Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 15: Ang Pinagtipanang mga Tao ng Panginoon


Kabanata 15

Ang Pinagtipanang mga Tao ng Panginoon

The Old Testament prophet Abraham kneeling in prayer. Abraham is holding a staff in one hand and is looking toward the heavens as he prays. Sarah, the wife of Abraham, is depicted watching and with a look of humor on her face, from a tent portrayed in the background. Abraham and Sarah are depicted as elderly people.

Ang Katangian ng mga Tipan

  • Ano ang isang tipan? Bakit tinatawag na pinagtipanang mga tao ang mga Banal sa mga Huling Araw?

Sa simula pa lamang, nakipagtipan na ang Panginoon sa Kanyang mga anak dito sa lupa. Kapag nakikipagtipan (o nangangako) ang kanyang mga tao sa Kanya, alam nila kung ano ang inaasahan Niya sa kanila at anong mga pagpapala ang maaari nilang asahan mula sa Kanya. Mas maisasagawa nila ang Kanyang gawain sa lupa. Ang mga taong nakipagtipan sa Panginoon at nakipagtipan din sa kanila ang Panginoon ay kilala bilang pinagtipanang mga tao ng Panginoon. Ang mga miyembro ng Simbahan ay bahagi ng pinagtipanang mga tao ng Panginoon.

Sa ebanghelyo, ang tipan ay sagradong kasunduan o pangako sa pagitan ng Diyos at ng isang tao o isang grupo ng mga tao. Sa paggawa ng tipan, nangangako ng pagpapala ang Diyos sa pagsunod sa partikular na mga utos. Siya ang nagtatakda ng mga kundisyon sa Kanyang tipan, at inihahayag Niya ang mga kundisyong ito sa Kanyang mga propeta. Kung pipiliin nating sundin ang mga kundisyon sa tipan, tatanggapin natin ang ipinangakong mga pagpapala. Kung pipiliin nating sumuway, hindi Niya ibibigay ang mga pagpapala, at sa ilang sitwasyon ay nagpapataw rin ng parusa.

Halimbawa, nang sumapi tayo sa Simbahan gumawa tayo ng ilang tipan sa Diyos (tingnan sa kabanata 20 sa aklat na ito). Nakikipagtipan tayo sa Tagapagligtas sa binyag na tataglayin natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Nangako Siya na “kasindami ng magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan, na Jesucristo, at magtitiis hanggang wakas, sila rin ay maliligtas” (D at T 18:22). Nakikipagtipan tayo sa Panginoon kapag tumatanggap tayo ng sacrament (tingnan sa kabanata 23 sa aklat na ito). Nangangako tayong tataglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan, aalalahanin Siya, at susundin ang Kanyang mga utos. Pinangakuan tayong sasaatin ang Banal na Espiritu. (Tingnan sa D at T 20:77–79.) Kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa templo, gumagawa tayo ng iba pang mga sagradong tipan at pinangangakuan ng kadakilaan sa tapat na pagsunod (tingnan sa D at T 132; tingnan din sa kabanata 47 sa aklat na ito).

Gumawa rin ang Diyos ng natatanging mga tipan sa mga partikular na tao o grupo. Gumawa Siya ng natatanging mga tipan kina Adan, Enoc, Noe, mga anak ni Israel, at Lehi (tingnan sa Moises 6:31–36, 52; Genesis 9:9–17; Exodo 19:5–6; 2 Nephi 1). Gumawa Siya ng natatanging tipan kay Abraham at sa kanyang mga inapo na nagpapala sa mga miyembro ng Simbahan at sa lahat ng bansa sa mundo ngayon.

  • Pag-isipan ang mga tipang ginawa ninyo sa Diyos at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa inyo sa pagtupad sa mga tipang iyon.

Ang Tipan ng Diyos Kay Abraham at sa Kanyang mga Inapo

  • Ano ang tipan ni Abraham?

Si Abraham, isang propeta ng Matandang Tipan, ay napakabuting tao (tingnan ang larawan sa kabanatang ito). Tumanggi siyang sambahin ang mga diyus-diyusan ng kanyang ama. Sinunod niya ang lahat ng utos ng Panginoon. Dahil sa kabutihan ni Abraham, nakipagtipan ang Panginoon sa kanya at sa kanyang mga inapo.

Nangako ang Panginoon kay Abraham na magkakaroon siya ng di-mabilang na mga inapo. Nangako Siya na lahat sila ay magkakaroon ng karapatang tumanggap ng ebanghelyo, mga pagpapala ng priesthood, at lahat ng ordenansa ng kadakilaan. Ang mga inapong ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, ang maghahatid ng ebanghelyo sa lahat ng bansa. Sa pamamagitan nila, lahat ng pamilya sa lupa ay pagpapalain (tingnan sa Abraham 2:11). Ipinangako pa ng Diyos na kung sila ay matwid pagtitibayin Niya ang Kanyang tipan sa lahat ng henerasyon ng mga anak ni Abraham (tingnan sa Genesis 17:4–8).

