Kabanata 17
Ang Simbahan ni Jesucristo Ngayon
Ang Simbahan ni Jesucristo ay Inalis sa Daigdig
-
Bakit inalis ang Simbahan ni Jesucristo sa daigdig kalaunan matapos mamatay at Mabuhay na Mag-uli ang Tagapagligtas?
Noong nabubuhay si Jesus sa lupa, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan, ang tanging totoong Simbahan. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan upang maituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa lahat ng tao at angkop na mapangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo nang may awtoridad. Sa pamamagitan ng organisasyong ito, maihahatid ni Cristo ang mga pagpapala ng kaligtasan sa sangkatauhan.
Matapos umakyat sa langit ang Tagapagligtas, binago ng mga tao ang mga ordenansa at doktrinang itinatag Niya at ng Kanyang mga Apostol. Dahil sa apostasiya, wala nang tuwirang paghahayag mula sa Diyos. Nawala na sa daigdig ang totoong Simbahan. Nagtatag ang mga tao ng iba’t ibang simbahang nagsasabi na sila ay totoo ngunit nagtuturo ng magkakasalungat na doktrina. Nagkaroon ng matinding pagkalito at pagtatalo tungkol sa relihiyon. Nakinita ng Panginoon ang mga kalagayang ito ng apostasiya, at sinabing magkakaroon ng “kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon. … [Kanilang] … [ha]hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi [ito] masusumpungan” (Amos 8:11–12).
-
Paano naaapektuhan ng nabanggit na taggutom sa Amos 8:11–12 ang mga tao?
Nangako ang Panginoon na Ipanunumbalik ang Kanyang Totoong Simbahan
-
Ano ang ilan sa mga kalagayan sa mundo na naghanda ng daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo?
Nangako ang Tagapagligtas na ipanunumbalik ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw. Sabi Niya, “Pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha” (Isaias 29:14).
Maraming taon ding namuhay ang mga tao sa espirituwal na kadiliman. Mga 1,700 taon pagkatapos mabuhay na mag-uli ni Cristo, lalo pang naging interesado ang mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa relihiyon. Naunawaan ng ilan sa kanila na ang ebanghelyong itinuro ni Jesus ay wala na sa lupa. Natanto ng ilan na walang paghahayag at walang totoong awtoridad at na ang Simbahang itinatag ni Cristo ay hindi na umiiral sa mundo. Panahon na para ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa.
-
Sa paanong paraan naging “kagilagilalas na gawa” ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo?
Bagong Paghahayag mula sa Diyos
-
Nang matanggap ni Joseph Smith ang kanyang Unang Pangitain, ano ang nalaman niya tungkol sa Diyos?
Noong tagsibol ng 1820, isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang naganap. Dumating na ang panahon para sa kagila-gilalas at kamangha-manghang gawaing binanggit ng Panginoon. Noong bata pa siya, nais malaman ni Joseph Smith kung alin sa lahat ng simbahan ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Nagtungo siya sa kakahuyan malapit sa bahay nila at mapagpakumbaba at taimtim na nanalangin sa kanyang Ama sa Langit, na itinatanong kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Nang umagang iyon isang himala ang nangyari. Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith. Sinabi sa kanya ng Tagapagligtas na huwag sumapi sa alinmang simbahan dahil wala sa lupa ang totoong Simbahan. Sinabi rin Niya na ang mga doktrina ng mga simbahan noong panahong iyon ay “karumal- dumal sa kanyang paningin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:19; tingnan din sa mga talata 7–18, 20). Simula nang mangyari ito, muling nagkaroon ng tuwirang paghahayag mula sa kalangitan. Pumili ng bagong propeta ang Panginoon. Mula noon ay hindi na isinara ang kalangitan. Patuloy ang paghahayag hanggang ngayon sa pamamagitan ng bawat propetang pinili Niya. Si Joseph ang tutulong sa pagpapanumbalik ng totoong ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Bakit naging isa sa pinakamamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang Unang Pangitain?
