Kabanata 46
Ang Huling Paghuhukom
Mga Paghuhukom ng Diyos
-
Ano ang ilang magkakaibang paghuhukom na darating bago ang Huling Paghuhukom? Paanong nagkakaugnay ang mga paghuhukom na ito sa isa’t isa?
Madalas sabihin sa atin sa mga banal na kasulatan na darating ang araw na tatayo tayo sa harapan ng Diyos at hahatulan. Kailangan nating maunawaan kung paano nagaganap ang paghatol upang mas makapaghanda tayo para sa mahalagang pangyayaring ito.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na lahat tayo ay hahatulan ayon sa ating mga gawa: “At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng [Diyos]; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa” (Apocalipsis 20:12; tingnan din sa D at T 76:111; 1 Nephi 15:32; Abraham 3:25–28). Hahatulan din tayo “alinsunod sa pagnanais ng [ating] mga puso” (D at T 137:9; tingnan din sa Alma 41:3).
Dito sa lupa madalas tayong hatulan kung karapat-dapat ba tayong magkaroon ng pagkakataong makapasok sa kaharian ng Diyos. Noong tayo ay bininyagan nahatulan tayong karapat-dapat na tumanggap ng ordenansang ito. Kapag tinawag tayong maglingkod sa Simbahan o nainterbyu para sa pagsulong sa priesthood o para magkaroon ng temple recommend, tayo ay hinahatulan.
Itinuro ni Alma na kapag namatay tayo ang ating mga espiritu ay dinadala sa isang kalagayan ng kaligayahan o ng labis na kalungkutan (tingnan sa Alma 40:11–15). Ito ay isang paghatol.
Ang Ating mga Salita, Gawa, at Pag-iisip ay Ginagamit Upang Hatulan Tayo
-
Isiping hinahatulan kayo sa lahat ng inyong pag-iisip, salita, at gawa.
Nagpatotoo si propetang Alma, “Ang ating mga salita ang hahatol sa atin, oo, lahat ng ating mga gawa ang hahatol sa atin; … at ang ating mga pag-iisip ang hahatol din sa atin” (Alma 12:14).
Sinabi ng Panginoon: “Bawa’t salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom. Sapagka’t sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka” (Mateo 12:36–37).
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na maging handa para sa Huling Paghuhukom. Sa pamamagitan ng pagiging tapat na disipulo sa Kanya at pagsisisi sa lahat ng ating mga kasalanan, maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan at magiging dalisay at banal upang makapanirahan tayo sa piling ng Diyos. Sa pagsisisi ng ating mga kasalanan, pagtalikod sa bawat masamang kaisipan at gawain, babaguhin ng Espiritu Santo ang ating mga puso upang hindi na natin hangarin pang gumawa ng kasalanan (tingnan sa Mosias 5:2). At kapag hinatulan tayo, makikitang handa na tayong pumasok sa kinaroroonan ng Diyos.
-
Isipin kung ano ang maaari ninyong gawin upang mapagbuti ang inyong pag-iisip, salita, at gawa.
Hahatulan Tayo sa Pamamagitan ng mga Talaan
-
Mula saang talaan tayo hahatulan? Sino ang hahatol sa atin?
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang mga namatay ay hahatulan mula sa mga talaan na iniingatan sa lupa. Hahatulan din tayo mula sa “aklat ng buhay,” na iniingatan sa langit (tingnan sa D at T 128:6–8).
“Bawat isa sa inyo … ay kailangang humarap sa ‘hukumang-luklukan ng Banal ng Israel … at … kailangang hatulan alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.’ (2 Nephi 9:15.) At ayon sa pangitain ni Juan, ‘Nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.’ (Apoc. 20:12.) Ang ‘mga aklat’ na binanggit ay tumutukoy sa ‘mga talaan [ng inyong mga gawa na] iningatan sa lupa. … [Ang] aklat ng buhay ang talaang iningatan sa langit.’ (Doktrina at mga Tipan 128:7.)” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 266).
