Kabanata 35
Pagsunod
Dapat ay Kusang-Loob Nating Sundin ang Diyos
-
Ano ang kaibhan ng kusang-loob na pagsunod sa sapilitang pagsunod?
Noong nasa lupa pa si Jesus, isang abogado ang nagtanong sa Kanya:
“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?
“[Sinabi ni Jesus] sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta” (Mateo 22:36–40).
Mula sa mga banal na kasulatang ito, natututuhan natin kung gaano kahalaga para sa atin na mahalin ang Panginoon at ang ating kapwa. Ngunit paano natin ipinakikita ang ating pagmamahal sa Panginoon?
Sinagot ni Jesus ang tanong na ito nang sabihin Niya, “Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama” (Juan 14:21).
Dapat tanungin ng bawat isa sa atin ang ating sarili kung bakit natin sinusunod ang mga utos ng Diyos. Dahil ba natatakot tayong maparusahan? Dahil ba nais natin ang mga gantimpala ng mabuting pamumuhay? Dahil ba mahal natin ang Diyos at si Jesucristo at nais nating paglingkuran Sila?
Mas makabubuting sundin ang mga utos dahil natatakot tayong maparusahan kaysa hindi sundin ang mga iyon. Ngunit mas magiging maligaya tayo kung susundin natin ang Diyos dahil mahal natin Siya at gusto natin Siyang sundin. Kapag sinusunod natin Siya nang maluwag sa ating kalooban, maluwag sa loob Niya tayong babasbasan. Sabi Niya, “Ako, ang Panginoon, … [ay] nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan” (D at T 76:5). Ang pagsunod ay tumutulong din sa atin upang umunlad at maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit. Ngunit ang mga walang ginagawa hangga’t hindi sila inuutusan at pagkatapos ay mabigat sa kalooban ang pagsunod sa mga kautusan ay nawawalan ng kanilang gantimpala (tingnan sa D at T 58:26–29).
-
Paano natin madaragdagan ang ating hangaring sumunod?
Maaari Tayong Sumunod nang Hindi Nauunawaan Kung Bakit
-
Bakit hindi kailangang lagi nating nauunawaan ang mga layunin ng Panginoon upang maging masunurin?
Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, naghahanda tayo para sa buhay na walang hanggan at kadakilaan. Kung minsan ay hindi natin alam ang dahilan ng isang partikular na kautusan. Gayunman, ipinakikita natin ang ating pananampalataya at tiwala sa Diyos kapag sinusunod natin Siya nang hindi nalalaman kung bakit.
Sina Adan at Eva ay inutusang mag-alay ng mga hain sa Diyos. Isang araw nagpakita ang isang anghel kay Adan at itinanong kung bakit siya nag-aalay ng mga hain. Sumagot si Adan na hindi niya alam ang dahilan. Ginawa niya iyon dahil iniutos sa kanya ng Panginoon. (Tingnan sa Moises 5:5–6 at ang larawan sa kabanatang ito.)
Pagkatapos ay itinuro ng anghel kay Adan ang ebanghelyo at sinabi sa kanya ang tungkol sa darating na Tagapagligtas. Ang Espiritu Santo ay bumaba kay Adan, at nagpropesiya si Adan tungkol sa lahat ng naninirahan sa lupa hanggang sa huling henerasyon. (Tingnan sa Moises 5:7–10; D at T 107:56.) Ang kaalamang ito at ang mga dakilang pagpapala ay dumating kay Adan dahil siya ay masunurin.
Maghahanda ng Paraan ang Diyos
Sinasabi sa atin ng Aklat ni Mormon na si Nephi at ang kanyang mga nakatatandang kapatid ay nakatanggap ng mahirap na gawain mula sa Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 3:1–6). Nagreklamo ang mga kapatid ni Nephi, na sinasabing mahirap ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon. Ngunit sinabi ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Kapag nahihirapan tayong sumunod sa isang kautusan ng Panginoon, dapat nating alalahanin ang mga salita ni Nephi.
-
Kailan naghanda ang Panginoon ng paraan para makasunod kayo sa Kanya?
