Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 36: Ang Pamilya ay Maaaring Maging Walang Hanggan


Kabanata 36

Ang Pamilya ay Maaaring Maging Walang Hanggan

A Korean couple standing in front of the Seoul Korea Temple.  The father is holding their young daughter.

Ang Kahalagahan ng mga Pamilya

  • Bakit tayo ipinadala ng ating Ama sa Langit dito sa lupa bilang mga miyembro ng mga pamilya?

“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos. … Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 35602 893).

Pagkatapos pagbuklurin ng Ama sa Langit sina Adan at Eva sa kasal, iniutos Niya sa kanilang magkaroon ng mga anak (tingnan sa Genesis 1:28). Inihayag Niya na ang isa sa mga layunin ng pag-aasawa ay upang maglaan ng mortal na katawan para sa Kanyang mga espiritung anak. Ang mga magulang ay mga katuwang ng ating Ama sa Langit. Nais Niyang makatanggap ng katawang pisikal ang bawat isa sa Kanyang mga espiritung anak at maranasan ang buhay sa lupa. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nagkakaroon ng mga anak sa mundong ito, tinutulungan nila ang ating Ama sa Langit na isakatuparan ang Kanyang plano.

Bawat isinisilang na bata ay dapat tanggapin sa pamilya nang may kagalakan. Bawat isa ay anak ng Diyos. Dapat tayong mag-ukol ng panahon upang makapiling ang ating mga anak, makipaglaro sa kanila, at turuan sila.

Sinabi ni Pangulong David O. McKay, “Buong puso akong naniniwala na ang pinakamabuting lugar upang maghanda para sa … buhay na walang hanggan ay sa tahanan” (“Blueprint for Family Living,” Improvement Era, Abr. 1963, 252). Sa tahanan, kasama ang ating pamilya, matututuhan natin ang pagpipigil sa sarili, sakripisyo, katapatan, at kahalagahan ng pagtatrabaho. Matututo tayong magmahal, magbahagi, at maglingkod sa isa’t isa.

Responsibilidad ng mga ama at ina na ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa Ama sa Langit. Dapat nilang ipakita sa pamamagitan ng halimbawa na mahal nila Siya dahil sinusunod nila ang Kanyang mga kautusan. Dapat ding turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magdasal at sundin ang mga utos (tingnan sa Mga Kawikaan 22:6).

  • Bakit ang tahanan ang pinakamainam na lugar upang maghanda para sa buhay na walang hanggan?

  • Paano natin matutulungan ang mga kabataan ng Simbahan na maunawaan ang kabanalan ng pamilya at ang tipan ng kasal?

Ang Walang Hanggang Pamilya

Ang mga pamilya ay maaaring magsama-sama magpakailanman. Upang matamasa ang pagpapalang ito kailangan tayong makasal sa templo. Kapag ang mga tao ay ikinakasal sa labas ng templo, ang kasal ay nagwawakas kapag namatay ang isa sa mag-asawa. Kapag ikinasal tayo sa templo sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, tayo ay ikinakasal sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kung sinusunod natin ang ating mga tipan sa Panginoon, ang ating pamilya ay magkakasama-sama sa kawalang-hanggan bilang mag-asawa at mga anak. Hindi tayo mapaghihiwalay ng kamatayan.

Mapagmahal na Ugnayan ng Pamilya

  • Paano tayo magkakaroon ng higit na pagkakasundo sa ating mga tahanan?

Ang mga mag-asawa ay dapat maging maalalahanin at mabait sa isa’t isa. Hinding-hindi sila dapat gumawa o magsalita ng anumang bagay na makasasakit sa damdamin ng isa’t isa. Dapat din nilang sikaping gawin ang lahat ng posibleng bagay na makapagpapaligaya sa isa’t isa.

Habang nakikilala ng mga magulang ang Diyos at nagsisikap na maging katulad Niya, tuturuan nila ang kanilang mga anak na mahalin ang isa’t isa. Sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Haring Benjamin:

“Hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak … [na] makipaglaban at makipag-away sa isa’t isa. …

“Kundi tuturuan ninyo silang lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan; tuturuan ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa” (Mosias 4:14–15).