May isa pang talaan na gagamitin upang hatulan tayo. Itinuro ni Apostol Pablo na tayo mismo ay talaan ng ating buhay (tingnan sa Mga Taga Roma 2:15). Taglay ng ating katawan at isipan ang kumpletong kasaysayan ng lahat ng bagay na ating ginawa. Itinuro ni Pangulong John Taylor ang katotohanang ito: “[Ang tao] mismo ang nagsasalaysay ng kuwento, at nagpapatunay laban sa kanyang sarili. … Ang talaang iyon na ikinintal ng tao mismo sa kanyang isipan, ang talaang iyon na hindi makapagsisinungaling ay mabubuksan sa araw na iyon sa harap ng Diyos at mga anghel, at sa mga uupo bilang mga hukom” (Deseret News, Mar. 8, 1865, 179).
Itinuro ni Apostol Juan na “ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol” (Juan 5:22). Ang Anak naman ay hihirang ng iba upang tumulong sa Paghuhukom. Ang Labindalawa na kasama Niya sa Kanyang ministeryo ang hahatol sa labindalawang angkan ni Israel (tingnan sa Mateo 19:28; Lucas 22:30). Ang labindalawang disipulong Nephita ang hahatol sa mga Nephita at Lamanita (tingnan sa 1 Nephi 12:9–10; Mormon 3:18–19).
Pagmamana ng Lugar sa Isang Kaharian ng Kaluwalhatian
-
Paano maiimpluwensyahan ng ating katapatan sa buhay natin sa lupa ang ating buhay sa kawalang-hanggan?
Sa Huling Paghuhukom tayo ay magmamana ng isang lugar sa kaharian na pinaghandaan natin. Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang tungkol sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian—ang kahariang selestiyal, ang kahariang terestriyal, at ang kahariang telestiyal (tingnan sa D at T 88:20–32).
Sa Doktrina at mga Tipan 76, inilarawan ng Panginoon ang maaari nating piliin na mga paraan ng pamumuhay sa mundo. Ipinaliwanag Niya na ang ating mga desisyon ang magpapasiya kung saang kaharian tayo nakahanda. Malalaman natin mula sa paghahayag na ito na maging ang mga miyembro ng Simbahan ay magmamana ng magkakaibang kaharian dahil hindi sila pare-parehong matapat at magiting sa kanilang pagsunod kay Cristo.
Ang sumusunod ay ang mga uri ng pamumuhay na maaari nating piliin at ang mga kahariang makakamtan natin dahil sa ating mga pagpili.
Selestiyal
“Sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan at nabinyagan, … na sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan sila ay maaaring mahugasan at malinis mula sa lahat ng kanilang kasalanan, at tumanggap ng Banal na Espiritu.” Sila ang mga dumaig sa sanglibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Sila ay mga matwid at matapat kung kaya maibubuklod sa kanila ng Espiritu Santo ang kanilang mga pagpapala. (Tingnan sa D at T 76:51–53). Ang mga magmamana ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, na nagiging mga diyos, ay kailangan ding ikinasal sa kawalang-hanggan sa templo (tingnan sa D at T 131:1–4). Lahat ng magmamana ng kahariang selestiyal ay mamumuhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo magpakailanman (tingnan sa D at T 76:62).
Sa pamamagitan ng gawaing ginagawa natin sa templo, lahat ng taong nabuhay sa mundo ay magkakaroon ng pantay na pagkakataong tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo at ang mga ordenansa ng kaligtasan upang makapagmana sila ng lugar sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.
Terestriyal
Sila ang mga tumanggi sa ebanghelyo sa lupa ngunit pagkatapos ay tinanggap ito sa daigdig ng mga espiritu. Sila ang mga kagalang- galang na tao sa mundo na naging bulag sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa panlilinlang ng mga tao. Sila rin ang mga tumanggap ng ebanghelyo at patotoo tungkol kay Jesus ngunit hindi naging matatag. Sila ay dadalawin ni Jesucristo ngunit hindi ng ating Ama sa Langit. (Tingnan sa D at T 76:73–79).
