Kabanata 30
Pag-ibig sa Kapwa-Tao
Ano ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao?
-
Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang pag-ibig sa kapwa-tao?
Mababanaag sa buhay ng Tagapagligtas ang Kanyang dalisay na pag-ibig para sa lahat ng tao. Ibinigay pa Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Pag-ibig sa kapwa-tao ang dalisay na pagmamahal na iyon na taglay ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Iniutos Niya sa atin na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagmumula sa dalisay na puso (tingnan sa I Kay Timoteo 1:5). Tayo ay may dalisay na pag-ibig, mula sa puso, kapag nagpakita tayo ng tunay na pagmamalasakit at habag para sa lahat ng ating mga kapatid.
Pag-ibig sa Kapwa-Tao ang Pinakadakila sa Lahat ng Kabutihan
Sinabi sa atin ni propetang Mormon, “Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman” (Moroni 7:46–47; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 13; 2 Nephi 26:30; Moroni 7:44–45, 48).
Ibinigay ng Tagapagligtas ang halimbawa ng Kanyang buhay para tularan. Siya ang Anak ng Diyos. Taglay Niya ang ganap na pagmamahal, at ipinakita Niya sa atin kung paano magmahal. Sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa, ipinakita Niya sa atin na ang mga espirituwal at pisikal na pangangailangan ng ating kapwa ay kasinghalaga ng sa atin. Bago Niya ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin, sinabi Niya:
“Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.
“Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan” (Juan 15:12–13).
Sa pakikipag-usap sa Panginoon, sinabi ni Moroni:
“Natatandaan kong sinabi ninyo na iniibig ninyo ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng inyong buhay para sa sanlibutan. …
“At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na inyong taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapwa; anupa’t maliban kung magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana ang lugar na yaon na inyong inihanda sa mga mansiyon ng inyong Ama” (Eter 12:33–34).
Maaaring hindi natin kailangang ibigay ang ating buhay tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Ngunit maaari tayong magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao kung gagawin natin Siyang sentro ng ating buhay at susundin ang Kanyang halimbawa at mga turo. Tulad ng Tagapagligtas, maaari din nating pagpalain ang buhay ng ating mga kapatid dito sa mundo.
-
Bakit pag-ibig sa kapwa-tao ang pinakadakila sa lahat ng kabutihan?
Nakapaloob sa Pag-ibig sa Kapwa-Tao ang Pagbibigay sa mga Maysakit, Nagdadalamhati, at Mahihirap
Maraming itinuro sa atin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga kuwento o talinghaga. Itinuturo sa atin ng talinghaga ng mabuting Samaritano na dapat tayong magbigay sa mga nangangailangan, sila man ay ating mga kaibigan o hindi (tingnan sa Lucas 10:30–37; tingnan din sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 430–32). Sa talinghaga, sinabi ng Tagapagligtas na may isang lalaki na naglalakbay patungo sa ibang lungsod. Habang daan ay sinalakay siya ng mga tulisan. Ninakaw nila ang kanyang kasuotan at pera at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na. Isang saserdote ang dumaan, nakita siya, at siya ay nilampasan. Pagkatapos ay isang manggagawa sa templo ang dumaan, tiningnan siya, at nagpatuloy sa paglakad. Gayunman, isang Samaritano, na kinamumuhian ng mga Judio, ang dumaan, at nang makita niya ang lalaki ay nakadama siya ng pagkahabag (tingnan ang larawan sa kabanatang ito). Habang nakaluhod sa kanyang tabi, tinalian ng mabuting Samaritano ang kanyang mga sugat at isinakay siya sa asno at dinala sa isang bahay-tuluyan. Binayaran niya ang katiwala ng bahay-tuluyan para alagaan ang lalaki hanggang sa ito ay gumaling.