Walang Utos na Napakaliit o Napakalaki Para Sundin
Kung minsan maaari nating isipin na hindi masyadong mahalaga ang isang kautusan. Ikinukuwento ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Naaman na ganoon ang naging pag-iisip. Si Naaman ay nagkaroon ng mabigat na karamdaman at naglakbay mula Siria papuntang Israel upang hilingin kay propetang Eliseo na pagalingin siya. Si Naaman ay mahalagang tao sa kanyang sariling bayan, kaya’t nagdamdam siya nang hindi siya personal na binati ni Eliseo at sa halip ay isinugo nito ang kanyang tagapaglingkod. Lalong nagdamdam si Naaman nang matanggap niya ang mensahe ni Eliseo: maligo nang pitong beses sa ilog Jordan. “Hindi ba … [ang] mga ilog ng Damasco ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis?” tanong niya. Siya ay umalis nang may galit. Ngunit tinanong siya ng kanyang mga lingkod: “Kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?” Si Naaman ay may sapat na talino upang maunawaan na mahalaga ang sumunod sa propeta ng Diyos, kahit tila maliit na bagay ito. Kaya naligo siya sa Jordan at gumaling. (Tingnan sa II Mga Hari 5:1–14.)
Kung minsan maaaring isipin natin na napakahirap ng isang utos para sundin natin. Tulad ng mga kapatid ni Nephi, maaaring masabi natin, “Mahirap na bagay ang hinihingi ng Diyos sa atin.” Gayunman, tulad ni Nephi, makatitiyak tayo na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng utos maliban na maghahanda Siya ng paraan para makasunod tayo sa Kanya.
“Mahirap na bagay” nang utusan ng Panginoon si Abraham na ialay ang kanyang pinakamamahal na anak na si Isaac bilang hain (tingnan sa Genesis 22:1–13; tingnan din sa kabanata 26 sa aklat na ito). Naghintay si Abraham ng maraming taon sa pagsilang ni Isaac, ang anak na ipinangako sa kanya ng Diyos. Bakit kailangang mawala sa kanya ang kanyang anak sa ganitong paraan? Marahil napakahirap ng kautusang ito para kay Abraham. Gayunman pinili niyang sundin ang Diyos.
Dapat ay handa rin tayong sundin ang anumang iutos sa atin ng Diyos. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Naging panuntunan ko na ito: Kapag iniutos ng Panginoon, gawin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 187). Maaari din nating maging panuntunan ito.
-
Kailan kayo tumanggap ng mga pagpapala bunga ng inyong pagsunod sa tila maliliit na kautusan?
Sinunod ni Jesucristo ang Kanyang Ama
-
Anong mga halimbawa ang naiisip ninyo kapag iniisip ninyong sinusunod ni Jesus ang Kanyang Ama?
Si Jesucristo ang pinakamagandang halimbawa ng pagsunod sa ating Ama sa Langit. Sinabi Niya, “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). Ang buong buhay Niya ay inilaan sa pagsunod sa Kanyang Ama; gayunman hindi ito laging madali para sa kanya. Siya ay tinukso sa lahat ng paraan gaya ng ibang tao (tingnan sa Sa Mga Hebreo 4:15). Sa Halamanan ng Getsemani Siya ay nanalangin, nagsasabing, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).
Dahil sinunod ni Jesus ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay, ginawa Niyang posible ang kaligtasan para sa ating lahat.
-
Paano makatutulong ang paggunita sa halimbawa ng Tagapagligtas upang tayo ay maging masunurin?
Mga Bunga ng Pagsunod at Pagsuway
-
Ano ang mga bunga ng pagsunod o pagsuway sa mga kautusan ng Panginoon?