Ipinanumbalik ang Awtoridad mula sa Diyos
-
Bakit kailangang ipanumbalik ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood?
Sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo, muling ibinigay ng Diyos ang priesthood sa kalalakihan. Pumarito si Juan Bautista noong 1829 upang ipagkaloob ang Aaronic Priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery (tingnan sa D at T 13; 27:8). Pagkatapos ay pumarito sina Pedro, Santiago, at Juan, ang panguluhan ng Simbahan noong unang panahon, at ibinigay kina Joseph at Oliver ang Melchizedek Priesthood at mga susi ng kaharian ng Diyos (tingnan sa D at T 27:12–13). Kalaunan, ipinanumbalik ang karagdagang mga susi ng priesthood sa pamamagitan ng mga sugo ng langit na sina Moises, Elias, at Elijah (tingnan sa D at T 110:11–16). Sa pamamagitan ng Panunumbalik, naibalik ang priesthood sa lupa. Ang mga maytaglay ng priesthood na ito ngayon ay may awtoridad na magsagawa ng mga ordenansang tulad ng binyag. May awtoridad din silang pamahalaan ang kaharian ng Panginoon dito sa lupa.
Muling Itinatag ang Simbahan ni Cristo
-
Anong mga pangyayari ang humantong sa muling pagtatatag ng Simbahan sa lupa?
Noong Abril 6, 1830, muling pinamahalaan ng Tagapagligtas ang pagtatatag ng Kanyang Simbahan sa lupa (tingnan sa D at T 20:1). Ang Kanyang Simbahan ay tinatawag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4). Si Cristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan ngayon, tulad noong unang panahon. Sinabi ng Panginoon na ito “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo, na kung saan ako, ang Panginoon, ay labis na nalulugod” (D at T 1:30).
Si Joseph Smith ay sinang-ayunan bilang propeta at “unang elder” ng Simbahan (tingnan sa D at T 20:2–4). Kalaunan ay binuo ang Unang Panguluhan, at sinang-ayunan siya bilang Pangulo. Nang unang itatag ang Simbahan, pangunahing organisasyon lamang ang binuo. Uunlad ang organisasyon habang patuloy na lumalago ang Simbahan.
Ang Simbahan ay itinatag na may mga katungkulang tulad din sa sinaunang Simbahan. Ang organisasyong iyon ay may mga apostol, propeta, pitumpu, ebanghelista (mga patriarch), pastor (mga namumuno), high priest, elder, bishop, priest, teacher, at deacon. Ganito rin ang mga katungkulang nasa Kanyang Simbahan ngayon (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6).
Isang propeta, na gumaganap sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon, ang namumuno sa Simbahan. Ang propeta ding ito ang Pangulo ng Simbahan. Taglay niya ang lahat ng awtoridad na kailangan para pamahalaan ang gawain ng Panginoon sa lupa (tingnan sa D at T 107:65, 91). Dalawang tagapayo ang tumutulong sa Pangulo. Labindalawang Apostol, na mga natatanging saksi sa pangalan ni Jesucristo, ang nagtuturo ng ebanghelyo at nangangasiwa sa mga gawain ng Simbahan sa lahat ng dako ng mundo. May iba pang mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan na may mga espesyal na tungkulin, kabilang na ang Presiding Bishopric at mga Korum ng Pitumpu, na naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa.
Kabilang sa mga katungkulan ng priesthood ang mga apostol, pitumpu, patriarch, high priest, bishop, elder, priest, teacher, at deacon. Ganito ring mga katungkulan ang umiral sa orihinal na Simbahan.
Mas malaki ang inilago ng Simbahan kaysa noong panahon ni Jesus. Sa paglago nito, inihayag ng Panginoon ang iba pang mga yunit ng organisasyon sa loob ng Simbahan. Kapag lubos na organisado ang Simbahan sa isang pook, may mga lokal na sangay ito na tinatawag na mga stake. Isang stake president at dalawang tagapayo niya ang namumuno sa bawat stake. Ang stake ay may 12 high councilor na tumutulong sa pagsasagawa ng gawain ng Panginoon sa stake. Inoorganisa ang mga korum ng Melchizedek Priesthood sa stake sa ilalim ng pamamahala ng stake president (tingnan sa kabanata 14 sa aklat na ito). Bawat stake ay nahahati sa maliliit na bahagi na tinatawag na mga ward. Isang bishop at dalawa niyang tagapayo ang namumuno sa bawat ward.