Bilang mga miyembro ng pamilya matutulungan natin ang isa’t isa na magkaroon ng tiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagpapalakas ng loob at pagbibigay ng taos-pusong papuri. Dapat madama ng bawat anak na siya ay mahalaga. Kailangang ipakita ng mga magulang na interesado sila sa ginagawa ng kanilang mga anak at ipadama ang pagmamahal at malasakit sa kanilang mga anak. Dapat ding ipakita ng mga anak ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga magulang. Dapat maging masunurin sila at sikaping mamuhay sa paraang magdudulot ng karangalan sa kanilang mga magulang at sa pangalan ng kanilang pamilya.

  • Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang mahikayat ang kanilang mga anak na maging mabuting magkakaibigan? Ano ang maaaring gawin ng magkakapatid upang mapangalagaan ang kanilang pagkakaibigan?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga mag-asawa upang matulungan ang isa’t isa na maging maligaya?

Paano Magkaroon ng Matagumpay na Pamilya

  • Ano ang ginagawa ninyo para matulungang maging matatag ang inyong pamilya at maging matagumpay ito?

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee, “Ang pinakamahalagang gawain ng Panginoon na gagawin ninyo ay ang nasa loob mismo ng inyong mga tahanan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 159).

Alam ni Satanas kung gaano kahalaga ang mga pamilya sa plano ng ating Ama sa Langit. Nais niyang sirain ang mga ito sa pamamagitan ng paghadlang sa atin na lumapit sa Panginoon. Tutuksuhin niya tayo na gumawa ng mga bagay na magiging sanhi ng pagkakawatak ng ating mga pamilya.

Ipinahayag ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol na, “Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan” (35602 893).

Gusto nating lahat na magkaroon ng maligaya at matagumpay na mga pamilya. Ang sumusunod na mga bagay ay makatutulong sa atin upang matamo ito:

  1. Magkaroon ng pampamilyang panalangin tuwing gabi at umaga (tingnan sa 3 Nephi 18:21). Magkasamang manalangin bilang mag-asawa.

  2. Ituro ang ebanghelyo sa mga anak bawat linggo sa family home evening.

  3. Regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan bilang isang pamilya.

  4. Sama-samang gawin ang mga bagay bilang isang pamilya, tulad ng mga proyektong pantrabaho, paglilibot, at paggawa ng desisyon.

  5. Matutong maging mabait, matiyaga, mapagtiis, at mapagmahal sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:45–48).

  6. Palaging dumalo sa mga miting ng Simbahan (tingnan sa D at T 59:9–10).

  7. Sundin ang payo ng Panginoon sa D at T 88:119: “Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”

  8. Mag-ingat ng tala sa family history, magkasamang gumawa ng gawain sa templo, at tanggapin ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo.

Ang pamilya ang pinakamahalagang yunit sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Narito ang Simbahan upang tulungan ang mga pamilya na makatanggap ng mga walang hanggang pagpapala at kadakilaan. Ang mga organisasyon at programa sa loob ng Simbahan ay ginawa na may layuning palakasin ang bawat isa sa atin at tulungan tayong mabuhay bilang mga pamilya magpakailanman.

  • Ano ang maaaring gawin ng mga pamilya para makaraos sa mga panahon ng kahirapan?

  • Ano ang nakita ninyong katibayan na nakagawa ng kaibhan ang mga pagsisikap na tulad ng pagdarasal ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, mga pagpupulong ng pamilya, sabay-sabay na pagkain ng pamilya, at family home evening?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Iba Pang mga Mapagkukunan

  • Moises 2:27–28 (nilikha at pinagpala ang lalaki at babae)

  • Genesis 2:24 (ang lalaki ay pipisan sa kanyang asawa)

  • D at T 49:15–16 (inorden ng Diyos ang kasal)

  • Mga Taga Efeso 6:4 (turuan ang mga anak sa kabutihan)

  • D at T 132:15–21 (kasal na walang hanggan)

  • D at T 88:119–26 (mga tagubilin para sa matagumpay na pamilya)

  • D at T 93:40–50 (iniutos ng Panginoon sa mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan)

  • “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (mayroon sa LDS.org at sa maraming lathalain ng Simbahan, kabilang ang Ensign, Nob. 1995, pahina 102; Para sa Lakas ng mga Kabataan: Pagtupad ng Ating Tungkulin sa Diyos [aytem bilang 36550 893], pahina 44; at Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian ng Ebanghelyo [aytem bilang 36863 893], mga pahina 165–68)