Ang kaharian ng langit ay pinamamahalaan ng batas, at kapag may natanggap tayong anumang pagpapala, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan nakabatay ang pagpapalang iyon (tingnan sa D at T 130:20–21; 132:5). Sinabi sa atin ng Panginoon na sa pamamagitan ng ating pagsunod at pagiging masigasig ay maaari tayong magkaroon ng kaalaman at katalinuhan (tingnan sa D at T 130:18–19). Maaari din tayong umunlad sa espirituwal (tingnan sa Jeremias 7:23–24). Sa kabilang banda, ang pagsuway ay nagdudulot ng kabiguan at bunga nito ay nawawala ang mga pagpapala. “Sino ako, wika ng Panginoon, na nangako at hindi tumupad? Ako ay nag-uutos at ang mga tao ay hindi sumusunod; ako ay nagpapawalang-bisa at hindi nila natatanggap ang pagpapala. Pagkatapos kanilang sasabihin sa kanilang mga puso: Hindi ito ang gawain ng Panginoon, dahil ang kanyang mga pangako ay hindi natupad” (D at T 58:31–33).
Kapag tinutupad natin ang mga kautusan ng Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako, tulad ng sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao: “Hinihingi niya na inyong gawin ang kanyang ipinag-uutos sa inyo; sapagkat kung ito ay gagawin ninyo, kayo ay kaagad niyang pagpapalain” (Mosias 2:24).
Ang Masunurin ay Magtatamo ng Buhay na Walang Hanggan
Pinapayuhan tayo ng Panginoon, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (D at T 14:7).
Inilarawan ng Panginoon ang iba pang mga pagpapala na darating sa mga sumusunod sa Kanya sa kabutihan at katotohanan hanggang wakas:
“Ganito ang wika ng Panginoon—Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.
“Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.
“At sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga, oo, lahat ng nakakubling hiwaga ng aking kaharian mula noong una, at hanggang sa mga panahong darating, aking ipaaalam sa kanila ang mabuting kagustuhan ng aking kalooban hinggil sa lahat ng bagay na nauukol sa aking kaharian.
“Oo, maging ang mga kamangha-mangha ng kawalang-hanggan ay kanilang malalaman, at ang mga bagay na darating ay aking ipakikita sa kanila, maging ang mga bagay-bagay ng maraming salinlahi.
“At ang kanilang karunungan ay lalawak, at ang kanilang pang-unawa ay aabot hanggang sa langit. …
“Sapagkat sa pamamagitan ng aking Espiritu ay aking bibigyang-liwanag sila, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan aking ipaaalam sa kanila ang mga lihim ng aking kalooban—oo, maging yaong mga bagay na hindi nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, ni hindi pa pumapasok sa puso ng tao” (D at T 76:5–10).
-
Ano ang ibig sabihin sa inyo ng katagang “magtiis hanggang wakas”?
-
Ano ang maaari nating gawin upang manatiling tapat sa mga alituntunin ng ebanghelyo kahit na hindi ito ang ginagawa ng karamihan? Paano natin matutulungan ang mga bata at kabataan na manatiling tapat sa mga alituntunin ng ebanghelyo?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Abraham 3:25 (naparito tayo sa lupa upang patunayan na tayo ay masunurin)
-
I Samuel 15:22 (ang pagsunod ay mas mabuti kaysa pag-aalay ng hain)
-
Eclesiastes 12:13; Juan 14:15; Mga Taga Roma 6:16; D at T 78:7; 132:36; Deuteronomio 4:1–40 (dapat nating sundin ang Diyos)
-
2 Nephi 31:7 (si Jesucristo ay masunurin)
-
Mga Kawikaan 3:1–4; 6:20–22; 7:1–3; Mga Taga Efeso 6:1–3; Mga Taga Colosas 3:20 (dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang)
-
D at T 21:4–6 (sundin ang propeta)
-
Juan 8:29–32; Mosias 2:22, 41; D at T 82:10; 1 Nephi 2:20 (mga pagpapala sa pagsunod)
-
D at T 58:21–22; 98:4–6; 134:5–7 (sundin ang mga batas ng lupain)
-
Isaias 60:12; D at T 1:14; 93:39; 132:6, 39 (mga bunga ng pagsuway)
-
2 Nephi 31:16; D at T 53:7; Mateo 24:13; Lucas 9:62 (magtiis hanggang wakas)