateo 19:18). Marami pang anyo ang pagsisinungaling. Kapag nagsalita tayo ng hindi totoo, tayo ay nagkakasala ng pagsisinungaling. Maaari din nating sadyaing linlangin ang iba sa pamamagitan ng kumpas o tingin, sa hindi pagkibo, o sa pagsasabi ng bahagi lamang ng katotohanan. Sa tuwing inaakay natin ang mga tao na maniwala sa isang bagay na hindi totoo sa anumang paraan, tayo ay hindi nagiging tapat.
Ang Panginoon ay hindi natutuwa sa ganitong kawalan ng katapatan, at pananagutan natin ang ating mga kasinungalingan. Papapaniwalain tayo ni Satanas na hindi masama ang magsinungaling. Sabi niya, “Oo, magsinungaling nang kaunti; … walang masama rito” (2 Nephi 28:8). Hinihikayat tayo ni Satanas na pangatwiranan ang ating mga kasinungalingan sa ating sarili. Makikilala ng matatapat na tao ang mga tukso ni Satanas at magsasabi ng buong katotohanan, kahit na ito ay maaaring makasama sa kanila.
Ang Magnakaw ay Pagiging Hindi Tapat
Itinuro ni Jesus, “Huwag kang magnanakaw” (Mateo 19:18). Ang pagnanakaw ay pagkuha ng isang bagay na hindi sa atin. Kapag kinuha natin ang pag-aari ng iba o ng isang tindahan o ng komunidad nang walang pahintulot, tayo ay nagnanakaw. Ang pagkuha ng paninda o mga kagamitan mula sa pinagtatrabahuhan ay pagnanakaw. Ang pagkopya ng musika, pelikula, retrato, o nakasulat na teksto nang walang pahintulot ng mga may-ari ng karapatang-sipi ay pagiging hindi tapat at isang uri ng pagnanakaw. Ang pagtanggap ng sobrang sukli o mga paninda kaysa dapat tanggapin ng isang tao ay pagiging hindi tapat. Ang pagkuha nang higit kaysa ating bahagi ng anumang bagay ay pagnanakaw.
Ang Mandaya ay Pagiging Hindi Tapat
Nandaraya tayo kapag kulang ang ibinigay natin kaysa ating pagkakautang, o kapag kinuha natin ang isang bagay na hindi nararapat para sa atin. Dinaraya ng ilang empleyado ang kanilang pinagtatrabahuhan sa hindi paggawa nang husto sa oras ng trabaho; subalit hustong pasahod ang tinatanggap nila. Ang ilang pinagtatrabahuhan ay hindi patas sa kanilang mga empleyado; kulang ang ibinabayad sa dapat nilang ipasahod sa kanila. Sinasabi ni Satanas, “Pagsamantalahan ang isa dahil sa kanyang mga salita, humukay ng hukay para sa iyong kapwa” (2 Nephi 28:8). Ang pagsasamantala ay isang uri ng pagiging hindi tapat. Ang pagbibigay ng hindi magandang kalidad ng serbisyo o paninda ay pandaraya.
Hindi Natin Dapat Bigyang-Katwiran ang Ating Pagiging Hindi Tapat
-
Ano ang nangyayari sa espirituwalidad natin kapag binibigyang-katwiran natin ang ating pagiging hindi tapat?
Maraming idinadahilan ang mga tao sa pagiging hindi tapat. Ang mga tao ay nagsisinungaling upang protektahan ang sarili at upang mabuti ang isipin sa kanila ng iba. Binibigyang-katwiran ng ilan ang kanilang pagnanakaw, iniisip na nararapat na mapasakanila ang kanilang kinuha, balak naman nilang isauli ito, o mas kailangan nila ito kaysa sa may-ari. Ang ilan ay nandaraya para makakuha ng mataas na marka sa eskuwela o dahil “ginagawa naman ito ng lahat” o para makabawi.
Ang mga pangangatwirang ito at marami pang iba ang idinadahilan sa pagiging hindi tapat. Sa Panginoon, walang katanggap-tanggap na mga pagdadahilan. Kapag binibigyang-katwiran natin ang ating sarili, dinadaya natin ang ating sarili at lalayo sa atin ang Espiritu ng Diyos. Tayo ay lalong nagiging masama.
Maaari Tayong Maging Lubos na Matapat
-
Ano ang ibig sabihin ng maging lubos na matapat?
Upang maging lubos na matapat, kailangang suriin nating mabuti ang ating buhay. Kung may mga pagkakataon na nagiging hindi tayo tapat kahit sa napakaliit na paraan, dapat nating pagsisihan kaagad ang mga ito.
Kapag tayo ay lubos na matapat, hindi tayo magiging masama. Tapat tayo sa bawat pagtitiwala, tungkulin, kasunduan, o tipan, kahit ang katumbas nito ay pera, mga kaibigan, o ang ating buhay. Dahil dito ay makahaharap tayo sa Panginoon, sa ating sarili, at sa iba nang walang ikinahihiya. Ipinayo ni Pangulong Joseph F. Smith, “Hayaang maging matwid ang buhay ng bawat tao upang matanggap at malampasan ng kanyang pagkatao ang pinakamasusing pagsusuri, at nang makita ito na tulad ng isang bukas na aklat, upang wala siyang dapat na itago o ikahiya” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 252).
-
Sa paanong paraan naaapektuhan ng ating katapatan o ng kawalan ng katapatan ang damdamin natin ukol sa ating sarili?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
D at T 50:17 (magsalita lamang sa pamamagitan ng espiritu ng katotohanan)
-
D at T 76:103–6 (kahahantungan ng mga sinungaling)
-
D at T 42:27 (kautusan na huwag magsalita ng masama tungkol sa kapwa)
-
Exodo 20:15–16 (mga kautusan na huwag magnakaw at huwag magbintang)
-
D at T 42:20, 84–85; 59:6 (pinagbabawalan na magnakaw)
-
D at T 3:2 (matapat ang Diyos)
-
D at T 10:25–28 (nanlilinlang si Satanas)