Kabanata 47
Kadakilaan
Ang Plano ng Ating Pag-unlad
Noong namuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit, ipinaliwanag Niya ang isang plano para sa ating pag-unlad. Maaari tayong maging katulad Niya, isang nilalang na tumanggap ng kadakilaan. Kinailangan sa plano na mahiwalay tayo sa Kanya at pumarito sa lupa. Kailangan ang paghiwalay na ito upang mapatunayan kung susundin natin ang mga kautusan ng ating Ama kahit wala na tayo sa Kanyang piling. Nakasaad sa plano na kapag natapos na ang buhay sa mundo, tayo ay hahatulan at gagantimpalaan batay sa antas ng ating pananampalataya at pagsunod.
Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na may tatlong kaharian ng kaluwalhatian sa langit. Binanggit ni Apostol Pablo na may kilala siyang lalaki na “inagaw hanggang sa ikatlong langit” (II Mga Taga Corinto 12:2). Pinangalanan ni Pablo ang dalawang kaharian sa langit: ang selestiyal at ang terestriyal (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42). Ang selestiyal ang pinakamataas, at ang terestriyal ang pangalawa. Sa pamamagitan ng paghahayag sa mga huling araw nalaman natin na ang ikatlong kaharian ay ang kahariang telestiyal (tingnan sa D at T 76:81). Nalaman din natin na may tatlong langit o antas sa loob ng kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 131:1).
Kadakilaan
-
Ano ang kadakilaan?
Ang kadakilaan ay buhay na walang hanggan, ang uri ng buhay na ipinamumuhay ng Diyos. Siya ay namumuhay sa dakilang kaluwalhatian. Siya ay perpekto. Taglay Niya ang lahat ng kaalaman at lahat ng karunungan. Siya ang Ama ng mga espiritung anak. Siya ay isang tagapaglikha. Maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit. Ito ang kadakilaan.
Kung mapatutunayang tapat tayo sa Panginoon, mamumuhay tayo sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal ng langit. Tayo ay magiging dakila, upang mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit sa mga walang hanggang pamilya. Kadakilaan ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak (tingnan sa D at T 14:7).
Mga Pagpapala ng Kadakilaan
-
Ano ang ilang mga pagpapala na ibibigay sa mga tumatanggap ng kadakilaan?
Ang ating Ama sa Langit ay perpekto, at nagagalak Siya sa katotohanan na posibleng maging katulad Niya ang Kanyang mga anak. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay ‘isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ang mga tumatanggap ng kadakilaan sa kahariang selestiyal sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay tatanggap ng espesyal na mga pagpapala. Nangako ang Panginoon, “Lahat ng bagay ay kanila” (D at T 76:59). Narito ang ilan sa mga pagpapalang ibinibigay sa mga taong tumanggap ng kadakilaan:
-
Sila ay mamumuhay nang walang hanggan sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa D at T 76:62).
-
Sila ay magiging mga diyos (tingnan sa D at T 132:20–23).
-
Makakasama nila sa kawalang-hanggan ang mabubuting miyembro ng kanilang pamilya at magkakaroon ng walang hanggang pag-unlad.
-
Tatanggap sila ng lubos na kagalakan.
-
Mapapasakanila ang lahat ng bagay na mayroon ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo—lahat ng kapangyarihan, kaluwalhatian, nasasakupan, at kaalaman (tingnan sa D at T 132:19–20). Isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ipinangako ng Ama sa pamamagitan ng Anak na lahat ng mayroon Siya ay ibibigay sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Sila ay uunlad sa kaalaman, karunungan, at kapangyarihan, mula sa isang biyaya tungo sa isa pang biyaya, hanggang sa mapasakanila ang kabuuan ng ganap na araw” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo. [1954–56], 2:36; nakahilig ang mga titik sa orihinal).
Mga Kinakailangan para sa Kadakilaan
Ngayon ang panahon para tuparin ang mga kinakailangan para sa kadakilaan (tingnan sa Alma 34:32–34). Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Upang makamtan ang kadakilaan kailangan nating tanggapin ang ebanghelyo at lahat ng mga tipan nito; at akuin ang mga pananagutang ipinagkaloob ng Panginoon; at lumakad sa liwanag at pang-unawa sa katotohanan; at ‘mamuhay ayon sa bawat salita na namumutawi sa bibig ng Diyos’” (Doctrines of Salvation, 2:43).
Upang matanggap ang kadakilaan, kailangan muna nating sumampalataya kay Jesucristo at pagkatapos ay magtiis sa pananampalatayang iyon hanggang sa huling sandali ng ating buhay. Ang ating pananampalataya sa Kanya ay kailangang sapat upang mapagsisihan natin ang ating mga kasalanan at sundin ang Kanyang mga kautusan.
