Mga Aklat at mga Lesson
Kabanata 29: Ang Batas ng Panginoon Ukol sa Kalusugan


Kabanata 29

Ang Batas ng Panginoon Ukol sa Kalusugan

A young girl eating an apple.

Ang Ating mga Katawan ay mga Templo ng Diyos

Ang isa sa mga dakilang pagpapalang natanggap natin nang pumarito tayo sa lupa ay ang katawang pisikal. Kailangan natin ng katawang pisikal upang maging katulad ng ating Ama sa Langit. Napakahalaga ng ating katawan kung kaya tinawag ito ng Panginoon na mga templo ng Diyos (tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17; 6:19–20). Ang ating katawan ay banal.

Dahil mahalaga ang ating katawan, nais ng ating Ama sa Langit na pangalagaan nating mabuti ito. Alam Niya na magiging mas maligaya at mas mabubuting tao tayo kung malusog tayo. Ang Espiritu Santo ay mapapasaatin kung malinis ang ating katawan at isipan. Alam ng ating Ama na nahaharap tayo sa mga tuksong tratuhin ang ating katawan sa di-matalinong paraan o kainin at inumin ang mga bagay na makasasama dito. Dahil dito sinabi Niya sa atin kung aling mga bagay ang mabuti para sa ating kalusugan at aling mga bagay ang masama. Karamihan ng impormasyon na ibinigay ng Diyos sa atin tungkol sa mabuting kalusugan ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 89. Ang paghahayag na ito ay tinatawag na Word of Wisdom.

Kailangan nating sundin ang Word of Wisdom upang maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Kung hindi natin susundin ang Word of Wisdom, ang Espiritu ng Panginoon ay lalayo sa atin. Kung dinudumihan natin ang “templo ng Diyos,” na siyang ating katawan, sinasaktan natin ang ating sarili sa pisikal at espirituwal.

Iniuutos sa Ating Huwag Ipasok ang Ilang Partikular na mga Bagay sa Ating Katawan

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na huwag nating ipasok sa ating katawan?

Iniuutos sa atin ng Panginoon na huwag uminom ng alak at matatapang na inumin, na ang ibig sabihin ay mga inuming nagtataglay ng alkohol. Itinuro ng Unang Panguluhan na ang matapang na inumin ay kadalasang nagdudulot ng kalupitan, kahirapan, karamdaman, at salot sa tahanan. Ito ang kadalasang sanhi ng pandaraya, pagkawala ng puri, at pagkawala ng mabuting pagpapasiya. Ito ay isang sumpa sa lahat ng iinom nito. (Tingnan sa “Message of the First Presidency,” Improvement Era, Nob. 1942, 686.) Ang mga inang nagdadalantao na umiinom ng alak ay makapagdudulot ng pinsala sa katawan at isipan ng kanilang mga anak. Ang maraming aksidente sa sasakyan taun-taon ay kagagawan ng mga taong umiinom ng alak.

Sinabi rin sa atin ng Panginoon na ang “tabako ay hindi para sa katawan” (D at T 89:8). Masama ito sa ating katawan at sa ating espiritu. Hindi tayo dapat humitit ng sigarilyo o tabako o gumamit ng tabakong nginunguya. Ipinakita ng mga siyentipiko na ang tabako ang sanhi ng maraming sakit at nakapipinsala sa mga batang hindi pa isinisilang.

Pinayuhan din tayo ng Panginoon laban sa paggamit ng “maiinit na inumin” (D at T 89:9). Sinabi ng mga pinuno ng Simbahan na ang ibig sabihin nito ay kape at tsaa, na nagtataglay ng mga sangkap na nakapipinsala. Dapat nating iwasan ang lahat ng inumin na nagtataglay ng mga sangkap na nakapipinsala.

Hindi tayo dapat gumamit ng gamot maliban kapag ang mga ito ay kailangan bilang medisina o panlunas. Ang ilang gamot ay higit na nakapipinsala kaysa alkohol at tabako (na mga gamot din). Ang mga taong gumagamit ng mga gamot sa maling paraan ay kailangang humingi ng tulong, manalangin para sa kalakasan, at sumangguni sa kanilang bishop para lubusan silang makapagsisi at maging malinis.

Dapat nating iwasan ang anumang bagay na alam nating makapipinsala o makasasama sa ating katawan. Hindi tayo dapat gumamit ng anumang sangkap na nakakagawian na. Dapat din nating iwasan ang pagkain nang labis. Hindi sinasabi ng Word of Wisdom ang lahat ng bagay na dapat nating iwasan o dapat nating kainin at inumin, ngunit binibigyan tayo nito ng gabay. Ito ay mahalagang temporal na batas. Ito rin ay dakilang espirituwal na batas. Sa pagsunod sa Word of Wisdom, tayo ay nagiging mas malakas sa espirituwal. Pinadadalisay natin ang ating katawan upang manahanan sa atin ang Espiritu ng Panginoon.

  • Ano ang ilang bagay na hindi tuwirang binanggit sa Word of Wisdom na dapat nating iwasan?