Telestiyal
Ang mga taong ito ay hindi tinanggap ang ebanghelyo o ang patotoo kay Jesus maging sa lupa o sa daigdig ng mga espiritu. Pagdurusahan nila ang kanilang sariling mga kasalanan sa impiyerno hanggang sa matapos ang Milenyo, kung kailan sila ay mabubuhay na mag-uli. “Sila ang mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.” Ang mga taong ito ay kasingdami ng mga bituin sa langit at ng mga buhangin sa dalampasigan. Dadalawin sila ng Espiritu Santo ngunit hindi ng Ama o ng Anak. (Tingnan sa D at T 76:81–88, 103–6, 109.)
Malayong Kadiliman
Sila ang mga nagkaroon ng patotoo kay Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo at nakilala ang kapangyarihan ng Panginoon ngunit nagpadaig sila kay Satanas. Itinatwa nila ang katotohanan at sinalungat ang kapangyarihan ng Panginoon. Walang kapatawaran para sa kanila, sapagkat itinatwa nila ang Banal na Espiritu matapos na matanggap ito. Hindi sila magkakaroon ng kaharian ng kaluwalhatian. Sila ay mamumuhay sa walang hanggang kadiliman, paghihirap, at pagdurusa kasama si Satanas at ang kanyang mga kampon magpakailanman. (Tingnan sa D at T 76:28–35, 44–48.)
-
Ayon sa Doktrina at mga Tipan 76:50–53, 62–70, ano ang mga katangian ng isang taong dinadaig ang mundo sa pamamagitan ng pananampalataya at matatag sa patotoo kay Jesus?
Dapat Tayong Maghanda Ngayon para sa Paghuhukom
-
Ano ang kailangan nating gawin upang maging handa para sa Huling Paghuhukom?
Sa katunayan, ang bawat araw ay araw ng paghuhukom. Tayo ay nagsasalita, nag-iisip, at kumikilos batay sa batas na selestiyal, terestriyal, o telestiyal. Ang ating pananampalataya kay Jesucristo, na ipinapakita ng ating mga kilos sa araw-araw, ang nagpapasiya kung aling kaharian ang ating mamanahin.
Nasa atin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa kaganapan nito. Ang ebanghelyo ang batas ng kahariang selestiyal. Lahat ng mga ordenansa ng priesthood na kailangan para sa ating pag-unlad ay inihayag na. Lumusong na tayo sa mga tubig ng binyag at gumawa ng tipan na mamumuhay nang tulad ni Cristo. Kung tayo ay matapat at tinutupad ang mga tipan na ating ginawa, sinabi sa atin ng Panginoon kung ano ang magiging kahatulan natin. Sasabihin Niya sa atin, “Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan” (Mateo 25:34).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
-
Mga Taga Roma 2:6–9; Apocalipsis 20:12–13 (ang Paghuhukom)
-
Alma 11:41, 45; Mormon 7:6; 9:13–14 (hahatulan tayo kapag tayo ay nabuhay nang muli)
-
2 Nephi 29:11; 3 Nephi 27:23–26 (mga aklat na gamit sa Paghuhukom)
-
Alma 41:2–7 (ang ating kahatulan ay ibabatay sa ating mga gawa, mga hangarin ng ating puso, pagsisisi, pagtitiis hanggang sa wakas)
-
Mormon 3:22 (magsisi at maghandang tumayo sa harap ng hukumang-luklukan)
-
Lucas 12:47–48; D at T 82:3 (kung kanino marami ang ibinigay, marami ang inaasahan)
-
D at T 88:16–33 (tatanggapin ng bawat isa sa atin ang nararapat na mapasaatin)