Kabanata 41
Ang Daigdig ng mga Espiritu Pagkatapos ng Buhay na Ito
Kabilang-Buhay
-
Ano ang mangyayari sa atin pagkatapos nating mamatay?
Ang Ama sa Langit ay naghanda ng plano para sa ating kaligtasan. Bilang bahagi ng planong ito, ipinadala Niya tayo mula sa Kanyang kinaroroonan upang mabuhay sa lupa at tumanggap ng mortal na katawan na may laman at dugo. Kalaunan ang ating mortal na katawan ay mamamatay, at ang ating espiritu ay magpupunta sa daigdig ng mga espiritu. Ang daigdig ng mga espiritu ay isang lugar ng hintayan, pagtatrabaho, pag-aaral, at, para sa mabubuti, pagpapahinga mula sa mga alalahanin at kalungkutan. Doon maninirahan ang ating mga espiritu hanggang sa handa na tayo para sa ating pagkabuhay na mag-uli. Pagkatapos muling magsasama ang ating mortal na katawan at ating espiritu, at tatanggapin natin ang antas ng kaluwalhatian na pinaghandaan natin (tingnan sa kabanata 46 sa aklat na ito).
Maraming tao ang nag-iisip kung ano ang hitsura ng daigdig ng mga espiritu. Ang mga banal na kasulatan at mga propeta sa mga huling araw ay nagbigay sa atin ng impormasyon tungkol sa daigdig ng mga espiritu.
-
Anong kaaliwan ang natanggap ninyo sa kaalaman na mayroong kabilang-buhay? Paano natin magagamit ang ating pang-unawa sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng buhay na ito upang maalo ang iba?
Saan Naroon ang Daigdig ng mga Espiritu Pagkatapos ng Buhay na Ito?
Sinasabi ng mga propeta sa mga Huling Araw na ang mga espiritu ng mga yumao ay hindi malayo sa atin. Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Kung minsan ang tabing sa pagitan ng buhay na ito at ng kabilang-buhay ay nagiging napakanipis. Ang mga mahal natin sa buhay na yumao na ay hindi malayo sa atin” (sa Conference Report, Abr. 1971, 18; o Ensign, Hunyo 1971, 33). Itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang daigdig ng mga espiritu ay nasa lupa, nasa paligid natin (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 312).
Ano ang Anyo ng Ating mga Espiritu?
Ang mga espiritung nilalang ay mayroon ding hugis ng katawan na katulad ng sa mga taong mortal maliban sa ang espiritung katawan ay nasa ganap na kaanyuan (tingnan sa Eter 3:16). Taglay ng mga espiritu ang kanilang ugali ng katapatan o pagsalungat sa mga bagay ng kabutihan (tingnan sa Alma 34:34). Ang kanilang mga hilig at mithiin ay katulad ng taglay nila noong nabubuhay pa sila sa lupa. Lahat ng espiritu ay nasa hustong gulang. Sila ay nasa hustong gulang bago pa sila nabuhay sa mundo, at ang anyo nila ay nasa hustong gulang pagkatapos ng kamatayan, kahit na sanggol o bata pa sila nang mamatay (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 157–58).
-
Bakit mahalagang malaman na tataglayin pa rin ng ating mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu ang ating pag-uugali sa ngayon?
Ano ang mga Kondisyon sa Daigdig ng mga Espiritu Pagkatapos ng Buhay na Ito?
Itinuro ni propetang Alma sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa dalawang bahagi o katayuan sa daigdig ng mga espiritu:
“Ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan.
“At sa gayon, ito ay mangyayari na ang mga espiritu ng makasalanan, oo, yaong masasama—sapagkat masdan, sila ay walang bahagi o kahati sa Espiritu ng Panginoon; sapagkat masdan, pinili nila ang masasamang gawain sa halip na mabuti; anupa’t ang espiritu ng diyablo ay pumasok sa kanila, at inangkin ang kanilang tahanan—at sila ay itatapon sa labas na kadiliman; at magkakaroon ng pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin, at ito ay dahil sa kanilang sariling kasamaan, palibhasa’y naakay sa pagkabihag ng kagustuhan ng diyablo.