Tinuturuan Tayo na May Ilang Bagay na Mabuti para sa Ating Katawan

  • Sang-ayon sa Word of Wisdom, ano ang ilang bagay na sinasabi ng Panginoon na mainam para sa atin?

Ang mga bungang-kahoy, gulay, at mabuting halaman ay mainam para sa atin. Dapat nating gamitin ang mga ito nang may karunungan at pasasalamat.

Ang laman ng mga ibon at hayop ay inilaan din bilang pagkain natin. Gayunman, dapat paunti-unti lamang ang pagkain natin ng karne (tingnan sa D at T 49:18; 89:12). Mabuti rin para sa atin ang kumain ng isda.

Ang mga butil ay mabuti para sa atin. Ang trigo ay lalong mabuti para sa atin.

  • Paano kayo napagpala ng paggamit ng mga bagay na ito?

Ang Pagtatrabaho, Pamamahinga, at Ehersisyo ay Mahalaga

  • Ano ang kinalaman ng pagtatrabaho, pamamahinga, at ehersisyo sa batas ng Panginoon ukol sa kalusugan?

Bilang karagdagan sa Doktrina at mga Tipan 89, ang iba pang mga banal na kasulatan ay nagsasabi sa atin kung paano maging malusog. Sinasabi ng mga ito sa atin na dapat tayong “tumigil sa pagiging tamad; tumigil sa pagiging marumi; … tumigil sa pagtulog nang mahaba kaysa sa kinakailangan; magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (D at T 88:124). Sinabihan din tayo, “Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain” (Exodo 20:9). Pinapayuhan tayo ng Panginoon na huwag gumawa nang labis kaysa makakaya ng ating lakas (tingnan sa D at T 10:4).

Isang propeta sa mga huling araw ang nagsabi sa atin na dapat nating panatilihing malusog ang ating katawan. Payo niya, “Ang masustansiyang mga pagkain, regular na ehersisyo, at wastong haba ng tulog ay kailangan para lumakas ang katawan, tulad din ng pagpapalakas na ginagawa ng palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin sa isipan at espiritu” (Thomas S. Monson, sa Conference Report, Okt. 1990, 60; o Ensign, Nob. 1990, 46).

Mga Pangakong Pagpapala sa Pagsunod sa Batas ng Panginoon Ukol sa Kalusugan

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa atin kapag sinusunod natin ang Word of Wisdom?

Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng mga batas ng kalusugan upang turuan tayo kung paano pangalagaan ang ating katawan. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga batas ng Diyos: “Walang temporal na kautusan akong ibinigay … , sapagkat ang aking mga kautusan ay espirituwal” (D at T 29:35). Ibig sabihin ang Kanyang mga kautusan tungkol sa ating pisikal na kalagayan ay para sa ating espirituwal na kapakanan.

Kapag tinutupad natin ang batas ng Panginoon sa kalusugan at sinusunod ang iba pa Niyang mga kautusan, nangangako ang Panginoon na tatanggap tayo ng pisikal at espirituwal na mga pagpapala.

Sa pisikal ay pinangakuan tayo ng mabuting kalusugan. Bilang bunga ng mabuting kalusugang ito tayo ay “tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina” (D at T 89:20). Ito ay malaking pagpapala, ngunit ang mga espirituwal na pagpapalang ipinangako Niya sa atin ay higit pa sa pisikal na mga pagpapala.

Ipinapangako sa atin ng Panginoon na tayo ay “makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan” (D at T 89:19). Ituturo sa atin ng Espiritu Santo ang mahahalagang katotohanan sa pamamagitan ng paghahayag. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang ating katawang pisikal ang instrumento ng ating espiritu. Sa kagila-gilalas na paghahayag ng Word of Wisdom, sinabihan tayo kung paano pananatilihin ang ating katawan na malaya sa mga karumihan na maaaring magpahina, at makasira, sa maseselang pisikal na pandamdam na may kaugnayan sa espirituwal na komunikasyon. Ang Word of Wisdom ay susi sa indibiduwal na paghahayag” (sa Conference Report, Okt. 1989, 16; o Ensign, Nob. 1989, 14).

Nangangako rin ang Panginoon na lalampasan tayo ng mapamuksang anghel. Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, “Kung hangad natin ang mga pagpapala ng buhay, ng kalusugan, ng lakas ng katawan at isip; kung hangad nating lampasan tayo ng mapamuksang anghel, gaya ng ginawa niya noong kapanahunan ng mga anak ni Israel, kailangan nating sundin ang Word of Wisdom; sa gayon ay nakatali ang Diyos [sa Kanyang mga pangako], at mapapasaatin ang mga pagpapala” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant [2002], 215).

  • Paano natin matutulungan ang mga bata at mga kabataan na maunawaan ang walang hanggang kahalagahan ng Word of Wisdom?

  • Ano ang maaari nating gawin para tulungan ang mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan na nahihirapang sumunod sa Word of Wisdom?

Karagdagang mga Banal na Kasulatan