Itinuro ni Jesus na dapat tayong magbigay ng pagkain sa mga nagugutom, kanlungan sa mga walang tirahan, at mga damit sa mahihirap. Kapag dinadalaw natin ang mga maysakit at ang mga nasa bilangguan, parang ginagawa na rin natin sa Kanya ang mga bagay na ito. Nangako Siya na sa paggawa natin ng mga bagay na ito ay mamanahin natin ang Kanyang kaharian. (Tingnan sa Mateo 25:34–46.)
Hindi natin dapat tangkaing magpasiya kung karapat-dapat ba o hindi ang isang tao sa ating tulong (tingnan sa Mosias 4:16–24). Kung naisaayos na natin ang mga pangangailangan ng sarili nating pamilya, sa gayon ay dapat nating tulungan ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Sa ganitong paraan tayo ay magiging katulad ng ating Ama sa Langit, na nagkakaloob ng ulan kapwa sa mabubuti at sa masasama (tingnan sa Mateo 5:44–45).
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na may mga taong nangangailangan ng higit pa sa mga materyal na bagay:
“Itanong natin sa ating sarili: ‘Ako ba’y may kabutihang nagawa? Ako ba ay nakatulong na?’ [Mga Himno, blg. 135]. Napakagandang pormula ng kaligayahan! Napakagandang reseta para sa kapanatagan, sa kapayapaan ng kalooban—ang mabigyang-inspirasyon ang isa pang nilalang upang magpasalamat.
“Ang ating mga pagkakataong tumulong ay tunay na walang hangganan, ngunit nabubulok din ang mga ito. May mga pusong pasasayahin. May mabubuting salitang sasambitin. May mga regalong ibibigay. May mga gawaing gagawin. May mga kaluluwang ililigtas” (sa Conference Report, Okt. 2001, 72; o Liahona, Ene. 2002, 60).
-
Sa talinghaga ng mabuting Samaritano, paano ninyo ilalarawan ang mga taong nagwalang-bahala sa lalaking sugatan? Paano ninyo ilalarawan ang Samaritano? Sa paanong mga paraan natin maisasagawa sa ating buhay ang mensahe ng talinghagang ito?
Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao ay Nagmumula sa Puso
-
Paano natin magagawang mahalin ang mga tao sa kabila ng kanilang mga kasalanan at pagkakamali?
Kahit na nagbibigay tayo sa mga nangangailangan, kung hindi tayo nakakaramdam ng pagkahabag sa kanila, tayo ay walang pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa I Ni Juan 3:16–17). Itinuro ni Apostol Pablo na kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao, tayo ay puno ng mabuting damdamin para sa lahat ng tao. Tayo ay mapagpasensya at mabait. Hindi tayo mayabang o palalo, maramot o walang-galang. Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao hindi natin tinatandaan o ikinagagalak ang kasamaang ginawa ng ibang tao. Ni hindi natin ginagawa ang mabubuting bagay dahil lamang sa kapaki-pakinabang ito sa atin. Sa halip, kasama tayong nagagalak ng mga taong namumuhay sa katotohanan. Kapag tayo ay may pag-ibig sa kapwa-tao tayo ay matapat, naniniwala tayo sa kakayahan ng ibang tao, at mabait tayo sa kanila. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang “pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.” (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:4–8.)
Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa kung ano ang dapat nating madama at paano dapat pakitunguhan ang iba. Kinamuhian niya ang kasamaan, ngunit minahal Niya ang mga makasalanan sa kabila ng kanilang mga kasalanan. Nahabag Siya sa mga bata, matatanda, mahihirap, at mga nangangailangan. Napakalaki ng Kanyang pag-ibig kung kaya hiniling Niya sa ating Ama sa Langit na patawarin ang mga kawal na nagbaon ng mga pako sa Kanyang mga kamay at paa (tingnan sa Lucas 23:34). Itinuro Niya sa atin na kung hindi natin patatawarin ang iba, hindi tayo patatawarin ng ating Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 18:33–35). Sinabi Niya: “Sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang sa inyo’y [lumalait at] nagsisiusig. … Sapagka’t kung kayo’y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin?” (Mateo 5:44, 46). Dapat nating matutuhang damhin ang nadama ni Jesus sa iba.