Iniutos Niya sa ating lahat na tanggapin ang partikular na mga ordenansa:
-
Kailangan tayong mabinyagan.
-
Kailangan nating matanggap ang pagpapatong ng mga kamay upang mapagtibay na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Kailangang tanggapin ng kalalakihan ang Melchizedek Priesthood at gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin sa priesthood.
-
Kailangan nating matanggap ang endowment sa templo.
-
Kailangan tayong makasal sa kawalang-hanggan, maging sa buhay na ito o sa kabilang-buhay.
Bilang karagdagan sa pagtanggap ng mga kinakailangang ordenansa, iniuutos sa ating lahat ng Panginoon na:
-
Mahalin ang Diyos at ang ating mga kapwa-tao.
-
Sundin ang mga kautusan.
-
Pagsisihan ang mga nagawa nating pagkakamali.
-
Saliksikin ang ating mga kamag-anak na yumao na at tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila.
-
Regular na dumalo sa ating mga miting sa Simbahan hangga’t maaari upang mapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa pamamagitan ng pagtanggap ng sacrament.
-
Mahalin ang mga miyembro ng ating pamilya at palakasin sila sa mga paraan ng Panginoon.
-
Magkaroon ng mga pampamilya at indibiduwal na panalangin araw-araw.
-
Ituro ang ebanghelyo sa iba sa pamamagitan ng salita at halimbawa.
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
-
Pakinggan at sundin ang mga binigyang-inspirasyong mga salita ng mga propeta ng Panginoon.
Panghuli, kailangang tanggapin ng bawat isa sa atin ang Espiritu Santo at matutuhang sundin ang Kanyang patnubay sa ating sariling buhay.
-
Paano tayo inihahanda ng mga ordenansa at tipan para sa kadakilaan?
-
Paano tayo tinutulungan ng pananampalataya kay Jesucristo na sundin ang mga kautusan?
-
Bakit kailangan nating matutuhang sundin ang patnubay ng Espiritu Santo upang tumanggap ng kadakilaan?
Pagkatapos Tayong Maging Matapat at Magtiis Hanggang Wakas
-
Ano ang mangyayari kapag nakapagtiis tayo hanggang wakas sa pagiging matapat na disipulo ni Cristo?
Sinabi ng Panginoon, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, kung aling kaloob ay pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (D at T 14:7). Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “Kung tayo ay magpapatuloy sa Diyos; ibig sabihin, susundin ang kanyang mga kautusan, sasambahin siya at ipamumuhay ang kanyang katotohanan; pagkatapos ay darating ang panahon na mapupuno tayo ng kaganapan ng katotohanan, na patuloy na magliliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doctrines of Salvation, 2:36).
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Kapag kayo ay aakyat ng hagdan, kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang paisa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan. Subalit matagal pang panahon matapos na kayo ay magdaan sa tabing [namatay] bago ninyo matutuhan ang mga ito. Hindi lahat ay mauunawaan sa daigdig na ito; magiging malaking gawain ang matutuhan ang ating kaligtasan at kadakilaan maging sa kabilang-buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 312).
Itinuro ni Joseph Smith: “Unang alituntunin ng Ebanghelyo ang malaman nang may katiyakan ang tunay na Pagkatao ng Diyos. … Siya ay minsang naging tao tulad natin; … Ang Diyos mismo, ang Ama nating lahat, ay tumira sa isang mundo, katulad din ng ginawa mismo ni Jesucristo” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith [1976], 345–46).
Alam ng ating Ama sa Langit ang ating mga pagsubok, ating mga kahinaan, at ating mga kasalanan. Nahahabag at naaawa Siya sa atin. Gusto Niyang magtagumpay tayong tulad Niya.
Isipin ang kagalakan na madarama ng bawat isa sa atin kung masasabi natin sa pagbalik natin sa ating Ama sa Langit: “Ama, namuhay po ako alinsunod sa kalooban Ninyo. Naging matapat po ako at sinunod ko ang Inyong mga kautusan. Masaya po akong muling makauwi.” Pagkatapos ay maririnig natin Siya na nagsasabing, “Mabuting gawa … ; nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay: pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:23).
-
Rebyuhin ang Mateo 25:23. Isipin kung ano ang madarama ninyo kung marinig ninyong sinasabi ng Panginoon ang mga salitang ito sa inyo.
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
D at T 132:3–4, 16–26, 37 (tungkol sa kadakilaan)
-
D at T 131:1–4 (ang walang hanggang kasal ay susi sa kadakilaan)
-
D at T 76:59–70 (ipinaliwanag ang mga pagpapala ng kaluwalhatiang selestiyal)
-
D at T 84:20–21 (ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita sa mga ordenansa ng priesthood)