Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 7: Ang Espiritu Santo


Kabanata 7

Ang Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay Napasa kina Adan at Eva

  • Bakit kailangan nina Adan at Eva ang patnubay ng Espiritu Santo?

Matapos lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden, sinimulan nilang bungkalin ang lupa at gawin ang iba pang mga gawain para mabuhay. Nagkaroon sila ng maraming anak, at nagsipag-asawa at nagkaanak din ang kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:1–3). Sa gayon, sinimulang lisanin ng mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit ang Kanyang piling upang pumarito sa lupa tulad ng ipinangako sa kanila (tingnan sa Abraham 3:24–25). Nang isilang sila sa mundo, inalis sa kanilang alaala ang kanilang tahanan sa langit. Ngunit hindi ipinagkait sa kanila ng ating Ama ang Kanyang impluwensya. Isinugo Niya ang Espiritu Santo para aliwin at tulungan at patnubayan ang lahat ng Kanyang espiritung anak.

Nanalangin sina Adan at Eva sa Ama sa Langit. Kinausap Niya sila at binigyan ng mga utos, na sinunod nila. Isang anghel ng Panginoon ang dumating at itinuro kina Adan at Eva ang plano ng kaligtasan. Isinugo ng Panginoon ang Espiritu Santo para patotohanan ang Ama at ang Anak at ituro ang ebanghelyo kina Adan at Eva. (Tingnan sa Moises 5:4–9.)

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, si Adan ay “nagsimulang magpropesiya hinggil sa lahat ng mag-anak sa mundo, nagsasabing: Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos” (Moises 5:10). Dahil sa patotoo ng Espiritu Santo kay Eva, sinabi niya, “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin” (Moises 5:11).

  • Paano nakatulad ng kina Adan at Eva ang ating pangangailangan sa patnubay ng Espiritu Santo?

Mga Katangian ng Espiritu Santo

  • Paano naiiba ang Espiritu Santo sa Ama at sa Anak? Bakit mahalaga sa atin ang pagkakaibang iyon?

Ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos (tingnan sa I Ni Juan 5:7; D at T 20:28). Siya ay isang “personaheng Espiritu” (D at T 130:22). Iisang lugar lamang ang mapaparoonan Niya sa bawat pagkakataon, ngunit ang Kanyang impluwensya ay maaaring mapasa lahat ng dako sa iisang pagkakataon.

Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay tinatawag na Panguluhang Diyos. Iisa ang Kanilang layunin. Bawat isa ay may mahalagang tungkulin sa plano ng kaligtasan. Ang ating Ama sa Langit ang ating Ama at pinuno. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at nagpapatotoo sa lahat ng katotohanan.

Ang Espiritu Santo ang sugo ng ating Ama sa Langit at isang espesyal na kaloob sa atin (tingnan sa kabanata 21 ng aklat na ito).

Ang Misyon ng Espiritu Santo

  • Ano ang ilan sa mga katotohanang inihayag sa atin ng Espiritu Santo?

Ang misyon ng Espiritu Santo ay patotohanan ang Ama at ang Anak at ang katotohanan ng lahat ng bagay.

Patototohanan sa atin ng Espiritu Santo na si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos (tingnan sa 3 Nephi 28:11; D at T 20:27). Ihahayag Niya sa atin na ang ating Ama sa Langit ang Ama ng ating mga espiritu. Tutulungan Niya tayong maunawaan na maaari tayong maging dakila tulad ng ating Ama sa Langit. (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.) Nangako ang mga propeta ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Kung wala ang Espiritu Santo, hindi natin malalaman na si Jesus ang Cristo. Isinulat ni Apostol Pablo, “Wala[ng] sinoman[g] makapagsasabi [na] si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo” (I Mga Taga Corinto 12:3). Sinabi ng Tagapagligtas mismo, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). Ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang aakay sa atin upang maunawaan at maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Napakalakas ng kapangyarihang manghikayat ng Espiritu Santo kaya walang alinlangang ang inihahayag Niya sa atin ay totoo. Sabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

“Kapag nagpahayag sa isang tao ang Espiritu Santo, nag-iiwan ito ng isang di maalis na impresyon sa kanyang kaluluwa, na hindi madaling mabura. Ito ay pakikipag-usap ng Espiritu sa espiritu, at nakakukumbinsi ang puwersa nito. Ang pagpapakita ng isang anghel o maging ng Anak ng Diyos mismo, ay kahanga-hanga sa paningin at isipan, at kalaunan ay lalabo, ngunit ang mga paramdam ng Espiritu Santo ay may mas malalim na epekto sa kaluluwa at mas mahirap burahin” (Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo. [1957–66], 2:151).

Sinabi rin ni Pangulong Smith, “Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay mahahabi sa mismong himaymay at mga litid ng katawan upang hindi ito malimutan” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:48).

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dapat tayong maging karapat-dapat na tanggapin ang natatanging sugo at saksi ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Isipin ang mga pagkakataong natulungan kayo ng Espiritu Santo na lumago ang inyong patotoo. Kung angkop, ibahagi ang ilan sa mga karanasang ito sa mga miyembro ng klase o pamilya.

Karagdagang mga Banal na Kasulatan