Taglayin ang Mabuting Katangian ng Pag-ibig sa Kapwa-Tao
-
Paano natin higit na maiibig ang ating kapwa?
Ang isang paraan upang maibig natin ang ating kapwa ay pag-aralan ang buhay ni Jesucristo at sundin ang Kanyang mga kautusan. Maaari nating pag-aralan kung ano ang ginawa Niya sa ilang situwasyon at gawin din iyon kapag nasa gayundin tayong mga situwasyon.
Pangalawa, kapag hindi tayo nakadarama ng pagmamahal sa kapwa-tao, maaari nating ipagdasal na magkaroon tayo ng dagdag na pag-ibig sa kapwa. Hinihimok tayo ni Mormon na, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig [pag-ibig sa kapwa-tao], na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).
Pangatlo, maaari nating matutuhang mahalin ang ating sarili, na ang ibig sabihin ay nauunawaan natin ang tunay na kahalagahan natin bilang mga anak ng ating Ama sa Langit. Itinuro ng Tagapagligtas na kailangan nating mahalin ang iba tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili (tingnan sa Mateo 22:39). Upang mahalin ang ating sarili, kailangan nating igalang at pagtiwalaan ang ating sarili. Ibig sabihin kailangan tayong maging masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kailangan nating pagsisihan ang anumang pagkakamali. Kailangan nating patawarin ang ating sarili kapag nakapagsisi na tayo. Lalo nating mamahalin ang ating sarili kapag nadama natin ang taos at nakapapanatag na katiyakan na talagang mahal tayo ng Tagapagligtas.
Pang-apat, maiiwasan nating isipin na mas mabuti tayo kaysa sa ibang tao. Mapagpapasensyahan natin ang kanilang mga pagkakamali. Sinabi ni Joseph Smith, “Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 502–3).
Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol kay Enos, isang binata na nagnais malaman kung napatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sabi niya sa atin:
“Ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.
“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain” (Enos 1:4–5).
Ipinaliwanag ng Panginoon kay Enos na dahil sa kanyang pananampalataya kay Cristo ang kanyang mga kasalanan ay pinatawad. Nang marinig ni Enos ang mga salitang ito hindi na siya nabahala pa tungkol sa kanyang sarili. Alam niyang mahal siya ng Panginoon at pagpapalain siya. Sa halip ay naisip niya ang kapakanan ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak, ang mga Nephita. Ibinuhos niya ang kanyang buong kaluluwa sa Diyos para sa kanila. Sumagot ang Panginoon at sinabing pagpapalain sila ayon sa kanilang katapatan sa pagsunod sa mga kautusan na ibinigay na sa kanila. Lalong nag-ibayo ang pagmamahal ni Enos nang marinig ang mga salitang ito, at siya ay nanalangin nang matagal para sa mga Lamanita, na kaaway ng mga Nephita. Ipinagkaloob ng Panginoon ang kanyang mga hangarin, at iniukol niya ang nalalabi niyang buhay sa pagsisikap na iligtas ang mga kaluluwa ng mga Nephita at Lamanita. (Tingnan sa Enos 1:6–26.)
Labis na nagpasalamat si Enos sa pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon kung kaya kusa niyang iniukol ang nalalabi niyang buhay sa pagtulong sa iba na matanggap ang ganitong kaloob. Si Enos ay talagang nagkaroon ng pag-ibig sa kapwa. Magagawa rin natin ito. Sa katunayan, kailangan nating gawin ito upang manahin ang lugar na inihanda para sa atin sa kaharian ng ating Ama.
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Mga Taga Colosas 3:12–14 (pag-ibig sa kapwa-tao ang bigkis ng kasakdalan)
-
Alma 34:28–29 (ang ating mga panalangin ay walang kabuluhan kung hindi natin iniibig ang ating kapwa)
-
I Mga Taga Corinto 12:29–13:3 (kahulugan ng pag-ibig sa kapwa-tao)
-
D at T 121:45–46 (mapuspos tayo ng pag-ibig sa lahat ng ating kapwa-tao)