“Ngayon, ito ang kalagayan ng mga kaluluwa ng masasama, oo, sa kadiliman, at isang kalagayang kakila-kilabot, nahihintakutan ang anyo dahil sa nag-aapoy na pagngingitngit ng poot ng Diyos sa kanila; sa gayon sila mamamalagi sa ganitong kalagayan, gayundin ang mabubuti sa paraiso, hanggang sa panahon ng kanilang pagkabuhay na mag-uli” (Alma 40:12–14).
Ang klasipikasyon ng mga espiritu ay batay sa kadalisayan ng kanilang buhay at kanilang pagsunod sa kalooban ng Panginoon habang narito sa lupa. Magkahiwalay ang mabubuti at masasama (tingnan sa 1 Nephi 15:28–30), ngunit maaaring umunlad ang mga espiritu habang natututuhan nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at namumuhay ayon sa mga ito. Ang mga espiritung nasa paraiso ay maaaring magturo sa mga espiritung nasa bilangguan (tingnan sa D at T 138).
Paraiso
Sang-ayon kay propetang Alma, ang mabubuting espiritu ay nagpapahinga sa mga alalahanin at kalungkutan sa lupa. Gayunman, sila ay abala sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa pangitain na kaagad pagkatapos ipako sa krus si Jesucristo, dinalaw Niya ang mabubuti sa daigdig ng mga espiritu. Humirang siya ng mga sugo, binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad, at iniutos sa kanilang “dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao” (D at T 138:30).
Ang Simbahan ay inorganisa sa daigdig ng mga espiritu, at ipinagpapatuloy ng mga maytaglay ng priesthood and kanilang mga responsibilidad doon (tingnan sa D at T 138:30). Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff: “Ang Priesthood ding ito ang umiiral sa kabilang-buhay. … Bawat Apostol, bawat Pitumpu, bawat Elder, atbp., na namatay sa pananampalataya pagkarating niya sa kabilang-buhay, ay pumapasok sa gawain ng ministeryo” (Deseret News, Ene. 25, 1882, 818).
Ang mga ugnayan ng pamilya ay mahalaga rin. Nakita ni Pangulong Jedediah M. Grant, tagapayo kay Brigham Young, ang daigdig ng mga espiritu at inilarawan kay Heber C. Kimball ang samahan na umiiral doon: “Sinabi niya na ang mga taong nakita niya roon ay sama-sama bilang magpapamilya. … Sinabi niya, ‘Nang makita ko ang mga pamilya, ang ilan ay hindi buo, … dahil nakakita ako ng mga pamilya na hindi pinayagang maglapit at sama-samang manahanan, dahil hindi nila tinupad ang kanilang tungkulin dito’” (Deseret News, Dis. 10, 1856, 316–17).
Bilangguan ng mga Espiritu
Tinukoy ni Apostol Pedro ang daigdig ng mga espiritu bilang isang bilangguan, na bilangguan para sa ilan (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20). Nasa bilangguan ng mga espiritu ang espiritu ng mga taong hindi pa tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga espiritung ito ay may kalayaang pumili at maaaring mahikayat kapwa ng mabuti at masama. Kung tatanggapin nila ang ebanghelyo at mga ordenansang isasagawa para sa kanila sa mga templo, maaari na nilang lisanin ang bilangguan ng mga espiritu at manirahan sa paraiso.
Nasa bilangguan din ng mga espiritu ang mga tumanggi sa ebanghelyo pagkatapos itong maipangaral sa kanila sa lupa o sa bilangguan ng mga espiritu. Ang mga espiritung ito ay nagdurusa sa kalagayang kilala bilang impiyerno. Inalis nila ang kanilang sarili sa awa ni Jesucristo na nagsabing, “Masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko; kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (D at T 19:16–18). Matapos pagdusahan ang kanilang mga kasalanan, sila ay papayagan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na manahin ang pinakamababang antas ng kaluwalhatian, ang kahariang telestiyal.
-
Paano naging katulad ng mga kondisyon sa buhay na ito ang mga kondisyon sa daigdig ng mga espiritu?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
I Ni Pedro 4:6 (ang ebanghelyo ay ipinangaral sa mga patay)
-
Moises 7:37–39 (inihanda ang bilangguan ng mga espiritu para sa masasama)
-
D at T 76 (paghahayag tungkol sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian)
-
Lucas 16:19–31 (kapalaran ng pulubi at ng mayamang lalaki sa daigdig ng mga espiritu)