  • Paano naaangkop sa atin ang mga utos at pangako sa tipan ni Abraham? (Isipin kung paano naaangkop ang tanong na ito sa iba’t ibang sitwasyon, tulad sa tahanan, sa trabaho, sa komunidad, o bilang mga misyonero.)

Ang mga Miyembro ng Simbahan ay Pinagtipanang mga Tao

  • Anong mga pagpapala at responsibilidad ang dumarating sa pinagtipanang mga tao ng Diyos ngayon?

Hindi lamang mga tunay na inapo ni Abraham ang tanging mga taong tinatawag ng Diyos na Kanyang pinagtipanang mga tao. Sa pakikipag-usap kay Abraham, sinabi ng Diyos, “Kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi [angkan], at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama” (Abraham 2:10). Dahil dito, dalawang grupo ng mga tao ang kabilang sa tipang ginawa kay Abraham: (1) ang matwid at tunay na mga inapo ni Abraham at (2) ang mga inampon sa kanyang angkan sa pamamagitan ng pagtanggap at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 30:2).

Nang mabinyagan tayo sa Simbahan, pumasok tayo sa tipang ginawa ng Panginoon kina Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Mga Taga Galacia 3:26–29). Kung tayo ay masunurin, mamanahin natin ang mga pagpapala ng tipang iyon. May karapatan tayong tumanggap ng tulong at patnubay mula sa Espiritu Santo. Ang mga karapat-dapat na lalaki ay may karapatang magtaglay ng priesthood. Ang mga pamilya ay maaaring tumanggap ng mga pagpapala ng priesthood. Matatamo natin ang buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal. Wala nang hihigit pa sa mga pagpapalang ito.

Kalakip ng tinatanggap nating mga pagpapala bilang pinagtipanang mga tao ng Panginoon, may mabibigat tayong responsibilidad. Ipinangako ng Panginoon kay Abraham na sa pamamagitan ng kanyang mga inapo ay maihahatid ang ebanghelyo sa buong mundo. Ginagampanan natin ang responsibilidad na ito sa pamamagitan ng full-time missionary program ng Simbahan at ng gawaing misyonerong ginagawa ng mga miyembro. Ang pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo ay nasa Simbahan lamang ng Panginoon at sa Kanyang pinagtipanang mga tao.

Bilang pinagtipanang mga tao ng Panginoon, dapat nating sundin ang Kanyang mga utos. Sabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10). Kung tatanggihan natin ang ating tipan matapos matanggap ang ebanghelyo, nawawalan ng bisa ang tipan at isusumpa tayo sa harapan ng Diyos (tingnan sa D at T 132:4). Sinabi Niya: “Tumigil sa paggawa ng kasalanan, kung hindi, mga matinding paghatol ang babagsak sa inyong ulo. Sapagkat sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin; at siya na nagkasala laban sa mas dakilang liwanag ay tatanggap ng mas malaking kaparusahan” (D at T 82:2–3).

Ang Bago at Walang Hanggang Tipan

  • Ano ang ipinangangako nating gawin kapag tinanggap natin ang ebanghelyo? Anong mga pagpapala ang ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit kapag tinutupad natin ang mga pangakong ito?

Ang kabuuan ng ebanghelyo ay tinatawag na bago at walang hanggang tipan. Kabilang dito ang mga tipang ginawa sa binyag, sa sacrament, sa templo, at sa iba pang pagkakataon. Tinawag itong walang hanggan ng Panginoon dahil ito ay inorden ng Diyos na walang hanggan at dahil hindi na babaguhin ang tipan magpakailanman. Ang tipan ding ito ang ibinigay Niya kina Adan, Enoc, Noe, Abraham, at sa iba pang mga propeta. Dahil dito hindi na ito bago. Ngunit tinatawag itong bago ng Panginoon dahil sa tuwing ipanunumbalik ang ebanghelyo matapos kunin sa lupa, bago ito sa mga taong tatanggap nito (tingnan sa Jeremias 31:31–34; Ezekiel 37:26).

Kapag tinanggap natin ang bago at walang hanggang tipan, sumasang-ayon tayong magsisi, magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, tanggapin ang ating endowment, tanggapin ang tipan ng kasal sa templo, at sundin si Cristo hanggang sa huling sandali ng ating buhay. Kapag tinupad natin ang ating mga tipan, nangangako ang ating Ama sa Langit na tatanggap tayo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 132:20–24; tingnan din sa kabanata 47 sa aklat na ito).

Ang kadakilaan ng pangakong iyan ay mahirap maunawaan ng mga mortal. Ang mga utos na ibinibigay Niya ay para sa ating kapakanan, at kapag tapat tayo maaari tayong makibahagi sa mga pagpapala at kariktan ng langit at lupa magpakailanman. Maaari tayong mamuhay sa Kanyang piling at makibahagi sa Kanyang pagmamahal, habag, kapangyarihan, kadakilaan, kaalaman, karunungan, kaluwalhatian, at mga nasasakupan.

  • Ano ang kinalaman ng pagiging pinagtipanang mga tao ng Panginoon sa paraan ng ating pananamit, pagkilos, at pagsunod sa mga utos ng Diyos?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Iba Pang Mapagkukunan