Sa mga dako ng mundo kung saan paunlad ang Simbahan, may mga district, na parang mga stake. Ang mga district ay nahahati sa mas maliliit na yunit na tinatawag na mga branch, na parang mga ward.
Ipinanumbalik ang Mahahalagang Katotohanan
-
Anong mahahalagang katotohanan ang naibalik sa Panunumbalik ng Simbahan?
Itinuturo ng Simbahan ngayon ang gayunding mga alituntunin at isinasagawa ang mga ordenansang isinagawa noong panahon ni Jesus. Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Ang mahahalagang katotohanang ito ay ibinalik nang buung-buo nang ipanumbalik ang Simbahan.
Sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, na naglalaman ng malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo. Maraming sumunod na iba pang mga paghahayag at naitala bilang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas (tingnan sa kabanata 10 sa aklat na ito).
Kabilang sa iba pang mahahalagang katotohanang ipinanumbalik ng Panginoon ang sumusunod:
-
Ang ating Ama sa Langit ay tunay na nilalang na may perpektong katawang may laman at mga buto na nahahawakan at gayon din si Jesucristo. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.
-
Nabuhay tayo bilang mga espiritung anak ng Diyos bago tayo isinilang.
-
Kailangan ang priesthood para mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo.
-
Parurusahan tayo dahil sa sarili nating mga kasalanan at hindi dahil sa paglabag ni Adan.
-
Hindi kailangang binyagan ang mga bata hangga’t hindi sila sumasapit sa edad ng pananagutan (walong taong gulang).
-
May tatlong kaharian ng kaluwalhatian sa kalangitan, at sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo, gagantimpalaan ang mga tao ayon sa mga ginawa nila sa lupa at ayon sa mga hangarin ng kanilang puso.
-
Ang mga ugnayan sa pamilya ay maaaring maging walang hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood na magbuklod.
-
Ang mga ordenansa at tipan ay kailangan para sa kaligtasan at maisasagawa kapwa para sa mga buhay at mga patay.
-
Paano nakaimpluwensya ang mga katotohanang ito sa inyo at sa iba?
Ang Simbahan ni Jesucristo ay Hindi na Mawawasak Kailanman
-
Ano ang misyon ng Simbahan?
Mula nang ipanumbalik ito noong 1830, mabilis nang dumami ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. May mga miyembro sa halos lahat ng bansa sa mundo. Ang Simbahan ay patuloy na lalago. Sabi nga ni Cristo, “Ang Ebanghelyong ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig, bilang patotoo sa lahat ng bansa” (Joseph Smith—Mateo 1:31). Hindi na muling aalisin ang Simbahan sa daigdig. Ang misyon nito ay ihatid ang katotohanan sa bawat tao. Libu-libong taon na ang nakalilipas, sinabi ng Panginoon na “maglalagay [Siya] ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan; … at yao’y lalagi magpakailan man” (Daniel 2:44).
-
Paano kayo nakatulong sa gawain ng kaharian ng Diyos? Ano ang magagawa ninyo para maipagpatuloy ang gawaing ito?
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Mga Gawa 3:19–21; Apocalipsis 14:6; Daniel 2:44–45; Isaias 2:2–4; 2 Nephi 3:6–15 (ipinropesiya ang Panunumbalik)
-
D at T 110; 128:19–21; 133:36–39, 57–58 (Panunumbalik ng ebanghelyo)
-
Mga Taga Efeso 2:20 (si Jesucristo ang batong panulok ng Simbahan)
-
D at T 20:38–67 (mga tungkulin ng mga pinuno ng Simbahan)
-
Mateo 24:14 (ipangangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa)