Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 5: Ang Paglikha


Kabanata 5

Ang Paglikha

The Earth as seen from space.

Ang Plano ng Diyos para sa Atin

  • Bakit tayo kailangang pumarito sa mundo?

Noong nabubuhay tayo bilang mga espiritung anak sa piling ng ating mga magulang sa langit, sinabi sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang plano para lalo tayong maging katulad Niya. Naghiyawan tayo sa galak nang marinig natin ang Kanyang plano (tingnan sa Job 38:7). Nasabik tayo sa mga bagong karanasan. Para mangyari ang mga bagay na ito, kailangan nating lisanin ang piling ng ating Ama at tumanggap ng mga katawang mortal. Kailangan natin ng ibang lugar na titirhan kung saan makapaghahanda tayong maging katulad Niya. Ang ating bagong tahanan ay tinawag na daigdig.

  • Sa palagay ninyo bakit tayo humiyaw sa galak nang malaman natin ang plano ng kaligtasan?

Nilikha ni Jesus ang Mundo

Nilikha ni Jesucristo ang mundong ito at lahat ng narito. Lumikha rin Siya ng marami pang ibang mundo. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng ating Ama sa Langit. Sabi ng Diyos Ama, “Mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang; … at sa pamamagitan ng Anak aking nilalang ang mga ito, na siyang aking Bugtong na Anak” (Moises 1:33). May iba pa tayong mga patotoo sa katotohanang ito. Nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon si Jesucristo sa isang pangitain. Nagpatotoo sila “na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:24).

Pagsasagawa ng Paglikha

  • Ano ang mga layunin ng Paglikha?

Ang mundo at lahat ng bagay na naroon ay nilikha munang espirituwal bago nilikhang pisikal ang mga ito (tingnan sa Moises 3:5). Habang pinaplano ang paglikha ng pisikal na mundo, sinabi ni Cristo sa mga kasama Niya, “Bababa tayo, sapagkat may puwang doon … at tayo ay lilikha ng mundo kung saan sila [ang espiritung mga anak ng ating Ama sa Langit ay] makapaninirahan” (Abraham 3:24).

Sa ilalim ng pamamahala ng Ama, nilikha at binuo ni Cristo ang mundo. Inihiwalay Niya ang liwanag sa kadiliman para magkaroon ng araw at gabi. Nilikha Niya ang araw, buwan, at mga bituin. Inihiwalay Niya ang mga tubig sa tuyong lupa upang magkaroon ng mga dagat, ilog, at lawa. Ginawa Niyang maganda at masagana ang mundo. Ginawa Niya ang damo, mga puno, bulaklak, at lahat ng uri ng iba pang mga halaman. Ang mga halamang ito ay may mga binhi kung saan maaaring pagmulan ng bagong-tubong mga halaman. Pagkatapos ay nilikha Niya ang mga hayop—isda, baka, insekto, at lahat ng uri ng ibon. Ang mga hayop na ito ay may kakayahang paramihin ang sarili nilang uri.

Ngayon ay handa na ang mundo para sa pinakadakilang paglikha sa lahat—ang sangkatauhan. Ang ating mga espiritu ay bibigyan ng mga katawang may laman at dugo para makapanirahan sila sa mundo. “At ako, ang Diyos, ay nagsabi sa aking Bugtong na Anak, na kasama ko mula pa sa simula: Likhain natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at nagkagayon nga” (Moises 2:26). Sa ganitong paraan ang unang lalaki, si Adan, at ang unang babae, si Eva, ay nilikha at binigyan ng mga katawang kawangis ng sa ating mga magulang sa langit. “Ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae” (Genesis 1:27). Nang matapos ng Panginoon ang Kanyang mga likha, nasiyahan Siya at nalaman na mabuti ang Kanyang ginawa, at nagpahinga Siya nang ilang panahon.

Ang mga Likha ng Diyos ay Nagpapakita ng Kanyang Pagmamahal

  • Paano makikita sa mga likha ng Diyos na mahal Niya tayo?

Tayo ngayon ay naninirahan sa magandang mundong ito. Isipin ang araw, na nagbibigay sa atin ng init at liwanag. Isipin ang ulan, na nagpapalago sa mga halaman at nililinis at pinalalamig ang mundo. Isipin kung gaano kasarap pakinggan ang huni ng ibon o tawa ng isang kaibigan. Isipin kung gaano kaganda ang ating mga katawan—kung paano tayo nagtatrabaho at naglalaro at nagpapahinga. Kapag inisip natin ang lahat ng likhang ito, mauunawaan natin na matalino, makapangyarihan, at mapagmahal na mga nilalang si Jesucristo at ang ating Ama sa Langit. Naipakita Nila ang malaking pagmamahal sa atin sa paglalaan ng lahat ng ating pangangailangan.

Nilikha rin ang mga halaman at hayop para pasayahin tayo. Sinabi ng Panginoon, “Oo, lahat ng bagay na nanggagaling sa lupa, sa panahon niyon, ay ginawa para sa kapakinabangan at gamit ng tao, kapwa upang makalugod sa mata at upang pasiglahin ang puso; oo, para sa pagkain at para sa kasuotan, para sa panlasa at para sa pang-amoy, upang palakasin ang katawan at pasiglahin ang kaluluwa” (D at T 59:18–19). Kahit maraming nilikha ang Diyos, kilala at mahal Niya lahat ng mga ito. Sabi Niya, “Lahat ng bagay ay bilang sa akin, sapagkat sila ay akin at kilala ko sila” (Moises 1:35).

  • Ano ang ilang bagay na pinasasalamatan ninyo sa mga likha ng Diyos?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan